Ano ang Susi sa Tagumpay?
Ano ang Susi sa Tagumpay?
SISTEMATIKONG inihahanda ng dalawang kabataang lalaki na malalakas ang loob ang isang kakaibang makina para sa isang napakahalagang pagsubok. Walang anu-ano, isang malakas na bugso ng hangin ang tumangay sa maselan na aparato, pinaikot ito sa hangin, at ibinagsak ito taglay ang yumayanig na kalabog. Palibhasa’y nasiraan ng loob, tumayong tahimik ang mga lalaki. Ang kanilang pinaghirapan na maselang likha ay nagkayupi-yuping nakalapag na isang bunton ng pilipit na kahoy at metal.
Para kay Orville at Wilbur Wright, ang nangyari nang araw na iyon ng Oktubre noong 1900 ay hindi siyang unang nakasisiphayong kabiguan sa kanilang pagtatangka na gumawa ng isang mabigat-pa-sa-hangin na makinang lumilipad. Gumugol na sila ng ilang taon at malaki-laking halaga ng salapi sa pag-eeksperimento.
Gayunman, sa wakas, ang kanilang pagtitiyaga ay nagbunga. Noong Disyembre 17, 1903, sa Kitty Hawk, North Carolina, E.U.A., nagawang ilunsad ng magkapatid na Wright ang unang modelo ng eroplano na pinaaandar ng motor na lumipad nang 12 segundo—sandali lamang kung ihahambing sa mga paglipad sa ngayon, ngunit sapat na ang tagal upang baguhin ang daigdig magpakailanman!
Ang tagumpay sa kalakhan ng mga pagsisikap ay nakasalalay nang malaki sa matiising pagtitiyaga. Ito man ay sa pagpapakadalubhasa sa isang bagong wika, pagkatuto ng isang trabaho, o maging sa pagpapasulong ng isang ugnayan, karamihan sa mahahalagang bagay ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng patuloy na pagsisikap. “Siyam sa sampung beses,” sabi ng awtor na si Charles Templeton, “ang tagumpay ay tuwirang maiuukol sa isang bagay: masikap na paggawa.” Sinabi ng kolumnistang si Leonard Pitts, Jr.: “Pinag-uusapan natin ang tungkol sa likas na kakayahan, kinikilala natin ang kapalaran, ngunit kadalasan, ipinagwawalang-bahala natin ang pinakamahahalagang bagay. Ang masikap na paggawa at maraming kabiguan. Ang mahahabang oras ng trabaho.”
Pinatutunayan nito ang sinabi ng Bibliya matagal nang panahon ang lumipas: “Ang kamay ng mga masikap ang siyang mamamahala.” (Kawikaan 12:24) Ang kasipagan ay nangangahulugan na tayo ay matiyaga sa ating mga pinagsisikapang gawin. Ito ay kailangan kung nais nating makamit ang itinakda nating gawin. Ano ang pagtitiyaga? Paano tayo makapagtitiyaga sa pagtataguyod ng ating mga tunguhin, at sa ano tayo dapat magtiyaga? Ang mga tanong na ito ay sasagutin sa susunod na artikulo.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
U.S. National Archives photo