“Saliksikin Ninyo si Jehova at ang Kaniyang Lakas”
“Saliksikin Ninyo si Jehova at ang Kaniyang Lakas”
“Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.”—2 CRONICA 16:9.
1. Ano ang kapangyarihan, at paano iyon hinawakan ng mga tao?
ANG kapangyarihan ay maaaring mangahulugan ng iba’t ibang bagay, gaya ng pagkakaroon ng kontrol, awtoridad, o impluwensiya sa iba; ang kakayahang kumilos o magdulot ng epekto; pisikal na kapangyarihan (lakas); o mental o moral na kakayahan. Ang mga tao’y walang mabuting ulat kung tungkol sa paghawak ng kapangyarihan. Si Lord Acton, isang istoryador, ay nagsabi, may kinalaman sa kapangyarihang hawak ng mga pulitiko: “Ang kapangyarihan ay may tendensiyang magpasamâ at ang ganap na kapangyarihan ay ganap na nagpapasamâ.” Sagana sa mga halimbawa ang modernong kasaysayan na nagpapakitang totoo nga sa pangkalahatan ang mga sinabi ni Lord Acton. Noong ika-20 siglo, “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala” sa paraang noon lamang nangyari. (Eclesiastes 8:9) Ubod-samang inabuso ng mga tiwaling diktador ang kanilang kapangyarihan at milyun-milyong buhay ang kanilang kinitil. Ang kapangyarihang di-kontrolado ng pag-ibig, karunungan, at katarungan ay mapanganib.
2. Ipaliwanag kung paano nakaaapekto ang iba pang katangian ng Diyos sa paraan ng paggamit ni Jehova ng kaniyang kapangyarihan.
2 Di-tulad ng maraming tao, ang Diyos ay palaging gumagamit ng kaniyang kapangyarihan ukol sa ikabubuti. “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Inuugitan ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan sa isang kontroladong paraan. Pagtitiis ang pumipigil sa pagpuksa ng Diyos sa balakyot upang mabigyan sila ng pagkakataong magsisi. Pag-ibig ang nag-udyok sa kaniya upang pasikatin ang araw sa lahat ng uri ng tao—matuwid at di-matuwid. Katarungan naman ang magpapakilos sa kaniya sa dakong huli para gamitin ang kaniyang walang-takdang kapangyarihan upang madala sa wala ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, si Satanas na Diyablo.—Mateo 5:44, 45; Hebreo 2:14; 2 Pedro 3:9.
3. Bakit ang pinakadakilang kapangyarihan ng Diyos ay isang dahilan upang magtiwala sa kaniya?
3 Ang kagila-gilalas na kapangyarihan ng ating makalangit na Ama ay isang dahilan ng pagtitiwala at kumpiyansa—kapuwa sa kaniyang mga pangako at sa kaniyang proteksiyon. Nadarama ng isang maliit na bata na siya’y ligtas sa gitna ng mga estranghero kapag humawak siya nang mahigpit sa kamay ng kaniyang ama, palibhasa’y alam niyang hindi siya pababayaang masaktan ng kaniyang ama. Gayundin naman, ang ating makalangit na Ama, ang isa na “sagana sa kapangyarihang magligtas,” ay magsasanggalang sa atin mula sa anumang permanenteng pinsala kung lalakad tayong kasama niya. (Isaias 63:1; Mikas 6:8) At bilang isang butihing Ama, palaging tinutupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako. Ginagarantiyahan ng kaniyang walang-takdang kapangyarihan na ang kaniyang ‘salita ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan niya nito.’—Isaias 55:11; Tito 1:2.
4, 5. (a) Ano ang kinalabasan nang lubusang umasa si Haring Asa kay Jehova? (b) Ano ang maaaring mangyari kung aasa tayo sa tao para sa mga kalutasan ng ating mga suliranin?
