Nagagalak sa Diyos ng Ating Kaligtasan
Nagagalak sa Diyos ng Ating Kaligtasan
“Ako ay magbubunyi kay Jehova; ako ay magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan.”—HABAKUK 3:18.
1. Hinggil sa ano nagkaroon ng pangitain si Daniel bago bumagsak ang Babilonya noong 539 B.C.E.?
MAHIGIT sa isang dekada bago bumagsak ang Babilonya noong 539 B.C.E., nakita ng matanda nang propeta na si Daniel ang isang kapana-panabik na pangitain. Inihula nito ang hinggil sa mga pangyayari sa daigdig na aabot hanggang sa pangwakas na digmaan sa pagitan ng mga kaaway ni Jehova at ng kaniyang hinirang na Hari, si Jesu-Kristo. Ano ang naging reaksiyon ni Daniel? Sinabi niya: “Ako ay nanlupaypay at . . . natitigilan dahil sa bagay na nakita.”—Daniel 8:27.
2. Anong labanan ang nakita ni Daniel sa pangitain, at ano ang nadarama mo hinggil sa pagkanalalapit nito?
2 Kumusta naman tayo? Napakalayo na ng ating narating sa agos ng panahon! Ano ang reaksiyon natin kapag ating natatanto na ang labanang nakita ni Daniel sa pangitain—ang digmaan ng Armagedon ng Diyos—ay napakalapit na? Paano tayo tumutugon kapag naunawaan natin na ang kabalakyutang isiniwalat sa hula ni Habakuk ay lubhang palasak na anupat ang pagpuksa sa mga kaaway ng Diyos ay hindi na maiiwasan? Malamang na ang ating damdamin ay katulad niyaong kay Habakuk mismo, gaya ng inilarawan sa ikatlong kabanata ng kaniyang makahulang aklat.
Nananalangin si Habakuk Ukol sa Kaawaan ng Diyos
3. Alang-alang kanino nanalangin si Habakuk, at paano maaaring makaapekto sa atin ang kaniyang mga salita?
3 Ang Habakuk kabanata 3 ay isang panalangin. Ayon sa talata 1, ito’y ipinahahayag sa pamamagitan ng mga panambitan, mga awit ng dalamhati o panaghoy. Nananalangin ang propeta na wari bang iyon ay para sa kaniyang sarili. Ngunit ang totoo, si Habakuk ay nagsasalita alang-alang sa piniling bansa ng Diyos. Sa ngayon, ang kaniyang panalangin ay may napakalaking kahulugan para sa bayan ng Diyos, na nakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Kapag taglay natin ito sa isipan habang binabasa ang Habakuk kabanata 3, ang mga salita nito ay nagpapakaba sa atin ngunit nagpapagalak din naman. Ang panalangin, o panambitan, ni Habakuk, ay nagbibigay sa atin ng matibay na dahilan upang magalak kay Jehova, ang Diyos ng ating kaligtasan.
4. Bakit natakot si Habakuk, at anong paggamit ng kapangyarihan ng Diyos ang maaari nating matiyak?
4 Gaya ng nakita na natin sa dalawang naunang artikulo, napakasama ng kalagayan sa lupain ng Juda noong panahon ni Habakuk. Subalit hindi papayagan ng Diyos na magpatuloy ang kalagayang ito. Kikilos si Jehova, gaya ng ginawa niya noon. Hindi nga kataka-takang bumulalas ang propeta: “O Jehova, narinig ko ang ulat tungkol sa iyo. Ako ay natakot, O Jehova, sa iyong gawa”! Ano ang ibig niyang sabihin? ‘Ang ulat tungkol kay Jehova’ ay ang nakatalang kasaysayan ng makapangyarihang mga gawa ng Diyos, gaya niyaong sa Dagat na Pula, sa iláng, at sa Jerico. Ang mga gawang ito ay alam na alam ni Habakuk, at natakot siya dahil sa mga ito sapagkat batid niya na muling gagamitin ni Jehova ang kaniyang dakilang kapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway. Kapag nakikita natin ang kabalakyutan ng sangkatauhan sa ngayon, batid din natin na si Jehova ay kikilos na katulad ng ginawa niya noong sinaunang mga panahon. Pinangangambahan ba natin ito? Siyempre! Gayunman, tayo’y nananalangin na gaya ng ginawa ni Habakuk: “Sa gitna ng mga taon O buhayin mo nawa iyon! Sa gitna ng mga taon ay ipaalam mo nawa iyon. Sa panahon ng kaligaligan, ang pagpapakita ng awa ay iyo nawang maalaala.” (Habakuk 3:2) Sa itinakdang panahon ng Diyos, “sa gitna ng mga taon,” nawa’y muli niyang gamitin ang kaniyang makahimalang kapangyarihan. At sa panahong iyon, nawa’y maalaala niyang magpakita ng awa sa mga umiibig sa kaniya!
