Paghahanap kay Jehova Taglay ang Nakahandang Puso
Paghahanap kay Jehova Taglay ang Nakahandang Puso
ANG saserdoteng Israelita na si Ezra ay isang natatanging mananaliksik, iskolar, tagakopya, at guro ng Kautusan. Para sa mga Kristiyano sa ngayon siya ay isa ring mainam na halimbawa ng buong-kaluluwang paglilingkod. Sa paanong paraan? Sa dahilang napanatili niya ang kaniyang makadiyos na debosyon bagaman naninirahan siya sa Babilonya, na isang lunsod na puno ng huwad na mga diyos at pagsamba sa demonyo.
Ang pagkakaroon ni Ezra ng makadiyos na debosyon ay hindi basta nagkataon lamang. Pinagsikapan niya ito. Tunay nga, sinasabi niya sa atin na “inihanda [niya] . . . ang kaniyang puso upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at upang isagawa iyon.”—Ezra 7:10.
Tulad ni Ezra, nais ng bayan ni Jehova ngayon na gawin ang lahat ng hinihiling ni Jehova sa kanila samantalang nabubuhay sa isang sanlibutan na galit sa tunay na pagsamba. Kaya suriin natin ang mga paraan na maihahanda rin natin ang ating puso, ang panloob na pagkatao—kabilang na ang ating mga pag-iisip, saloobin, nasa, at hilig—upang “sumangguni sa kautusan ni Jehova at upang isagawa iyon.”
Paghahanda sa Ating Puso
Ang “maghanda” ay nangangahulugang “ihanda nang patiuna para sa isang layunin: ilagay sa kondisyon para sa isang partikular na gamit, aplikasyon, o disposisyon.” Siyempre pa, kung sumapit ka na sa tumpak na kaalaman ng Salita ng Diyos at inialay mo na ang iyong buhay kay Jehova, kung gayon ang iyong puso ay tiyak na napatunayang nasa kalagayang handa at maihahambing sa “mainam na lupa” na binanggit ni Jesus sa kaniyang talinghaga tungkol sa manghahasik.—Mateo 13:18-23.
Sa kabila nito, ang ating mga puso ay nangangailangan ng palagiang pansin at paglilinang. Bakit? Sa dalawang dahilan. Una, sapagkat ang nakapipinsalang mga hilig, tulad ng mga panirang damo sa isang hardin, ay madaling mag-ugat, lalo na sa panahong ito ng “mga huling araw” kung kailan ‘ang hangin’ ng sistema ni Satanas ay puno higit kailanman ng nakasasakit na mga binhi ng makalamang kaisipan. (2 Timoteo 3:1-5; Efeso 2:2) Ang ikalawang dahilan ay may kinalaman sa mismong lupa. Kung pababayaan, maaaring di-magtatagal ay matutuyo ang lupa, titigas, at magiging di-mabunga. O napakaraming tao ang maaaring walang ingat na maglakad sa hardin at matapakan ang lupa anupat maging matigas ito. Ang makasagisag na lupa ng ating puso ay gayon din. Maaari itong maging di-mabunga kung pababayaan o matatapak-tapakan ng mga tao na walang interes sa ating espirituwal na kapakanan.
Napakahalaga nga, kung gayon, para sa ating lahat na ikapit ang babala ng Bibliya: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.”—Kawikaan 4:23.
Mga Salik na Nagpapayaman sa “Lupa” ng Ating Puso
Isaalang-alang natin ang ilang mga salik, o mga katangian, na magpapayaman sa “lupa” ng ating puso upang mapabilis ang malusog na paglaki nito. Siyempre pa, maraming bagay na makapagpapabuti sa ating puso, ngunit dito ay isasaalang-alang natin ang anim: pagkilala ng ating espirituwal na pangangailangan, kapakumbabaan, katapatan, makadiyos na takot, pananampalataya, at pag-ibig.
“Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” sabi ni Jesus. (Mateo 5:3) Tulad ng pisikal na pagkagutom na nagpapaalaala sa atin ng pangangailangang kumain, ang pagkakaroon ng kabatiran sa ating espirituwal na pangangailangan ay nagpapanatili sa atin na gutom para sa espirituwal na pagkain. Ang tao ay likas na naghahangad sa gayong pagkain sapagkat nagbibigay ito ng kahulugan at layunin sa buhay. Ang mga panggigipit mula sa sistema ng mga bagay ni Satanas o ang basta katamaran lamang kung tungkol sa pag-aaral ay maaaring magpapurol sa ating pagiging palaisip sa pangangailangang ito. Magkagayunman, sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”—Mateo 4:4.