4 Bakit napakahalaga na maging determinado tayo na huwag kalimutan ang proteksiyon ng ating makalangit na Ama? Sapagkat posibleng madaig tayo ng mga kalagayan at makaligtaan ang kinasasaligan ng ating tunay na kaligtasan. Nakita ito sa naging halimbawa ni Haring Asa, isang lalaki na sa kabuuan ay nagtiwala kay Jehova. Noong panahon ng paghahari ni Asa, isang hukbo ng isang milyong Etiope ang sumalakay sa Juda. Nang mapagtanto na nakalalamang ang hukbo ng kaniyang mga kaaway, nanalangin si Asa: “O Jehova, kung sa pagtulong, walang anuman sa iyo kung marami man o kung walang kapangyarihan. Tulungan mo kami, O Jehova na aming Diyos, sapagkat sa iyo kami sumasandig, at sa iyong pangalan kami pumarito laban sa 2 Cronica 14:11) Ipinagkaloob ni Jehova ang kahilingan ni Asa at ibinigay sa kaniya ang tiyak na tagumpay.
pulutong na ito. O Jehova, ikaw ang aming Diyos. Huwag mong pagtaglayin ng lakas ang taong mortal laban sa iyo.” (5 Gayunman, matapos ang maraming taon ng tapat na paglilingkod, humina ang tiwala ni Asa sa kapangyarihan ni Jehova na magligtas. Upang pigilin ang banta ng hukbo mula sa hilagang kaharian ng Israel, humingi siya ng saklolo mula sa Sirya. (2 Cronica 16:1-3) Bagaman naalis nga ang banta ng Israel sa Juda dahil sa kaniyang panunuhol kay Haring Ben-hadad ng Sirya, ang pakikipagtipan ni Asa sa Sirya ay nagpakita ng kawalan ng pagtitiwala kay Jehova. Mariin siyang tinanong ni Hanani na propeta: “Hindi ba ang mga Etiope at ang mga taga-Libya ay isang napakalaking hukbong militar sa karamihan, sa mga karo at sa mga mangangabayo; at dahil sa pagsandig mo kay Jehova ay hindi ba niya sila ibinigay sa iyong kamay?” (2 Cronica 16:7, 8) Magkagayunman, hindi tinanggap ni Asa ang pagsaway na ito. (2 Cronica 16:9-12) Kapag napaharap sa mga suliranin, huwag tayong umasa sa tao para sa mga kalutasan. Sa halip, magpamalas tayo ng kumpiyansa sa Diyos, sapagkat ang pagtitiwala sa kapangyarihan ng mga tao ay tiyak na hahantong sa kabiguan.—Awit 146:3-5.
Hanapin ang Kapangyarihang Ibinibigay ni Jehova
6. Bakit dapat nating ‘saliksikin si Jehova at ang kaniyang lakas’?
6 Nabibigyang-kapangyarihan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod at naipagsasanggalang din sila. Hinihimok tayo ng Bibliya na ‘saliksikin si Jehova at ang kaniyang lakas.’ (Awit 105:4) Bakit? Sapagkat kapag ginagawa natin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng lakas ng Diyos, ang ating kapangyarihan ay magagamit sa ikabubuti, sa halip na sa ikasasamâ, ng iba. Wala na tayong makikitang mas mabuting halimbawa nito kundi si Jesu-Kristo, na gumawa ng maraming himala sa “kapangyarihan ni Jehova.” (Lucas 5:17) Maaari sanang italaga ni Jesus ang kaniyang sarili sa pagiging mayaman, sikat, o isang haring makapangyarihan-sa-lahat pa nga. (Lucas 4:5-7) Sa halip, ginamit niya ang kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa kaniya upang magsanay at magturo, upang tumulong at magpagaling. (Marcos 7:37; Juan 7:46) Isa nga itong mainam na halimbawa para sa atin!
7. Anong napakahalagang katangian ang ating nililinang kapag ginagawa natin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng lakas ng Diyos sa halip na sa ganang sarili natin?
