Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ikaw ba’y Naaantig na Kumilos Gaya ni Jesus?

Ikaw ba’y Naaantig na Kumilos Gaya ni Jesus?

Ikaw ba’y Naaantig na Kumilos Gaya ni Jesus?

“Nakita niya ang isang malaking pulutong, ngunit naantig siya sa pagkahabag sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol. At nagpasimula siyang magturo sa kanila.”​—MARCOS 6:34.

1. Bakit madaling maunawaan kung bakit ang mga indibiduwal ay nakapagpapamalas ng mga kahanga-hangang katangian?

SA BUONG kasaysayan, marami nang indibiduwal ang nakapagpamalas ng mga kahanga-hangang katangian. Mauunawaan mo naman kung bakit. Ang Diyos na Jehova ay nagtataglay at nagpapamalas ng pag-ibig, kabaitan, pagkabukas-palad, at iba pang mga katangian na hinahangaan natin. Ang mga tao’y nilalang ayon sa larawan ng Diyos. Kaya mauunawaan natin kung bakit marami ang nakapagpapakita ng isang antas ng pag-ibig, kabaitan, pagkamadamayin, at iba pang makadiyos na mga katangian, kung paanong marami ang nagpapamalas na sila’y may budhi. (Genesis 1:26; Roma 2:14, 15) Gayunman, mapagtatanto mo na ang ilan ay mas madaling makapagpamalas ng mga katangiang ito kaysa sa iba.

2. Ano ang ilang mabubuting gawa na maaaring gawin ng mga tao, anupat marahil ay nag-aakalang tinutularan nila si Kristo?

2 Marahil ay may kilala kang mga taong madalas na dumadalaw o tumutulong sa mga maysakit, nakikiramay sa mga may kapansanan, o bukas-palad na nagbibigay sa mahihirap. Isip-isipin din ang mga indibiduwal na dahil sa pagiging madamayin ay naaantig na gugulin ang kanilang buhay sa pagtatrabaho sa mga institusyon ng mga ketongin o mga ampunan, yaong mga nagboboluntaryo sa mga ospital o hospisyo, o mga taong nagsisikap na makatulong sa mga walang bahay o sa mga lumilikas. Malamang, inaakala ng ilan sa kanila na tinutularan nila si Jesus, na siyang naglagay ng parisan para sa mga Kristiyano. Mababasa natin sa Mga Ebanghelyo na pinagaling ni Kristo ang maysakit at pinakain ang nagugutom. (Marcos 1:34; 8:1-9; Lucas 4:40) Ang mga pagpapamalas ni Jesus ng pag-ibig, pagkamagiliw, at pagkamadamayin ay mga kapahayagan ng “pag-iisip ni Kristo,” na tumutulad naman sa kaniyang makalangit na Ama.​—1 Corinto 2:16.

3. Upang magkaroon ng timbang na pangmalas sa mabubuting gawa ni Jesus, ano ang kailangan nating isaalang-alang?

3 Gayunman, napansin mo ba na sa ngayon ay nakakaligtaan ng marami sa mga naantig ng pag-ibig at pagkamadamayin ni Jesus ang isang mahalagang bahagi ng pag-iisip ni Kristo? Magtatamo tayo ng kaunawaan hinggil dito sa pamamagitan ng isang maingat na pagsasaalang-alang sa Marcos kabanata 6. Mababasa natin doon na dinala ng mga tao kay Jesus ang mga maysakit upang pagalingin. Sa konteksto, napag-alaman din natin na nang makita niyang nagugutom ang libu-libong nagpunta sa kaniya, makahimalang pinakain sila ni Jesus. (Marcos 6:35-44, 54-56) Ang pagpapagaling sa maysakit at pagpapakain sa nagugutom ay pambihirang pagpapamalas ng maibiging pagkamadamayin, subalit ang mga ito ba ang pangunahing mga paraan ng pagtulong ni Jesus sa iba? At paano natin pinakamagaling na matutularan ang kaniyang sakdal na halimbawa ng pag-ibig, kabaitan, at pagkamadamayin, gaya ng pagtulad niya kay Jehova?

