Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Labis na Pangangailangan sa Kaaliwan!

Labis na Pangangailangan sa Kaaliwan!

Labis na Pangangailangan sa Kaaliwan!

“Narito! ang mga luha ng mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng kanilang mga maniniil ay may kapangyarihan, anupat wala silang mang-aaliw.”​—ECLESIASTES 4:1.

NAGHAHANAP ka ba ng kaaliwan? Minimithi mo ba ang kahit bahagyang silahis ng konsuwelo para makatakas mula sa madilim na ulap ng pagkabigo? Naghahangad ka ba ng kakarampot na kaaliwan upang maibsan ang pagdadalamhati sa isang buhay na nasira ng mapait na pagdurusa at masaklap na mga karanasan?

Sa pana-panahon, tayong lahat ay labis na nangangailangan ng kaaliwan at pampatibay-loob. Ito’y dahilan sa napakaraming bagay sa buhay ang nagdudulot ng kalungkutan. Tayong lahat ay nangangailangan ng kanlungan, pagkalinga, pagyakap. Ang ilan sa atin ay tumanda na at hindi nila ito ikinatutuwa. Ang iba nama’y bigung-bigo sa dahilang ang buhay ay hindi naging gaya ng inaasahan nila. Ang iba pa ay nabalisa dahil sa resulta mula sa laboratoryo ng pathology.

Bukod dito, kakaunti ang tututol sa bagay na ang mga pangyayari sa ating panahon ay lumikha ng napakalaking pangangailangan sa kaaliwan at pag-asa. Sa nagdaang siglo lamang, mahigit sa isang daang milyon katao ang namatay sa digmaan. * Halos silang lahat ay nag-iwan ng nagdadalamhating pamilya​—mga ina at ama, mga kapatid, mga balo at mga ulila​—na lubhang nangangailangan ng kaaliwan. Sa ngayon, mahigit sa isang bilyon katao ang labis na nagdarahop. Ang kalahati ng populasyon sa daigdig ay walang regular na mapagkukunan ng medikal na paggamot at kinakailangang medikasyon. Sa mga kalsada ng malalaki at maruruming lunsod ay nagkalat ang milyun-milyong pinabayaang bata, na ang karamihan sa kanila ay gumagamit ng droga at nagbibili ng aliw. Milyun-milyong takas mula sa sariling bansa ang nanlulupaypay sa nakapanghihilakbot na mga kampo.

Mangyari pa, ang mga bilang​—bagaman lubhang kapansin-pansin ang mga ito​—ay hindi nagsisiwalat ng sakit at kirot na indibiduwal na nararanasan ng ilan sa kanilang personal na buhay. Halimbawa, isaalang-alang si Svetlana, isang kabataang babae mula sa Balkans na isinilang sa kahabag-habag na kahirapan. * “Upang magkapera,” sabi niya, “pinahayo ako ng aking mga magulang para mamalimos o magnakaw. Lumala pa ang kalagayan ng aming pamilya hanggang sa maging biktima ako ng insesto. Nakapagtrabaho ako bilang isang serbidora, at sinabi ng aking ina, na siyang tumatanggap ng aking kita, na kung sakaling mawalan ako ng trabaho, ay magpapakamatay siya. Ang lahat ng ito ay nagtulak sa akin sa prostitusyon. Ako ay 13 taóng-gulang lamang noon. Nang maglaon, ako’y nagdalang-tao at nagpalaglag. Sa edad na 15, mukha na akong 30 taóng-gulang.”

Inilahad ni Laimonis, isang kabataang lalaki mula sa Latvia, ang pangangailangan niya ng kaaliwan at ang malungkot na alaala na nagpalumbay sa kaniya. Sa gulang na 29, naaksidente siya sa sasakyan na naging dahilan ng pagkaparalisado ng kalahati ng kaniyang katawan mula baywang pababa. Nakadama siya ng kawalan ng pag-asa at bumaling sa alkohol. Pagkaraan ng limang taon isa na siyang desperado​—isang paralisadong alkoholiko na walang kinabukasan. Saan siya makasusumpong ng kaaliwan?

Isaalang-alang din si Angie. Ang asawa niya ay tatlong beses nang naoperahan sa utak na sa simula’y bahagyang nakapagparalisa rito. Pagkatapos, limang taon mula nang huling operasyon, ito’y malubhang naaksidente anupat muntik na itong mamatay. Habang papasok siya sa emergency room at nakitang ang kaniyang mister ay walang malay na nakahiga roon pagkaraang dumanas ng isang malubhang pinsala sa ulo, batid niya na napipinto na ang isang trahedya. Ang kinabukasan ay magiging mahirap para sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Paano siya makahahanap ng tulong at pampatibay-loob?

Para kay Pat, waring normal naman ang pasimula ng isang taglamig mga ilang taon na ang nakararaan. Gayunman, ang sumunod na tatlong araw ay naglaho mula sa kaniyang alaala. Nang dakong huli’y sinabi sa kaniya ng kaniyang asawa na matapos siyang makaramdam ng matinding pananakit ng dibdib, siya ay inatake sa puso. Naging mabilis at pabagu-bago ang tibok ng kaniyang puso, at pagkatapos ay tuluyan itong tumigil sa pagtibok. Huminto ang kaniyang paghinga. “Ako’y halos patay na,” wika ni Pat. Gayunpaman, nakaligtas naman siya. Hinggil sa matagal niyang pananatili sa ospital, sinabi niya: “Natakot ako sa maraming pagsusuri, lalo na nang sikapin nilang pabilisin ang pagkibot ng mga himaymay ng kalamnan ng aking puso at pahintuin ito, gaya ng unang nangyari rito.” Ano ang makapaglalaan sa kaniya ng kinakailangang kaaliwan at kaginhawahan sa mapanganib na sandaling ito?

Namatay sa isang aksidente sa sasakyan ang 19 na taóng-gulang na anak na lalaki nina Joe at Rebecca. “Kailanma’y hindi pa namin naranasan ang ganito katinding panlulumo,” sabi nila. “Bagaman noon ay nakiramay kami sa iba na namatayan, hindi namin lubos na nadama ang matinding kirot ng damdamin na taglay namin ngayon.” Ano marahil ang posibleng makaginhawa sa gayong “matinding kirot ng damdamin”​—ang labis na pagdadalamhati dahil sa pagkawala ng isa na mahal na mahal mo?

Ang lahat ng indibiduwal na ito, at ang milyun-milyong iba pa, ay totoong nakasumpong ng nakahihigit na pinagmumulan ng kaaliwan at kaginhawahan. Upang malaman kung paanong ikaw man ay makikinabang mula sa pinagmumulang ito, pakisuyong ipagpatuloy ang pagbasa.

[Mga talababa]

^ par. 5 Hindi alam ang tiyak na bilang ng mga namatay na tauhan ng militar at sibilyan. Halimbawa, ang aklat noong 1998 na Facts About the American Wars ay nagsabi hinggil lamang sa Digmaang Pandaigdig II: “Karamihan sa mga pinanggalingan ng ulat ay nagsabi na ang bilang niyaong namatay dahil sa Digmaang Pandaigdig II (mga militar at sibilyan) ay 50 milyon katao subalit marami sa mga masusing nag-aral hinggil sa paksang ito ay naniniwala na ang higit na wastong bilang ay mas mataas pa​—hanggang sa makalawang ulit ng bilang na iyan.”

^ par. 6 Binago ang pangalan.

[Picture Credit Lines sa pahina 3]

UNITED NATIONS/PHOTO BY J. K. ISAAC

UN PHOTO 146150 BY O. MONSEN