7 Isa pa, kapag ginagawa natin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng “lakas na inilalaan ng Diyos,” tutulungan tayo nito na maging mapagpakumbaba. (1 Pedro 4:11) Ang mga taong naghahanap ng kapangyarihan para sa kanilang sarili ay nagiging pangahas. Ang isang halimbawa nito ay si Haring Esar-haddon ng Asirya, na buong-kahambugang nagpahayag: “Ako’y makapangyarihan, ako ang makapangyarihan sa lahat, ako’y isang bayani, ako’y ubod-laki, ako’y tulad-higante.” Sa kabaligtaran, “pinili [ni Jehova] ang mahihinang bagay ng sanlibutan, upang mailagay niya sa kahihiyan ang malalakas na bagay.” Kaya nga, kapag naghahambog ang isang tunay na Kristiyano, ipinaghahambog niya si Jehova, sapagkat alam niyang ang nagawa niya ay hindi naisakatuparan sa kaniyang ganang sariling lakas. ‘Ang pagpapakababa natin sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos’ ay magdudulot ng tunay na pagtataas.—1 Corinto 1:26-31; 1 Pedro 5:6.
8. Ano muna ang dapat nating gawin upang tumanggap ng kapangyarihan ni Jehova?
8 Paano tayo makakakuha ng lakas mula sa Diyos? Una sa lahat, dapat nating hilingin iyon sa panalangin. Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ibibigay ng kaniyang Ama ang banal na espiritu doon sa mga humihiling nito. (Lucas 11:10-13) Tingnan kung paano nito nilipos ng kapangyarihan ang mga alagad ni Kristo nang piliin nilang sumunod sa Diyos sa halip na sa mga lider ng relihiyon na nag-utos sa kanilang tigilan na ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus. Nang manalangin sila para sa tulong ni Jehova, sinagot ang kanilang taimtim na panalangin, at binigyang-kapangyarihan sila ng banal na espiritu upang magpatuloy sa pangangaral ng mabuting balita nang buong-tapang.—Gawa 4:19, 20, 29-31, 33.
9. Sabihin ang ikalawang pinanggagalingan ng espirituwal na kalakasan, at bumanggit ng isang halimbawa sa Kasulatan upang ipakita ang bisa nito.
9 Ikalawa, makakakuha tayo ng espirituwal na kalakasan mula sa Bibliya. (Hebreo 4:12) Kitang-kita ang kapangyarihan ng salita ng Diyos noong kapanahunan ni Haring Josias. Bagaman naalis na ng haring ito ng Judea ang mga paganong idolo mula sa lupain, ang di-inaasahang pagkatuklas sa Kautusan ni Jehova sa templo ang nag-udyok sa kaniya upang pag-ibayuhin pa ang programa ng paglilinis. * Matapos basahin mismo ni Josias ang Kautusan sa mga tao, nakipagtipan kay Jehova ang buong bansa, at inilunsad ang ikalawa at higit na puspusang kampanya laban sa idolatriya. Ang magandang kinalabasan ng ginawang pagrereporma ni Josias ay na “sa lahat ng kaniyang mga araw ay hindi sila lumihis mula sa pagsunod kay Jehova.”—2 Cronica 34:33.
10. Ano ang ikatlong paraan upang makakuha ng lakas mula kay Jehova, at bakit napakahalaga nito?
10 Ikatlo, makakakuha tayo ng lakas mula kay Jehova sa pamamagitan ng Kristiyanong pagsasamahan. Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na palagiang dumalo sa mga pulong upang “mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa” at upang magpatibayang-loob sa isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Nang makahimalang mapalaya si Pedro mula sa bilangguan, ninais niyang makasama ang kaniyang mga kapatid, kaya dumeretso siya sa bahay ng ina ni Juan Marcos, kung saan “ang ilan ay nagtitipon at nananalangin.” (Gawa 12:12) Mangyari pa, silang lahat ay maaari namang manatili na lamang sa kani-kanilang bahay at doon manalangin. Subalit minabuti nilang magsama-sama upang manalangin at magpatibayang-loob sa isa’t isa sa mahirap na panahong iyon. Sa pagtatapos ng mahaba at mapanganib na paglalakbay ni Pablo patungo sa Roma, nakipagkita siya sa ilang kapatid sa Puteoli at nang maglaon ay sa iba pa na naglakbay upang salubungin siya. Ano ang reaksiyon niya? “Nang makita sila [ang huli], si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at nagkaroon ng lakas ng loob.” (Gawa 28:13-15) Siya’y napalakas nang makasama niyang muli ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano. Tayo man ay makakakuha ng lakas sa pakikisama sa ating mga kapuwa Kristiyano. Hangga’t taglay natin ang kalayaan at nagagawang makipagsamahan sa isa’t isa, huwag nating subuking lumakad nang mag-isa sa masikip na daang umaakay tungo sa buhay.—Kawikaan 18:1; Mateo 7:14.