Humayo Na si Jehova!
5. Paanong ang ‘Diyos ay nanggaling sa Teman,’ at ano ang ipinahihiwatig nito hinggil sa Armagedon?
5 Ano ang mangyayari kapag dininig na ni Jehova ang ating panalangin ukol sa kaawaan? Masusumpungan natin ang sagot sa Habakuk 3:3, 4. Una, sinabi ng propeta: “Ang Diyos mismo ay nanggaling sa Teman, ang isa ngang Banal mula sa Bundok Paran.” Noong panahon ng propetang si Moises, ang Teman at Paran ay nadaraanan ng mga Israelita sa iláng patungo sa Canaan. Samantalang naglalakbay ang malaking bansa ng Israel, para bang si Jehova mismo ay kumikilos, at walang makahahadlang sa kaniya. Di-nagtagal bago mamatay si Moises, sinabi niya: “Si Jehova—mula sa Sinai ay nanggaling siya, at suminag siya sa kanila mula sa Seir. Lumiwanag siya mula sa bulubunduking pook ng Paran, at ang kasama niya ay banal na mga laksa [ng mga anghel].” (Deuteronomio 33:2) Kapag kumilos na si Jehova laban sa kaniyang mga kaaway sa Armagedon, magkakaroon ng gayunding pagtatanghal ng kaniyang di-malalabanang kapangyarihan.
6. Bukod sa kaluwalhatian ng Diyos, ano pa ang nakikita ng matatalinong Kristiyano?
6 Sinabi rin ni Habakuk: “Ang dangal [ni Jehova] ay tumakip sa langit; at napuno ng kaniyang kapurihan ang lupa. Kung tungkol sa kaniyang kaningningan, iyon ay naging gaya ng liwanag.” Anong kagila-gilalas na panoorin! Totoo, ang mga tao ay hindi maaaring tumingin sa Diyos na Jehova at mabuhay. (Exodo 33:20) Gayunman, para sa tapat na mga lingkod ng Diyos, ang mga mata ng kanilang puso ay nagniningning kapag binubulay-bulay nila ang kaniyang karilagan. (Efeso 1:18) At bukod sa kaluwalhatian ni Jehova, may nakikita pa ang matatalinong Kristiyano. Nagtapos ang Habakuk 3:4: “Mayroon siyang dalawang sinag na lumalabas sa kaniyang kamay, at doon nakatago ang kaniyang lakas.” Oo, nakikita natin na handa nang kumilos si Jehova, na ginagamit ang kaniyang kanang kamay ng kalakasan at kapangyarihan.
7. Ang matagumpay na paghayo ng Diyos ay nangangahulugan ng ano para sa mga nagrerebelde sa kaniya?
7 Ang matagumpay na paghayo ng Diyos ay nangangahulugan ng kapahamakan para sa mga nagrerebelde sa kaniya. Ang Habakuk 3:5 ay nagsasabi: “Sa unahan niya ay patuloy na yumayaon ang salot, at ang nag-aapoy na lagnat ay lumalabas sa kaniyang mga paa.” Nang malapit na ang mga Israelita sa mga hangganan ng Lupang Pangako noong 1473 B.C.E., marami sa kanila ang nagrebelde, anupat gumawa ng imoralidad at idolatriya. Bunga nito, mahigit sa 20,000 ang namatay sa isang salot na pinasapit ng Diyos. (Bilang 25:1-9) Sa malapit na hinaharap, kapag humayo na si Jehova sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” yaong mga nagrerebelde sa kaniya ay magdurusa rin dahil sa kanilang mga kasalanan. Ang ilan ay maaari pa ngang mamatay dahil sa literal na salot.—Apocalipsis 16:14, 16.