Naantig na Tugunin ang Espirituwal na mga Pangangailangan

4. Ano ang tagpo sa salaysay sa Marcos 6:30-34?

4 Nahabag si Jesus sa mga nakapaligid sa kaniya pangunahin nang dahil sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Ang mga pangangailangang iyon ang pinakamahalaga, na higit pa sa pisikal na mga pangangailangan. Tingnan natin ang salaysay sa Marcos 6:30-34. Ang pangyayaring nakaulat doon ay naganap sa mga baybayin ng Dagat ng Galilea, nang malapit na ang panahon ng Paskuwa noong 32 C.E. Tuwang-tuwa ang mga apostol, at may mabuting dahilan naman ito. Palibhasa’y katatapos lamang ng isang malawakang paglilibot, pumunta sila kay Jesus, anupat tiyak na nasasabik nang sabihin sa kaniya ang kanilang mga naging karanasan. Subalit dumagsa ang isang pulutong. Napakarami nito anupat hindi na makakain ni makapagpahinga man lamang si Jesus at ang kaniyang mga apostol. Sinabi ni Jesus sa mga apostol: “Halikayo, kayo mismo, nang sarilinan sa isang dakong liblib at magpahinga nang kaunti.” (Marcos 6:31) Sakay ng bangka, marahil malapit sa Capernaum, naglayag sila patungo sa ibayo ng Dagat ng Galilea sa isang tahimik na lugar. Subalit nagtakbuhan sa baybayin ang pulutong at nauna pang nakarating kaysa sa bangka. Paano tumugon si Jesus? Nagalit ba siya dahil naistorbo ang kaniyang paglayo sa karamihan? Hinding-hindi!

5. Ano ang nadama ni Jesus sa mga pulutong na pumunta sa kaniya, at ano ang ginawa niya bilang tugon?

5 Naantig ang puso ni Jesus nang makita niya ang pulutong na ito na binubuo ng libu-libo, pati na ang mga maysakit, na sabik na naghihintay sa kaniya. (Mateo 14:14; Marcos 6:44) Sa pagtutuon ng pansin sa naging dahilan ng pagdamay ni Jesus at kung paano Siya tumugon, sumulat si Marcos: “Nakita niya ang isang malaking pulutong, ngunit naantig siya sa pagkahabag sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol. At nagpasimula siyang magturo sa kanila ng maraming mga bagay.” (Marcos 6:34) Hindi lamang kapal ng tao ang nakita ni Jesus. Nakita rin niya ang mga indibiduwal na may pangangailangan sa espirituwal. Gaya sila ng mga tupang palabuy-laboy na wala nang pag-asa, na walang pastol para akayin sila tungo sa luntiang pastulan o kaya’y ipagsanggalang sila. Batid ni Jesus na ang walang-simpatiyang mga pinuno ng relihiyon, na dapat sana’y naging mapagmalasakit na mga pastol, ay siya pang humamak sa karaniwang mga tao at nagpabaya sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. (Ezekiel 34:2-4; Juan 7:47-49) Iba naman ang nais ni Jesus na maging pakikitungo sa kanila, anupat ginawa nito ang pinakamabuti para sa kanila. Pinasimulan niyang turuan sila hinggil sa Kaharian ng Diyos.

6, 7. (a) Isinisiwalat ng Mga Ebanghelyo ang anong priyoridad sa pagtugon ni Jesus sa pangangailangan ng mga tao? (b) Ano ang nakaganyak kay Jesus para mangaral at magturo?

6 Pansinin ang pagkakasunud-sunod at ang ipinahihiwatig na priyoridad na makikita sa isang kahawig na salaysay. Ito’y isinulat ni Lucas, na isang manggagamot at lubhang interesado sa pisikal na kapakanan ng iba. “Ang mga pulutong . . . ay sumunod [kay Jesus]. At tinanggap niya sila nang may kabaitan at nagpasimulang magsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos, at pinagaling niya yaong mga nangangailangan ng pagpapagaling.” (Lucas 9:11; Colosas 4:14) Bagaman hindi laging ganito sa bawat salaysay tungkol sa isang himala, sa kasong ito, ano ang unang binigyang-pansin ng kinasihang salaysay ni Lucas? Ito ay ang bagay na tinuruan ni Jesus ang mga tao.

