Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hanggang Kailan Pa ang mga Balakyot?

Hanggang Kailan Pa ang mga Balakyot?

Hanggang Kailan Pa ang mga Balakyot?

“Bakit . . . nananahimik ka [Jehova] kapag nilalamon ng balakyot ang isang higit na matuwid kaysa sa kaniya?”​—HABAKUK 1:13.

1. Kailan lubusang mapupuno ang lupa ng kaalaman hinggil sa kaluwalhatian ni Jehova?

PUPUKSAIN pa kaya ng Diyos ang mga balakyot? Kung oo, hanggang kailan pa kaya tayo maghihintay? Ganiyan ang mga katanungang itinatanong ng mga tao sa buong lupa. Saan natin masusumpungan ang mga kasagutan? Masusumpungan natin iyon mula sa mga makahulang salita na kinasihan ng Diyos hinggil sa itinakdang panahon ng Diyos. Tinitiyak nito sa atin na malapit nang ilapat ni Jehova ang kahatulan sa lahat ng balakyot. Saka lamang mangyayari na ang lupa’y lubusang “mapupuno ng kaalaman sa kaluwalhatian ni Jehova kung paanong ang tubig ay tumatakip sa dagat.” Iyan ang makahulang pangako na masusumpungan sa Sagradong Salita ng Diyos sa Habakuk 2:14.

2. Anong tatlong paglalapat ng mga kahatulan ng Diyos ang nilalaman ng aklat ng Habakuk?

2 Isinulat noong mga 628 B.C.E., ang aklat ng Habakuk ay binubuo ng tatlong sunud-sunod na paglalapat ng mga kahatulan ng Diyos na Jehova. Dalawa sa mga kahatulang iyon ay naisagawa na. Ang una ay yaong kahatulan ni Jehova laban sa suwail na bansa ng sinaunang Juda. Kumusta naman ang ikalawa? Iyon ay ang kahatulan naman ng Diyos na inilapat sa mapang-aping Babilonya. Kung gayon, tiyak na taglay natin ang lahat ng dahilan upang magtiwala na ang ikatlo sa mga kahatulang ito ng Diyos ay isasagawa rin. Sa katunayan, maaasahan natin ang katuparan nito sa lalong madaling panahon. Alang-alang sa mga taong matuwid sa mga huling araw na ito, pupuksain ng Diyos ang lahat ng mga taong balakyot. Malalagutan ng kaniyang hininga ang kahuli-hulihan sa mga ito sa mabilis na dumarating na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”​—Apocalipsis 16:14, 16.

3. Ano ang tiyak na sasapit sa mga balakyot sa ating kapanahunan?

3 Ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos ay papalapit nang papalapit. At ang paglalapat ng kahatulan ng Diyos sa mga balakyot sa ating kapanahunan ay kasintiyak din ng katuparan ng mga kahatulan ni Jehova laban sa Juda at Babilonya. Gayunman, ngayon mismo, bakit hindi natin gunigunihin na tayo’y naroroon sa Juda noong kaarawan ni Habakuk? Ano kaya ang nagaganap sa lupaing iyon?

Isang Magulong Lupain

4. Anong nakagigitlang balita ang narinig ni Habakuk?

4 Ilarawan sa isip ang propeta ni Jehova na si Habakuk na nakaupo sa patag na bubong ng kaniyang bahay, habang nasisiyahan sa malamig na simoy ng hangin sa gabi. Nasa tabi niya ang isang panugtog. (Habakuk 1:1; 3:19, sulat sa dulo) Subalit si Habakuk ay nakarinig ng isang nakagigitlang balita. Pinatay ni Haring Jehoiakim ng Juda si Urias at ipinahagis ang bangkay ng propetang iyon sa libingan ng karaniwang mga tao. (Jeremias 26:23) Totoo, hindi pinanatili ni Urias ang kaniyang pagtitiwala kay Jehova, anupat natakot at tumakas patungong Ehipto. Gayunman, alam ni Habakuk na ang karahasan ni Jehoiakim ay hindi bunsod ng anumang pagnanais na itaguyod ang karangalan ni Jehova. Makikita ito sa ganap na pagwawalang-bahala ng hari sa kautusan ng Diyos at sa kaniyang pagkapoot kay propeta Jeremias at sa iba pang naglilingkod kay Jehova.

