Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapakumbabaan—Isang Katangian na Nakalulugod sa Diyos

Kapakumbabaan—Isang Katangian na Nakalulugod sa Diyos

Kapakumbabaan​—Isang Katangian na Nakalulugod sa Diyos

ANG kapakumbabaan ay ang pagiging malaya sa pagmamapuri o pagmamataas; kababaan ng pag-iisip. Hindi ito kahinaan kundi isang kalagayan ng isip na nakalulugod kay Jehova.

Sa Hebreong Kasulatan, ang “kapakumbabaan” ay kinuha mula sa isang salitang ugat (ʽa·nahʹ) na nangangahulugang “mapighati; maibaba; masiil.” Ang mga salitang kinukuha mula sa ugat na ito ay isinasaling “kapakumbabaan,” “kaamuan,” “kapighatian,” at iba pa. Dalawa pang pandiwang Hebreo na nauugnay sa “kapakumbabaan” ay ka·naʽʹ (sa literal ay supilin [ang sarili]) at sha·phelʹ (sa literal ay magpakababa o maging mababa). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang ta·pei·no·phro·syʹne ay isinaling “kapakumbabaan” at “kababaan ng pag-iisip.” Ito ay kinuha sa mga salitang ta·pei·noʹo, “gawing mababa,” at phren, “ang isip.”

Matatamo ng isang tao ang kapakumbabaan sa pamamagitan ng pangangatuwiran sa kaniyang kaugnayan sa Diyos at sa kaniyang mga kapuwa-tao, gaya ng nakabalangkas sa Bibliya, at pagkatapos ay pagsasagawa ng mga simulaing natutuhan. Ang salitang Hebreo na hith·rap·pesʹ, na isinaling “magpakumbaba ka,” ay literal na nangangahulugan na, “tapakan mo ang iyong sarili.” Buong husay na ipinapahayag nito ang pagkilos na inilarawan ng matalinong manunulat ng Kawikaan: “Anak ko, kung ikaw ay nanagot para sa iyong kapuwa, . . . kung ikaw ay nasilo ng mga pananalita ng iyong bibig, . . . nalagay ka sa palad ng iyong kapuwa: Yumaon ka at magpakumbaba ka [tapakan mo ang iyong sarili] at paulanan mo ng mga pagsusumamo ang iyong kapuwa. . . . Iligtas mo . . . ang iyong sarili.” (Kawikaan 6:1-5) Sa ibang pananalita, alisin mo ang iyong pagmamapuri, tanggapin ang iyong pagkakamali, ituwid ang mga bagay-bagay, at humingi ng kapatawaran. Si Jesus ay nagpayo na magpakumbaba ang isang tao sa harap ng Diyos na tulad ng isang bata at na, sa halip na magsikap na maging prominente, paglingkuran niya o pagsilbihan ang kaniyang mga kapatid.​—​Mateo 18:4; 23:12.

Napakahalaga ng kapakumbabaan sa paningin ni Jehova. Bagaman walang anumang utang ang Diyos sa sangkatauhan, sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan ay handa siyang magpakita ng awa at lingap doon sa mga nagpapakumbaba sa harap niya. Ipinakikita ng gayong mga tao na hindi sila nagtitiwala o naghahambog sa kanilang sarili kundi umaasa sa kaniya at nais na gawin ang kaniyang kalooban. Gaya ng sinabi ng kinasihang mga manunulat na Kristiyano na sina Santiago at Pedro: “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit nagbibigay siya ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.”​—Santiago 4:6; 1 Pedro 5:5.