7 Ito’y talagang kaayon ng pagdiriin na masusumpungan natin sa Marcos 6:34. Maliwanag na idiniriin ng talatang iyan kung paano pangunahin nang naantig si Jesus na ipahayag ang kaniyang pagkahabag. Tinuruan niya ang mga tao, anupat tinugon ang kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Bago nito sa kaniyang ministeryo, sinabi ni Jesus: “Sa ibang mga lunsod din ay dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:43) Gayunman, nagkakamali tayo kung iisipin natin na ipinahayag ni Jesus ang mensahe ng Kaharian udyok lamang ng tungkulin, na para bang wala-sa-pusong isinagawa niya ang pangangaral na dapat niyang gawin. Hindi, ang kaniyang maibiging pagdamay sa mga tao ang pangunahing nakaganyak kung kaya niya ibinahagi ang mabuting balita sa kanila. Ang pinakasukdulang kabutihan na magagawa ni Jesus​—kahit na sa maysakit, sa pinipighati ng demonyo, sa mahirap, o sa nagugutom​—ay ang tulungan silang alamin, tanggapin, at ibigin ang katotohanan hinggil sa Kaharian ng Diyos. Ang katotohanang iyan ay napakahalaga dahil sa papel ng Kaharian sa pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at paglalaan ng permanenteng mga pagpapala sa mga tao.

8. Ano ang nadama ni Jesus hinggil sa kaniyang pangangaral at pagtuturo?

8 Ang aktibong pangangaral ni Jesus hinggil sa Kaharian ay napakahalagang dahilan kung bakit siya bumaba sa lupa. Nang malapit nang matapos ang kaniyang ministeryo sa lupa, sinabi ni Jesus kay Pilato: “Dahil dito ako ipinanganak, at dahil dito ako dumating sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” (Juan 18:37) Nakita natin sa sinundang dalawang artikulo na si Jesus ay isang taong may magiliw na damdamin​—mapagmalasakit, madaling lapitan, makonsiderasyon, mapagtiwala, at higit sa lahat, maibigin. Kailangan nating maunawaan ang mga aspektong iyon ng kaniyang personalidad kung talagang nais nating maintindihan ang pag-iisip ni Kristo. Mahalaga ring mapagtanto na lakip sa pag-iisip ni Kristo ang priyoridad na kaniyang inilalagay sa kaniyang pangangaral at pagtuturo.

Hinimok Niya ang Iba na Magpatotoo

9. Para kanino dapat magkaroon ng priyoridad ang pangangaral at pagtuturo?

9 Ang priyoridad na inilagay sa pangangaral at pagtuturo​—bilang kapahayagan ng pag-ibig at pagdamay​—ay hindi lamang para kay Jesus. Hinimok niya ang kaniyang mga tagasunod na tularan ang kaniyang mga motibo, priyoridad, at mga pagkilos. Halimbawa, matapos piliin ni Jesus ang kaniyang 12 apostol, ano ang dapat nilang gawin? Sinasabi sa atin ng Marcos 3:14, 15: “Bumuo siya ng isang pangkat ng labindalawa, na pinanganlan din niyang ‘mga apostol,’ nang sa gayon ay makapagpatuloy silang kasama niya at nang sa gayon ay maisugo niya sila upang mangaral at upang magkaroon ng awtoridad na magpalayas ng mga demonyo.” May nakikita ka bang anumang priyoridad para sa mga apostol?

10, 11. (a) Nang isugo ang mga apostol, ano ang sinabi ni Jesus na gagawin nila? (b) Hinggil sa pagsusugo sa mga apostol, ano ang pinagtutuunan ng pansin?