8. Ayon sa Habakuk 3:6, ano ang naghihintay sa mga kaaway ng Diyos?
8 Pakinggan naman ngayon ang matingkad na paglalarawan ng propeta hinggil sa pagkilos ni Jehova ng mga hukbo. Sa Habakuk 3:6, mababasa natin: “Siya [ang Diyos na Jehova] ay tumigil, upang mayanig niya ang lupa. Siya ay tumingin, at napalukso nga ang mga bansa. At ang mga bundok na walang hanggan ay nagkadurug-durog; ang mga burol na namamalagi nang walang takda ay yumukod. Ang mga lakad noong sinaunang panahon ay kaniya.” Una, si Jehova ay ‘tumitigil,’ tulad ng isang heneral na nagsisiyasat sa lugar ng digmaan. Nanginginig sa takot ang kaniyang mga kaaway. Nakikita nila kung sino ang kanilang kalaban at sila’y nasisindak, anupat napapalukso sa pangangatal. Inihula ni Jesus ang panahon na “hahampasin ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy.” (Mateo 24:30) Huling-huli na bago nila mapag-unawa na wala palang makapananaig laban kay Jehova. Ang mga organisasyon ng tao—kahit yaong mga waring matatag gaya ng “mga bundok na walang hanggan” at “mga burol na namamalagi nang walang takda”—ay guguho. Kung magkagayo’y magiging katulad ito ng “mga lakad [ng Diyos] noong sinaunang panahon,” tulad ng ikinilos niya noong unang panahon.
9, 10. Ano ang ipinaaalaala sa atin ng Habakuk 3:7-11?
9 “Nag-init sa galit” si Jehova laban sa kaniyang mga kaaway. Ngunit ano kayang sandata ang kaniyang gagamitin sa kaniyang dakilang digmaan? Makinig habang ang mga ito’y inilalarawan ng propeta, na nagsasabi: “Sa kahubaran nito ay nalantad ang iyong busog. Ang mga ipinanatang sumpa ng mga tribo ay siyang bagay na sinabi. Sa pamamagitan ng mga ilog ay biniyak mo ang lupa. Nakita ka ng mga bundok; dumanas sila ng matitinding kirot. Isang makulog na bagyo ng tubig ang dumaan. Inilakas ng matubig na kalaliman ang kaniyang ugong. Sa kaitaasan ay itinaas nito ang kaniyang mga kamay. Ang araw—ang buwan—ay tumigil, sa marangal na tahanan nila. Patuloy na yumayaong gaya ng liwanag ang iyong mga palaso. Ang kidlat ng iyong sibat ay nagdulot ng kaningningan.”—Habakuk 3:7-11.
10 Noong mga kaarawan ni Josue, pinangyari ni Jehova na tumigil ang araw at ang buwan sa isang kagila-gilalas na pagtatanghal ng kapangyarihan. (Josue 10:12-14) Ang hula ni Habakuk ay nagpapaalaala sa atin na ang kapangyarihan ding ito ang gagamitin ni Jehova sa Armagedon. Noong 1513 B.C.E., ipinakita ni Jehova ang kaniyang kakayahang sumupil sa matubig na kalaliman nang gamitin niya ang Dagat na Pula upang lipulin ang mga hukbo ni Paraon. Makalipas ang apatnapung taon, ang lubusang pagbaha ng ilog Jordan ay hindi naging hadlang sa matagumpay na paghayo ng Israel patungo sa Lupang Pangako. (Josue 3:15-17) Noong kaarawan ni Debora na propetisa, tinangay ng malakas na buhos ng ulan ang mga karo ng kaaway ng Israel na si Sisera. (Hukom 5:21) Ang ganito ring mga puwersa ng baha, malakas na buhos ng ulan, at matubig na kalaliman ay gagamitin ni Jehova sa Armagedon. Hawak din niya ang kulog at kidlat, tulad ng isang sibat o isang kaluban na punô ng mga palaso.
