Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Makahulang Salita ng Diyos ay Nagbibigay ng Pag-asa sa Kinabukasan

Ang Makahulang Salita ng Diyos ay Nagbibigay ng Pag-asa sa Kinabukasan

Ang Makahulang Salita ng Diyos ay Nagbibigay ng Pag-asa sa Kinabukasan

DAHIL sa Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, tinatanaw ng tunay na mga Kristiyano ang kinabukasan taglay ang pananampalataya, pag-asa, at pagkaoptimistiko. Palibhasa’y tiwasay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos na Jehova, inaasam-asam nila ang pagdating ng kinabukasan. Gaya ng ipinaliwanag ng pambukas na pahayag sa “Makahulang Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon, ang mga Saksi ni Jehova ay maraming taon nang naging masisigasig na estudyante ng hula ng Bibliya. Kung gayon, ano kaya ang inilaan ni Jehova sa kaniyang bayan sa mga kombensiyong ito? Samantalang hawak ang kanilang Bibliya, sabik na sabik ang lahat ng mga tagapakinig na malaman ito. Ang tema para sa bawat araw ng kombensiyon ay inihaharap sa iba’t ibang subtitulo.

UNANG ARAW: Paglakad sa Liwanag ng Salita ng Diyos

Ipinaliwanag ng pahayag na “Inakay Tayo ng Salita ng Diyos” na ang bayan ni Jehova ay tulad sa isang tao na nagpasimulang maglakbay sa kadiliman ng gabi. Habang sumisikat ang araw, nakaaaninag lamang siya, subalit nang tumirik na ang araw, nakikita na niya nang malinaw ang detalye. Gaya ng inihula sa Kawikaan 4:18, maliwanag na nakikita ng bayan ni Jehova ang kanilang daan dahil sa maningning na liwanag ng katotohanan mula sa makahulang salita ng Diyos. Hindi sila pinababayaang madapa sa espirituwal na kadiliman.

Ang pinakatemang pahayag, “Magbigay-Pansin sa Makahulang Salita ng Diyos,” ay nagpaalaala sa mga tagapakinig na yaong mga umaasa kay Jehova ay hindi dumaranas ng kabiguan at pagkasiphayo na gaya niyaong mga tao na sumusunod sa huwad na mga mesiyas at huwad na mga propeta. Sa kabaligtaran, ang mga katibayan ng pagkakakilanlan sa tunay na Mesiyas, si Jesu-Kristo, ay napakarami! Halimbawa, ang makahimalang pagbabagong-anyo ni Jesus ay nagbigay ng silahis ng liwanag tungkol sa kaniya bilang ang iniluklok na Hari ng Kaharian ng Diyos. Sapol nang maluklok sa kapangyarihan ng Kaharian noong 1914, si Jesus din ay naging ang “bituing pang-araw” na binanggit sa 2 Pedro 1:19. “Bilang ang Mesiyanikong Bituing Pang-araw, ibinabalita niya ang isang bagong araw, o panahon, na nagbubukang-liwayway para sa lahat ng masunuring tao,” ang sabi ng tagapagsalita.

Sa pagpapasimula ng programa sa hapon, pinalawak ng pahayag na “Sumisikat Bilang mga Tagapagbigay-Liwanag” ang Efeso 5:8, kung saan pinapayuhan tayo ni apostol Pablo na “lumakad gaya ng mga anak ng liwanag.” Ang mga Kristiyano ay mga tagapagbigay-liwanag, hindi lamang sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Salita ng Diyos sa iba kundi sa pamamagitan din naman ng pagkakapit sa kanilang buhay ng sinasabi ng Bibliya bilang pagtulad kay Jesus.

Upang maging ang uring ito ng tagapagbigay-liwanag, dapat tayong “Magkaroon ng Kasiyahan sa Pagbabasa ng Salita ng Diyos.” Ang paksang ito ay ipinahayag sa tatlong-bahaging simposyum. Pagkatapos sipiin si Abraham Lincoln, na siyang nagtaguri sa Bibliya bilang “ang pinakamahusay na kaloob na ibinigay kailanman ng Diyos sa tao,” itinanong ng unang tagapagsalita sa mga tagapakinig kung ano ang isinisiwalat ng kanilang kaugalian sa pagbabasa hinggil sa lalim ng kanilang pagpapahalaga sa Salita ni Jehova. Pinasigla ang mga tagapakinig na basahing mabuti ang Bibliya, anupat gumugugol ng panahon upang ilarawan sa isip ang mga ulat sa Kasulatan at iniuugnay ang bagong mga natutuhan sa mga bagay na dati nang alam.

