“Manatili Kayong Mapagbantay”
“Manatili Kayong Mapagbantay”
“Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.”—MATEO 24:42.
1. Ano ang nadarama ng matatagal nang lingkod ni Jehova hinggil sa kanilang maraming taon ng buong-pusong paglilingkuran? Bumanggit ng isang halimbawa.
MARAMI sa matatagal nang lingkod ni Jehova ang nakaalam ng katotohanan noong sila’y mga bata pa. Gaya ng mangangalakal na nakatuklas ng isang mamahaling perlas at nagbenta ng lahat niyang pag-aari upang mabili ito, itinatwa ng masisigasig na estudyanteng ito ng Bibliya ang kanilang sarili at inialay ang kanilang buhay kay Jehova. (Mateo 13:45, 46; Marcos 8:34) Ano kaya ang nadarama nila yamang sila’y kinailangang maghintay nang mas matagal kaysa sa maaaring inasahan nila upang makita ang katuparan ng mga layunin ng Diyos sa lupa? Hindi sila nagsisisi! Sang-ayon sila kay Brother A. H. Macmillan, na pagkalipas ng halos 60 taon ng buong-pusong paglilingkuran sa Diyos ay nagsabi: “Mas determinado ako higit kailanman na ipagpatuloy ang aking pananampalataya. Naging makabuluhan sa akin ang buhay dahil dito. Tumutulong pa rin ito sa akin na harapin ang kinabukasan nang walang takot.”
2. (a) Anong napapanahong payo ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod? (b) Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin sa artikulong ito?
2 Kumusta ka naman? Anuman ang iyong edad, pag-isipan mo ang mga salita ni Jesus: “Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” (Mateo 24:42) Ang simpleng pangungusap na iyan ay naglalaman ng isang malalim na katotohanan. Hindi natin alam kung anong araw darating ang Panginoon upang isakatuparan ang hatol sa balakyot na sistemang ito, at hindi na natin kailangang malaman pa ito. Subalit kailangan tayong mamuhay sa paraan na kapag siya ay dumating na nga, hindi tayo magsisisi. Hinggil sa bagay na ito, anu-anong halimbawa ang makikita natin sa Bibliya na tutulong sa atin na manatiling mapagbantay? Paano inilarawan ni Jesus ang pangangailangang ito? At anong patotoo mayroon tayo ngayon na nagpapatunay na tayo’y nabubuhay na nga sa mga huling araw ng di-makadiyos na sanlibutang ito?
Isang Babalang Halimbawa
3. Paanong ang maraming tao sa ngayon ay nakakatulad ng mga tao noong panahon ni Noe?
3 Sa maraming bagay, ang mga tao sa ngayon ay nakakatulad ng mga lalaki at babae na nabuhay noong panahon ni Noe. Punô ng karahasan ang lupa noon, at ang hilig ng puso ng tao ay “masama na lamang sa lahat ng panahon.” (Genesis 6:5) Karamihan ay abalang-abala sa pang-araw-araw na mga gawain sa buhay. Gayunman, bago niya pinasapit ang malaking Delubyo, binigyan muna ni Jehova ng pagkakataon ang mga tao na magsisi. Inutusan niya si Noe na mangaral, at tumalima naman si Noe—anupat naglingkod bilang “isang mangangaral ng katuwiran” marahil sa loob ng 40 o 50 taon o higit pa. (2 Pedro 2:5) Gayunman, hindi pinansin ng mga tao ang babalang mensahe ni Noe. Hindi sila naging mapagbantay. Kaya naman, sa dakong huli, si Noe at ang kaniyang pamilya lamang ang nakaligtas nang isakatuparan ang hatol ni Jehova.—Mateo 24:37-39.
4. Sa anong diwa masasabing nagtagumpay ang ministeryo ni Noe, at paanong gayundin ang masasabi sa iyong gawaing pangangaral?
4 Nagtagumpay ba ang ministeryo ni Noe? Huwag mong hahatulan iyon ayon sa maliit na bilang ng tumugon. Ang totoo, naisakatuparan ng pangangaral ni Noe ang layunin nito anuman ang naging pagtugon. Bakit? Sapagkat nabigyan nito ang mga tao ng sapat na pagkakataon na pumili kung paglilingkuran nila si Jehova o hindi. Kumusta naman ang iyong teritoryo sa pangangaral? Kahit kakaunti lamang ang may positibong pagtugon, nagkakaroon ka pa rin ng malaking tagumpay. Bakit? Sapagkat sa pamamagitan ng pangangaral, naipaaabot mo ang babala ng Diyos, at sa gayon ay nagagampanan mo ang utos na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Pagwawalang-Bahala sa mga Propeta ng Diyos
5. (a) Anong mga kalagayan ang laganap sa Juda noong panahon ni Habakuk, at paano tumugon ang mga tao sa kaniyang makahulang mensahe? (b) Paano nagpamalas ng galit ang mga tao ng Juda sa mga propeta ni Jehova?