11. Ano ang mangyayari kapag pinakawalan na ni Jehova ang kaniyang dakilang kapangyarihan?
11 Tunay na magiging kasindak-sindak kapag pinakawalan na ni Jehova ang kaniyang dakilang kapangyarihan. Ipinahihiwatig ng mga salita ni Habakuk na ang gabi ay magiging araw at ang araw naman ay magiging mas maliwanag pa kaysa kayang gawin ng sikat ng araw. Literal man o simboliko ang kinasihang makahulang paglalarawang ito ng Armagedon, isang bagay ang tiyak—mananaig si Jehova, at walang kaaway ang pahihintulutang makaligtas.
Tiyak ang Kaligtasan Para sa Bayan ng Diyos!
12. Ano ang gagawin ng Diyos sa kaniyang mga kaaway, subalit sino ang maliligtas?
12 Patuloy na inilalarawan ng propeta ang gagawin ni Jehova sa pagpuksa sa Kaniyang mga kaaway. Sa Habakuk 3:12, mababasa natin: “Ikaw ay humayo sa lupa taglay ang pagtuligsa. Sa galit ay giniik mo ang mga bansa.” Gayunman hindi pupuksa si Jehova nang walang pinipili. May ilang taong maliligtas. “Ikaw ay lumabas ukol sa kaligtasan ng iyong bayan, upang iligtas ang iyong pinahiran,” ang sabi ng Habakuk 3:13. Oo, ililigtas ni Jehova ang kaniyang tapat na pinahirang mga lingkod. Ang pagkapuksa sa Babilonyang Dakila, ang pambuong-daigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay nalubos na sa panahong iyon. Subalit sa ngayon, sinisikap ng mga bansa na pawiin ang dalisay na pagsamba. Di-magtatagal, sasalakayin ng mga puwersa ni Gog ng Magog ang mga lingkod ni Jehova. (Ezekiel 38:1–39:13; Apocalipsis 17:1-5, 16-18) Magtatagumpay kaya ang satanikong pagsalakay na iyon? Hindi! Sa panahong iyon ay buong-galit na gigiikin ni Jehova ang kaniyang mga kaaway, anupat yuyurakan ang mga ito hanggang sa madurog tulad ng butil sa giikan. Subalit ililigtas niya yaong mga sumasamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.—Juan 4:24.
13. Paano matutupad ang Habakuk 3:13?
13 Ang lubos na paglipol sa balakyot ay inihuhula sa mga salitang ito: “Pinagdurug-durog mo [ni Jehova] ang pangulo mula sa bahay ng balakyot. Inihantad ang pundasyon, hanggang sa leeg.” (Habakuk 3:13) Ang “bahay” na ito ay ang balakyot na sistemang nabuo sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas na Diyablo. Iyon ay wawasakin. Ang “pangulo,” o mga lider na laban sa Diyos, ay dudurugin. Ang buong kayariang ito ay gigibain, hanggang sa pundasyon nito. Hindi na ito iiral. Kay laking ginhawa nito!
14-16. Ayon sa Habakuk 3:14, 15, ano ang mangyayari sa bayan ni Jehova at sa kanilang mga kaaway?
14 Sa Armagedon, yaong mga nagtatangkang lumipol sa “pinahiran” ni Jehova ay lilituhin. Ayon sa Habakuk 3:14, 15, ang propeta ay nakikipag-usap sa Diyos, na nagsasabi: “Sa pamamagitan ng kaniyang sariling mga tungkod ay inulos mo ang ulo ng kaniyang mga mandirigma nang kumilos sila nang may kapusukan upang ipangalat ako. Ang kanilang matinding galak ay gaya niyaong sa mga naghahangad na lumamon ng isang napipighati sa kubling dako. Sa dagat ay idinaan mo ang iyong mga kabayo, sa bunton ng malalawak na tubig.”