Binigyang-diin ng sumunod na bahagi ng simposyum ang pangangailangang mag-aral, hindi basta magbasa lamang, upang matunaw natin ang “matigas na pagkain.” (Hebreo 5:13, 14) Ang pag-aaral ay talagang nakapagpapatibay, ang sabi ng tagapagsalita, kung patiuna nating ‘ihahanda ang ating mga puso,’ gaya ng ginawa ng saserdoteng Israelita na si Ezra. (Ezra 7:10) Subalit bakit napakahalaga ng pag-aaral? Sapagkat ito’y may tuwirang epekto sa ating kaugnayan kay Jehova. Kaya naman, ang pag-aaral ng Bibliya ay dapat na maging mahalaga, kasiya-siya, at nakagiginhawa, bagaman nangangailangan ito ng pagdidisiplina sa isip at pagsisikap. Paano tayo nagkakaroon ng panahon para sa makabuluhang pag-aaral? Sa pamamagitan ng ‘pagbili sa naaangkop na panahon’ mula sa mga gawaing hindi gaanong importante, ang sabi ng panghuling tagapagsalita sa simposyum. (Efeso 5:16) Oo, ang susi sa pagkakaroon ng panahon ay ang paggamit ng ating panahon sa pinakamabuting paraan.

Inaamin ng pahayag na “Pinalalakas ng Diyos ang Nanghihimagod” na maraming tao sa ngayon ang pagod. Upang taglayin natin ang “lakas na higit sa karaniwan” para sa Kristiyanong ministeryo, kailangan tayong manalig kay Jehova, na siyang “nagbibigay ng kapangyarihan sa pagod.” (2 Corinto 4:7; Isaias 40:29) Kalakip sa nakapagpapalakas na pantulong ang Salita ng Diyos, panalangin, ang Kristiyanong kongregasyon, regular na pakikibahagi sa ministeryo, mga Kristiyanong tagapangasiwa, at ang tapat na halimbawa ng iba. Itinampok ng paksang “Maging mga Guro Dahilan sa Panahon” ang pangangailangan para sa mga Kristiyano na maging mga guro at mga mángangarál at magsumikap sa pagpapaunlad ng “sining ng pagtuturo.”​—2 Timoteo 4:2.

Ang pangwakas na pahayag sa araw na iyon, “Ang mga Lumalaban sa Diyos ay Hindi Mananaig,” ay bumanggit sa kamakailang nabubulagang pagsisikap na bansagan ang mga Saksi ni Jehova sa ilang lupain bilang mapanganib na kulto. Subalit hindi tayo dapat matakot, sapagkat sinasabi ng Isaias 54:17: “ ‘Ang anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay iyong hahatulan. Ito ang minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova, at ang kanilang katuwiran ay mula sa akin,’ ang sabi ni Jehova.”

IKALAWANG ARAW: Inihayag ang mga Bagay sa Pamamagitan ng Makahulang mga Kasulatan

Matapos pag-usapan ang teksto sa Bibliya sa araw na iyon, nasiyahan ang mga nagkakatipon sa ikalawang simposyum ng kombensiyon, na pinamagatang “Pagluwalhati kay Jehova Bilang mga Tagapagdala ng Liwanag.” Ipinakita ng unang pahayag na ang tunguhin ng isang Kristiyano ay ang luwalhatiin si Jehova sa pamamagitan ng pangangaral sa lahat ng dako. Binanggit ng sumunod na bahagi ang pangangailangang akayin ang mga tumutugon tungo sa organisasyon ng Diyos. Paano? Sa pamamagitan ng paggugol natin ng lima o sampung minuto bago o pagkatapos ng bawat pantahanang pag-aaral sa Bibliya upang ipakita kung paano kumikilos ang organisasyon ng Diyos. Idiniin ng ikatlong pahayag ng simposyum na ito ang pangangailangang luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng maiinam na gawa.

Tinalakay ng pahayag na “Lubhang Mahalin ang mga Paalaala ni Jehova” ang piling mga talata sa Awit 119. Tiyak, tayo’y nangangailangan ng paalaala, sapagkat tayong lahat ay may tendensiyang makalimot. Kung gayon, napakahalaga nga na paunlarin natin ang pag-ibig sa mga paalaala ni Jehova, tulad ng ginawa ng salmista!