Maging yaong mga noong una’y nagsagawa ng napakasasamang bagay, kung talagang magpapakumbaba sila sa harap ni Jehova at magsusumamo sa kaniya para sa awa, ay pakikinggan niya. Sa pagtataguyod ng huwad na pagsamba sa lupain, nahikayat ni Haring Manases ng Juda ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem “upang gumawa ng mas masama kaysa sa mga bansa na nilipol ni Jehova mula sa harap ng mga anak ni Israel.” Gayunman, pagkatapos pahintulutan ni Jehova na bihagin siya ng hari ng Asirya, si Manases ay “patuloy na nagpakumbaba nang lubha dahil sa Diyos ng kaniyang mga ninuno. At siya ay patuloy na nananalangin sa Kaniya, kung kaya Niya hinayaang mapamanhikan siya nito at dininig Niya ang kaniyang paghiling ng lingap at isinauli siya sa Jerusalem sa kaniyang paghahari; at nakilala ni Manases na si Jehova ang tunay na Diyos.” Kaya natutuhan ni Manases ang kapakumbabaan.​—​2 Cronica 33:9, 12, 13; ihambing ang 1 Hari 21:27-29.

Naglalaan ng Wastong Patnubay

Ang isa na nagpapakumbaba sa harap ng Diyos ay makaaasa ng patnubay ng Diyos. Si Ezra ay may mabigat na pananagutan sa pangunguna pabalik mula sa Babilonya patungong Jerusalem sa mahigit na 1,500 lalaki, maliban pa sa mga saserdote, ang mga Netinim, at ang mga babae at mga bata. Isa pa, dala-dala nila ang maraming ginto at pilak para sa pagpapaganda ng templo sa Jerusalem. Kailangan nila ng proteksiyon sa paglalakbay, ngunit ayaw humiling ni Ezra sa hari ng Persia ng kasamang mga sundalo at sa gayo’y magpakita ng pagtitiwala sa kapangyarihan ng tao. Bukod dito, nasabi na niya noon sa hari: “Ang kamay ng aming Diyos ay sumasalahat niyaong mga humahanap sa kaniya sa ikabubuti.” Kaya inihayag niya ang isang pag-aayuno, upang magpakumbaba ang mga tao sa harapan ni Jehova. Sila’y humiling sa Diyos, at siya ay nakinig at pinaglaanan sila ng proteksiyon mula sa pananambang ng mga kaaway sa daan kaya matagumpay na natapos nila ang kanilang mapanganib na paglalakbay. (Ezra 8:1-14, 21-32) Ang propetang si Daniel, na napatapon sa Babilonya, ay lubos na nilingap sa pamamagitan ng pagpapadala sa kaniya ng Diyos ng isang anghel na may taglay na pangitain, sapagkat nagpakumbaba si Daniel sa harap ng Diyos sa kaniyang paghahanap ng patnubay at kaunawaan.​—​Daniel 10:12.

Papatnubayan ng kapakumbabaan ang isang tao sa wastong landas at magdudulot ito sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat ang Diyos ang siyang nagtataas sa isa at nagbababa naman sa iba. (Awit 75:7) “Bago ang pagbagsak ay matayog ang puso ng tao, at bago ang kaluwalhatian ay may kapakumbabaan.” (Kawikaan 18:12; 22:4) Kaya, ang isa na naghahanap ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng kapalaluan ay mabibigo, gaya ng nangyari kay Haring Uzias ng Juda, na naging pangahas at labag sa batas na inagaw ang mga gawaing pang-saserdote: “Nang siya ay malakas na, ang kaniyang puso ay nagpalalo hanggang sa naging sanhi pa nga ng kapahamakan, anupat gumawi siya nang di-tapat laban kay Jehova na kaniyang Diyos at pumaroon sa templo ni Jehova upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng altar ng insenso.” Nang siya ay nagngalit sa mga saserdote sa pagtutuwid sa kaniya, siya ay dinapuan ng ketong. (2 Cronica 26:16-21) Ang kawalan ng kapakumbabaan ay naging dahilan upang si Uzias ay magkamali, na naging dahilan ng kaniyang pagbagsak.

