Isang Huwarang Lalaki na Tumanggap ng Pagtutuwid
Isang Huwarang Lalaki na Tumanggap ng Pagtutuwid
“KUMAKAIN ng 30 Katao ang mga Buwaya sa Zambia Bawat Buwan.” Iyan ang iniulat ng isang pahayagan sa Aprika ilang taon na ang nakalipas. Ayon sa isang soologo na nanghuhuli sa mga reptilyang ito upang pag-aralan, “nangailangan ng 12 katao upang mahuli ang isang buwaya.” Sa pagtataglay ng mapuwersang buntot at napakalakas na mga panga, ang buwaya ay isang kakila-kilabot na hayop!
Sa waring pagtukoy sa buwaya bilang “Leviatan,” ginamit ng Maylalang ang “hari [na ito] sa lahat ng maringal at mailap na hayop” upang turuan ng isang mahalagang aral ang kaniyang lingkod na si Job. (Job 41:1, 34) Ito ay naganap halos 3,500 taon na ang nakalipas sa lupain ng Uz, na malamang ay nasa isang lugar sa hilagang Arabia. Habang inilalarawan ang nilalang na ito, sinabi ng Diyos kay Job: “Walang sinumang pangahas upang pukawin niya iyon. At sino ang makapaninindigan sa harap ko?” (Job 41:10) Tunay nga! Kung tayo ay takot sa buwaya, hindi ba dapat tayong higit na matakot na magsalita laban sa Isa na lumikha nito! Ipinakita ni Job ang kaniyang pagpapahalaga sa aral na ito sa pamamagitan ng pagtatapat ng kaniyang pagkakamali.—Job 42:1-6.
Kapag nababanggit si Job, maaaring naaalaala natin ang kaniyang tapat na halimbawa sa pagbabata sa pagsubok. (Santiago 5:11) Ang totoo, nalugod si Jehova kay Job kahit bago pa matinding nasubok ang kaniyang pananampalataya. Sa palagay ng Diyos, nang panahong iyon ay “walang sinumang tulad niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.” (Job 1:8) Ito ay dapat na magpakilos sa atin na matuto nang higit pa tungkol kay Job, sapagkat ang paggawa ng gayon ay tutulong sa atin na makita kung paanong tayo man ay makalulugod sa Diyos.
Inuna ang Kaugnayan sa Diyos
Si Job ay isang mayamang tao. Maliban pa sa ginto, mayroon siyang 7,000 tupa, 3,000 kamelyo, 500 asnong babae, 1,000 ulo ng baka, at isang napakalaking kalipunan ng mga lingkod. (Job 1:3) Ngunit nagtiwala si Job kay Jehova, hindi sa mga kayamanan. Nangatuwiran siya: “Kung itinuturing ko ang ginto bilang aking pag-asa, o sa ginto ay sinabi ko, ‘Ikaw ang aking tiwala!’ Kung nagsasaya ako noon dahil ang aking ari-arian ay marami, at dahil ang aking kamay ay nakasumpong ng maraming bagay . . . , iyon din ay kamalian na dapat asikasuhin ng mga hukom, sapagkat para ko na ring ikinaila ang tunay na Diyos sa itaas.” (Job 31:24-28) Tulad ni Job, dapat nating pahalagahan ang isang malapit na kaugnayan sa Diyos na Jehova nang higit kaysa materyal na mga bagay.
Makatarungang Pakikitungo sa mga Kapuwa Tao
Paano nakitungo si Job sa kaniyang mga lingkod? Na nasumpungan nila siyang di-nagtatangi at madaling lapitan ay ibinabadya ng sariling mga pananalita ni Job: “Kung pinagkaitan ko noon ng katarungan ang aking aliping lalaki o ang aking aliping babae sa kanilang usapin sa batas laban sa akin, kung magkagayon ay ano ang magagawa ko kapag ang Diyos ay bumabangon? At kapag humihingi siya ng pagsusulit, ano ang maisasagot ko sa kaniya?” (Job 31:13, 14) Pinahalagahan ni Job ang awa ni Jehova kung kaya’t nakitungo siya nang may awa sa kaniyang mga alipin. Kay inam na halimbawa, lalo na sa mga nasa posisyon ng pangangasiwa sa loob ng kongregasyong Kristiyano! Sila rin ay dapat na maging makatarungan, di-nagtatangi, at madaling lapitan.
