Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makinig sa Babala!

Makinig sa Babala!

Makinig sa Babala!

BOOM! Noong Hunyo 3, 1991, kasabay ng umaalingawngaw na dagundong, nagbuga ng napakaraming bulkanikong usok at abo ang Bundok Fugen sa Hapon. Ang napakainit na materyal ay humugos pababa sa dalisdis. Ang pagsabog ay kumitil ng 43 katao. Marami sa mga muntik nang di-nakaligtas ay malubha namang nasunog. “Tubig, tubig, pakisuyo,” ang palahaw ng ilan. Ang mga bombero at pulis ay nagmamadaling tumulong sa kanila.

ISANG bunton ng laba ang namataan na nakaumbok sa tuktok ng Bundok Fugen mga dalawang linggo bago nito, kaya naman nakahanda ang mga awtoridad at ang mga naninirahan doon. Mahigit pa sa isang linggo bago ang sakuna, ipinabatid ang pangangailangang magsilikas mula sa lugar na iyon. Nang isang araw na lamang bago ang pagsabog, hiniling na ng pulisya sa mga kabilang sa media na huwag nang pumunta sa ipinagbabawal na lugar. Gayunman, noong mapaminsalang hapon na iyon, ang 43 biktima ay nasa mapanganib na dako.

Bakit kaya napakarami ang nagbakasakali sa lugar na iyon o namalagi roon? Ang ilang magsasaka na lumikas mula sa kanilang mga tahanan ay nagsibalik upang tingnan ang kanilang mga ari-arian at bukirin. Tatlong bulkanologo naman ang nagsikap na makalapit nang husto sa bulkan hangga’t maaari upang masapatan ang kanilang hangaring pag-aralan ito. Maraming reporter at potograpo ang nangahas na tumawid sa hangganan ng bawal na lugar dahilan sa nais nilang kumuha ng interesanteng ibabalita hinggil sa kaganapan sa bulkan. Naroon din sa dakong pinangyarihan ang tatlong drayber ng taksi na inupahan ng mga taga-media. Ang mga pulis at boluntaryong mga bombero ay kasalukuyang nagtatrabaho noon. Bawat isa ay may sariling dahilan sa pagpunta sa mapanganib na dako​—at ang masamang ibinunga nito ay ang pagkawala ng kaniyang buhay.

Ikaw ba ay Nasa Mapanganib na Dako?

Maaaring tayo ay hindi naman pawang naninirahan malapit sa isang aktibong bulkan. Gayunman, paano kung napapaharap tayo sa isang pangglobong kapahamakan, anupat inilalagay tayong lahat sa isang mapanganib na dako na sumasaklaw sa buong globo? Isang aklat na napatunayang isang maaasahang batayan ng makahulang impormasyon ang nagbababala sa atin hinggil sa isang napipintong pambuong-daigdig na sakuna at inilalarawan ito nang ganito: “Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig. . . . Hahampasin ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy.” (Mateo 24:29, 30) Inilalarawan dito na ang pambihirang mga pangyayari sa kalangitan na magaganap sa buong sansinukob ay makaaapekto sa “lahat ng mga tribo sa lupa.” Sa ibang salita, ang hulang ito ay may kinalaman sa isang malaking kapahamakan na makaaapekto sa ating lahat.

Ang aklat na ito ng maaasahang hula ay ang Bibliya. Kapansin-pansin, ang konteksto ng kasulatang binanggit sa itaas ay nagbibigay ng detalyadong paglalarawan ng mga bagay na hahantong sa pangglobong kalamidad. Kung paanong ang bunton ng laba na nakaumbok at iba pang nagsisilbing pahiwatig ng bulkan ay nagbigay ng mga dahilan upang magtakda ang mga opisyal ng lunsod ng Shimabara ng isang mapanganib na dako, ang Bibliya ay nagbibigay rin sa atin ng mga dahilan upang maging alisto at handa para sa ating kaligtasan. Matututo tayo ng aral mula sa trahedya sa Bundok Fugen at mauunawaan ang kahalagahan ng mangyayari sa hinaharap.

[Picture Credit Line sa pahina 2]

COVER: Yomiuri/Orion Press/Sipa Press

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Yomiuri/Orion Press/Sipa Press