Sa literal na paraan, ang regular, timbang, at masusustansiyang pagkain ay nagtataguyod ng kalusugan ng katawan, at inuudyukan din ng mga ito ang katawan na magkaroon ng gana para sa susunod na pagkain kapag dumating na ang oras. Totoo rin ito sa espirituwal na diwa. Maaaring hindi mo ituring ang iyong sarili na isang taong palaaral, subalit kung uugaliin mo na magbasa ng Salita ng Diyos sa araw-araw at pag-aaralan mo nang regular ang mga publikasyong salig-Bibliya, masusumpungan mong higit kang ginaganahan. Sa katunayan, pananabikan mo ang iyong mga panahon ng pag-aaral ng Bibliya. Kaya huwag agad na sumuko; magsikap na mabuti upang mapasulong ang isang mabuting gana sa espirituwal.
Pinalalambot ng Kapakumbabaan ang Puso
Ang kapakumbabaan ay isang mahalagang salik sa pagkakaroon ng nakahandang puso dahil sa ginagawa tayo nitong natuturuan at tumutulong sa atin na tanggapin agad ang maibiging payo at pagtutuwid. Isaalang-alang ang mainam na halimbawa ni Haring Josias. Noong panahon ng kaniyang paghahari ay natagpuan ang isang dokumento na naglalaman ng Kautusan ng Diyos na ibinigay kay Moises. Nang marinig ni Josias ang mga salita ng Kautusan at natanto kung gaano na kalayo ang pagkakalihis ng kaniyang mga ninuno mula sa dalisay na pagsamba, hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan at nanangis sa harap ni Jehova. Bakit gayon na lamang ang pagkasaling ng Salita ng Diyos sa puso ng hari? Binabanggit ng ulat na ang kaniyang puso ay “malambot,” anupat nagpakumbaba siya sa pagkarinig ng mga salita ni Jehova. Napansin ni Jehova ang mapagpakumbaba at tumutugon na puso ni Josias at pinagpala siya alinsunod dito.—2 Hari 22:11, 18-20.
Kapakumbabaan ang nagpangyari upang maintindihan at maikapit ng “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” na mga alagad ni Jesus ang espirituwal na katotohanan na hindi naunawaan niyaong mga ‘marunong at intelektuwal’ ngunit “sa makalamang paraan” lamang. (Gawa 4:13; Lucas 10:21; 1 Corinto 1:26) Ang huli ay hindi handa upang tanggapin ang salita ni Jehova sapagkat ang kanilang mga puso ay tumigas dahil sa pagmamapuri. Kaya kataka-taka ba na kinapopootan ni Jehova ang pagmamapuri?—Kawikaan 8:13; Daniel 5:20.
Pagkamatapat at Makadiyos na Takot
Isinulat ni propeta Jeremias na “ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?” (Jeremias 17:9) Ang pandarayang ito ay makikita sa iba’t ibang paraan, gaya kapag nagdadahilan tayo sa ating sarili kapag nagkakamali tayo. Nakikita rin ito kapag ipinangangatuwiran natin ang malulubhang kapintasan sa personalidad. Gayunman, ang pagkamatapat ay makatutulong sa atin na magtagumpay laban sa mapandayang puso sa pamamagitan ng pagtulong sa atin na harapin ang katotohanan tungkol sa ating sarili upang sumulong tayo. Ipinamalas ng salmista ang gayong pagkamatapat nang manalangin siya: “Suriin mo ako, O Jehova, at ilagay mo ako sa pagsubok; dalisayin mo ang aking mga bato at ang aking puso.” Maliwanag, inihanda ng salmista ang kaniyang puso na tumanggap ng pagdadalisay at pagsusuri ni Jehova, mangahulugan man ito ng pag-amin sa pagkakaroon ng mga katangiang tulad-latak ng bakal upang mapagtagumpayan ang mga ito.—Awit 17:3; 26:2.
Ang maka-Diyos na takot, kung saan kabilang ang “pagkapoot sa masama,” ay isang makapangyarihang tulong sa prosesong ito ng pagdadalisay. (Kawikaan 8:13) Samantalang pinahahalagahan ang maibiging-kabaitan at kabutihan ni Jehova, ang isang tao na tunay na natatakot kay Jehova ay laging palaisip na may kapangyarihan si Jehova na maglapat ng parusa, maging ng kamatayan, doon sa mga sumusuway sa kaniya. Ipinakita ni Jehova na yaong mga natatakot sa kaniya ay dapat ding sumunod sa kaniya nang sabihin niya tungkol sa Israel: “Kung huhubugin lamang nila ang puso nilang ito upang matakot sa akin at tuparin ang lahat ng aking mga utos nang palagian, upang mapabuti sila at ang kanilang mga anak hanggang sa panahong walang takda!”—Deuteronomio 5:29.
Maliwanag, ang tunguhin ng makadiyos na takot ay, hindi upang ilagay tayo sa kalagayan ng pagpapasakop dahil sa sindak, kundi upang pakilusin tayo na sundin ang ating maibiging Ama, na alam nating ang kabutihan natin ang isinasaalang-alang. Sa katunayan, ang gayong makadiyos na takot ay nakabubuti at nakagagalak pa nga, na lubusan mismong ipinakita ni Jesu-Kristo.—Isaias 11:3; Lucas 12:5.