10 Nang maglaon, pinangyari nga ni Jesus na ang 12 ay makapagpagaling sa iba at makapagpalayas ng mga demonyo. (Mateo 10:1; Lucas 9:1) Pagkatapos ay isinugo niya sila na maglibot para sa “nawawalang mga tupa ng bahay ng Israel.” Upang gawin ang ano? Inutusan sila ni Jesus: “Samantalang humahayo kayo, mangaral, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng mga langit ay malapit na.’ Magpagaling ng mga taong may-sakit, magbangon ng mga taong patay, gawing malinis ang mga ketongin, magpalayas ng mga demonyo.” (Mateo 10:5-8; Lucas 9:2) Ano, sa katunayan, ang ginawa nila? “Kaya humayo sila at [1] nangaral upang ang mga tao ay makapagsisi; at [2] nagpapalayas sila ng maraming demonyo at nilalangisan ng langis ang maraming taong masasakitin at pinagagaling sila.”​—Marcos 6:12, 13.

11 Yamang ang pagtuturo ay hindi naman palaging unang nababanggit sa bawat pagkakataon, ang pagbibigay-pansin ba sa pagkakaayos ng nasa itaas ay labis-labis na pagbibigay-kahulugan sa mga priyoridad o sa mga motibong nasasangkot? (Lucas 10:1-8) Buweno, hindi natin dapat maliitin ang madalas na pagbanggit muna sa pagtuturo bago sa pagpapagaling. Isaalang-alang ang konteksto sa bagay na ito. Bago pa man isugo ang 12 apostol, si Jesus ay naantig na sa kalagayan ng mga pulutong. Mababasa natin: “Si Jesus ay humayo sa paglilibot sa lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan. Sa pagkakita sa mga pulutong siya ay nahabag sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol. Nang magkagayon ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad: ‘Oo, ang pag-aani ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Samakatuwid, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.’ ”​—Mateo 9:35-38.

12. Ang makahimalang mga gawa ni Jesus at ng mga apostol ay maaaring magsilbi sa anong karagdagang layunin?

12 Dahil sa pagsama sa kaniya, naikikintal sa isip ng mga apostol ang ilan sa pag-iisip ni Kristo. Nadarama nila na kalakip sa kanilang pagiging tunay na maibigin at madamayin sa mga tao ang pangangaral at pagtuturo hinggil sa Kaharian​—iyan ang dapat na maging isang pangunahing aspekto ng kanilang mabubuting gawa. Kaayon niyan, ang maiinam na gawa na may kinalaman sa pisikal na mga bagay, gaya ng pagpapagaling sa maysakit, ay nakagawa pa nang higit kaysa sa basta pagtulong lamang sa nangangailangan. Gaya ng maguguniguni mo, ang ilang tao ay maaaring maakit dahil sa pagpapagaling at makahimalang paglalaan ng pagkain. (Mateo 4:24, 25; 8:16; 9:32, 33; 14:35, 36; Juan 6:26) Gayunman, bukod sa nakatulong ito sa pisikal, ang gayong mga gawa sa katunayan ay nakaantig sa mga nagmamasid upang kilalanin na si Jesus ang Anak ng Diyos at “ang propeta” na inihula ni Moises.​—Juan 6:14; Deuteronomio 18:15.

13. Ang hula sa Deuteronomio 18:18 ay nagdiriin ng anong papel para sa ‘propeta’ na darating?

13 Bakit mahalaga na si Jesus “ang propeta”? Buweno, ano ba ang pangunahing papel na inihula para sa isang iyan? Mapapabantog ba lamang “ang propeta” dahil sa makahimalang pagpapagaling o madamaying paglalaan ng pagkain sa nagugutom? Inihula ng Deuteronomio 18:18: “Isang propeta ang ibabangon ko para sa kanila mula sa gitna ng kanilang mga kapatid, na tulad mo [ni Moises]; at ilalagay ko nga ang aking mga salita sa kaniyang bibig, at tiyak na sasalitain niya sa kanila ang lahat ng iuutos ko sa kaniya.” Kaya bagaman natuto ang mga apostol na magtaglay at magpahayag ng magiliw na damdamin, maipapasiya nila na ang pag-iisip ni Kristo ay dapat ding makita sa kanilang pangangaral at pagtuturo. Iyan ang pinakamagaling na magagawa nila para sa mga tao. Sa pamamagitan niyan, ang mga maysakit at mahihirap ay magtatamo ng permanenteng mga pakinabang, hindi lamang yaong limitado sa maigsing panahon na itinatagal ng buhay ng tao o sa isa o dalawang beses na pagkain.​—Juan 6:26-30.

