Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pananampalataya ang Makapagpapabago ng Iyong Buhay

Pananampalataya ang Makapagpapabago ng Iyong Buhay

Pananampalataya ang Makapagpapabago ng Iyong Buhay

“PUWEDENG-PUWEDE na magkaroon ng mabuting kaasalan kahit walang Diyos.” Ganiyan ang iginiit ng isang agnostiko. Sinabi niya na napalaki niya ang kaniyang mga anak nang may mataas na pamantayang moral, at sila naman ay nagpalaki ng kanilang mga anak nang may gayunding kataas na mga pamantayan​—na pawang hindi nananampalataya sa Diyos.

Nangangahulugan ba ito na hindi na kailangan ang pananampalataya sa Diyos? Maliwanag, ganoon nga ang inakala ng taong ito. At totoo na hindi naman bawat hindi naniniwala sa Diyos ay isa nang masamang tao. Bumanggit si apostol Pablo tungkol sa “mga tao ng mga bansa” na hindi nakakakilala sa Diyos ngunit “gumagawa nang likas sa mga bagay ng batas.” (Roma 2:14) Lahat​—pati na ang mga agnostiko​—ay isinilang na may budhi. Marami ang nagsisikap na sundin ang idinidikta ng kanilang budhi kahit na hindi sila naniniwala sa Diyos na nagbigay sa kanila ng gayong likas na pang-unawa sa tama at mali.

Gayunman, ang matatag na pananampalataya sa Diyos​—isa na nakasalig sa Bibliya​—ay higit na mas makapangyarihang puwersa ukol sa ikabubuti kaysa sa di-ginagabayang patnubay ng budhi. Ang pananampalatayang salig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang nagtuturo sa budhi, anupat ginagawa itong higit na sensitibo sa pagkilala sa tama at mali. (Hebreo 5:14) Bukod dito, pinatitibay ng pananampalataya ang mga tao na mapanatili ang mataas na mga pamantayan sa harap ng matinding panggigipit. Halimbawa, noong ika-20 siglo, maraming bansa ang napailalim sa kapangyarihan ng tiwaling mga pulitikal na rehimen, na pumilit sa waring disenteng mga tao na gumawa ng grabeng mga kabuktutan. Gayunman, yaong mga may tunay na pananampalataya sa Diyos ay tumangging ikompromiso ang kanilang mga simulain, kahit na isapanganib nito ang kanilang buhay. Bukod dito, ang salig-Bibliyang pananampalataya ay makapagpapabago sa mga tao. Masasagip nito ang mga buhay na waring naligaw at matutulungan ang mga tao na iwasan ang malulubhang pagkakamali. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

Mababago ng Pananampalataya ang Buhay Pampamilya

“Dahil sa inyong pananampalataya ay nagawa ninyo ang imposible.” Ganiyan ang sinabi ng isang hukom na Ingles nang ibaba niya ang kaniyang hatol hinggil sa karapatan sa pangangalaga sa mga anak nina John at Tania. Nang makaabot sa pansin ng mga awtoridad ang tungkol kina John at Tania, sila’y hindi kasal at napakahirap ng kanilang buhay bilang pamilya. Si John, palibhasa’y lulong sa droga at pagsusugal, ay bumaling sa paggawa ng krimen upang matustusan ang kaniyang mga bisyo. Pinabayaan niya ang kaniyang mga anak at ang ina ng mga ito. Kaya, anong “himala” ang nangyari?

Isang araw, narinig ni John ang kaniyang batang pamangkin na nagsasalita tungkol sa Paraiso. Palibhasa’y napukaw ang pansin, tinanong niya ang mga magulang ng bata. Ang mga magulang ay mga Saksi ni Jehova, at tinulungan nila si John na matutuhan ang tungkol dito mula sa Bibliya. Unti-unting nagkaroon ng salig-Bibliyang pananampalataya sina John at Tania na nagpabago sa kanilang buhay. Ginawa nilang legal ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa at tinalikdan ang kanilang mga bisyo. Nasumpungan ng mga awtoridad na nagsuri sa kanilang sambahayan ang isang bagay na waring imposible bago ang nagdaang maikling panahon​—isang maligayang pamilya sa isang malinis na tahanan, isang kaayaayang lugar na pagpapalakihan ng mga anak. Tama ang hukom sa pagsasabing ang bagong natagpuang pananampalataya nina John at Tania ang siyang dahilan ng “himalang” ito.

