Paano Mo Minamalas ang Iyong Sarili?
Paano Mo Minamalas ang Iyong Sarili?
SIYA’Y isang taong mapagmapuri. Palibhasa’y naitaas sa isang matayog na puwesto sa gobyerno, lumaki ang kaniyang ulo sa labis na papuri at paghanga na ipinatutungkol sa kaniya. Subalit sa kaniyang matinding pagkayamot, isa pang opisyal ang tumangging magbigay sa kaniya ng gayong karangalan. Bilang paghihiganti, ang palalong opisyal ay nagpakanang lipulin ang lahat ng mga tao sa imperyo na ang etnikong pinagmulan ay katulad niyaong sa kinayayamutan niya. Ano ngang pilipit na diwa ng pagpapahalaga-sa-sarili!
Ang nagpakana ay si Haman, isang mataas na opisyal sa palasyo ni Haring Ahasuero ng Persia. At sino ang puntirya ng kaniyang pakikipag-alit? Isang Judio na nagngangalang Mardokeo. Bagaman isang kalabisan ang reaksiyon ni Haman na lansakang pagpaslang, inilalarawan nito ang panganib at malubhang mga resulta ng pagmamapuri. Hindi lamang lumikha ng krisis para sa iba ang kaniyang aroganteng espiritu kundi humantong din ito sa kaniyang pagkapahiya sa publiko at sa wakas sa kaniyang kamatayan.—Esther 3:1-9; 5:8-14; 6:4-10; 7:1-10.
Apektado Rin ng Pagmamapuri ang mga Tunay na Mananamba
Tayo’y hinihilingan ni Jehova na maging ‘mahinhin sa paglakad na kasama ng ating Diyos.’ (Mikas 6:8) Ang Bibliya ay naglalaman ng iba’t ibang ulat ng mga indibiduwal na hindi nakapagpanatili ng isang mahinhing pangmalas sa kanilang sarili. Nagdulot ito sa kanila ng mga problema at pighati. Makatutulong sa atin na isaalang-alang ang mga halimbawang ito upang makita ang kamangmangan at panganib ng di-timbang na pag-iisip.
Naging lubhang di-timbang ang pag-iisip ng propeta ng Diyos na si Jonas anupat sinikap niyang tumakas nang siya’y utusan ng Diyos na babalaan ang balakyot na mga tao sa Nineve tungkol sa hatol ni Jehova laban sa kanila. (Jonas 1:1-3) Nang maglaon, nang magtagumpay ang kaniyang gawaing pangangaral anupat nagsisi ang mga taga-Nineve, nagmaktol si Jonas. Lubha siyang nabahala sa kaniyang sariling reputasyon bilang isang propeta anupat ang buhay ng libu-libong taga-Nineve ay walang gaanong halaga o walang halaga sa kaniya. (Jonas 4:1-3) Kung lubha nating binibigyan ng importansiya ang ating sarili, mahihirapan tayong mapanatili ang isang walang-kinikilingan at tumpak na pangmalas sa mga tao at mga pangyayari sa palibot natin.
Isaalang-alang din si Uzias, na naging isang mabuting hari ng Juda. Nang maging di-timbang siya sa kaniyang pag-iisip, may pagkaaroganteng sinikap niyang agawin ang ilang makasaserdoteng tungkulin. Dahil sa kaniyang kawalan ng kahinhinan at lubhang mapangahas na paggawi, nagkasakit siya at naiwala niya ang pagsang-ayon ng Diyos.—2 Cronica 26:3, 16-21.
Halos masilo ng di-timbang na pag-iisip ang mga apostol ni Jesus. Lubha silang nabahala sa personal na kaluwalhatian at kapangyarihan. Nang dumating ang malaking pagsubok, iniwan nila si Jesus at tumakas. (Mateo 18:1; 20:20-28; 26:56; Marcos 9:33, 34; Lucas 22:24) Ang kakulangan nila ng kahinhinan at ang kanilang mga kaisipan ng pagpapahalaga-sa-sarili ay halos nagpangyari sa kanila na maiwala sa isipan ang layunin ni Jehova at ang kanilang bahagi may kaugnayan sa kaniyang kalooban.