Linangin ang Pag-iisip ni Kristo Ngayon

14. Paano nasasangkot ang pagtataglay ng pag-iisip ni Kristo sa ating pangangaral?

14 Walang isa man sa atin ang magkakaroon ng pangmalas na ang pag-iisip ni Kristo ay para lamang noong unang siglo​—kay Jesus at sa sinaunang mga alagad na tungkol sa kanila’y sumulat si apostol Pablo: “Taglay nga natin ang pag-iisip ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) At agad nating aaminin na tayo’y obligadong mangaral ng mabuting balita at gumawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Gayunman, makabubuting pag-isipan nating mabuti ang ating sariling mga motibo sa pagsasagawa ng gawaing iyan. Hindi dapat na ito’y dahil lamang sa udyok ng tungkulin. Ang pag-ibig sa Diyos ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nakikibahagi sa ministeryo, at kalakip sa pagiging tunay na kagaya ni Jesus ang pangangaral at pagtuturo udyok ng pagkamadamayin.​—Mateo 22:37-39.

15. Bakit isang angkop na bahagi ng ating pangmadlang ministeryo ang pagkamadamayin?

15 Ipagpalagay nang hindi nga laging madali na makadama ng pagkamadamayin sa mga hindi natin kapananampalataya, lalo na kapag nakatatagpo tayo ng mga taong walang interes, tumatanggi, o kaya’y sumasalansang. Subalit, kung maiwawala natin ang ating pag-ibig at pagdamay sa mga tao, maaaring maiwala natin ang isang mahalagang pangganyak sa pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Kung gayon, paano natin malilinang ang pagkamadamayin? Maaari nating subuking malasin ang mga tao ayon sa pangmalas ni Jesus sa kanila, bilang mga “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Hindi nga ba ganiyan maaaring ilarawan ang marami sa ngayon? Sila’y kinaligtaan at binulag sa espirituwal na paraan ng huwad na mga pastol ng relihiyon. Bilang resulta, hindi nila alam ang tungkol sa mahusay na patnubay na masusumpungan sa Bibliya ni ang tungkol sa mga kalagayan sa Paraiso na idudulot ng Kaharian ng Diyos sa ating lupa. Nakaharap sila sa mga suliranin ng pang-araw-araw na buhay​—kasali na ang karalitaan, awayan ng pamilya, sakit, at kamatayan​—nang walang pag-asa sa Kaharian. Nasa atin ang kailangan nila: ang nagliligtas-buhay na mabuting balita ng Kaharian ng Diyos na nakatatag na ngayon sa langit!

16. Bakit dapat nating naising ibahagi sa iba ang mabuting balita?

16 Kaya nga kapag pinag-iisipan mo ang espirituwal na mga pangangailangan niyaong mga nakapaligid sa iyo, hindi ba naaantig ang iyong puso na hangarin mong gawin ang lahat ng iyong magagawa upang sabihin sa kanila ang tungkol sa maibiging layunin ng Diyos? Oo, ang ating gawain ay isang gawain ng pagdamay. Kapag may empatiya tayo sa mga tao na gaya ni Jesus, mahahalata iyon sa tono ng ating boses, sa ibinabadya ng ating mukha, sa paraan ng ating pagtuturo. Pangyayarihin ng lahat ng iyan na maging higit na kaakit-akit ang ating mensahe sa mga taong “nakaayon para sa buhay na walang-hanggan.”​—Gawa 13:48.