11. Bumanggit ng ilang kalagayan kung saan lalo nang kailangan ang “lakas na higit sa karaniwan.”
11 Sa pamamagitan ng palagiang pananalangin, pag-aaral ng Salita ng Diyos, at pakikisama sa mga kapananampalataya, ‘patuloy tayong nagtatamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.’ (Efeso 6:10) Walang-alinlangang kailangan nating lahat ang “lakas sa Panginoon.” Ang ilan ay nagdurusa dahil sa nakapanghihinang mga karamdaman, ang iba naman ay dahil sa mga pinsalang dulot ng pagtanda o dahil sa pagkawala ng isang kasama sa buhay. (Awit 41:3) Ang iba’y nagbabata sa pagsalansang ng di-mananampalatayang asawa. Ang mga magulang, lalo na ang nagsosolong mga magulang, ay maaaring makadama na ang buong-panahong paghahanapbuhay kasabay ng pangangalaga ng pamilya ay isang nakapapagod na pananagutan. Kailangan ng mga kabataang Kristiyano ang lakas upang makapanindigan sa panggigipit ng mga kasamahan at makatanggi sa mga droga at imoralidad. Walang sinuman ang dapat mag-atubiling humingi kay Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan” upang makayanan ang gayong mga hamon.—2 Corinto 4:7.
“Nagbibigay ng Kapangyarihan sa Pagód”
12. Paano tayo inaalalayan ni Jehova sa ministeryong Kristiyano?
12 Karagdagan pa, si Jehova ay nagbibigay ng kapangyarihan sa kaniyang mga lingkod kapag isinasagawa nila ang kanilang ministeryo. Mababasa natin sa hula ni Isaias: “Siya ay nagbibigay ng kapangyarihan sa pagód; at ang isa na walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan. . . . Yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas. Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila. Sila ay tatakbo at hindi manlulupaypay; sila ay lalakad at hindi mapapagod.” (Isaias 40:29-31) Si apostol Pablo mismo ay tumanggap ng kapangyarihan upang isagawa ang kaniyang ministeryo. Bilang resulta, naging mabisa ang kaniyang ministeryo. Ganito ang isinulat niya sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Ang mabuting balita na aming ipinangangaral ay hindi nasumpungan sa gitna ninyo sa pamamagitan ng pananalita lamang kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan din at sa pamamagitan ng banal na espiritu.” (1 Tesalonica 1:5) Ang kaniyang pangangaral at pagtuturo ay may kapangyarihang magdulot ng malalaking pagbabago sa buhay niyaong mga nakikinig sa kaniya.
13. Ano ang nagpalakas kay Jeremias upang magmatiyaga sa kabila ng pagsalansang?
13 Kapag napaharap sa kawalan ng interes habang nasa ating teritoryo—isang teritoryo na marahil ay ilang taon na nating paulit-ulit na pinangangaralan ngunit walang gaanong pagtugon—baka masiraan tayo ng loob. Si Jeremias ay pinanghinaan din ng loob dahil sa pagsalansang, panunuya, at pagwawalang-bahala na nakaharap niya. “Hindi ko babanggitin [ang Diyos], at hindi na ako magsasalita sa kaniyang pangalan,” sabi niya sa kaniyang sarili. Subalit hindi niya makuhang manahimik. Ang kaniyang mensahe ay ‘naging gaya ng nagniningas na apoy na nakukulong sa [kaniyang] mga buto.’ (Jeremias 20:9) Ano ang nagbigay sa kaniya ng panibagong lakas sa harap ng napakaraming kagipitan? “Si Jehova ay sumaakin gaya ng isang kahila-hilakbot na makapangyarihan,” sabi ni Jeremias. (Jeremias 20:11) Ang pagkaunawa ni Jeremias sa kahalagahan ng kaniyang mensahe at ng kaniyang bigay-Diyos na atas ang naging dahilan ng kaniyang pagtugon sa pampatibay-loob ni Jehova.
