Inirerekomenda Mo ba ang Iyong Sarili sa Iba?
Inirerekomenda Mo ba ang Iyong Sarili sa Iba?
‘Wala akong pakialam kung ano ang iniisip ng ibang tao!’ Sa isang sandali ng galit o kabiguan, marahil ay nasumpungan mo na may kapangahasang nasabi mo ito. Subalit minsang humupa ang silakbo ng pagmamalaki, maaaring makadama ka ng pagkabahala. Bakit? Sapagkat karamihan sa atin ay talagang nababahala sa kung ano ang iniisip sa atin ng iba.
TUNAY, dapat tayong mabahala hinggil sa damdamin ng iba. Tayo, bilang mga Kristiyano at ordinadong mga ministro ng Diyos na Jehova, ay lalo nang dapat na magkaroon ng angkop na pagkabahala hinggil sa kung paano tayo minamalas ng iba. Tutal, tayo’y “pandulang panoorin . . . sa sanlibutan.” (1 Corinto 4:9) Sa 2 Corinto 6:3, 4, masusumpungan natin ang mainam na payo ni apostol Pablo: “Sa paanuman ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang ang aming ministeryo ay huwag makitaan ng pagkakamali; kundi sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang aming mga sarili bilang mga ministro ng Diyos.”
Ano, kung gayon, ang kahulugan ng irekomenda natin ang ating mga sarili sa iba? Nangangahulugan ba ito na itinataas natin ang ating sarili o binibigyan ba natin ng labis na pansin ang ating mga sarili at ang ating mga kakayahan? Hindi. Subalit ito’y humihiling na ikapit natin ang mga salita sa 1 Pedro 2:12: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang . . . luwalhatiin nila ang Diyos . . . bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksing nakakita.” Inirerekomenda ng mga Kristiyano ang kanilang mga sarili sa paraang hinahayaan nilang ang kanilang paggawi ang magsalita sa ganang sarili! Sa wakas, ito ay magdadala ng kapurihan, hindi sa atin, kundi sa Diyos. Gayunpaman, ang pagrerekomenda natin ng ating mga sarili sa iba ay maaari ring magkaroon ng personal na mga kapakinabangan. Suriin natin ang tatlong dako kung saan maaaring magkatotoo ito sa iyo.
Bilang Isang Posibleng Kabiyak
Kunin halimbawa ang tungkol sa pag-aasawa. Ito’y isang kaloob buhat sa Diyos na Jehova, ang isa na “pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.” (Efeso 3:15) Marahil ay nais mong mag-asawa balang araw. Kung gayon, paano mo inirerekomenda ang iyong sarili bilang isang posibleng kabiyak? Oo, anong reputasyon mayroon ka bilang isang binata o dalagang Kristiyano?
Sa ilang lupain ito ay lubhang mahalaga sa mga pamilya. Halimbawa, sa Ghana, kapag ang dalawang tao ay nagnanais na magpakasal sa isa’t isa, kaugalian na para sa magiging mag-asawa na ipaalam ito sa kani-kanilang mga magulang. Ipagbibigay-alam naman nila ito sa iba pang mga miyembro ng pamilya. Pagkatapos ay aalamin ng pamilya ng lalaki ang reputasyon ng babae sa kanilang lugar. Kapag kumbinsido ang mga magulang hinggil sa pagiging nababagay ng babae, ipaaalam nila sa pamilya ng babae ang intensiyon ng kanilang anak na lalaki na pakasalan ang kanilang anak na babae. Ang pamilya naman ngayon ng babae ang magsusuri sa reputasyon ng lalaki bago pumayag sa pagpapakasal nito. May kasabihan sa Ghana na nagsasabing, “Magtanong ka sa mga nakakakilala bago ka pumasok sa pag-aasawa.”