5 Ilang siglo matapos ang Delubyo, ang kaharian ng Juda ay napaharap sa isang maselan na kalagayan. Laganap ang idolatriya, kawalang-katarungan, paniniil, at maging ang pamamaslang. Pinakilos ni Jehova si Habakuk upang babalaan ang mga tao na kung hindi sila magsisisi, daranas sila ng kapahamakan sa mga kamay ng mga Caldeo, o mga taga-Babilonya. (Habakuk 1:5-7) Subalit ayaw makinig ng mga tao. Marahil ay ikinatuwiran nila, ‘Aba, mahigit nang isandaang taon ang nakalipas, ganiyan din ang babala ni propeta Isaias, pero wala namang nangyayari!’ (Isaias 39:6, 7) Hindi lamang ipinagwalang-bahala ng marami sa mga opisyal ng Juda ang mensahe kundi nagalit pa sa mga mensahero. Minsan, pinagtangkaan nilang patayin si propeta Jeremias, at nagtagumpay sana sila kundi namagitan si Ahikam. Palibhasa’y ikinagalit ang isa pang makahulang mensahe, ipinapatay ni Haring Jehoiakim si propeta Urias.—Jeremias 26:21-24.
6. Paano pinalakas ni Jehova si Habakuk?
6 Ang mensahe ni Habakuk ay tahasan din, at ito’y kinayayamutan din na gaya ng kay Jeremias, na kinasihan ng Diyos upang ihula ang 70-taóng pagkatiwangwang ng Juda. (Jeremias 25:8-11) Kung gayon, mauunawaan natin ang kabagabagan ni Habakuk habang isinisigaw niya: “O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng tulong, at hindi mo diringgin? Hanggang kailan ako hihingi sa iyo ng saklolo dahil sa karahasan, at hindi ka magliligtas?” (Habakuk 1:2) Buong-kabaitang sinagot ni Jehova si Habakuk sa pamamagitan ng nakapagpapatibay-pananampalatayang mga salitang ito: “Sapagkat ang pangitain ay sa takdang panahon pa, at iyon ay patuloy na nagmamadali patungo sa kawakasan, at hindi iyon magsisinungaling. Kung iyon man ay magluwat, patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.” (Habakuk 2:3) Kaya si Jehova ay may “itinakdang panahon” upang wakasan ang kawalang-katarungan at paniniil. Kung sakali mang wari’y nagluluwat, hindi dapat masiraan ng loob si Habakuk, ni magmabagal man siya. Sa halip, dapat siyang ‘patuloy na maghintay,’ na bawat araw ay namumuhay nang may pagkaapurahan. Ang araw ni Jehova ay hindi maaantala!
7. Bakit muli na namang itinalaga sa pagkawasak ang Jerusalem noong unang siglo C.E.?
7 Mga 20 taon matapos kausapin ni Jehova si Habakuk, ang kabiserang lunsod ng Juda, ang Jerusalem, ay winasak. Pagkaraan ay muli itong itinayo, at marami sa mga kamaliang lubos na nakabagabag kay Habakuk ang naituwid. Gayunman, noong unang siglo C.E., muli na namang itinalaga ang lunsod sa pagkawasak dahil sa kawalan ng katapatan ng mga naninirahan doon. Dahil sa awa, isinaayos ni Jehova na makaligtas ang matuwid-pusong mga tao. Sa pagkakataong ito, ginamit niya ang pangunahing propeta na si Jesu-Kristo upang ipaabot ang mensahe. Noong 33 C.E., sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok.”—Lucas 21:20, 21.
8. (a) Ano ang maaaring nangyari sa ilang Kristiyano sa paglipas ng panahon pagkamatay ni Jesus? (b) Paano natupad ang makahulang mga salita ni Jesus tungkol sa Jerusalem?
