Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Marami Kayong Alam sa Bibliya”

“Marami Kayong Alam sa Bibliya”

“Marami Kayong Alam sa Bibliya”

NANG ang 12-taóng-gulang na si Jesus ay may lakas ng loob na nakipag-usap sa mga lider ng relihiyon sa Jerusalem, “lahat niyaong nakikinig sa kaniya ay patuloy na namamangha sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot.” (Lucas 2:47) Gayundin sa ngayon, maraming kabataang lingkod ni Jehova ang nagtitipon ng lakas ng loob upang ipakipag-usap sa kanilang mga guro at mga kaklase ang tungkol sa Diyos at sa Bibliya, at kadalasan ay nakararanas sila ng gayunding nakasisiyang mga resulta.

Si Tiffany, na edad 14, ay nasa isang klase kung saan tinatalakay ang hula ng Bibliya tungkol sa 70 sanlinggo ng mga taon, na masusumpungan sa Daniel 9:24-27. Ang guro ay nagbigay ng ilang katotohanan tungkol sa mga talata at agad na tinapos ang paksang ito.

Sa simula, bantulot si Tiffany na magtaas ng kaniyang kamay. “Subalit sa ilang kadahilanan,” ang sabi niya, “talagang nakabahala sa akin na ang mga talata ay hindi lubusang naipaliwanag. At walang anu-ano, nagtaas ako ng kamay.” Namangha ang guro na may isa na aktuwal na may masasabi tungkol sa paksang iyon, yamang ang karamihan sa mga estudyante ay nahihirapang maunawaan ito.

Palibhasa’y nabigyan ng pagkakataon na ipaliwanag ang hula, tumayo si Tiffany at nagsalita sa paraang ekstemporanyo. Nang matapos na siya, tahimik na tahimik sa loob ng silid-aralan. Medyo ninerbiyos si Tiffany. Pagkatapos ay masigabong nagpalakpakan ang klase.

“Kahanga-hanga, Tiffany, talagang kahanga-hanga,” ang paulit-ulit na sabi ng guro. Inamin niya na batid niyang may higit pang kahulugan sa mga talatang iyon, subalit si Tiffany ang unang tao na kailanma’y nagpaliwanag nito sa kaniya nang napakalinaw. Sa pagtatapos ng klase, tinanong niya si Tiffany kung bakit marami itong nalalaman tungkol sa Bibliya.

“Sapagkat isa po ako sa mga Saksi ni Jehova,” ang tugon niya. “Kinailangan pong ipaliwanag sa akin ng mga magulang ko ang hulang iyan nang ilang beses bago ko po ito naunawaan.”

Namangha rin ang mga kaklase niya sa kaniyang kaalaman sa Bibliya. Isang estudyante ang nagsabi kay Tiffany: “Ngayon ay alam ko na kung bakit kayong mga Saksi ni Jehova ay nagtutungo sa bahay-bahay; sapagkat marami kayong alam sa Bibliya.” Ang iba ay nangakong hindi na siya kailanman tutuksuhin tungkol sa kaniyang mga paniniwala.

Nang ikuwento ni Tiffany sa kaniyang mga magulang ang tungkol sa kaniyang karanasan, iminungkahi nila na ialok niya ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan sa kaniyang guro. Nang gawin niya ito at ipinakita sa guro ang bahagi na nagpapaliwanag sa hula ni Daniel, agad nitong tinanggap ang aklat at pinasalamatan siya.

Tunay, kapag ang mga kabataang Kristiyano ay may lakas ng loob na nagsasalita tungkol sa itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang may kinalaman sa Diyos at sa Bibliya, sila’y nagbibigay ng kapurihan at karangalan kay Jehova at ng mga pagpapala sa kanilang sarili.​—Mateo 21:15, 16.