Nakapipinsalang mga Epekto ng Pagpapahalaga sa Sarili
Ang di-timbang na pangmalas sa ating sarili ay maaaring magdulot ng kirot at makapinsala sa ating kaugnayan sa iba. Halimbawa, maaaring nakaupo tayo sa isang silid at napansin natin ang dalawang tao na nagbubulungan at nagtatawanan. Kung tayo ay makasarili, baka may kamaliang isipin natin na pinagtatawanan nila tayo dahil sa napakahina ng kanilang pag-uusap. Baka hindi ipahintulot ng ating isipan na isaalang-alang ang anumang iba pang posibleng paliwanag sa kanilang paggawi. Tutal, sino pa nga ba ang kanilang pinag-uusapan? Maaari tayong magalit at magpasiyang hindi na kailanman muling makikipag-usap sa dalawang iyon. Sa gayong paraan ang di-timbang na pangmalas sa ating sariling kahalagahan ay maaaring humantong sa mga di-pagkakaunawaan at nasirang mga kaugnayan sa mga kaibigan, miyembro ng pamilya, at sa iba pa.
Yaong mga masyadong nagbibigay ng importansiya sa kanilang sarili ay maaaring maging mayabang, walang-lubay na naghahambog tungkol sa kanilang sinasabing dakilang mga talino, gawa, o pag-aari. O maaaring sila na lamang ang naririnig sa mga usapan, na laging binabanggit ang isang bagay tungkol sa kanilang sarili. Ang gayong pagsasalita ay nagpapakita ng kawalan ng tunay na pag-ibig at maaaring maging lubhang nakayayamot. Kaya, kadalasang inihihiwalay ng mga maka-ako ang kanilang mga sarili sa iba.—Bilang mga Saksi ni Jehova, maaaring mapaharap sa atin ang pagtuya at pagtanggi sa ating pangmadlang ministeryo. Dapat nating tandaan na ang gayong pagsalansang ay talagang nakatuon, hindi laban sa atin mismo, kundi laban kay Jehova, ang Pinagmulan ng ating mensahe. Gayunman, ang isang pilipit na pangmalas sa ating sariling kahalagahan ay maaaring humantong sa malulubhang resulta. Mga taon na ang nakalipas, pinersonal ng isang kapatid na lalaki ang bibigang pagsalakay ng isang maybahay at bilang ganti ay nagsalita nang may pang-aabuso. (Efeso 4:29) Pagkatapos niyaon, hindi na muling nakibahagi pa ang kapatid sa bahay-bahay na ministeryo. Oo, ang amor propyo ay maaaring mag-udyok sa atin na mawalan ng pagpipigil kapag nangangaral. Sikapin natin na huwag kailanman pahintulutang mangyari ito. Sa halip, mapakumbabang hingin natin ang tulong ni Jehova na mapanatili ang tamang pagpapahalaga sa pribilehiyo ng pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano.—2 Corinto 4:1, 7; 10:4, 5.
Ang pagkakaroon ng saloobin na pagpapahalaga sa sarili ay maaari ring humadlang sa atin sa pagtanggap ng lubhang-kinakailangang payo. Sa isang bansa sa Sentral Amerika mga ilang taon na ang nakalipas, isang tin-edyer na lalaki ang nagbigay ng isang pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa Kristiyanong kongregasyon. Nang bigyan siya ng tagapangasiwa sa paaralan ng ilang medyo masakit na payo, inihagis ng nagalit na kabataan ang kaniyang Bibliya sa sahig at padabog na lumabas ng Kingdom Hall na may intensiyong hindi na kailanman bumalik. Subalit pagkalipas ng ilang araw, sinupil niya ang kaniyang amor propyo, nakipagkasundo sa tagapangasiwa ng paaralan, at mapakumbabang tinanggap ang payo nito. Sa kalaunan, ang kabataang ito ay sumulong sa Kristiyanong pagkamaygulang.