8 Sa paglipas ng mga taon, marahil ay inisip ng ilang mga Kristiyano sa Jerusalem kung kailan nga ba talaga matutupad ang hula ni Jesus. Kung sa bagay, isaalang-alang nga naman ang mga sakripisyo na walang-alinlangang nagawa na ng ilan sa kanila. Marahil ay hindi na nila tinanggap ang magagandang alok sa negosyo dahil sa kanilang determinasyon na manatiling mapagbantay. Sa paglipas ng panahon, sila ba’y nanghimagod na? Ipinalagay ba nilang nag-aaksaya lamang sila ng panahon, anupat ikinakatuwirang ang mga salita ni Jesus ay kapit sa darating pang henerasyon, hindi sa kanila? Noong 66 C.E., nagsimulang matupad ang hula ni Jesus nang paligiran ng mga hukbong Romano ang Jerusalem. Yaong mga nanatiling mapagbantay ay nakakilala sa tanda, umalis sa lunsod, at hindi nakaranas ng pagkatiwangwang ng Jerusalem.
Paglalarawan sa Pangangailangang Maging Mapagbantay
9, 10. (a) Paano mo bubuurin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga aliping naghintay sa kanilang panginoon na magbalik mula sa kaniyang kasalan? (b) Bakit maaaring mahirap para sa mga alipin ang paghihintay sa kanilang panginoon? (c) Bakit kapaki-pakinabang para sa mga alipin na magmatiyaga?
9 Upang maidiin ang pangangailangang maging mapagbantay, inihalintulad ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa mga alipin na naghihintay sa pagbabalik ng kanilang panginoon mula sa kaniyang kasalan. Alam nilang babalik siya isang gabi—ngunit anong oras kaya? Sa una bang pagbabantay sa gabi? Sa ikalawa? Sa ikatlo? Hindi nila alam. Sabi ni Jesus: “Kung [ang panginoon] ay dumating sa ikalawang pagbabantay, kahit na kung sa ikatlo, at masumpungan silang [nagbabantay nang] gayon, maligaya sila!” (Lucas 12:35-38) Isip-isipin na lamang ang pananabik ng mga aliping ito. Bawat tunog, bawat gumagalaw na anino ay tiyak na nagpapatindi sa kanilang paghihintay: ‘Ang ating panginoon na kaya iyan?’
10 Paano kung ang panginoon ay dumating sa ikalawang pagbabantay sa gabi, na umaabot mula alas nuwebe hanggang hatinggabi? Lahat kaya ng mga alipin, pati na yaong mga nagtrabaho nang husto mula pa nang madaling araw, ay handa pa ring sumalubong sa kaniya, o baka naman natutulog na ang ilan? Paano kung ang panginoon ay bumalik sa ikatlong pagbabantay sa gabi—ang yugto mula hatinggabi hanggang mga alas tres ng umaga? Nasiraan na kaya ng loob ang ilan sa mga alipin, anupat nagalit pa nga dahil sa wari’y nagluwat ang kanilang panginoon? * Yaon lamang mga nadatnang nagbabantay sa pagdating ng panginoon ang ipahahayag na maligaya. Tiyak na kakapit sa kanila ang mga salita sa Kawikaan 13:12: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso, ngunit ang bagay na ninanasa ay punungkahoy ng buhay kapag ito ay dumating.”
11. Paano nakatutulong sa atin ang panalangin upang makapanatiling mapagbantay?
11 Sa panahon ng waring pagkaantala, ano ang makatutulong sa mga tagasunod ni Jesus upang Mateo 26:41) Makalipas ang mga taon, si Pedro, na naroroon sa okasyong iyon, ay nagbigay ng gayunding payo sa kapuwa mga Kristiyano. Sumulat siya: “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na. Kaya nga, maging matino sa pag-iisip, at maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.” (1 Pedro 4:7) Maliwanag, ang taimtim na panalangin ay dapat na maging bahagi ng ating rutin bilang Kristiyano. Sa katunayan, patuloy na kinakailangang magsumamo tayo kay Jehova na tulungan sana tayong makapanatiling mapagbantay.—Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:17.
makapanatiling mapagbantay? Habang nasa halamanan ng Getsemani nang malapit na siyang dakpin, sinabihan ni Jesus ang tatlo sa kaniyang mga apostol: “Manatili kayong mapagbantay at manalangin nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” (12. Ano ang pagkakaiba ng espekulasyon at ng pagiging mapagbantay?
12 Pansinin na sinabi rin ni Pedro: “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na.” Gaano kalapit? Walang paraan para matukoy ng mga tao ang eksaktong araw at oras. (Mateo 24:36) Ngunit may pagkakaiba ang labis na paggawa ng espekulasyon, na hindi hinihimok ng Bibliya, at ang patuloy na paghihintay sa kawakasan, na siyang hinihimok nito. (Ihambing ang 2 Timoteo 4:3, 4; Tito 3:9.) Ano ang isang paraan upang makapanatili tayong naghihintay sa kawakasan? Iyon ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng matamang pansin sa patotoo na malapit na ang wakas. Repasuhin natin kung gayon ang anim na patotoo na nagpapatunay na tayo’y nabubuhay na nga sa mga huling araw ng di-makadiyos na sanlibutang ito.