5. Ano ang espirituwal na kalagayan sa Juda, at ano ang naging reaksiyon dito ni Habakuk?

5 Nakikita ni Habakuk na pumapailanlang ang usok ng insenso mula sa mga bubong ng karatig na mga bahay. Hindi sinusunog ng mga tao ang insensong ito bilang mga mananamba ni Jehova. Sila’y nakikibahagi sa mga gawain ng huwad na relihiyon na ang utak ay ang balakyot na si Haring Jehoiakim ng Juda. Kay laking kalapastanganan! Namuo ang luha sa mga mata ni Habakuk, at siya’y nagsumamo: “O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng tulong, at hindi mo diringgin? Hanggang kailan ako hihingi sa iyo ng saklolo dahil sa karahasan, at hindi ka magliligtas? Bakit mo ipinakikita sa akin yaong nakasasakit, at patuloy kang tumitingin sa kabagabagan? At bakit ang pananamsam at karahasan ay nasa harap ko, at bakit may pag-aaway, at bakit may hidwaan? Kaya ang kautusan ay nagiging manhid, at ang katarungan ay hindi lumalabas. Dahil pinalilibutan ng balakyot ang matuwid, kung kaya ang katarungan ay lumalabas na liko.”​—Habakuk 1:2-4.

6. Ano ang nangyari sa kautusan at katarungan sa Juda?

6 Oo, laganap ang pananamsam at karahasan. Saanman tumingin si Habakuk, ang nakikita niya’y kaguluhan, pag-aaway, hidwaan. Ang ‘kautusan ay naging manhid na,’ nawalan na ng puwersa. At ang katarungan? Aba, ito’y “hindi lumalabas” na matagumpay! Hindi ito nananaig kailanman. Sa halip, “pinalilibutan ng balakyot ang matuwid,” anupat pinaiikot ang legal na mga panukalang naglalayong protektahan ang mga walang kasalanan. Totoo nga, “ang katarungan ay lumalabas na liko.” Pinilipit ito. Napakalungkot namang kalagayan!

7. Ano ang determinadong gawin ni Habakuk?

7 Huminto sandali si Habakuk at nag-isip-isip hinggil sa kalagayang ito. Susuko na kaya siya? Hinding-hindi! Matapos isaalang-alang ang lahat ng pag-uusig sa tapat na mga lingkod ng Diyos, pinatibay ng tapat na lalaking ito ang kaniyang determinasyon na manatiling matatag at di-natitinag bilang propeta ni Jehova. Patuloy na ipahahayag ni Habakuk ang mensahe ng Diyos​—mangahulugan man ito ng kamatayan.

Nagsasagawa si Jehova ng Isang Di-Kapani-paniwalang Gawain

8, 9. Anong di-kapani-paniwalang ‘gawain’ ang isinasagawa ni Jehova?

8 Sa pangitain, nakita ni Habakuk ang huwad na mga relihiyonista, na lumalapastangan sa Diyos. Pakinggan ang sinabi ni Jehova sa kanila: “Magmasid kayo sa gitna ng mga bansa, at tumingin kayo, at magtitigan kayo sa isa’t isa sa pagkamangha.” Malamang, nagtataka si Habakuk kung bakit ganito ang paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa mga balakyot. Pagkatapos ay narinig niya si Jehova na nagsabi sa kanila: “Mamangha kayo; sapagkat ang isa ay may gawaing isinasagawa sa inyong mga araw, na hindi ninyo paniniwalaan bagaman ito ay isaysay.” (Habakuk 1:5) Ang totoo, si Jehova mismo ang nagsasagawa ng gawaing ito na hindi nila mapaniwalaan. Subalit ano nga ba ito?