15 Nang sabihin ni Habakuk na ang ‘mga mandirigma ay kumilos . . . nang may kapusukan upang ipangalat ako,’ ang propeta ay tumatayong tagapagsalita para sa mga pinahirang lingkod ni Jehova. Tulad ng mga tulisan na nakaabang sa daan, lulundagin ng mga bansa ang mga mananamba
ni Jehova upang lipulin sila. “Matinding galak” ang madarama ng mga kaaway na ito ng Diyos at ng kaniyang bayan, anupat nagtitiwalang mananalo sila. Ang tapat na mga Kristiyano ay magmimistulang mahina, tulad ng “isang napipighati.” Ngunit kapag inilunsad na ng mga puwersang laban sa Diyos ang kanilang pagsalakay, pangyayarihin ni Jehova na ibaling nila ang kanilang mga sandata sa kanilang sarili. Gagamitin nila ang kanilang mga sandata, o “mga tungkod,” laban sa kanilang sariling mga mandirigma.16 Ngunit hindi lamang iyan ang natatanaw. Gagamitin ni Jehova ang nakahihigit-sa-taong mga puwersang espiritu upang lubusin ang pagpuksa sa kaniyang mga kaaway. Sa pamamagitan ng “mga kabayo” ng kaniyang makalangit na mga hukbo sa ilalim ni Jesu-Kristo, siya’y matagumpay na aabante sa “dagat” at sa “bunton ng malalawak na tubig,” alalaong baga, sa maligalig na masa ng mga taong kalaban niya. (Apocalipsis 19:11-21) Kung magkagayon ay lubusang aalisin mula sa lupa ang mga balakyot. Kay tinding pagtatanghal ng kapangyarihan at katarungan ng Diyos!
Dumarating Na ang Araw ni Jehova!
17. (a) Bakit tayo makapagtitiwala sa katuparan ng mga salita ni Habakuk? (b) Paano tayo makakatulad ni Habakuk habang hinihintay natin ang dakilang araw ni Jehova?
17 Makatitiyak tayo na malapit nang matupad ang mga salita ni Habakuk. Hindi maaantala ang mga iyon. Ano ang iyong reaksiyon sa patiunang kaalamang ito? Alalahanin na si Habakuk ay sumulat sa ilalim ng pagkasi ng Diyos. Kikilos si Jehova, at magkakaroon ng malaking pagkawasak sa lupa kapag Habakuk 3:16) Labis na nangatal si Habakuk—at mauunawaan naman kung bakit. Ngunit natinag ba ang kaniyang pananampalataya? Hinding-hindi! Handa siyang maghintay nang tahimik sa dakilang araw ni Jehova. (2 Pedro 3:11, 12) Hindi ba iyan din ang saloobin natin? Tiyak na gayon nga! Lubos ang ating pananampalataya na ang hula ni Habakuk ay matutupad. Ngunit hangga’t hindi pa ito nangyayari, tayo ay buong-tiyagang maghihintay.
nangyari iyon. Hindi nga kataka-takang sumulat ang propeta: “Narinig ko, at ang aking tiyan ay nagsimulang maligalig; dahil sa ingay ay nanginig ang aking mga labi; ang kabulukan ay nagsimulang pumasok sa aking mga buto; at sa aking kalagayan ay naligalig ako, upang hintayin ko nang tahimik ang araw ng kabagabagan, ang kaniyang pag-ahon sa bayan, upang lusubin niya sila.” (18. Bagaman inaasahan ni Habakuk ang kahirapan, ano ang kaniyang naging saloobin?