Ang Kapangyarihang Manakit at ang Kapangyarihang Magpagaling
14. (a) Gaano kalakas ang kapangyarihan ng dila bilang isang instrumento? (b) Magbigay ng mga halimbawa upang ipakita ang pinsalang nagagawa ng dila.
14 Hindi lahat ng kapangyarihang taglay natin ay tuwirang mula sa Diyos. Halimbawa, ang dila ay may kapangyarihang manakit at magpagaling din naman. “Kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila,” babala ni Solomon. (Kawikaan 18:21) Ang mga naging resulta ng sandaling pakikipag-usap ni Satanas kay Eva ay nagpapakita kung gaanong kalaking pinsala ang nagagawa ng mga salita. (Genesis 3:1-5; Santiago 3:5) Tayo rin ay makagagawa ng malaking pinsala sa pamamagitan ng dila. Ang mapamintas na pananalita hinggil sa timbang ng isang kabataang babae ay maaaring maging dahilan para magkasakit siya ng anorexia. Ang walang-ingat na paulit-ulit na paninirang-puri ay baka sumira sa habambuhay na pagkakaibigan. Oo, dapat supilin ang dila.
15. Paano natin magagamit ang ating dila sa pagpapatibay at pagpapagaling?
15 Gayunman, ang dila ay nakapagpapatibay at nanggigiba rin naman. Sinasabi ng kawikaan sa Bibliya: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18) Ginagamit ng matatalinong Kristiyano ang kapangyarihan ng dila upang aliwin ang nanlulumo at naulila. Napatitibay ng madamaying pananalita ang loob ng mga tin-edyer na nakikipagpunyagi sa nakapipinsalang panggigipit ng mga kasamahan. Muling nabibigyang-katiyakan ng maalalahaning dila ang may-edad nang mga kapatid na sila’y kailangan at mahal pa rin. Napasasaya ng may-kabaitang pananalita ang araw niyaong mga maysakit. Higit sa lahat, nagagamit natin ang ating dila upang ibahagi ang makapangyarihang mensahe ng Kaharian sa lahat ng makikinig. Ang paghahayag ng Salita ng Diyos ay nasa ating kapangyarihan kung naroroon ang ating puso. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito ay gawin.”—Kawikaan 3:27.
Ang Tamang Paggamit ng Kapangyarihan
16, 17. Kapag ginagamit ang kanilang bigay-Diyos na awtoridad, paano matutularan ng matatanda, mga magulang, mga asawang lalaki, at mga asawang babae si Jehova?
16 Bagaman siya ay makapangyarihan sa lahat, pinamamahalaan ni Jehova ang kongregasyon taglay ang pag-ibig. (1 Juan 4:8) Sa pagtulad sa kaniya, ang mga Kristiyanong tagapangasiwa ay maibiging nangangalaga sa kawan ng Diyos—anupat ginagamit, hindi inaabuso, ang kanilang awtoridad. Totoo, ang mga tagapangasiwa kung minsan ay kailangang ‘sumaway, sumawata, magpayo nang masidhi,’ ngunit ginagawa ito “na may buong mahabang-pagtitiis at sining ng pagtuturo.” (2 Timoteo 4:2) Kaya naman palaging binubulay-bulay ng matatanda ang mga salita na isinulat ni apostol Pedro para sa mga may awtoridad sa kongregasyon: “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-matapat na pakinabang, kundi may pananabik; ni hindi namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi nagiging mga halimbawa sa kawan.”—1 Pedro 5:2, 3; 1 Tesalonica 2:7, 8.