Libu-libong kilometro mula sa Inglatera, isang kabataang asawang babae sa Near East ang mapapabilang na sana sa isang napakalungkot na estadistika. Nagbabalak siyang tumulad sa milyun-milyon na nagdidiborsiyo taun-taon. Mayroon siyang anak, ngunit napakalaki ng tanda sa kaniya ng kaniyang asawa. Dahilan dito, hinimok siya ng kaniyang mga kamag-anak na makipagdiborsiyo na, at talagang sinimulan na nga niyang isaayos na gawin iyon. Subalit siya ay nakikipag-aral ng Bibliya sa isang Saksi ni Jehova. Nang malaman ng Saksi ang situwasyon, ipinaliwanag nito kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa​—halimbawa, na ang pag-aasawa ay isang kaloob mula sa Diyos at hindi isang bagay na basta na lamang itatapon. (Mateo 19:4-6, 9) Sinabi ng babae sa kaniyang sarili, ‘Nakapagtataka na ang babaing ito, na isang estranghera, ay nagsisikap na sagipin ang aming pamilya samantalang yaong mga malapit sa akin ay nagnanais namang sirain ito.’ Tinulungan siya ng kaniyang bagong natamong pananampalataya na maingatan ang kaniyang pag-aasawa.

Ang isang malungkot na estadistika na may epekto sa buhay pampamilya ay may kinalaman sa aborsiyon. Tinaya ng isang ulat ng United Nations na taun-taon ay di-kukulangin sa 45 milyong di-pa-naisisilang na sanggol ang kusang ipinalalaglag. Bawat gayong pangyayari ay isang trahedya. Ang kaalaman sa Bibliya ay nakatulong sa isang babae sa Pilipinas na maiwasang mapasama sa gayong estadistika.

Ang babae ay nakausap ng mga Saksi ni Jehova, tumanggap ng isang brosyur sa pag-aaral ng Bibliya na pinamagatang Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, * at nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Pagkalipas ng ilang buwan, ipinaliwanag niya kung bakit. Ang babae ay nagdadalang-tao nang una siyang dalawin ng mga Saksi, ngunit ipinasiya nilang mag-asawa na ipalaglag ang sanggol. Gayunman, ang larawan ng di-pa-naisisilang na sanggol sa pahina 24 ng brosyur ay nakaantig sa puso ng babae. Ang kalakip na salig-Bibliyang paliwanag na ang buhay ay sagrado sapagkat ‘nasa Diyos ang bukal ng buhay’ ang nagtulak sa kaniya upang huwag ipalaglag ang kaniyang sanggol. (Awit 36:9) Ngayon ay isa na siyang ina ng isang maganda at malusog na sanggol.

Tumutulong ang Pananampalataya sa mga Hinahamak

Sa Etiopia, dalawang lalaki na hindi maayos ang pananamit ang dumalo sa isang pulong ukol sa pagsamba na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova. Nang matapos ang pulong, isang Saksi ang nakipagkilala sa kanila sa isang palakaibigang paraan. Ang mga lalaki ay humingi ng limos. Ang Saksi ay nagbigay sa kanila, hindi ng salapi, kundi ng isang bagay na mas mainam. Pinasigla niya sila na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, na “may lalong nakahihigit na halaga kaysa ginto.” (1 Pedro 1:7) Isa sa kanila ang tumugon at nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Binago nito ang kaniyang buhay. Habang lumalaki ang kaniyang pananampalataya, inihinto niya ang paninigarilyo, labis na pag-inom, imoralidad, at ang paggamit ng ikmo (isang nakasusugapang pampasigla). Natuto siya kung paano tutustusan ang sarili sa halip na mamalimos at siya ngayon ay namumuhay nang malinis at kapaki-pakinabang.

Sa Italya, isang 47-anyos na lalaki ang sinentensiyahang mabilanggo nang sampung taon at ipiniit sa isang panghukumang ospital para sa sakit sa isip. Isa sa mga Saksi ni Jehova na awtorisadong pumasok sa mga institusyon ng bilangguan upang magbigay ng espirituwal na tulong ang nakipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Mabilis ang naging pagsulong ng lalaki. Binago ng pananampalataya ang kaniyang buhay nang gayon na lamang anupat ang ibang bilanggo ngayon ay humihingi ng payo sa kaniya kung paano haharapin ang kanilang mga problema. Ang kaniyang salig-Bibliyang pananampalataya ang dahilan kung kaya natamo niya ang paggalang, pagpapahalaga, at pagtitiwala ng mga awtoridad sa bilangguan.

Nitong nakaraang mga taon, iniulat ng mga pahayagan ang mga gera sibil sa Aprika. Lalo nang nakapanghihilakbot ang mga ulat tungkol sa mga kabataang lalaki na sinasanay bilang mga sundalo. Ang mga batang ito ay pinainom ng droga, pinahirapan, at pinilit na alisin ang makataong paggawi para sa kanilang mga kamag-anak upang matiyak na sila ay magiging tapat lamang sa pangkat na ipinakikipaglaban nila. Kaya pa kaya ng salig-Bibliyang pananampalataya na baguhin ang buhay ng gayong mga kabataan? Sa dalawang pangyayari sa paanuman, oo.