Pagkatapos ay sumapit ang isang tampok na bahagi​—ang pahayag sa bautismo na pinamagatang “Umaakay sa Bautismo ang Pakikinig sa Makahulang Salita.” Ipinaalaala sa mga kandidato ng bautismo na tinutularan nila si Kristo hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapabautismo kundi sa maingat na pagsunod din naman sa kaniyang mga yapak. (1 Pedro 2:21) Anong laking pribilehiyo para sa mga baguhang ito na makibahagi sa katuparan ng Juan 10:16, kung saan inihula ni Jesus na kaniyang titipunin ang “ibang tupa” upang maglingkod na kabalikat ng kaniyang mga alagad na pinahiran ng espiritu!

Sa pagpapasimula ng programa sa hapon, ipinaliwanag ng pahayag na “Makinig sa Sinasabi ng Espiritu” na ang espiritu ni Jehova ay nakikipag-usap sa atin sa pamamagitan ng Bibliya, ng “tapat at maingat na alipin,” at ng ating budhi na sinanay sa Bibliya. (Mateo 24:45) Kaya, ang mga Kristiyano ay hindi na kailangang makarinig pa ng literal na tinig mula sa langit upang malaman kung paano nila paluluguran ang Diyos. Ang sumunod na pagtalakay, “Mahigpit na Itaguyod ang Turo na Alinsunod sa Maka-Diyos na Debosyon,” ay nagpayo sa mga Kristiyano na huwag mag-usyoso sa mga ideyang nakapagpapahina ng loob na itinataguyod ng sanlibutang ito. Sa katunayan, ang di-masupil na pagkamausisa ay maaaring maglantad sa atin sa mapaminsalang impormasyon na inihahasik ng mga apostata at iba pang alipuris ni Satanas. Mas makabubuti pa na regular na basahin ang Bibliya gayundin ang lahat ng artikulo sa Ang Bantayan at Gumising!

Pinamagatang “Patuloy na Manghawakan sa Parisan ng Nakapagpapalusog na mga Salita,” idiniin ng sumunod na pahayag ang kahalagahan ng pagiging lubusang pamilyar sa maka-Kasulatang “parisan,” o balangkas, ng katotohanan. (2 Timoteo 1:13) Ang pagkaunawa sa parisang ito ay susi hindi lamang sa pagkakaroon ng makadiyos na debosyon kundi sa pagkilala rin naman sa mga bagay na hindi kasuwato ng katotohanan.

Isip-isipin na lamang kung tayo’y ituturing ni Jehova na kanais-nais. Anong laking karangalan nga! Salig sa hula ni Hagai, lubusang nakapagpapatibay ang pahayag na “Pinupuno ng ‘mga Kanais-nais na Bagay’ ang Bahay ni Jehova” sapagkat tinitiyak nito sa mga tagapakinig na ang bawat miyembro ng “malaking pulutong” ay tunay na kanais-nais para kay Jehova. (Apocalipsis 7:9) Samakatuwid, ililigtas sila ni Jehova sa kaniyang pangwakas na ‘pag-uga’ sa mga bansa sa panahon ng dumarating na “malaking kapighatian.” (Hagai 2:7, 21, 22; Mateo 24:21) Gayunman, samantala, dapat na maging mapagbantay sa espirituwal ang bayan ni Jehova, gaya ng ipinaliwanag sa bahaging “Pinupukaw Tayo ng Makahulang Kasulatan na Maging Mapagbantay.” Sinipi ng tagapagsalita ang mga sinabi ni Jesus: “Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” (Mateo 24:42) Paano natin mapananatili ang pagiging mapagbantay sa espirituwal? Sa pamamagitan ng pagiging abala sa paglilingkod kay Jehova, patuloy na pananalangin, at pananatiling naghihintay sa dakilang araw ni Jehova.

Ang panghuling pahayag sa araw na iyon ay pinamagatang “Ang Makahulang Salita sa Panahon ng Kawakasan.” Ito’y patuloy na maaalaala sa paglipas ng mga taon. Bakit? Sapagkat inianunsiyo ng tagapagsalita ang paglalabas ng bagong aklat​—Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! “Sinasaklaw ng 320-pahinang publikasyong ito na may magagandang larawan ang bawat bahagi ng aklat ng Daniel,” ang sabi ng tagapagsalita. Anong nakapagpapatibay-pananampalatayang patotoo ito na pinasisikat ni Jehova ang liwanag sa kaniyang makahulang Salita!

