Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maliliit na Katawan, Malalaking Puso

Maliliit na Katawan, Malalaking Puso

Maliliit na Katawan, Malalaking Puso

PAANO kaya ang makipag-usap sa mga estranghero tungkol sa Kaharian ng Diyos kung ikaw ay may taas lamang na 76 na centimetro? Masasabi sa iyo ni Laura. Sa edad na 33, iyan ang kaniyang taas, 76 na centimetro lamang. Sila ng kaniyang kapatid, si María, na 24 na taóng gulang at 86 na centimetro ang taas, ay naninirahan sa Quito, Ecuador. Hayaan mong ipaliwanag nila ang mga hadlang na napaharap sa kanila sa ministeryong Kristiyano nila.

“Upang makarating sa aming teritoryo sa pangangaral at sa mga pulong Kristiyano, naglalakad kami ng halos kalahating kilometro upang makasakay ng bus. Mula sa kung saan kami ibinaba nito, naglalakad kami ng kalahating kilometro pa upang makasakay sa susunod na bus. Kaya lamang, sa daanang ito ay nakatira ang limang di-palakaibigang aso. Takot na takot kami sa mga aso dahil para bang kasinlalaki sila ng mga kabayo. Upang itaboy ang mga ito kung kinakailangan, nagdadala kami ng isang patpat, na itinatago namin malapit sa daan bago sumakay ng bus upang magamit namin ito sa aming pag-uwi.

“Ang pagsakay sa bus ay talagang isang malaking pagsisikap para sa amin. Tumatayo kami sa ibabaw ng isang bunton ng lupa sa hintuan ng bus upang mas madaling sumakay. Ang ilang tsuper ay humihinto sa may bunton, ngunit ang iba ay hindi. Sa kalagayang iyan, ang mas matangkad sa amin ang tumutulong sa mas maliit na makasakay. Nangangailangan naming tawirin ang isang abalang haywey upang makasakay sa ikalawang bus​—talagang malaking pagsisikap sa aming maiikling binti. Dahil sa aming kaliitan, ang isang mabigat na bag ng aklat ay naghaharap ng karagdagang hamon. Upang pagaanin ang bag, gumagamit kami ng pambulsang Bibliya at nililimitahan din namin ang dami ng literatura na aming dinadala.

“Mula sa pagkabata, pareho na kaming napakatahimik. Alam ng aming mga kapitbahay na ang pakikipag-usap sa mga estranghero ay laging isang nakatatakot na karanasan para sa amin. Kaya naman sila ay nagulat at humanga na makita kaming kumakatok sa kanilang mga pintuan, at kadalasang nakikinig sila sa amin. Ngunit sa lugar na hindi kami masyadong kilala, ang nakikita lamang ng mga tao ay ang pagiging pandak namin; kaya, hindi sila laging nagbibigay ng seryosong pansin sa amin na karapat-dapat sa aming mensahe. Gayunpaman, ang pagkadama ng pag-ibig ni Jehova ay nagbibigay sa amin ng lakas ng loob na magpatuloy sa gawaing pag-eebanghelyo. Ang pagbubulay-bulay sa Kawikaan 3:5, 6 ay nagbibigay rin sa amin ng lakas ng loob.”

Gaya ng ipinakikita nina Laura at María, ang pagtitiyaga sa kabila ng mga hadlang sa pisikal ay makaluluwalhati sa Diyos. Nanalangin si apostol Pablo na ang kaniyang “tinik sa laman,” malamang na isang sakit sa pisikal, ay alisin sa kaniya. Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” Oo, hindi na kailangan pang alisin sa atin ang isang pisikal na kapansanan upang makapaglingkod tayo sa Diyos. Ang lubusang pagtitiwala sa Diyos ay makatutulong sa atin na gawin ang pinakamabuti sa kabila ng ating mga kalagayan. Dahil sa ibinilang ni Pablo ang kaniyang “tinik sa laman” sa ganitong paraan, kaniyang masasabi: “Kapag ako ay mahina, sa gayon ay makapangyarihan ako.” (2 Corinto 12:7, 9, 10) Ilang taon ang lumipas ay sumulat si Pablo: “Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Filipos 4:13.

Sa modernong panahon, isinasagawa ng Diyos ang isang makapangyarihang gawa sa pamamagitan ng mga lalaki, babae, at bata na lubusang deboto sa kaniya. Ang ilan sa kanila ay may kapansanan sa ilang paraan. Bagaman lahat sila ay umaasa para sa makadiyos na pagpapagaling sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, hindi sila naghihintay hanggang sa pawiin ng Diyos ang kanilang mga suliranin bago sila magsikap na gumawa ng anuman upang paglingkuran siya.

Ikaw ba ay nagdurusa mula sa ilang kahinaan sa pisikal? Lakasan mo ang iyong loob! Sa pamamagitan ng iyong pananampalataya ay mapapabilang ka sa mga tulad nina Pablo, Laura, at María. Tungkol sa kanila ay masasabi, gaya ng kalagayan ng may pananampalatayang mga lalaki at babae noong sinaunang panahon: “Mula sa mahinang kalagayan ay nagawang makapangyarihan [sila].”​—Hebreo 11:34.

[Larawan sa pahina 8]

María

Laura

[Larawan sa pahina 9]

Tinutulungan ni María si Laura na makasakay sa bus

[Mga larawan sa pahina 9]

“Takot na takot kami sa mga aso dahil para bang kasinlalaki sila ng mga kabayo”

Ibaba: Sina Laura at María at yaong mga nagturo ng Bibliya sa kanila