Kumusta naman sa mga lupain sa Kanluran, kung saan ang mga indibiduwal ay karaniwang pinapayagang pumili ng kanilang sariling kabiyak? Kahit na roon, makabubuti para sa isang maygulang na Kristiyanong lalaki o babae na humingi ng isang matapat na rekomendasyon mula sa mga nakakakilala nang husto sa mapapangasawa, gaya ng mga magulang o ng maygulang na mga kaibigan. Ayon sa aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, maaaring itanong ng isang dalaga: “ ‘Anong uri ng reputasyon mayroon ang binatang ito? Sino ang kaniyang mga kaibigan? Siya ba’y kakikitaan ng pagpipigil sa sarili? Paano siya nakikitungo sa mga may-edad na? Anong uri ng pamilya ang pinagmulan niya? Paano siya nakikisama sa kanila? Ano ba ang saloobin niya tungkol sa pera? Nag-aabuso ba siya sa mga inuming nakalalasing? Siya ba’y sumpungin, marahas? Anong mga pananagutan sa kongregasyon ang taglay niya, at paano niya isinasagawa ang mga ito? Lubusan ko ba siyang maigagalang?’—Levitico 19:32; Kawikaan 22:29; 31:23; Efeso 5:3-5, 33; 1 Timoteo 5:8; 6:10; Tito 2:6, 7.” *
Nanaisin naman ng isang lalaki na mag-usisa tungkol sa sinumang Kristiyanong babae na binabalak niyang pakasalan. Ayon sa Bibliya, inalam ni Boaz ang tungkol kay Ruth, ang babaing kaniyang napangasawa nang dakong huli. Nang tanungin ni Ruth: “Paano ngang nakasumpong ako ng lingap sa iyong paningin anupat binibigyan-pansin ako, gayong ako ay isang banyaga?” Sinabi ni Boaz: “Lubusang iniulat sa akin ang lahat ng ginawa mo.” (Ruth 2:10-12) Oo, hindi lamang personal na namasdan ni Boaz na si Ruth ay isang matapat, masigasig, at masipag na babae kundi tumanggap din siya ng mabubuting komento mula sa iba.
Sa katulad na paraan, ang iyong paggawi ay may masasabi sa kung paano ka minamalas ng iba bilang isang nababagay na kabiyak. Paano mo nga inirerekomenda ang iyong sarili sa iba sa bagay na ito?
Bilang Isang Empleado
Ang lugar ng trabaho ay isa pang dako kung saan maaaring maging kapaki-pakinabang sa iyo ang pagpapanatili ng mabuting paggawi. Maaaring matindi ang kompetisyon sa mga trabaho. Ang mga empleado na kilala sa pagiging hindi masunurin, palaging huli, at hindi tapat ay kadalasang sinisisante.
Maaaring alisin din sa trabaho ng mga kompanya ang may karanasang mga empleado upang mabawasan ang gastos. Kapag humanap ng bagong trabaho ang mga walang trabaho, maaaring matuklasan nila na ang mga kompanya ay magtatanong sa kanilang dating mga pinagtrabahuhan upang malaman ang kanilang mga kaugalian, saloobin, at karanasan sa trabaho. Matagumpay na nairekomenda ng maraming Kristiyano ang kanilang mga sarili sa mga nagpapatrabaho sa pamamagitan ng kanilang magalang na paggawi, mahinhing pananamit, kaayaayang pag-uugali, at natatanging mga katangiang Kristiyano.Ang katapatan ay isa sa katangiang iyon—isa na pinahahalagahan ng maraming nagpapatrabaho. Katulad ni apostol Pablo, nais nating “gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Sa isang kompanya ng minahan sa Ghana, naiulat ang pang-uumit. Napanatili ng superbisor sa treatment plant, na isang Saksi, ang kaniyang trabaho samantalang ang iba ay nasisante. Bakit? Napansin ng pangasiwaan ang kaniyang katapatan sa nakalipas na mga taon. Ang kaniyang kasipagan at paggalang sa awtoridad ay kilalang-kilala rin. Oo, napanatili niya ang kaniyang trabaho dahil sa kaniyang matuwid na paggawi!
Ano ang iba pang mga bagay na magagawa ng isang Kristiyano upang mairekomenda ang kaniyang sarili sa trabaho? Matutong magkaroon ng kasanayan sa anumang trabaho na ibinigay sa iyo. (Kawikaan 22:29) Magtrabaho nang masikap at matiyaga. (Kawikaan 10:4; 13:4) Magalang na pakitunguhan ang iyong amo at superbisor sa trabaho. (Efeso 6:5) Ang pagiging nasa oras, matapat, mahusay, at masipag ay mga katangian na lubhang pinahahalagahan ng mga nagpapatrabaho, at ang mga katangiang ito ay makatutulong sa iyo na makasumpong ng trabaho kahit na mahirap humanap ng trabaho.
