Tagumpay sa Pamamagitan ng Pagtitiyaga
Tagumpay sa Pamamagitan ng Pagtitiyaga
ANG pagtitiyaga ay katangiang bihira nang makita sa makabagong panahon. Maraming tao ang naniniwala na ang tagumpay ay higit na nakasalalay sa pagiging nasa tamang lugar sa tamang panahon kaysa pagtitiyaga. Masisisi ba sila ng sinuman? Ang media ay punung-puno ng mga sawikain sa pag-aanunsiyo na di-namamalayang nagbibigay ng impresyon na halos anumang bagay na nais mo ay makukuha mo sa pamamagitan ng kaunting pagsisikap at basta mas maraming salapi. Ang mga pahayagan ay patuloy na naglalathala ng maraming kuwento tungkol sa mga biglang tagumpay at magagaling na negosyanteng kumikita kaagad ng milyun-milyon pagkatapos mag-aral.
Ganito ang reklamo ng kolumnistang si Leonard Pitts: “Sa isang lipunan na labis na nagtutuon ng pansin sa pang-unawa, parang napakadali nito. . . . Para bang isang bagay na magagawa ng sinuman kung nauunawaan lamang niya ang pamamaraan, may abilidad siya, o tumatanggap siya ng tulong mula sa Diyos.”
Ano ang Pagtitiyaga?
Ang magtiyaga ay nangangahulugan na ‘manghawakang mahigpit at may katatagan sa isang layunin, kalagayan, o gawain sa kabila ng mga hadlang o mga kabiguan.’ Ipinahihiwatig nito ang patuloy na pagiging matatag sa harap ng kagipitan, nanghahawakang mahigpit, hindi sumusuko. Itinatampok ng Bibliya ang kahalagahan ng katangiang ito. Halimbawa, pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian,” “patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo,” “magmatiyaga kayo sa pananalangin,” at “manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam.”—Mateo 6:33; Lucas 11:9; Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:21.
Kawikaan 24:16 na: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya.” Sa halip na ‘sumuko’ kapag napapaharap sa kagipitan o kabiguan, ang matiyagang tao ay ‘bumabangon,’ ‘nagpapatuloy,’ at sumusubok na muli.
Ang isang mahalagang bahagi ng pagtitiyaga ay ang pagharap sa di-maiiwasang mga sagwil. Sinasabi ngGayunman, marami ang hindi handa sa mga kagipitan at mga kabiguan na maaaring mapaharap sa kanila. Palibhasa’y hindi napasulong kailanman ang pagnanais na magtiyaga, madali silang sumusuko. “Maraming tao ang tumutugon sa isang kabiguan sa isang paraan na nakapipinsala sa sarili,” sabi ng manunulat na si Morley Callaghan. “Binibigyang-daan nila ang pagkahabag-sa-sarili, sinisisi nila ang lahat, sila’y nagiging mapaghinanakit at . . . sumusuko.”
Nakalulungkot ito. “Nakalimutan natin,” ang banggit ni Pitts, “na may dahilan upang sumailalim sa pagsubok, may aral na makukuha sa kagipitan.” Anong aral iyon? Siya ay nagtapos: “Natututuhan [ng isa] na ang kabiguan ay hindi nakamamatay, ni walang-hanggan man ang pagkatalo. Nagiging malalim ang isa. Nagiging handa ang isa.” Ganito ang simpleng pagkakasabi ng Bibliya: “Sa bawat uri ng pagpapagal ay may kapakinabangan.”—Kawikaan 14:23.
Siyempre pa, hindi laging madali ang magsimulang muli pagkatapos ng isang kabiguan. Kung minsan ay napapaharap tayo sa mga hamon na para bang sumasalungat sa lahat ng ating mga pagsisikap na mapagtagumpayan ang mga ito. Sa halip na mas maabot ito, ang ating mga tunguhin ay para bang unti-unting naglalaho. Maaaring makadama tayo ng labis na pagkabagabag, ng kawalang kakayahan, at maaaring masiraan ng loob, manlumo pa nga. (Kawikaan 24:10) Gayunman, pinatitibay tayo ng Bibliya: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”—Galacia 6:9.
Ano ang Makatutulong sa Atin na Magtiyaga?