9 Matamang nakinig si Habakuk sa karagdagang mga salita ng Diyos, na nakasaad sa Habakuk 1:6-11. Ito ang mensahe ni Jehova​—at walang huwad na diyos o walang-buhay na idolo ang makahahadlang sa katuparan nito: “Narito, ibinabangon ko ang mga Caldeo, ang bansa na mapait at mapusok, na pumaparoon sa malalawak na dako sa lupa upang ariin ang mga tahanan na hindi nito pag-aari. Nakatatakot at kakila-kilabot iyon. Mula roon ay lumalabas ang sarili nitong katarungan at ang sarili nitong dangal. At ang mga kabayo nito ay mas matulin kaysa sa mga leopardo, at sila ay mas mabangis kaysa sa mga lobo sa gabi. At dinadamba ng mga pandigmang kabayo nito ang lupa, at nanggagaling sa malayo ang mga pandigmang kabayo nito. Sila ay lumilipad na parang agila na nagtutumulin upang kumain. Ang kabuuan nito ay dumarating ukol sa pandarahas. Ang pagkakatipon ng kanilang mga mukha ay gaya ng hanging silangan, at ito ay nagtitipon ng mga bihag na tulad ng buhangin. At kung tungkol dito, ito ay nangungutya ng mga hari, at ang matataas na opisyal ay katawa-tawa para rito. Kung tungkol dito, pinagtatawanan nito maging ang bawat nakukutaang dako, at nagbubunton ito ng alabok at binibihag iyon. Sa pagkakataong iyon ay hahayo nga ito nang pasulong na gaya ng hangin at daraan at magkakasala. Ang gayong kapangyarihan nito ay dahil sa kaniyang diyos.”

10. Sino ang mga ibinabangon ni Jehova?

10 Kay tinding makahulang babala ito mula sa Kataas-taasan! Ibinabangon ni Jehova ang mga Caldeo, ang mabangis na bansa ng Babilonya. Sa pagmamartsa nito sa “malalawak na dako sa lupa,” sasakupin nito ang pagkarami-raming tahanan. Nakapangingilabot nga! Ang pangkat ng mga Caldeo ay “nakatatakot at kakila-kilabot,” kahindik-hindik at kahila-hilakbot. Gumagawa ito ng sarili nitong mahihigpit na batas. ‘Lumalabas ang sarili nitong katarungan mula roon.’

11. Paano mo ilalarawan ang pagdating ng mga hukbo ng Babilonya laban sa Juda?

11 Mas matulin ang mga kabayo ng Babilonya kaysa sa mabibilis na leopardo. Ang mga mangangabayo nito ay mas mabangis kaysa sa gutóm na mga lobo na naninila sa gabi. Palibhasa’y sabik na sabik nang humayo, di-makapaghintay na “dinadamba ng mga pandigmang kabayo nito ang lupa.” Nagtungo sila sa Juda mula sa malayong Babilonya. Sa paglipad na parang agila na nagtutumulin patungo sa isang masarap na pagkain, malapit nang dagitin ng mga Caldeo ang kanilang biktima. Subalit ito kaya’y isang pandarambong lamang, isang paglusob ng iilang sundalo? Aba, hindi! “Ang kabuuan nito ay dumarating ukol sa pandarahas,” na gaya ng isang ubod-laking kuyog na nagkukulumpunan upang maminsala. Samantalang nagniningning ang kanilang mga mukha sa kasabikan, sila’y sumasalakay pakanluran patungo sa Juda at Jerusalem, na kumikilos na kasimbilis ng hanging silangan. Tinatangay ng mga hukbo ng Babilonya ang napakaraming bilanggo anupat sila’y “nagtitipon ng mga bihag na tulad ng buhangin.”

12. Ano ang saloobin ng mga taga-Babilonya, at sa ano ‘nagkakasala’ ang mahirap-talunin na kaaway na ito?

12 Kinukutya ng hukbong Caldeo ang mga hari at pinagtatawanan ang matataas na opisyal, na pawang walang magawa upang pigilin ang walang-humpay na pagsalakay nito. ‘Pinagtatawanan nito ang bawat nakukutaang dako,’ sapagkat anumang kuta ay bumabagsak kapag ‘nagbubunton ng alabok’ ang mga taga-Babilonya sa pamamagitan ng pagtatambak ng lupa na mula roo’y sasalakayin ito. Sa itinakdang panahon ni Jehova, ang mahirap-talunin na kaaway ay ‘hahayo nga nang pasulong na gaya ng hangin.’ Sa pagsalakay sa Juda at Jerusalem, ito’y “magkakasala” ng pamiminsala sa bayan ng Diyos. Matapos ang napakabilis na tagumpay, ang kumandanteng Caldeo ay magmamalaki: ‘Ang kapangyarihang ito ay dahil sa aming diyos.’ Subalit kakatiting talaga ang kaniyang nalalaman!