Mga Pribilehiyo sa Kongregasyon
Ngayon higit kailanman, kailangan ang mga lalaking maygulang upang manguna sa Kristiyanong kongregasyon. Ang dahilan? Si Isaias ay humula: “Paluwangin mo pa ang dako ng iyong tolda. At iunat nila ang mga pantoldang tela ng iyong maringal na tabernakulo.” (Isaias 54:2) Bilang katuparan ng hulang ito, patuloy na nakararanas ng paglago ang pambuong-daigdig na kongregasyon ni Jehova.
Kaya kung ikaw ay isang lalaking Kristiyano, paano mo mairerekomenda ang iyong sarili bilang isa na kuwalipikadong maglingkod sa isang iniatas na tungkulin? Isaalang-alang ang halimbawa ng binatang si Timoteo. Iniulat ni Lucas na si Timoteo ay “may mabuting ulat mula sa mga kapatid sa Listra at Iconio.” Oo, sa pamamagitan ng kaniyang mainam na paggawi, inirekomenda ng binatang ito ang kaniyang sarili sa iba sa dalawang magkaibang lunsod. Kaya naman inanyayahan ni Pablo si Timoteo na sumama sa kaniya sa paglalakbay na ministeryo.—Gawa 16:1-4.
Paanong ang isang lalaki ngayon ay maaaring ‘umabot sa katungkulan ng tagapangasiwa’ sa isang angkop at makadiyos na paraan? Tiyak na hindi sa pamamagitan ng pangangampanya para sa paghirang kundi sa pamamagitan ng paglinang ng espirituwal na mga katangian na kinakailangan para sa gayong mga pananagutan. (1 Timoteo 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9) Maipakikita rin niya na siya ay “nagnanasa ng isang mainam na gawain” sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa gawaing pangangaral at paggawa ng alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Yaong mga inirerekomenda ang kanilang mga sarili bilang responsableng mga lalaking Kristiyano ay may taimtim na interes sa kapakanan ng kanilang espirituwal na mga kapatid. Sinusunod nila ang payo ni apostol Pablo: “Makibahagi kayo sa mga banal ayon sa kanilang mga pangangailangan. Sundan ninyo ang landasin ng pagkamapagpatuloy.” (Roma 12:13) Sa paggawa ng gayong mga bagay, tunay na magagawa ng isang lalaking Kristiyano na ‘irekomenda ang kaniyang sarili bilang ministro ng Diyos.’
Sa Lahat ng Panahon
Ang pagrekomenda ng ating mga sarili sa iba ay hindi nangangahulugan ng pagkukunwari o pagiging “mga nagpapalugod sa tao.” (Efeso 6:6) Sa wakas, ito’y nangangahulugang pagrerekomenda ng ating mga sarili sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng pagsunod nang masikap sa kaniyang mga kautusan at mga simulain. Kung pauunlarin mo ang iyong espirituwalidad at patitibayin ang iyong kaugnayan sa Diyos na Jehova, mapapansin ng iba ang pagsulong sa paraan ng pakikitungo mo sa mga miyembro ng iyong pamilya, sa mga kasama sa trabaho, at sa mga kapuwa Kristiyano. Mapapansin din nila ang iyong katatagan at pagiging timbang, ang iyong mabuting paghatol, ang iyong kakayahang humawak ng pananagutan, at ang iyong kapakumbabaan. Sa pamamagitan nito ay makakamit mo ang kanilang pag-ibig at paggalang at, higit na mahalaga, matatamo mo ang pagsang-ayon ng Diyos na Jehova sapagkat inirerekomenda mo ang iyong sarili sa iba!
[Talababa]
^ par. 8 Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 19]
May katalinuhang inaalam ng maraming magulang ang reputasyon ng isa na nais mapangasawa ng kanilang anak na lalaki o babae
[Larawan sa pahina 20]
Inirerekomenda ng isang kapatid na lalaki ang kaniyang sarili sa mga pribilehiyo ng paglilingkod sa pamamagitan ng pagpapakita ng konsiderasyon sa iba