Nagpakita rin ng interes si Job sa mga nasa labas ng kaniyang sambahayan. Sa pagpapakita ng kaniyang pagmamalasakit sa iba, sinabi niya: “Kung ipinagkait ko noon sa mga maralita ang kanilang kinalulugdan, at ang mga mata ng babaing balo ay pinalalabo ko, . . . kung ikinaway ko ang aking kamay laban sa batang lalaking walang ama, kapag nakikita kong kailangan ang aking tulong sa pintuang-daan, malaglag na sana ang aking paypay mula sa balikat nito, at mabali na sana ang aking bisig mula sa buto nito sa itaas.” (Job 31:16-22) Nawa’y maging makonsiderasyon din tayo sa mga alam nating dumaranas ng mga kahirapan sa kongregasyon.
Dahil sa kaniyang walang pag-iimbot na interes sa kaniyang kapuwa-tao, si Job ay mapagpatuloy sa mga estranghero. Kaya, nasabi niya: “Sa labas ay walang naninirahang dayuhan ang magpapalipas ng gabi; ang aking mga pinto ay pinanatili kong bukas sa landas.” (Job 31:32) Kay inam na halimbawa nito para sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon! Kapag yaong mga bagong interesado sa katotohanan ay nagtungo sa Kingdom Hall, ang ating pagtanggap sa kanila nang may pagkamapagpatuloy ay maaaring makatulong sa kanilang espirituwal na pagsulong. Siyempre pa, ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at iba pang mga Kristiyano ay nangangailangan din ng ating maibiging pagkamapagpatuloy.—1 Pedro 4:9; 3 Juan 5-8.
May wastong pangmalas si Job maging sa kaniyang mga kaaway. Hindi siya nagagalak sa kalamidad na maaaring sapitin ng sinuman na napopoot sa kaniya. (Job 31:29, 30) Sa halip, nakahanda siyang gumawa ng mabuti sa gayong mga tao, gaya ng makikita sa kaniyang pagiging handang manalangin para sa kaniyang tatlong huwad na mga mang-aaliw.—Job 16:2; 42:8, 9; ihambing ang Mateo 5:43-48.
Malinis sa Sekso
Si Job ay tapat sa kaniyang asawa, anupat hindi pinahihintulutan ang kaniyang puso na magkaroon ng di-wastong pagmamahal sa ibang babae. Sinabi ni Job: “Nakipagtipan ako sa aking mga mata. Kaya paano ako makapagbibigay-pansin sa isang dalaga? Kung ang aking puso ay naakit sa isang babae, at ako ay laging nag-aabang Job 31:1, 9-11.
sa mismong pasukang-daan ng aking kasamahan, ipaggiling ng aking asawa ang ibang lalaki, at sa ibabaw niya ay paluhurin ang ibang mga lalaki. Sapagkat iyon ay mahalay na paggawi, at iyon ay magiging kamalian na dapat asikasuhin ng mga hukom.”—Hindi pinahintulutan ni Job na pasamain ng imoral na mga hangarin ang kaniyang puso. Sa halip, itinaguyod niya ang isang matuwid na landasin. Hindi kataka-taka na nalugod ang Diyos na Jehova sa tapat na taong ito na nakipagpunyagi laban sa imoral na mga pang-akit!—Mateo 5:27-30.
Nabahala Hinggil sa Espirituwalidad ng Pamilya
Kung minsan, nagsasaayos ang mga anak na lalaki ni Job ng mga piging kung saan ang lahat ng kaniyang anak na lalaki at mga babae ay naroroon. Pagkatapos ng mga araw ng piging, si Job ay labis na nababahala sakaling ang kaniyang mga anak ay nagkasala laban kay Jehova sa ilang paraan. Kaya gumagawa ng hakbang si Job, sapagkat sinasabi ng ulat sa Kasulatan: “At nangyayari na kapag ang mga araw ng piging ay nakaikot na, si Job ay nagsusugo at pinababanal sila; at maaga siyang bumabangon sa kinaumagahan at naghahandog ng mga haing sinusunog ayon sa bilang nilang lahat; sapagkat, ang sabi ni Job, ‘baka nagkasala ang aking mga anak at isinumpa ang Diyos sa kanilang puso.’ ” (Job 1:4, 5) Gayon na lamang marahil ang pagkakintal sa mga miyembro ng pamilya ni Job ng kaniyang pagkabahala na sila’y magkaroon ng mapitagang pagkatakot kay Jehova at lumakad sa Kaniyang mga landas!