Kailangang Linangin ng mga Kristiyano ang Kapakumbabaan

Sa pagpapayo sa kapuwa mga Kristiyano na magsuot ng personalidad na “ginagawang bago alinsunod sa larawan ng Isa na lumalang nito,” sinabi ni apostol Pablo: “Alinsunod dito, bilang mga pinili ng Diyos, banal at iniibig, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.” (Colosas 3:10, 12) Sa pagtukoy sa mainam na halimbawa ng Kristo, pinayuhan niya sila: ‘May kababaan ng pag-iisip na ituring na ang iba [sa mga lingkod ng Diyos] ay nakatataas sa inyo.’ (Filipos 2:3) Muli ay namanhik siya: “Mag-isip kayo tungkol sa iba na gaya ng sa inyong sarili; huwag magsaisip ng matatayog na bagay, kundi makiayon kayo sa mabababang bagay. Huwag maging maingat ayon sa inyong sariling mga mata.”​—​Roma 12:16.

Sa katulad na diwa binanggit ni Pablo sa mga Kristiyano sa lunsod ng Corinto: “Sapagkat, bagaman malaya ako mula sa lahat ng tao, ginawa kong alipin ng lahat ang aking sarili, upang matamo ko ang pinakamaraming tao. Kung kaya sa mga Judio ako ay naging gaya ng isang Judio, upang matamo ko ang mga Judio; doon sa mga nasa ilalim ng batas ako ay naging gaya ng nasa ilalim ng batas, bagaman ako mismo ay wala sa ilalim ng batas, upang matamo ko yaong mga nasa ilalim ng batas. Doon sa mga walang batas ako ay naging gaya ng walang batas, bagaman hindi ako walang batas sa Diyos kundi nasa ilalim ng batas kay Kristo, upang matamo ko yaong mga walang batas. Sa mahihina ako ay naging mahina, upang matamo ko ang mahihina. Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan.” (1 Corinto 9:19-22) Kailangan ang tunay na kapakumbabaan upang magawa ito.

Gumagawa Para sa Kapayapaan

Nagtataguyod ng kapayapaan ang kapakumbabaan. Hindi nakikipag-away ang isang mapagpakumbabang tao sa kaniyang Kristiyanong mga kapatid upang itatag ang kaniyang diumano’y personal na “mga karapatan.” Ang apostol ay nagpaliwanag na, bagaman may kalayaan siya na gawin ang lahat ng bagay, gagawin niya lamang ang mga bagay na nakapagpapatibay, at kung nababagabag ang budhi ng kaniyang kapatid sa kaniyang personal na mga ginagawa, siya ay dapat na umiwas sa gayong mga gawain.​—​Roma 14:19-21; 1 Corinto 8:9-13; 10:23-33.

Nangangailangan din ng kapakumbabaan upang mapanatili ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo ni Jesus na patawarin ang iba sa kanilang mga kasalanan laban sa atin. (Mateo 6:12-15; 18:21, 22) At kapag nagkasala ang isang tao sa iba, nasusubok ang kaniyang kapakumbabaan na sundin ang utos na pumaroon sa taong iyon at aminin ang pagkakamali, anupat humihingi ng kapatawaran. (Mateo 5:23, 24) O kapag lumapit sa kaniya ang taong pinagkasalahan, ang pag-ibig lamang na may kasamang kapakumbabaan ang magpapakilos sa isa na tanggapin ang pagkakamali at kumilos kaagad upang ayusin ang mga bagay-bagay. (Mateo 18:15; Lucas 17:3; ihambing ang Levitico 6:1-7.) Ngunit ang mga resulta na maidudulot ng gayong kapakumbabaan sa pamamagitan ng kapayapaan sa tao at sa organisasyon ay mas malaki kaysa pagkadama ng kahihiyan; gayundin, higit na mapasusulong at mapalalakas ng kaniyang mapagpakumbabang pagkilos ang kaniya mismong mainam na katangian ng kapakumbabaan.