17. (a) Ano ang ilang paraan na maipakikita natin ang ating pag-ibig at pagkamadamayin sa iba? (b) Bakit hindi naman kinakailangan dito na mamilì alinman sa paggawa ng mabuti o pakikibahagi sa pangmadlang ministeryo?

17 Mangyari pa, ang ating pag-ibig at pagkamadamayin ay dapat na makita sa buong landasin ng ating buhay. Lakip dito ang ating pagiging mabait sa mga kapospalad, maysakit, at mahihirap​—na ginagawa ang makatuwiran nating magagawa upang lunasan ang kanilang pagdurusa. Saklaw nito ang ating mga pagsisikap sa salita at sa gawa na pawiin ang pamimighati niyaong mga namatayan ng mga mahal sa buhay. (Lucas 7:11-15; Juan 11:33-35) Gayunman, ang gayong pagpapamalas ng pag-ibig, kabaitan, at pagkamadamayin ay hindi dapat na maging pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng ating mabubuting gawa, na gaya ng ilang mapagkawanggawa. Ang makapupong higit na may namamalaging halaga ay ang mga pagsisikap na inuudyukan ng nabanggit na makadiyos na mga katangian subalit ipinamamalas sa pamamagitan ng pakikibahagi sa Kristiyanong pangangaral at pagtuturo. Gunitain ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga Judiong lider ng relihiyon: “Ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena at ng eneldo at ng komino, ngunit winalang-halaga ninyo ang mas matimbang na mga bagay ng Batas, alalaong baga, katarungan at awa at katapatan. Ang mga bagay na ito ay kinakailangang gawin, gayunma’y huwag waling-halaga ang iba pang mga bagay.” (Mateo 23:23) Para kay Jesus, hindi naman siya kailangang mamilì sa dalawa​—ito man ay pagtulong sa mga tao sa kanilang pisikal na pangangailangan o pagtuturo sa kanila ng nagbibigay-buhay na espirituwal na mga bagay. Parehong ginawa ito ni Jesus. Gayunman, maliwanag pa rin na ang kaniyang pagtuturo ang pinakamahalaga sapagkat ang mabuting bagay na nagawa niya ay maaaring makatulong magpakailanman.​—Juan 20:16.

18. Sa ano tayo dapat pakilusin ng ating pagsasaalang-alang sa pag-iisip ni Kristo?

18 Laking pasasalamat natin na isiniwalat ni Jehova ang pag-iisip ni Kristo sa atin! Sa pamamagitan ng Mga Ebanghelyo, maaari nating higit na malaman ang mga kaisipan, damdamin, mga katangian, mga gawain, at mga priyoridad ng pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Nasa atin na kung ating babasahin, bubulay-bulayin, at ikakapit ang isinisiwalat ng Bibliya tungkol kay Jesus. Tandaan, upang tayo ay tunay na makakilos na kagaya ni Jesus, dapat muna tayong matutong mag-isip, makadama, at magsuri ng mga bagay-bagay na kagaya ng ginawa niya, sa abot ng ating makakaya bilang di-sakdal na mga tao. Kung gayon, maging determinado tayo na linangin at ipakita ang pag-iisip ni Kristo. Wala nang mas magaling na paraan ng pamumuhay, wala nang mas magaling na paraan ng pakikitungo sa tao, at wala nang mas magaling na paraan para mapalapit tayo at ang iba sa isa na ganap niyang ipinaaaninag, ang ating magiliw na Diyos, si Jehova.​—2 Corinto 1:3; Hebreo 1:3.

Paano Ka Tutugon?

• Anong kaunawaan ang inilalaan ng Bibliya tungkol sa kung paano madalas na tumutugon si Jesus sa mga taong nangangailangan?

• Ano ang idiniin ni Jesus nang utusan ang kaniyang mga tagasunod?

• Paano natin maipamamalas ang “pag-iisip ni Kristo” sa ating mga gawain?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Buong-pahinang larawan sa pahina 23]

[Larawan sa pahina 24]

Ano ang pinakamabuting magagawa ng mga Kristiyano para sa iba?