Sa Liberia, naglingkod si Alex bilang sakristan sa Simbahang Katoliko. Subalit sa edad na 13, umanib siya sa isang nakikipagdigmang pangkat at naging napakasamang batang sundalo. Upang siya’y maging matapang sa pakikidigma, bumaling siya sa panggagaway. Nakita ni Alex na marami sa kaniyang mga kasamahan ang napatay, ngunit siya ay nakaligtas. Noong 1997, nakatagpo niya ang mga Saksi ni Jehova at nakita niyang hindi nila siya hinamak. Sa halip, tinulungan nila siya na malaman ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa karahasan. Iniwan ni Alex ang hukbo. Habang lumalaki ang kaniyang pananampalataya, sinunod niya ang utos ng Bibliya: “Talikuran niya ang masama at gawin ang mabuti; hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod ito.”​—1 Pedro 3:11.

Samantala, ang dating batang sundalo na nagngangalang Samson ay dumating sa bayan na kinaroroonan ngayon ni Alex. Dati siyang miyembro ng koro ngunit noong 1993, siya ay naging sundalo at nasangkot sa pag-aabuso sa droga, espiritismo, at imoralidad. Noong 1997, siya ay inalis. Si Samson ay patungo sa Monrovia upang umanib sa isang pantanging puwersang panseguridad nang isang kaibigan ang humimok sa kaniya na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at bunga nito, nagkaroon siya ng isang salig-Bibliyang pananampalataya. Ito ang nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob upang talikuran ang kaniyang hilig sa pakikidigma. Sina Alex at Samson ay kapuwa namumuhay ngayon nang payapa at may magandang asal. Mayroon pa bang makapagpapabago sa buhay na labis na pinapaghirap bukod sa salig-Bibliyang pananampalataya?

Ang Tamang Uri ng Pananampalataya

Ito ay ilan lamang sa napakaraming halimbawa na maaaring mabanggit upang ilarawan ang kapangyarihan ng tunay na pananampalataya na salig sa Bibliya. Siyempre pa, hindi lahat ng basta nag-aangking naniniwala sa Diyos ay namumuhay na nga na kasuwato ng matataas na pamantayan ng Bibliya. Sa katunayan, ang ilang ateista ay baka namumuhay nang mas mabuti kaysa sa ilang nag-aangking mga Kristiyano. Iyan ay dahil sa ang nasasangkot sa salig-Bibliyang pananampalataya ay higit pa kaysa sa basta pag-aangkin lamang ng paniniwala sa Diyos.

Tinukoy ni apostol Pablo ang pananampalataya bilang “ang mapananaligang pag-asam sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Kaya, kalakip sa pananampalataya ang matibay na paniniwala​—salig sa di-matututulang katibayan​—sa mga bagay na di-nakikita. Lalo nang kasangkot dito ang kawalan ng anumang pag-aalinlangan sa pag-iral ng Diyos, na siya ay interesado sa atin, at na pagpapalain niya yaong gumagawa ng kaniyang kalooban. Sinabi rin ng apostol: “Siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga [ay umiiral] at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.”​—Hebreo 11:6.

Ito ang uri ng pananampalataya na nagpabago sa buhay nina John, Tania, at ng iba pa na binanggit sa artikulong ito. Inakay sila nito upang lubos na magtiwala sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ukol sa patnubay kapag gumagawa ng mga pasiya. Tinulungan sila nito na pansamantalang magsakripisyo upang hindi tahakin ang isang maalwan, ngunit maling landasin. Bagaman iba-iba ang bawat karanasan, lahat ay nagsimula sa iisang paraan. Isang Saksi ni Jehova ang nakipag-aral ng Bibliya sa mga indibiduwal na ito, at naranasan nila ang katotohanan ng sinasabi ng Bibliya: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Nakatulong ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos sa bawat indibiduwal na malinang ang matibay na pananampalataya na nagpabago sa kaniyang buhay ukol sa ikabubuti.

Ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo sa mahigit na 230 lupain at mga isla sa dagat. Inaanyayahan ka nila na mag-aral ng Bibliya. Bakit? Sapagkat kumbinsido sila na ang salig-Bibliyang pananampalataya ay makapagdudulot din ng malalaking pagsulong sa buhay mo.

[Talababa]

^ par. 10 Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Mga larawan sa pahina 3]

Ang salig-Bibliyang pananampalataya ang nakapagpapabago sa buhay ukol sa ikabubuti

[Picture Credit Line sa pahina 2]

Title card of Biblia nieświeska by Szymon Budny, 1572