Ang unang hakbang para makapagtiyaga sa isang piniling landasin ay ang magtakda ng kapaki-pakinabang at naaabot na mga tunguhin. Tiyak na naunawaan ito ni apostol Pablo. Sinabi niya sa mga taga-Corinto: “Ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang-katiyakan; ang paraan ng pagtutuon ko ng mga suntok ay hindi upang sumuntok sa hangin.” Alam ni Pablo na kung nais niyang magtagumpay sa kaniyang mga pagsisikap, kailangan niyang magkaroon ng malinaw na mga tunguhin, tulad ng isang mananakbo na nagtutuon ng kaniyang isip sa pagtawid sa dulo ng karera sa isang takbuhan. “Hindi ba ninyo alam na ang mga mananakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makakamit ninyo ito,” ang payo niya sa kanila. (1 Corinto 9:24, 26) Paano natin magagawa ito?
“Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang,” sabi ng Kawikaan 14:15. Isang katalinuhan na suriin nating muli ang ating mga plano sa buhay sa pana-panahon, anupat itinatanong sa ating mga sarili kung saan tayo patungo at kung may mga pagbabago na kailangang gawin. Mahalaga na ingatang malinaw sa isipan kung ano ang nais nating maisakatuparan at kung bakit. Mas malayo tayong sumuko kung sa tuwina’y nakakintal sa ating isipan ang larawan ng ating sukdulang tunguhin. “Kung tungkol sa iyong mga mata, dapat itong tumingin nang tuwid sa unahan,” ang paghimok ng kinasihang kawikaan, upang “matibay nawang maitatag ang lahat ng iyong lakad.”—Kawikaan 4:25, 26.
Pagkatapos na matiyak ang iyong mga tunguhin, ang susunod na hakbang ay pag-isipan mong mabuti kung paano maabot ang mga ito. Si Jesus ay nagtanong: “Sino sa inyo na nagnanais na magtayo ng tore ang hindi muna uupo at kakalkulahin ang gastusin?” (Lucas 14:28) Kasuwato ng simulaing ito, isang dalubhasa sa kalusugang-pangkaisipan ang nagsabi: “Isa sa mga bagay na napansin ko sa matatagumpay na tao ay na malinaw nilang nauunawaan ang kaugnayan sa pagitan ng sanhi at epekto sa kanilang mga buhay. Nauunawaan ng matatagumpay na tao na kung nais nila ang isang bagay, kailangan nilang gawin ang lahat ng kinakailangang mga bagay upang makamit ito.” Matutulungan tayong maituon ang ating pansin kapag malinaw na nauunawaan natin ang lahat ng kinakailangang mga hakbang na dapat nating gawin upang matamo kung ano ang nais natin. Gagawin din nitong mas madali na tayo’y muling makapagsimula kung dumanas tayo ng kabiguan. Ang gayong pagsusuri ang saligan ng tagumpay nina Orville at Wilbur Wright.
Kaya naman, kapag nagkaroon ng mga kabiguan, gawin mo ang iyong pinakamabuti upang malasin ang mga ito sa isang positibong paraan at bilang isang nakapagtuturong karanasan. Suriin ang kalagayan, unawain kung saan ka nagkamali, at pagkatapos ay iwasto ang pagkakamali o lunasan ang kahinaan. Makatutulong ang pakikipag-usap sa iba, yamang “sa pamamagitan ng payo ay matibay na natatatag Kawikaan 20:18) Natural lamang, sa bawat pagsisikap, napasusulong mo ang higit na kadalubhasaan at kasanayan, na sa dakong huli ay magdudulot sa iyo ng tagumpay.
