Maaari Mong Alamin ang Kinabukasan!
Maaari Mong Alamin ang Kinabukasan!
Pinag-iisipang mabuti ng karamihan ng mga tao ang hinggil sa kinabukasan. Gusto nilang magplano, mamuhunan nang may katalinuhan, at makadama ng katiwasayan. Subalit mayroon bang paraan upang matiyak kung ano ang mangyayari sa hinaharap?
SA PAGSISIKAP na malaman kung ano ang inilalaan ng kinabukasan, nag-eksperimento ang mga tao sa lahat ng uri ng bagay. Pinag-aaralan ng mga siyentipiko sa larangan ng lipunan, tinatawag na mga futurologist, ang kasalukuyang kalakaran at sila’y humuhula salig sa mga ito. Ganiyan din ang ginagawa ng mga ekonomista sa kanilang sariling larangan. Umaasa naman ang mga astrologo at mga manghuhula sa mga horoscope, bolang kristal, at okultismo, at marami silang mga tagasunod. Halimbawa, popular pa rin ang astrologong Pranses na si Nostradamus, bagaman siya’y ilang siglo nang patay.
Ang lahat ng nag-aangking mga propetang ito ay napatunayang talagang di-maaasahan at nakasisiphayo. Bakit? Sapagkat ipinagwawalang-bahala nila ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Dahilan dito kung kaya hindi nila masagot ang pangunahing mga katanungan na gaya nito: ‘Bakit ako makatitiyak na ang mga bagay na inihula sa Bibliya ay magaganap? Paano tumutugma ang mga ito sa layunin ng Diyos para sa mga tao? Paano kami makikinabang ng aking pamilya sa mga hulang ito?’ Sinasagot ng Bibliya ang mga katanungang ito.
Nakahihigit din ang hula ng Bibliya sa marami pang ibang paraan. Di-tulad ng mga prediksiyong salig sa astrolohiya, pinahihintulutan nitong makapagpasiya nang malaya ang indibiduwal. Sa gayon, walang sinuman ang nagiging biktima ng kapalaran. (Deuteronomio 30:19) Ang mga akda na tulad niyaong kay Nostradamus ay salat sa moral, at pinagtatakpan ng mga ito ang kasalatang iyon sa pamamagitan ng hiwaga at ng mga bagay na kahindik-hindik. Subalit ang hula ng Bibliya ay may matatag na saligan sa moral. Ipinaliliwanag nito kung bakit gagawin ng Diyos ang kaniyang nilayon. (2 Cronica 36:15) At hindi nabibigo kailanman ang mga hula ni Jehova, sapagkat ang ‘Diyos . . . ay hindi makapagsisinungaling.’ (Tito 1:2) Sa gayon, ang buhay ng mga indibiduwal na ginagabayan ng Salita ng Diyos ay naliwanagan, makabuluhan, at maligaya anupat hindi nasasayang ang kanilang mahalagang panahon at tinatangkilik sa walang kabuluhang mga hangarin.—Awit 25:12, 13.
Ang mga ito at ang marami pang bagay ay tinalakay sa 1999/2000 “Makahulang Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa buong daigdig. Inakay ng mga pahayag, panayam, pagtatanghal, at ng isang drama sa Bibliya ang pansin ng mga tagapakinig tungo sa kahanga-hangang espirituwal na pamana na tinatamasa niyaong mga nag-aaral at nagkakapit ng makahulang salita ng Diyos. Rerepasuhin ng sumusunod na artikulo ang ilang kapana-panabik na mga itinampok sa kombensiyon.