Ang Isang Nakahandang Puso ay Mayaman sa Pananampalataya
Alam ng isang pusong matibay sa pananampalataya na anuman ang hinihiling o itinatagubilin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita ay laging Isaias 48:17, 18) Ang isang tao na may gayong puso ay nagtatamo ng malalim na kasiyahan at pagkakontento sa pagkakapit ng payo sa Kawikaan 3:5, 6, na nagsasabi: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Gayunman, ang isang pusong walang pananampalataya ay hindi nakahilig na magtiwala kay Jehova, lalo na kung ang paggawa nito ay nagsasangkot ng mga pagsasakripisyo, gaya ng paggawang simple sa buhay ng isa upang makapagtuon ng pansin sa mga kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Sa dahilang ito, minamalas ni Jehova ang isang pusong walang pananampalataya na “balakyot.”—Hebreo 3:12.
tama at sa ating ikabubuti. (Ang ating pananampalataya kay Jehova ay maaaninaw sa maraming bahagi, kabilang na ang mga bagay na ginagawa natin sa loob ng ating tahanan. Halimbawa, isaalang-alang ang simulain ng Galacia 6:7: “Huwag kayong paliligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” Ang ating pananampalataya sa simulaing ito ay maaaninaw sa mga bagay na gaya ng mga pelikulang ating pinanonood, ng mga aklat na ating binabasa, ng dami ng pag-aaral sa Bibliya na ginagawa natin, at sa ating mga panalangin. Oo, ang matibay na pananampalataya na nagpapakilos sa atin na maghasik “may kinalaman sa espiritu” ay isang pangunahing salik sa pagkakaroon ng puso na nakahanda upang tanggapin ang Salita ni Jehova at sundin ito.—Galacia 6:8.
Pag-ibig—Ang Pinakadakilang Katangian
Higit sa lahat ng iba pang mga katangian, ang pag-ibig ang tunay na nagpapaging handang tumugon sa lupa ng ating puso sa Salita ni Jehova. Kung kaya, nang inihahambing ito sa pananampalataya at pag-asa, inilarawan ni apostol Pablo ang pag-ibig bilang ang katangiang “pinakadakila sa mga ito.” (1 Corinto 13:13) Ang isang pusong lipos ng pag-ibig sa Diyos ay nagtatamo ng labis na kasiyahan at kagalakan sa pagsunod sa kaniya; tiyak na hindi ito naiinis sa mga kahilingan ng Diyos. Ganito ang sabi ni apostol Juan: “Sapagkat ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan; at gayunma’y ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat.” (1 Juan 5:3) Sa katulad na diwa, sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay umiibig sa akin, ay tutuparin niya ang aking salita, at iibigin siya ng aking Ama.” (Juan 14:23) Pansinin na ang gayong pag-ibig ay ginagantihan. Oo, mahal na mahal ni Jehova ang mga lumalapit sa kaniya taglay ang pag-ibig.
Batid ni Jehova na tayo’y di-sakdal at palaging nagkakasala laban sa kaniya. Magkagayunman, hindi niya inilalayo ang kaniyang sarili sa atin. Ang tinitingnan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ay ‘isang sakdal na puso,’ isa na nagpapakilos sa atin na paglingkuran siya nang kusa na may “nakalulugod na kaluluwa.” (1 Cronica 28:9) Siyempre pa, alam ni Jehova na nangangailangan tayo ng panahon at pagsisikap upang linangin ang mabubuting katangian sa ating puso at sa gayon ay makapagluwal ng mga bunga ng espiritu. (Galacia 5:22, 23) Kung kaya, siya ay matiisin sa atin, “sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:14) Sa pagpapaaninaw ng katulad na saloobin, hindi kailanman labis na pinuna ni Jesus ang kaniyang mga alagad dahil sa kanilang mga pagkakamali kundi may pagtitiyagang tinulungan at pinatibay sila. Hindi ba kayo napakikilos ng gayong pag-ibig, awa, at pagtitiis ni Jehova at ni Jesus upang higit silang mahalin?—Lucas 7:47; 2 Pedro 3:9.
Kung nadarama mo kung minsan na mahirap bunutin ang malalim ang pagkakaugat at tulad-damong mga ugali o mahirap durugin ang limpak na matigas at tulad-luwad na mga katangian, huwag panghinaan o masiraan ng loob. Sa halip, patuloy na gumawa upang sumulong habang ‘nagmamatiyaga kayo sa pananalangin,’ kasama na ang madalas na pagsusumamo kay Jehova para sa kaniyang espiritu. (Roma 12:12) Sa pamamagitan ng kaniyang kusang-loob na tulong, makapagtatagumpay ka, tulad ni Ezra, sa pagkakaroon ng isang pusong lubos na nakahanda “upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at upang isagawa iyon.”
[Larawan sa pahina 31]
Napanatili ni Ezra ang kaniyang maka-Diyos na debosyon maging sa Babilonya
[Picture Credit Line sa pahina 29]
Garo Nalbandian