Ang kawalan ng kahinhinan at labis-labis na pagpapahalaga sa sarili ay maaaring humantong sa pagkasira ng ating kaugnayan sa Diyos. Ang Kawikaan 16:5 ay nagbababala: “Ang lahat ng may pusong mapagmapuri ay karima-rimarim kay Jehova.”
Isang Timbang na Pangmalas sa Ating Sarili
Maliwanag, huwag nating masyadong bigyan ng importansiya ang ating sarili. Mangyari pa, hindi ibig sabihin nito na hindi tayo dapat maging seryoso sa ating ginagawa o sinasabi. Ipinahihiwatig ng Bibliya na ang mga tagapangasiwa, ministeryal na lingkod—sa katunayan, ang lahat sa kongregasyon—ay dapat na maging seryoso. (1 Timoteo 3:4, 8, 11; Tito 2:2) Kaya paano magkakaroon at mapananatili ng mga Kristiyano ang isang mahinhin, timbang, at seryosong pangmalas sa kanilang sarili?
Ang Bibliya ay nagbibigay ng maraming nakapagpapatibay-loob na mga halimbawa ng mga indibiduwal na napanatili ang isang timbang na pangmalas sa kanilang sarili. Pinakamahusay ang halimbawa ng kapakumbabaan ni Jesu-Kristo. Upang magawa ang kalooban ng kaniyang Ama at magdala ng kaligtasan sa sangkatauhan, may pagkukusang iniwan ng Anak ng Diyos ang kaniyang maluwalhating katayuan sa langit at naging isang hamak na tao sa lupa. Sa kabila ng mga insulto, abuso, at isang kahiya-hiyang kamatayan, napanatili niya ang pagpipigil-sa-sarili at dignidad. (Mateo 20:28; Filipos 2:5-8; 1 Pedro 2:23, 24) Paano ito nagawa ni Jesus? Lubusan siyang nagtiwala kay Jehova at determinado siyang gawin ang kalooban ng Diyos. Masikap na pinag-aralan ni Jesus ang Salita ng Diyos, taimtim na nanalangin, at puspusang ginugol ang kaniyang sarili sa ministeryo. (Mateo 4:1-10; 26:36-44; Lucas 8:1; Juan 4:34; 8:28; Hebreo 5:7) Ang pagsunod sa halimbawa ni Jesus ay makatutulong sa atin na magkaroon at mapanatili ang isang timbang na pangmalas sa ating sarili.—1 Pedro 2:21.
Isaalang-alang din ang mainam na halimbawa ng anak ni Haring Saul na si Jonathan. Dahil sa pagsuway ng kaniyang ama, nawala kay Jonathan ang pagkakataon na humalili kay Saul bilang hari. (1 Samuel 15:10-29) Nagalit ba si Jonathan dahil sa kaniyang kawalan? Nanaghili ba siya kay David, ang binatang mamamahala sa halip na siya? Bagaman mas matanda at marahil ay mas makaranasan si Jonathan kaysa kay David, may kahinhinan at kapakumbabaan siyang sumunod sa kaayusan ni Jehova at matapat na sumuporta kay David. (1 Samuel 23:16-18) Ang pagkakaroon ng isang malinaw na pangmalas tungkol sa kalooban ng Diyos at ang pagkukusang pasakop dito ay tutulong sa atin na ‘huwag mag-isip nang higit sa ating sarili kaysa nararapat isipin.’—Roma 12:3.