Isang Matibay na Saligan ng Pag-asa

13. Bakit napuspos si Habakuk ng pag-asa at pagtitiwala?

13 Dahil sa nadagdagang pagkaunawa sa layunin ni Jehova, lumaki ang pag-asa sa puso ni Habakuk. Palibhasa’y puspos ng lubos na pagtitiwala, nagsalita siya upang purihin si Jehova. Gaya ng nakasaad sa Habakuk 1:12, ganito ang sabi ng propeta: “Hindi ba ikaw ay mula pa noong sinaunang panahon, O Jehova? O Diyos ko, aking Banal, hindi ka namamatay.” Oo, si Jehova ang Diyos “mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda”​—magpakailanman.​—Awit 90:1, 2.

14. Anong landasin ang tinahak ng mga apostata ng Juda?

14 Habang iniisip-isip ang kaniyang bigay-Diyos na pangitain at ikinagagalak ang kaunawaang dulot nito, nagpatuloy ang propeta: “O Jehova, ukol sa kahatulan ay itinalaga mo iyon; at, O Bato, ukol sa pagsaway ay itinatag mo iyon.” Matindi ang paghatol ng Diyos sa mga apostata ng Juda, at sila’y tatanggap ng pagsaway, matinding pagkastigo, mula kay Jehova. Dapat sana’y umasa sila sa kaniya bilang kanilang Bato, ang tanging tunay na tanggulan, kanlungan, at Pinagmumulan ng kaligtasan. (Awit 62:7; 94:22; 95:1) Gayunman, ang mga apostatang lider ng Juda ay hindi lumalapit sa Diyos, at patuloy nilang inaapi ang walang-labang mga mananamba ni Jehova.

15. Sa anong diwa ‘napakadalisay ng mga mata ni Jehova upang tumingin sa kasamaan’?

15 Labis na ikinabagabag ng propeta ni Jehova ang kalagayang ito. Kaya sabi niya: “Napakadalisay ng iyong mga mata upang tumingin sa kasamaan; at ang tingnan ang kabagabagan ay hindi mo magagawa.” (Habakuk 1:13) Oo, ‘napakadalisay ng mga mata ni Jehova upang tumingin sa kasamaan,’ alalaong baga’y upang kunsintihin ang paggawa ng kamalian.

16. Paano mo bubuurin ang nakasaad sa Habakuk 1:13-17?

16 Kaya naman, nasaisip ni Habakuk ang ilang nakapupukaw-kaisipang mga tanong. Itinatanong niya: “Bakit mo tinitingnan yaong mga nakikitungo nang may kataksilan, na nananahimik ka kapag nilalamon ng balakyot ang isang higit na matuwid kaysa sa kaniya? At bakit ginagawa mong tulad ng mga isda sa dagat ang makalupang tao, tulad ng mga gumagapang na bagay na hindi pinamamahalaan ninuman? Ang lahat ng mga ito ay iniahon niya sa pamamagitan lamang ng isang kawil; kinakaladkad niya ang mga iyon sa kaniyang pangubkob na lambat, at tinitipon niya ang mga iyon sa kaniyang pangisdang lambat. Kaya naman siya ay nagsasaya at nagagalak. Kaya naman siya ay naghahandog ng hain para sa kaniyang pangubkob na lambat at gumagawa ng haing usok para sa kaniyang pangisdang lambat; sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay nalalangisang mainam ang kaniyang takdang bahagi, at ang kaniyang pagkain ay nakapagpapalusog. Iyan ba ang dahilan kung bakit aalisan niya ng laman ang kaniyang pangubkob na lambat, at kailangan bang palagi siyang pumatay ng mga bansa, nang hindi siya nahahabag?”​—Habakuk 1:13-17.

17. (a) Sa pagsalakay sa Juda at sa Jerusalem, paano naglilingkod ang mga taga-Babilonya ukol sa layunin ng Diyos? (b) Ano ang isisiwalat ni Jehova kay Habakuk?