Anim na Kapani-paniwalang Patotoo
13. Paanong ang hula ni Pablo na nakaulat sa 2 Timoteo kabanata 3 ay kumukumbinsi sa iyo na tayo’y nabubuhay na nga sa “mga huling araw”?
13 Una, maliwanag na nakikita natin ang katuparan ng hula ni apostol Pablo hinggil sa “mga huling araw.” Sumulat si Pablo: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito; at mula sa mga ito ay lumayo ka. Subalit ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama, nanliligáw at naililigaw.” (2 Timoteo 3:1-5, 13) Hindi ba natin nakikita na natutupad na ang hulang ito sa ating panahon? Yaon lamang mga nagwawalang-bahala sa mga katotohanang ito ang tumatanggi rito! *
14. Paano natutupad sa ngayon ang mga salita sa Apocalipsis 12:9 hinggil sa Diyablo, at ano ang malapit nang mangyari sa kaniya?
14 Ikalawa, nakikita natin ang epekto ng pagkakapalayas kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo mula sa langit, bilang katuparan ng Apocalipsis 12:9. Doon ay mababasa natin: “Inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.” Ito’y nagbunga ng malaking kaabahan para sa lupa. Totoo, nagkaroon na nga ng maraming kaabahan sa sangkatauhan, lalo na sapol noong 1914. Subalit idinagdag ng hula sa Apocalipsis na nang ihagis ang Diyablo sa lupa, alam niya na “maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Sa panahong ito, si Satanas ay nakikipagdigma sa mga pinahirang tagasunod ni Kristo. (Apocalipsis 12:17) Tiyak na nakita na natin ang mga epekto ng kaniyang pagsalakay sa ating panahon. * Gayunman, malapit nang ibulid si Satanas sa kalaliman upang “hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa.”—Apocalipsis 20:1-3.
15. Paano nagbibigay ng patotoo ang Apocalipsis 17:9-11 na tayo’y nabubuhay na nga sa panahon ng kawakasan?
15 Ikatlo, tayo’y nabubuhay na sa panahon ng ikawalo at panghuling “hari” na binanggit sa hulang nakaulat sa Apocalipsis 17:9-11. Dito ay binabanggit ni apostol Juan ang pitong hari, na kumakatawan sa pitong kapangyarihang pandaigdig—Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, Roma, at ang pinagsamang kapangyarihang pandaigdig ng Anglo-Amerika. May nakita rin siyang “ikawalong hari” na “nagmula sa pito.” Ang ikawalong haring ito—ang huling nakita ni Juan—ay kumakatawan ngayon sa Nagkakaisang mga Bansa. Sinasabi ni Juan na ang ikawalong haring ito ay “patungo sa pagkapuksa,” anupat pagkatapos nito ay wala nang binabanggit na susunod pang mga hari sa lupa. *
16. Paanong ang mga pangyayari na siyang katuparan ng imaheng napanaginipan ni Nabucodonosor ay nagpapahiwatig na tayo’y nabubuhay na nga sa mga huling araw?
16 Ikaapat, tayo’y nabubuhay na sa panahon na isinasagisag ng mga paa ng imaheng napanaginipan ni Nabucodonosor. Binigyang-kahulugan ni propeta Daniel ang mahiwagang panaginip na ito tungkol sa isang napakalaking imahen na anyong tao. (Daniel 2:36-43) Ang apat-na-bahaging metal na imahen ay kumakatawan sa iba’t ibang kapangyarihang pandaigdig, mula ulo (ang Imperyo ng Babilonya) at pababa hanggang sa mga paa at mga daliri nito (ang mga pamahalaang namumuno sa ngayon). Lahat ng kapangyarihang pandaigdig na kinakatawan ng imaheng iyon ay lumitaw na. Tayo’y nabubuhay na sa panahon na isinasagisag ng mga paa ng imahen. Wala nang binabanggit na iba pang kapangyarihan na darating. *
17. Paanong ang ating gawaing pangangaral ng Kaharian ay naglalaan ng higit pang patotoo na tayo’y nabubuhay na nga sa panahon ng kawakasan?