IKATLONG ARAW: Ang Makahulang Salita ng Diyos ay Hindi Kailanman Nabibigo

Ang pangwakas na araw ng kombensiyon ay nagsimula sa simposyum na “Makahulang mga Salita Para sa Itinakdang Panahon.” Sinuri ng tatlong bahagi ang tatlong kapahayagan ni propeta Habakuk tungkol sa paglalapat ng mga kahatulan ni Jehova. Ang una ay laban sa suwail na Juda at ang ikalawa ay laban sa mapang-aping Babilonya. Ang panghuli, na hindi pa natutupad, ay kumakapit sa dumarating na pagkapuksa ng lahat ng balakyot na tao. Nang tinatalakay ang tungkol sa Armagedon, pinukaw ng panghuling kapatid sa simposyum sa kaisipan ng kaniyang mga tagapakinig ang masidhing makadiyos na pagkatakot nang kaniyang sabihin: “Tunay ngang magiging kagila-gilalas kapag pinakawalan na ni Jehova ang buong puwersa ng kaniyang dakilang kapangyarihan.”

“Pagpapahalaga sa Ating Espirituwal na Pamana” naman ang pamagat ng makabagbag-damdaming drama sa Bibliya ng kombensiyon. Pinaghambing ng sumusuri-sa-sariling pagtatanghal na ito ang saloobin nina Jacob at Esau hinggil sa espirituwal na mga bagay. Ipinagwalang-bahala ni Esau ang kaniyang espirituwal na pamana, kaya ito’y ibinigay kay Jacob, na siyang nagpahalaga rito. “Anong [espirituwal na pamana ang] ibinigay ni Jehova sa atin?” ang itinanong sa mga dumalo sa kombensiyon. “Ang katotohanan ng kaniyang Salita, ang Bibliya; ang pag-asa ng buhay na walang hanggan; at ang karangalan na kumatawan sa kaniya bilang mga tagapaghayag ng mabuting balita,” ang sagot ng tagapagsalita.

Ang sumunod na bahagi ay pinamagatang “Ano ang Kahulugan Para sa Iyo ng Ating Napakahalagang Pamana?” Ipinakikita natin ang tamang saloobin sa ating espirituwal na pamana kapag inuuna natin ang ating paglilingkuran kay Jehova at ang espirituwal na mga pribilehiyo bago ang personal o materyal na mga interes. Sa ganitong paraan, umiinog ang ating buhay sa ating kaugnayan kay Jehova, na kabaligtaran naman nina Adan, Esau, at iba pang di-tapat na mga Israelita.

Pinag-ugnay-ugnay ng pahayag pangmadla na, “Ginagawang Bago ang Lahat ng Bagay​—Gaya ng Inihula,” ang apat na pangunahing hula may kinalaman sa “mga bagong langit” at ang “bagong lupa.” (Isaias 65:17-​25; 66:22-​24; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1, 3-5) Maliwanag, nasa isip ni Jehova ang mas malaking katuparan ng mga hulang ito kaysa yaong naganap sa kaniyang isinauling bayan noong 537 B.C.E. Oo, nasa isip niya ang kaniyang pamahalaang Kaharian (ang “mga bagong langit”) at ang makalupang mga sakop nito (ang “bagong lupa”), na mananahan sa kasiya-siyang paraiso sa daigdig.

Inihatid ng pahayag na “Ang Ating Paghihintay Habang Inaakay Tayo ng Salita ng Diyos” ang kombensiyon sa isang kapana-panabik at nakapagpapasiglang pagtatapos. Ipinaalaala nito sa lahat na “ang panahong natitira ay pinaikli na” para sa pagtapos sa gawaing paghahayag sa Kaharian. (1 Corinto 7:29) Oo, nasa bungad na tayo mismo ng katuparan ng hatol ni Jehova laban kay Satanas at sa kaniyang buong balakyot na sistema. Ang ating damdamin sana’y maging gaya niyaong sa salmista na umawit: “Ang amin mismong kaluluwa ay naghihintay kay Jehova. Siya ang aming katulong at aming kalasag.” (Awit 33:20) Tunay na maluwalhating kinabukasan ang naghihintay sa mga taong ang pag-asa ay nakasalig sa makahulang salita ng Diyos!

[Larawan sa pahina 7]

Pinatingkad ng isang makabagbag-damdaming drama ang pagpapahalaga ng mga lingkod ni Jehova sa espirituwal na pamana

[Larawan sa pahina 7]

Marami sa mga sumunod sa makahulang salita ng Diyos ang nabautismuhan