17 Sa pagsalakay sa Juda at sa kabiserang lunsod nito, ang Jerusalem, gagawi ang mga taga-Babilonya ayon sa sarili nilang pagnanasa. Hindi nila mamamalayan na sila’y naglilingkod bilang kasangkapan ng Diyos upang ilapat ang kaniyang matuwid na kahatulan laban sa isang di-tapat na bayan. Madaling maintindihan kung bakit naging mahirap para kay Habakuk na maunawaan ang paggamit ng Diyos sa balakyot na mga taga-Babilonya upang ilapat ang Kaniyang kahatulan. Ang malulupit na Caldeong iyon ay hindi naman mga mananamba ni Jehova. Ang tingin nila sa mga tao ay ‘mga isda at mga gumagapang na bagay’ lamang na dapat hulihin at supilin. Subalit hindi naman magtatagal ang pagkalito ni Habakuk. Di-magtatagal at isisiwalat ni Jehova sa kaniyang propeta na ang mga taga-Babilonya ay hindi maaaring hindi parusahan dahil sa kanilang sakim na pananamsam at sa kanilang walang-pakundangang pagkakasala sa dugo.​—Habakuk 2:8.

Nakahanda Para sa Karagdagang mga Salita ni Jehova

18. Ano ang matututuhan natin sa naging saloobin ni Habakuk, gaya ng ipinakikita sa Habakuk 2:1?

18 Gayunman, sa pagkakataong ito, naghihintay si Habakuk na marinig ang karagdagang mga salita ni Jehova sa kaniya. Matatag na sinabi ng propeta: “Sa aking bahay-tanod ay mananatili akong nakatayo, at mananatili akong nakapuwesto sa balwarte; at ako ay magbabantay, upang tingnan kung ano ang sasalitain niya sa pamamagitan ko at kung ano ang itutugon ko sa pagsaway sa akin.” (Habakuk 2:1) Gayon na lamang ang interes ni Habakuk sa sasabihin pa ng Diyos sa pamamagitan niya bilang isang propeta. Yamang nananampalataya siya kay Jehova bilang isang Diyos na hindi kumukunsinti ng masama, nagtataka siya kung bakit nananaig ang kabalakyutan, subalit handa niyang baguhin ang kaniyang kaisipan. Buweno, kumusta naman tayo? Kapag nagtataka tayo kung bakit pinapayagan ang ilang balakyot na mga bagay, ang ating pananalig sa pagkamatuwid ng Diyos na Jehova ay dapat tumulong sa atin na manatiling timbang at maghintay sa kaniya.​—Awit 42:5, 11.

19. Kasuwato ng sinabi ng Diyos kay Habakuk, ano ang nangyari sa suwail na mga Judio?

19 Kasuwato ng kaniyang sinabi kay Habakuk, inilapat ng Diyos ang kahatulan sa suwail na bansang Judio nang pahintulutan niyang lusubin ng mga taga-Babilonya ang Juda. Noong 607 B.C.E., winasak nila ang Jerusalem at ang templo, pinagpapatay ang matatanda at ang mga bata, at dinalang bihag ang marami. (2 Cronica 36:17-20) Matapos ang matagal na pagkakatapon sa Babilonya, isang tapat na nalabing Judio ang bumalik sa kanilang lupang tinubuan at nang dakong huli ay muling itinayo ang templo. Gayunman, pagkaraan nito, muli na namang nagtaksil ang mga Judio kay Jehova​—lalo pa nga nang itakwil nila si Jesus bilang ang Mesiyas.

20. Paano ginamit ni Pablo ang Habakuk 1:5 may kinalaman sa pagtatakwil kay Jesus?

20 Ayon sa Gawa 13:38-​41, ipinakita ni apostol Pablo sa mga Judio sa Antioquia kung ano ang magiging kahulugan ng pagtatakwil kay Jesus at sa gayo’y tinatanggihan ang kaniyang haing pantubos. Sa pagsipi sa Habakuk 1:5 mula sa bersiyon ng Greek Septuagint, nagbabala si Pablo: “Tiyakin ninyo na ang sinasabi na nasa mga Propeta ay hindi dumating sa inyo, ‘Masdan ninyo, ninyong mga manlilibak, at mamangha kayo, at maglaho kayo, sapagkat gumagawa ako ng isang gawa sa inyong mga araw, isang gawa na sa anumang paraan ay hindi ninyo paniniwalaan kahit na ilahad ito sa inyo ng sinuman nang detalyado.’ ” Kasuwato ng pagsipi ni Pablo, naganap ang ikalawang katuparan ng Habakuk 1:5 nang wasakin ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at ang templo nito noong 70 C.E.