Itinuro ni Jesus ang kahalagahan ng pagpapakita Lucas 14:7-11) Makabubuting pakinggan ang payo ni Jesus at ‘damtan ang ating mga sarili ng kababaan ng pag-iisip.’—Colosas 3:12; 1 Corinto 1:31.
ng kahinhinan at kapakumbabaan. Inilarawan niya ito sa pagsasabi na kapag ang kaniyang mga alagad ay nasa isang piging ng kasalan, hindi nila dapat piliin “ang pinakatanyag na mga dako” sapagkat maaaring dumating ang isa na higit na kilala at sila’y maaaring mapahiya sa pamamagitan ng pagpapaupo sa pinakamababang dako. Upang gawing lalo pang maliwanag ang leksiyon, isinusog ni Jesus: “Sapagkat ang bawat isa na nagtataas sa kaniyang sarili ay ibababa at siya na nagbababa sa kaniyang sarili ay itataas.” (Mga Pagpapala ng Isang Timbang na Pangmalas
Ang pagkakaroon ng mahinhin at mapagpakumbabang espiritu ay nagpapangyari sa mga lingkod ni Jehova na makasumpong ng tunay na kagalakan sa kanilang ministeryo. Mas madaling lapitan ang matatanda kung mapakumbaba nilang “pakikitunguhan ang kawan nang magiliw.” (Gawa 20:28, 29) Kung gayon, ang lahat sa kongregasyon ay mas palagay na makipag-usap sa kanila at humingi ng kanilang tulong. Sa gayon ang kongregasyon ay mapapalapit sa isa’t isa sa espiritu ng pag-ibig, kasiglahan, at pagtitiwala.
Magkakaroon tayo ng mabubuting kaibigan kung hindi masyadong mataas ang tingin natin sa ating sarili. Ang kahinhinan at kapakumbabaan ay hahadlang sa atin na magkaroon ng espiritu ng pagpapaligsahan at pagsisikap na mahigitan ang iba sa gawa o sa materyal na mga bagay. Ang makadiyos na mga katangiang ito ay tutulong sa atin na maging mas makonsiderasyon, at sa gayon tayo’y nasa mas mabuting kalagayan upang umaliw at tumulong sa mga nangangailangan. (Filipos 2:3, 4) Kapag ang mga tao’y naantig ng pag-ibig at kabaitan, karaniwan nang sila’y tumutugon nang mabuti. At hindi ba ang gayong walang pag-iimbot na kaugnayan ang nagiging pundasyon na pinagtatayuan ng matitibay na pagkakaibigan? Anong laking pagpapala na huwag maging pangahas at mag-isip nang totoong mataas tungkol sa ating sarili!—Roma 12:10.
Ginagawa ring mas madali ng isang timbang na pangmalas sa ating sarili ang pag-amin ng ating pagkakamali kung mayroon tayong nasugatan ng damdamin. (Mateo 5:23, 24) Nagbubunga ito ng mas mabuting mga kaugnayan, na nagpapahintulot para sa pakikipagkasundo at paggalang sa isa’t isa. Kung sila ay mapagpakumbaba at mahinhin, yaong mga nasa katungkulan ng pangangasiwa, gaya ng Kristiyanong matatanda, ay may pagkakataon na gumawa ng maraming kabutihan sa iba. (Kawikaan 3:27; Mateo 11:29) Masusumpungan din ng isang mapagpakumbabang tao na mas madaling magpatawad sa iba na nagkasala laban sa kaniya. (Mateo 6:12-15) Hindi magiging labis-labis ang kaniyang reaksiyon sa inaakalang sugat sa damdamin, at magtitiwala siya kay Jehova upang ituwid ang mga bagay-bagay na hindi maitutuwid sa anumang ibang paraan.—Awit 37:5; Kawikaan 3:5, 6.
Ang pinakamalaking pagpapalang matatamo sa pagkakaroon ng mahinhin at mapagpakumbabang pangmalas sa ating sarili ay ang pagtatamasa ng pabor at pagsang-ayon ni Jehova. “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.” (1 Pedro 5:5) Harinawang huwag tayong mahulog sa silo ng pag-iisip na tayo’y mas magaling kaysa kung ano tayo talaga. Sa halip, mapakumbabang kilalanin natin ang ating katayuan sa kaayusan ni Jehova ng mga bagay. Dakilang mga pagpapala ang nakalaan sa lahat ng makatutugon sa kaniyang kahilingan na ‘maging mahinhin sa paglakad na kasama ng Diyos.’
[Larawan sa pahina 22]
Mapagpakumbabang sinuportahan ni Jonathan si David