Sa ngayon, kailangang turuan ng mga Kristiyanong ulo ng pamilya ang kani-kanilang mga pamilya sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. (1 Timoteo 5:8) At tiyak na angkop lamang na ipanalangin ang mga miyembro ng pamilya.—Roma 12:12.
May Katapatang Nagbata sa Ilalim ng Pagsubok
Karamihan sa mga mambabasa ng Bibliya ay pamilyar sa matinding mga pagsubok na sumapit kay Job. Iginiit ni Satanas na Diyablo na isusumpa ni Job ang Diyos sa ilalim ng mapanubok na mga kalagayan. Tinanggap ni Jehova ang hamong ito, at agad na nagpasapit si Satanas ng kalamidad kay Job. Nawala ang lahat ng kaniyang hayupan. Masahol pa, naranasan niya ang mamatayan ng lahat ng kaniyang anak. Di nagtagal, pinadapuan ni Satanas si Job ng malubhang bukol mula ulo hanggang paa.—Job, kabanata 1, 2.
Ano ang naging resulta? Nang himukin siya ng kaniyang asawa na isumpa ang Diyos, sinabi ni Job: “Gaya ng pagsasalita ng isa sa mga babaing hangal, gayon ka rin nagsasalita. Tatanggapin ba lamang natin ang mabuti mula sa tunay na Diyos at hindi rin tatanggapin ang masama?” Idinagdag pa ng ulat ng Bibliya: “Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kaniyang mga labi.” (Job 2:10) Oo, may katapatang nagbata si Job at sa gayo’y pinatunayang sinungaling ang Diyablo. Nawa’y batahin din natin ang mga pagsubok at patunayan na ang ating paglilingkod sa Diyos ay udyok ng dalisay na pag-ibig para kay Jehova.—Mateo 22:36-38.
May Kapakumbabaang Tinanggap ang Pagtutuwid
Bagaman si Job ay kapuri-puri sa maraming paraan, hindi siya isang sakdal na tao. Mismong sinabi niya: “Sino ang makapagpapalabas ng sinumang malinis mula sa sinumang marumi? Walang isa man.” (Job 14:4; Roma 5:12) Kaya nang sabihin ng Diyos na si Job ay walang kapintasan, ito ay totoo sa diwa na siya ay gumawi ayon sa lahat ng inaasahan ng Diyos sa isa sa kaniyang di-sakdal at makasalanang mga lingkod na tao. Kay laking pinagmumulan ng pampatibay!
Nakapagbata si Job sa pagsubok sa kaniya, ngunit nagsiwalat ito ng isang kahinaan. Nang mabalitaan ang lahat ng kalamidad na sumapit sa kaniya, tatlong tinatawag na mga mang-aaliw ang dumalaw sa kaniya. (Job 2:11-13) Sila’y nagparatang na pinarurusahan ni Jehova si Job dahil sa paggawa ng malulubhang kasalanan. Likas lamang, nasaktan si Job dahil sa maling mga paratang na ito, at buong-sikap na ipinagtanggol niya ang kaniyang sarili. Ngunit hindi siya naging timbang sa pagbibigay katuwiran sa kaniyang sarili. Aba, ipinahiwatig pa nga ni Job na mas matuwid pa siya kaysa sa Diyos!—Job 35:2, 3.