17 Pinagkalooban din ni Jehova ng awtoridad ang mga magulang at mga asawang lalaki, at ang kapangyarihang ito ay dapat gamitin sa pagtulong, pangangalaga, at pagmamahal. (Efeso 5:22, 28-30; 6:4) Ipinakikita ng halimbawa ni Jesus na ang awtoridad ay maaaring gamitin nang mabisa sa maibiging paraan. Kung ang disiplina ay timbang at di-pabagu-bago, ang mga bata ay hindi nasisiraan ng loob. (Colosas 3:21) Tumatatag ang pagsasama ng mag-asawa kapag maibiging isinasagawa ng mga Kristiyanong asawang lalaki ang kanilang pagkaulo at ang mga asawang babae naman ay matinding gumagalang sa kanilang asawa bilang ulo sa halip na lumampas sa kanilang bigay-Diyos na dako upang mangibabaw o masunod ang kanilang kagustuhan.—Efeso 5:28, 33; 1 Pedro 3:7.
18. (a) Paano natin tutularan ang halimbawa ni Jehova sa pagsupil sa ating galit? (b) Ano ang dapat sikaping ikintal niyaong mga may awtoridad doon sa mga nasa ilalim ng kanilang pangangalaga?
18 Yaong mga may awtoridad sa pamilya at sa kongregasyon ay dapat na lalo nang mag-ingat na supilin ang kanilang galit, yamang ang galit ay nagkikintal ng takot sa halip na pag-ibig. Sinabi ng propetang si Nahum: “Si Jehova ay mabagal sa pagkagalit at dakila sa kapangyarihan.” (Nahum 1:3; Colosas 3:19) Ang pagsupil sa ating galit ay isang tanda ng kalakasan, samantalang ang pagbubulalas nito ay patunay ng kahinaan. (Kawikaan 16:32) Kapuwa sa pamilya at sa kongregasyon, ang tunguhin ay ang pagkikintal ng pag-ibig—pag-ibig kay Jehova, pag-ibig sa isa’t isa, at pag-ibig sa tamang mga simulain. Ang pag-ibig ang pinakamatibay na bigkis ng pagkakaisa at pinakamalakas na pangganyak sa paggawa ng tama.—1 Corinto 13:8, 13; Colosas 3:14.
19. Anong nakaaaliw na katiyakan ang ibinibigay ni Jehova, at paano tayo dapat tumugon?
19 Ang pagkilala kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkilala sa kaniyang kapangyarihan. Sa pamamagitan ni Isaias, sinabi ni Jehova: “Hindi ba ninyo nalaman o hindi ba ninyo narinig? Si Jehova, ang Maylalang ng mga dulo ng lupa, ay Diyos hanggang sa panahong walang takda. Hindi siya napapagod o nanlulupaypay.” (Isaias 40:28) Ang kapangyarihan ni Jehova ay hindi nasasaid. Kung sa kaniya tayo aasa at hindi sa ating sarili, hindi niya tayo pababayaan. Tinitiyak niya sa atin: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.” (Isaias 41:10) Paano tayo dapat tumugon sa kaniyang maibiging pangangalaga? Gaya ni Jesus, gamitin nating lagi ang anumang kapangyarihang ibinibigay sa atin ni Jehova sa pagtulong at pagpapatibay. Sana’y masupil natin ang ating dila upang ito’y makapagpagaling sa halip na makapinsala. At sana’y palagi tayong nananatiling gising sa espirituwal, nakatayong matatag sa pananampalataya, at nagpapakalakas sa kapangyarihan ng ating Dakilang Maylalang, ang Diyos na Jehova.—1 Corinto 16:13.
[Talababa]
^ par. 9 Lumilitaw na natuklasan ng mga Judio ang orihinal na kopya ng Kautusan ni Moises, na inilagak sa templo ilang siglo bago nito.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan?
• Sa anu-anong paraan tayo makakakuha ng kapangyarihan ni Jehova?
• Paano dapat gamitin ang kapangyarihan ng dila?
• Paano magiging isang pagpapala ang bigay-Diyos na awtoridad?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 15]
Ginamit ni Jesus ang lakas ni Jehova upang tulungan ang iba
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang paghahayag ng Salita ng Diyos ay nasa ating kapangyarihan kung naroroon ang ating puso