Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Kailangan ng Sangkatauhan ang Isang Katulong

Kung Bakit Kailangan ng Sangkatauhan ang Isang Katulong

Kung Bakit Kailangan ng Sangkatauhan ang Isang Katulong

‘AKO ay isang dating walang-pakundangang mang-uusig,’ ang pag-amin ng isang dating mapagmapuri at marahas na tao. Siya’y naging isang mapang-abusong mamumusong na walang-awang nanligalig at nanalakay sa may-takot sa Diyos na mga tagasunod ni Jesu-Kristo. “Gayunpaman,” ang may pagpapasalamat na sinabi niya, “ako ay pinagpakitaan ng awa.” Hindi man kapani-paniwala, ang napakarahas na tagausig na ito ang naging matapat na Kristiyanong apostol na si Pablo.​—1 Timoteo 1:12-16; Gawa 9:1-19.

Hindi lahat ng tao ay nakagawa ng mga bagay na katulad ng nagawa ni Pablo. Gayunman, nabibigo tayong lahat na makaabot sa mga pamantayan ng Diyos. Bakit? Sapagkat “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Isa pa, napakadaling madaig ng pagkasiphayo, marahil ay nakadaramang napakasama na natin upang tumanggap pa ng awa ng Diyos. Habang dinidili-dili ang kaniyang makasalanang mga hilig, si Pablo mismo ay bumulalas: “Miserableng tao ako! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito?” Sa pagsagot sa kaniyang sariling katanungan, sumulat siya: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!”​—Roma 7:24, 25.

Paano mangyayari na makikipag-ugnayan ang isang matuwid na Maylalang sa mga makasalanan? (Awit 5:4) Pansinin na sinabi ni Pablo: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon.” Isa pang tumanggap ng awa ng Diyos ang nagpaliwanag: “Kung ang sinuman ay makagawa ng kasalanan, tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid. At siya ay pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, gayunma’y hindi para sa atin lamang kundi para sa buong sanlibutan din naman.”​—1 Juan 2:1, 2.

Bakit tinawag si Jesu-Kristo na “katulong sa Ama”? At paano naging “pampalubag-loob na hain” si Jesus para sa ating mga kasalanan?

Kung Bakit Kailangan ang Katulong

Pumarito sa lupa si Jesus upang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Ang pantubos ay ang halaga na ibinabayad upang tubusin, o pangyarihin ang pagpapalaya, sa isang tao o isang bagay. Ang anyong pandiwa ng salitang Hebreo na isinaling “pantubos” ay nagpapahiwatig ng ideya ng pagtatakip, o pagbabayad, sa mga kasalanan. (Awit 78:38) Ang salitang Griego, gaya ng masusumpungan sa Mateo 20:28, ay partikular na ginamit upang tumukoy sa halagang ibinayad upang tubusin ang mga bilanggo ng digmaan o palayain ang mga alipin. Upang matugunan ang kahilingan ng katarungan, ang isang bagay ay ibinibigay bilang kapalit ng isa pa na may gayunding halaga.

Napaalipin ang sangkatauhan dahilan sa paghihimagsik ng unang tao sa Diyos. Gaya ng ipinakikita sa kabanatang 3 ng Genesis, pinili ng sakdal na taong iyon​—si Adan​—na itaguyod ang landasin ng pagsuway sa Diyos na Jehova. Sa paggawa nito, ipinagbili niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang hindi pa naisisilang na mga inapo sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Sa gayo’y iwinala ni Adan ang kaloob na sakdal na buhay tao, para sa kaniyang sarili at sa lahat ng kaniyang supling.​—Roma 5:12, 18, 19; 7:14.

Sa sinaunang Israel, nagsaayos ang Diyos para sa mga haing hayop upang bayaran, o takpan, ang mga kasalanan ng bayan. (Levitico 1:4; 4:20, 35) Sa diwa, ang buhay ng inihaing hayop ang ibinigay kapalit ng buhay ng nagkasala. (Levitico 17:11) Dahil dito, ang “araw ng pagbabayad-sala” ay maaari ring tawagin na “araw ng mga pantubos.”​—Levitico 23:26-28.

Gayunman, yamang ang mga hayop ay mas mababa sa tao, “hindi posible na ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay [lubusang] mag-alis ng mga kasalanan.” (Hebreo 10:1-4) Upang ang isang hain ay magkaroon ng sapat na halaga upang mabayaran, o maalis, nang lubusan ang mga kasalanan, ito’y dapat na katumbas ng halagang naiwala ni Adan. Ang timbangan ng katarungan ay humihiling ng isang sakdal na tao (si Jesu-Kristo) upang pantayan ang naiwala ng isa pang sakdal na tao (si Adan). Isang sakdal na buhay tao lamang ang makababayad ng halagang pantubos upang tubusin ang supling ni Adan mula sa pagkaalipin na kung saan ipinagbili sila ng kanilang unang ama. Ang ‘kaluluwa para sa kaluluwa’ ay makatutugon sa kahilingan ng tunay na katarungan.​—Exodo 21:23-25.

Noong nagkasala si Adan at hinatulan ng kamatayan, ang kaniyang hindi pa naisisilang na supling ay nasa loob pa ng kaniyang mga balakang at sa gayo’y namatay na kasama niya. Ang sakdal na taong si Jesus, “ang huling Adan,” ay kusang-loob na hindi nagpamilya. (1 Corinto 15:45) Taglay niya ang hindi pa naipanganganak na supling sa loob ng kaniyang balakang nang siya ay mamatay bilang isang sakdal na taong hain. Kung gayon, maaaring sabihin na para bang ang potensiyal na lahi ng tao na nasa loob ng kaniyang balakang ay namatay na kasama niya. Inari ni Jesus ang makasalanan at namamatay na pamilya ni Adan bilang kaniya. Isinuko niya ang kaniyang karapatan na magkaroon ng sariling pamilya. Sa paghahain ng kaniyang sakdal na buhay tao, biniling-muli ni Jesus ang buong sangkatauhan na nagmula kay Adan upang sila’y maging pamilya Niya, anupat Siya ang nagiging kanilang “Walang-hanggang Ama.”​—Isaias 9:6, 7.

Ang haing pantubos ni Jesus ang nagbukas ng daan para tumanggap ang masunuring sangkatauhan ng awa ng Diyos at magtamo ng walang-hanggang buhay. Bunga nito, sumulat si apostol Pablo: “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Napakikilos tayo na purihin si Jehova dahil sa pag-ibig at pagkamadamayin na kaugnay ng pantubos, na inilaan bagaman napakalaking halaga ang nawala sa kaniya at sa kaniyang pinakamamahal na sinisintang Anak. (Juan 3:16) At si Jesus ay talagang napatunayang isang “katulong sa Ama” noong buhayin siyang muli sa makalangit na buhay at iharap ang halaga ng kaniyang haing pantubos sa Diyos sa langit. * (Hebreo 9:11, 12, 24; 1 Pedro 3:18) Ngunit paano pinatutunayan ni Jesu-Kristo ngayon na siya ang ating katulong sa langit?

[Talababa]

^ par. 12 Tingnan ang kabanata 4 at 7 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 4]

Ang sakdal na buhay tao ni Jesus ang naging halaga upang matubos ang supling ni Adan