17 Ikalima, nakikita natin ang isang pangglobong pangangaral na isinasakatuparan, na ayon kay Jesus ay magaganap karaka-raka bago ang wakas ng sistemang ito. Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sa ngayon, ang hulang iyan ay sumasapit na sa katuparan nito sa antas na ngayon lamang mangyayari. Totoo, mayroon pa ring mga teritoryong di-napupuntahan, at maaaring sa takdang panahon ni Jehova, isang malaking pintuan na umaakay sa mas malaking gawain ang mabubuksan. (1 Corinto 16:9) Magkagayunman, hindi sinasabi ng Bibliya na maghihintay si Jehova hanggang sa ang bawat indibiduwal sa lupa ay mapatotohanan nang personal. Sa halip, ang mabuting balita ay dapat na maipangaral ayon sa ikasisiya ni Jehova. Saka darating ang wakas.—Ihambing ang Mateo 10:23.
18. Malamang, ano ang magiging totoo hinggil sa ilan sa mga pinahiran kapag ang malaking kapighatian ay nagsimula na, at paano ito malalaman?
18 Ikaanim, umuunti na ang bilang ng tunay na pinahirang mga alagad ni Kristo, bagaman ang ilan ay malamang na nasa lupa pa rin kapag nagsimula na ang malaking kapighatian. Matatanda na ang karamihan sa mga nalabi, at sa paglipas ng mga taon, ang bilang ng mga tunay na pinahiran ay umuunti na. Subalit, sa pagtukoy sa malaking kapighatian, sinabi ni Jesus: “Malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas; subalit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.” (Mateo 24:21, 22) Kung gayon, malamang na ang ilan sa “mga pinili” ni Kristo ay nasa lupa pa rin kapag nagsimula na ang malaking kapighatian. *
Ano ang Magaganap sa Hinaharap?
19, 20. Bakit mas mahalaga ngayon higit kailanman para sa atin na manatiling gising at manatiling mapagbantay?
19 Anong kinabukasan ang naghihintay sa atin? Darating ang kapana-panabik na mga panahon. Nagbabala si Pablo na “ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw 1 Tesalonica 5:2, 3, 6) Ang totoo, yaong mga umaasa na ang mga institusyon ng tao ang magdadala ng kapayapaan at katiwasayan ay nagwawalang-bahala sa katotohanan. Ang mga indibiduwal na iyon ay tulog na tulog!
sa gabi.” Patungkol sa mga lalaking animo’y marurunong sa sanlibutan ay sinabi niya: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila.” Dahil dito, hinimok ni Pablo ang kaniyang mga mambabasa: “Huwag na tayong matulog pa gaya ng ginagawa ng iba, kundi manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.” (20 Ang pagkawasak ng sistemang ito ng mga bagay ay darating nang biglang-bigla. Kung gayon, patuloy na maghintay sa araw ni Jehova. Sinabi mismo ng Diyos kay Habakuk: “Hindi iyon maaantala”! Tunay nga, mas mahalaga ngayon higit kailanman para sa atin na manatiling mapagbantay.
[Mga talababa]
^ par. 10 Hindi nakipagtipan ang panginoon sa kaniyang mga alipin. Samakatuwid, wala siyang pananagutan kung siya man ay dumating o umalis, ni dapat siyang magpaliwanag sa kaniyang mga alipin kung siya man ay waring naaantala.
^ par. 13 Para sa isang detalyadong pagtalakay sa hulang ito, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
^ par. 14 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang pahina 180-6 ng aklat na Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
^ par. 16 Tingnan ang kabanata 4 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
^ par. 18 Sa talinghaga ng mga tupa at kambing, ang Anak ng tao ay darating sa kaniyang kaluwalhatian sa panahon ng malaking kapighatian at uupo upang humatol. Hahatulan niya ang mga tao ayon sa kung sumuporta sila sa mga pinahirang kapatid ni Kristo. Ang pamantayang ito ng paghatol ay mawawalan ng kabuluhan kung sa panahon ng paghatol, ang lahat ng mga kapatid ni Kristo ay malaon nang wala sa lupa.—Mateo 25:31-46.
Natatandaan Mo Ba?
• Anong maka-Kasulatang mga halimbawa ang makatutulong sa atin na manatiling mapagbantay?
• Paano inilarawan ni Jesus ang pangangailangan ng pagiging mapagbantay?
• Anong anim na patotoo ang nagpapatunay na tayo’y nabubuhay na nga sa mga huling araw?
[Mga Tanong]
[Mga larawan sa pahina 9]
Si A. H. Macmillan ay tapat na naglingkod kay Jehova sa loob ng halos anim na dekada
[Larawan sa pahina 10]
Inihalintulad ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa mga alipin na nananatiling mapagbantay