ang mga plano.” (Ang ikatlong mahalagang aspekto ng pagtitiyaga ay patuluyang paggawa. Pinapayuhan tayo ni apostol Pablo: “Sa anumang antas tayo nakagawa na ng pagsulong, patuloy tayong lumakad nang maayos sa kinagawian ding ito.” (Filipos 3:16) Gaya ng pagkakasabi ng isang edukador, “ang makatuwiran at patuluyang pagsisikap sa isang yugto ng panahon ay nagbubunga ng malalaking resulta.” Ito ay inilarawang mainam sa kilalang pabula ni Aesopo tungkol sa pagong at sa kuneho. Nanalo sa takbuhan ang pagong, bagaman siya ay mas mabagal kaysa sa kuneho. Bakit? Sapagkat ang pagong ay may di-pabagu-bago at disiplinadong saloobin. Hindi siya sumuko kundi tumakbo siya sa bilis na makatotohanan niyang maaabot, at ipinagpatuloy niya ito hanggang matawid niya ang dulo ng karera. Yamang ang organisado at di-pabagu-bagong tao ay sumusulong nang patuluyan, nananatili siyang nagaganyak at sa gayo’y mas malayong sumuko o maalis sa takbuhan. Oo, ‘tumakbo sa paraang’ makakamit mo ang iyong tunguhin.
Pagpili ng Kapaki-pakinabang na mga Tunguhin
Siyempre pa, upang maging makabuluhan ang pagtitiyaga, kailangan tayong magkaroon ng kapaki-pakinabang na mga tunguhin. Pinagsisikapang matamo ng maraming tao ang mga bagay na hindi nagdudulot ng kaligayahan. Ngunit binabanggit ng Bibliya: “Siya na nagmamasid sa sakdal na batas na nauukol sa kalayaan at nagpapatuloy rito . . . ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.” (Santiago 1:25) Oo, ang pag-aaral upang maunawaan ang kautusan ng Diyos gaya ng nakalahad sa Bibliya ay isang lubos na kapaki-pakinabang na tunguhin. Bakit? Sa totoo, ito’y sa dahilang nakasalig sa kaniyang sakdal at matuwid na mga pamantayan ang kautusan ng Diyos. Bilang ang Maylalang, alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa kaniyang mga nilalang. Kaya kung pagsisikapan nating matutuhan ang mga tagubilin ng Diyos at ikinakapit ang mga ito sa ating buhay, ang gayong pagtitiyaga ay tiyak na magdudulot ng kaligayahan sa atin. “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso . . . Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas,” ang pangako ng Kawikaan 3:5, 6.
Karagdagan pa, ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at kay Jesus ay “nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan,” sabi ni Jesus. (Juan 17:3) Ipinakikita ng hula sa Bibliya na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw” ng sistemang ito. (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:3-13) Di-magtatagal at patutunayan ng Kaharian ng Diyos, ang kaniyang matuwid na pamahalaan, ang pamamahala nito sa mga naninirahan sa lupa. (Daniel 2:44; Mateo 6:10) Ang pamahalaang ito ay magdadala ng walang-katulad na panahon ng kapayapaan, kasaganaan, at kabutihan para sa lahat ng masunuring sangkatauhan. (Awit 37:10, 11; Apocalipsis 21:4) “Ang Diyos ay hindi nagtatangi,” sabi ng Gawa 10:34. Oo, ang lahat ay inaanyayahan upang tamasahin ang mga pakinabang!
Ang Bibliya ay isang sinaunang aklat na punô ng karunungan at kahulugan. Ang pag-unawa rito ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Ngunit sa tulong ng Diyos—at kung pagsisikapan nating hanapin ang kaalamang ito—masusumpungan natin ito. (Kawikaan 2:4, 5; Santiago 1:5) Totoo, ang pagkakapit ng ating natututuhan ay isang hamon. Baka kailangan nating baguhin ang ating pag-iisip o mga kinaugalian. Ang mga kaibigan o mga miyembro ng pamilya na may mabuti namang intensiyon ay maaari pa ngang sumalansang sa ating pag-aaral ng Bibliya. Kaya ang pagtitiyaga ay mahalaga. Pinaaalalahanan tayo ni apostol Pablo na ibibigay ng Diyos ang walang-hanggang buhay doon sa mga nagpapakita ng “pagbabata sa gawang mabuti.” (Roma 2:7) Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tumulong sa iyo na matamo ang tunguhing ito.
Manalig ka na ikaw ay magtatagumpay kung magtitiyaga ka sa pag-aaral tungkol sa Diyos at sa kaniyang kalooban at patuluyang magkakapit sa natututuhan mo.—Awit 1:1-3.
[Larawan sa pahina 6]
Ikaw ay magtatagumpay kung magtitiyaga ka sa pag-aaral tungkol sa Diyos at sa kaniyang kalooban
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Culver Pictures