18 Ang digmaan ay laging nagdudulot ng kahirapan, kahit doon sa mga magwawagi. Maaaring kapusin ang pagkain. Maaaring mawala ang mga ari-arian. Maaaring bumaba ang antas ng pamumuhay. Kung mangyayari iyan sa atin, ano ang magiging reaksiyon natin? Taglay ni Habakuk ang isang ulirang saloobin, sapagkat sinabi niya: “Bagaman ang puno ng igos ay hindi mamulaklak, at hindi magkaroon ng aanihin sa mga punong ubas; ang bunga ng punong olibo ay maaaring magmintis, at ang hagdan-hagdang lupain ay hindi magbibigay ng pagkain; ang kawan ay maaaring mahiwalay sa kural, at hindi magkakaroon ng bakahan sa mga kulungan; gayunman, sa ganang akin, ako ay magbubunyi kay Jehova; ako ay magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan.” (Habakuk 3:17, 18) Makatotohanang inaasahan ni Habakuk ang mga kahirapan, marahil maging ang taggutom. Gayunman, kailanma’y hindi nawala ang kaniyang kagalakan kay Jehova, na siyang pinagmulan ng kaniyang kaligtasan.
19. Anong mga kahirapan ang nararanasan ng maraming Kristiyano, subalit sa ano tayo nakatitiyak kung uunahin natin si Jehova sa ating buhay?
19 Sa ngayon, bago pa man dumating ang digmaan ni Jehova laban sa balakyot, marami na ang nakararanas ng matinding kahirapan. Inihula ni Jesus na ang mga digmaan, taggutom, lindol, at salot ay magiging bahagi ng ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto’ taglay ang maharlikang kapangyarihan. (Mateo 24:3-14; Lucas 21:10, 11) Marami sa ating mga kapananampalataya ang naninirahan sa mga lupaing lubhang apektado ng katuparan ng mga salita ni Jesus, at dumaranas sila ng matinding paghihirap bunga nito. Ang ibang mga Kristiyano ay maaaring maapektuhan din sa hinaharap. Para sa marami pa sa atin, malaki ang posibilidad na ‘ang puno ng igos ay hindi mamulaklak’ bago dumating ang wakas. Gayunman, alam natin kung bakit nangyayari ang mga bagay na ito, at ito’y nakapagpapalakas sa atin. Karagdagan pa, may umaalalay sa atin. Nangako si Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran [ng Diyos], at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Hindi ito gumagarantiya ng maginhawang pamumuhay, subalit tinitiyak nito sa atin na kung uunahin natin si Jehova sa ating buhay, hindi niya tayo pababayaan.—Awit 37:25.
20. Sa kabila ng pansamantalang kahirapan, dapat na determinado tayong gawin ang ano?
20 Anumang pansamantalang kahirapan ang kailangang harapin natin, hindi tayo mawawalan ng pananampalataya sa kapangyarihan ni Jehova na magligtas. Marami sa ating mga kapatid sa Aprika, Silangang Europa, at iba pang mga lugar ang kinailangang mapaharap sa matinding paghihirap, subalit patuloy silang ‘nagbubunyi kay Jehova.’ Tulad nila, huwag nawa tayong tumigil kailanman sa paggawa ng gayon. Tandaan na ang Soberanong Panginoong Jehova ang Pinagmumulan ng ating “kalakasan.” (Habakuk 3:19) Hindi niya tayo kailanman bibiguin. Tiyak na darating ang Armagedon, at tiyak na kasunod nito ang ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos. (2 Pedro 3:13) Kung magkagayon, “ang lupa ay mapupuno ng kaalaman sa kaluwalhatian ni Jehova kung paanong ang tubig ay tumatakip sa dagat.” (Habakuk 2:14) Hanggang sa pagdating ng panahong iyon, sundin nawa natin ang mabuting halimbawa ni Habakuk. Lagi nawa tayong ‘magbunyi kay Jehova at magalak sa Diyos ng ating kaligtasan.’
Natatandaan Mo Ba?
• Paano tayo maaaring maapektuhan ng panalangin ni Habakuk?
• Bakit humahayo si Jehova?
• Ano ang sinasabi ng hula ni Habakuk tungkol sa kaligtasan?
• Anong saloobin ang dapat nating taglayin habang hinihintay ang dakilang araw ni Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 23]
Alam mo ba kung anong mga puwersa ang gagamitin ng Diyos sa Armagedon laban sa balakyot?