Dahil inibig ng Diyos si Job, gumamit Siya ng isang kabataang lalaki upang tukuyin ang pagkakamali ni Job. Ganito ang sinasabi ng ulat: “Nag-init ang galit ni Elihu . . . Lumagablab ang kaniyang galit laban kay Job dahil ipinahahayag niyang matuwid ang kaniyang sariling kaluluwa sa halip na ang Diyos.” Gaya ng napansin ni Elihu: “Sinabi ni Job, ‘Ako ay talagang nasa tama, ngunit inilihis ng Diyos ang paghatol sa akin.’ ” (Job 32:2; 34:5) Gayunman, hindi nakisali si Elihu sa tatlong “mang-aaliw” sa maling pagsasabi na pinarurusahan ng Diyos si Job dahil sa mga kasalanan nito. Sa halip, ibinulalas ni Elihu ang tiwala sa katapatan ni Job, at pinayuhan niya siya: “Ang usapin sa batas ay nasa harap [ni Jehova], kung kaya dapat mo siyang hintayin nang may pagkabalisa.” Ang totoo, dapat sana’y naghintay muna si Job kay Jehova sa halip na nagsalita nang padalus-dalos para ipagtanggol ang kaniyang sarili. Tiniyak ni Elihu kay Job: ‘Ang katarungan at ang saganang katuwiran ay hindi mamaliitin [ng Diyos].’—Job 35:14; 37:23.
Kailangang ituwid ang pag-iisip ni Job. Kaya naman, binigyan siya ni Jehova ng aral sa pagiging hamak ng tao kung ihahambing sa kadakilaan ng Diyos. Tinukoy ni Jehova ang lupa, ang dagat, ang mabituing langit, ang mga hayop, at maraming iba pang kahanga-hangang nilalang. Sa pagtatapos, binanggit ng Diyos ang tungkol sa Leviatan—ang buwaya. May kapakumbabaang tinanggap ni Job ang pagtutuwid, at sa bagay na ito ay nagpakita siya ng ibayong huwaran.
Bagaman mainam ang nagagawa natin sa paglilingkod kay Jehova, makagagawa tayo ng mga pagkakamali. Kung malubha ang isang pagkakamali, maaari tayong ituwid ni Jehova sa pamamagitan ng ilang paraan. (Kawikaan 3:11, 12) Maaaring maisip natin ang isang kasulatan na sumusurot sa ating konsiyensiya. Marahil Ang Bantayan o iba pang mga lathalain ng Samahang Watch Tower ay maaaring may masabi na makapagbibigay kamalayan sa ating pagkakamali. O maaaring isang kapuwa Kristiyano ang may kabaitang tumukoy na nabigo tayong ikapit ang isang simulain sa Bibliya. Paano tayo tutugon sa gayong pagtutuwid? Nagpamalas si Job ng nagsisising espiritu, na sinasabing: “Binabawi ko ang aking sinabi, at nagsisisi ako sa alabok at abo.”—Job 42:6.
Ginantimpalaan ni Jehova
Ginantimpalaan ni Jehova si Job, anupat pinahintulutan ang kaniyang lingkod na mabuhay ng karagdagang 140 taon. Sa panahong iyan, tumanggap siya ng higit kaysa naiwala niya. At bagaman sa dakong huli ay namatay si Job, siya ay tiyak na bubuhaying-muli sa bagong sanlibutan ng Diyos.—Job 42:12-17; Ezekiel 14:14; Juan 5:28, 29; 2 Pedro 3:13.
Tayo rin ay makatitiyak sa pabor at mga pagpapala ng Diyos kung paglilingkuran natin siya nang may katapatan at tatanggaping lahat ang salig-Bibliyang pagtutuwid na ibibigay sa atin. Bilang resulta, tataglayin natin ang tiyak na pag-asa ng buhay sa bagong sistema ng mga bagay ng Diyos. Higit sa lahat, mapararangalan natin ang Diyos. Ang ating matapat na paggawi ay gagantimpalaan at makadaragdag sa patotoo na ang kaniyang bayan ay naglilingkod sa kaniya, hindi sa mapag-imbot na mga dahilan, kundi dahil sa buong-pusong pag-ibig. Tunay na pribilehiyo natin na pasayahin ang puso ni Jehova, gaya ng ginawa ng tapat na si Job, na may kapakumbabaang tumanggap ng pagtutuwid!—Kawikaan 27:11.
[Mga larawan sa pahina 26]
Nagpakita ng maibiging pagkabahala si Job sa mga ulila, balo, at iba pa
[Mga larawan sa pahina 28]
Lubos na pinagpala si Job dahil sa may kapakumbabaang pagtanggap ng pagtutuwid