21. Paano minalas ng mga Judio noong kaarawan ni Habakuk ang “gawa” ng Diyos na pagpapangyari sa mga taga-Babilonya na wasakin ang Jerusalem?

21 Para sa mga Judio noong kapanahunan ni Habakuk, ang “gawa” ng Diyos na pagpapangyari sa mga taga-Babilonya na wasakin ang Jerusalem ay hindi nila maubos-maisip sapagkat ang lunsod na iyon ang sentro ng pagsamba kay Jehova at ang dakong pinagluklukan ng kaniyang pinahirang hari. (Awit 132:11-18) Dahil dito, hindi pa kailanman nawasak ang Jerusalem. Hindi pa kailanman nasunog ang templo nito. Hindi pa kailanman naibagsak ang maharlikang sambahayan ni David. Hindi nga kapani-paniwalang pahihintulutan ni Jehova na mangyari ang mga bagay na ito. Subalit sa pamamagitan ni Habakuk, nagbigay ang Diyos ng sapat na babala na ang nakagigitlang mga pangyayaring ito ay talagang magaganap. At pinatutunayan ng kasaysayan na naganap nga ang mga iyon gaya ng inihula.

Ang Di-Kapani-paniwalang “Gawa” ng Diyos sa Ating Kaarawan

22. Ano ang kasangkot sa di-kapani-paniwalang “gawa” ni Jehova sa ating kaarawan?

22 Gagawa ba si Jehova ng isang di-kapani-paniwalang “gawa” sa ating kaarawan? Makaaasa tayo na gagawa siya, bagaman iyan ay waring di-kapani-paniwala sa mga mapag-alinlangan. Sa pagkakataong ito, ang di-kapani-paniwalang gawa ni Jehova ay ang pagkapuksa ng Sangkakristiyanuhan. Gaya ng sinaunang Juda, nag-aangkin itong sumasamba sa Diyos ngunit naging napakasama. Titiyakin ni Jehova na di-magtatagal ay mapapawi ang bawat bakas ng sistema ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, gayundin ang buong “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.​—Apocalipsis 18:1-24.

23. Ano ang iniudyok ng espiritu ng Diyos na gagawin pa ni Habakuk?

23 Marami pang ipagagawa si Jehova kay Habakuk bago ang pagkapuksa ng Jerusalem noong 607 B.C.E. Ano pa kaya ang sasabihin ng Diyos sa kaniyang propeta? Aba, maririnig ni Habakuk ang mga bagay na mag-uudyok sa kaniya na kunin ang kaniyang panugtog at umawit kay Jehova nang may-pananalanging pananambitan. Gayunman, uudyukan muna ng espiritu ng Diyos ang propeta na magpahayag ng madudulang kaabahan. Tiyak na pahahalagahan natin ang pagtatamo ng kaunawaan sa malalalim na kahulugan ng gayong makahulang mga salita para sa itinakdang panahon ng Diyos. Kung gayon ay higit pa nating bigyang-pansin ang hula ni Habakuk.

Natatandaan Mo Ba?

• Anong mga kalagayan ang umiral sa Juda noong kaarawan ni Habakuk?

• Anong di-kapani-paniwalang ‘gawain’ ang isinagawa ni Jehova noong kapanahunan ni Habakuk?

• Anong saligan ng pag-asa ang taglay ni Habakuk?

• Anong di-kapani-paniwalang “gawa” ang isasagawa ng Diyos sa ating kaarawan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan pahina 9]

Nagtaka si Habakuk kung bakit pinahintulutan ng Diyos na manaig ang kabalakyutan. Ikaw rin ba?

[Larawan sa pahina 10]

Inihula ni Habakuk ang kalamidad para sa lupain ng Juda sa kamay ng mga taga-Babilonya

[Larawan sa pahina 10]

Arkeolohikal na kagibaan ng Jerusalem, na winasak noong 607 B.C.E.