Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangingisda ng mga Tao sa Dagat Aegeano

Pangingisda ng mga Tao sa Dagat Aegeano

Pangingisda ng mga Tao sa Dagat Aegeano

YAMANG ang lupain ng Gresya ay nasa hilaga at kanluran nito, ang isla ng Creta sa timog, at ang Turkey naman sa silangan, ang Dagat Aegeano ay sumasaklaw ng napakalaking dako sa silangang Mediteraneo. Ang Dagat Aegeano, na pinagmulan ng ilang dakila na sinaunang mga sibilisasyon, ay napaliligiran ng mga isla at napakaliit na mga pulo. Ang baku-bakong gilid ng mga isla, kung saan nakapangalat ang maliliit na puting bahay na kumikislap sa liwanag ng araw, ay nagbigay-inspirasyon sa isang makata na ihalintulad ang mga ito sa “mga kabayong bato na may makakapal na kiling.”

Hindi kataka-taka na ang mga islang ito ay naging isa sa pinakapopular na mga lugar na nakaaakit ng mga turista sa buong daigdig! Ang pisikal na kagandahan ng mga ito ay nadaragdagan pa ng napakagaling na mga katangian ng mga lalaki’t babae na nakatira at nagtatrabaho roon. Praktikal at mapagpatuloy, gayunma’y di-umaasa sa iba, ang mga taong ito’y nagdaragdag ng natatanging katangian sa lugar na iyon na walang katulad.

Marami sa mga tagaisla ang nabubuhay sa pamamagitan ng pangingisda sa katubigan ng Dagat Aegeano. Gayunman, isa pang uri ng mahalagang “pangingisda” ang umaani nang sagana sa dakong iyon. Ang “mga mangingisda ng mga tao,” mga ebanghelisador ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ay bumabagtas sa mga isla ng Aegeano, na gumagawa ng Kristiyanong mga alagad.​—Mateo 4:18, 19; Lucas 5:10.

Mga 19 na siglo na ang nakalipas, dinalaw ng mga Kristiyanong ebanghelisador ang mga isla ng Aegeano. Noong mga 56 C.E., nang si apostol Pablo ay pabalik mula sa kaniyang pangatlong paglalakbay misyonero, huminto siya sandali sa mga isla ng Lésvos, Chios, Samos, Kos, at Rodas. Palibhasa’y totoong masigasig na mangangaral, maaaring nakapangaral si Pablo sa ilan sa mga tagaisla. (Gawa 20:14, 15, 24; 21:1, 2) Pagkatapos ng kaniyang dalawang taóng pagkabilanggo sa Roma, malamang na dumalaw siya sa Creta at nagsagawa ng gawaing Kristiyano roon. Sa pagtatapos ng unang siglo, si apostol Juan ay ipinatapon sa isla ng Patmos “dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 1:9) Paano nakapangangaral ang makabagong-panahong mga tagapaghayag ng mabuting balita sa mga islang ito?

Kapaki-pakinabang na mga Kampanya sa Pangangaral

Ang pangangaral sa kapuluang ito ay mahirap at nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Nangangailangan ito ng malaking pagsisikap at pagsasakripisyo-sa-sarili. Ang ilang mga isla ay magkakalayo. Ang transportasyon sa dagat o sa himpapawid ay di-tiyak sa ilan sa mga ito at wala naman sa iba, lalo na kung taglamig. Ang dagat ay maaaring maging maalon, lalo na kapag humihip ang meltemia​—ang pana-panahong malalakas na hanging amihan. Bukod pa riyan, ang mga nayon sa maraming isla ay nabubukod at mahirap marating dahil sa maalikabok at baku-bakong mga daan na kadalasang hindi halos madaanan. Ang ilang nayon ay maaari lamang marating sa pamamagitan ng maliliit na bangka.

Kunin halimbawa ang isla ng Icaria. Hindi makubrehan ng 11 mamamahayag ng mabuting balita ng Kaharian sa maliit na kongregasyon doon ang lahat ng nayon sa islang iyon at sa kalapit na maliliit na pulo. Kaya, ang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae mula sa Samos ay pumupunta at tumutulong na mangaral sa mga tao sa Icaria, gayundin sa mga nasa mga isla ng Phournoi, Patmos, at Lipsos. Kamakailan, noong panahon ng isa sa mga dalawang-araw na kampanyang iyon, ang mga Saksi ay nakapagpasakamay ng 650 magasin, 99 na brosyur, at 25 aklat tungkol sa mga paksa sa Bibliya! Nagulat silang matagpuan ang mga tao na walang kaalam-alam kung sino si Jehova, mga taong nagsusumamo sa kanila na manatili at turuan pa sila mula sa Bibliya. Isang babae ang nagsabi sa isang Saksi: “Buweno, kayo’y aalis na ngayon. Subalit marami pa akong katanungan sa Bibliya. Sino ang tutulong sa akin?” Ang Kristiyanong kapatid na babae ay nangako na susubaybayan ang kaniyang interes sa pamamagitan ng telepono, at gayon nga niya sinimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.

Nang dumalaw sa Icaria ang isang naglalakbay na tagapangasiwa, nagsaayos siya na kubrehan ang buong isla sa loob ng isang dulo ng sanlinggo. Humingi siya ng tulong sa mga 30 mamamahayag ng Kaharian mula sa Samos. Ang dumadalaw na mga kapatid ay kailangang magbayad para sa pagtuloy ng dalawang gabi sa isang otel at sa pag-arkila ng mga kotse at mga sasakyang four-wheel-drive. Bumuhos ang malakas na ulan sa loob ng dalawang araw, at ang taya ng panahon para sa dulo ng sanlinggo ay hindi mabuti. Subalit hindi ito hinayaan ng mga kapatid na makahadlang sa kanila, na ginugunita ang mga pananalita sa Eclesiastes 11:4: “Siyang nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at siyang tumitingin sa ulap ay hindi gagapas.” Nang maglaon, bahagyang bumuti ang lagay ng panahon, at pagkatapos makubrehan ang buong isla sa pamamagitan ng kanilang mahalagang mensahe, ang mga kapatid ay umuwi na maligaya at nasisiyahan.

Ang 16 na mamamahayag na nakatira sa isla ng Andros ay nagsikap nang husto na makubrehan ang buong isla. Nang marating ng dalawang kapatid na lalaki ang isang nabubukod na nayon, determinado silang mangaral sa lahat ng naninirahan doon. Nakipag-usap sila sa mga tao sa kanilang mga tahanan, sa mga lansangan, at sa mga bukid. Dinalaw pa nga nila ang istasyon ng pulisya at nag-iwan ng literatura roon. Palibhasa’y nagtitiwalang nakausap na nila ang lahat ng taganayon, aalis na sana sila. Habang papaalis na sila sa sentrong plasa, nakita nilang paparating ang paring Griego Ortodokso. Sa pagkatanto na hindi pa nila siya nabibigyan ng patotoo, inalok nila siya ng isang maliit na publikasyon, na may kagalakan niyang tinanggap. Ngayon ay batid nila na wala silang nakaligtaan sa kanilang pagsisikap na mangaral!

Ang Gavdos (o Cauda)​—isang maliit na pulo sa bahagi ng Creta na korteng tiyan na mayroon lamang 38 naninirahan​—ay itinuturing na siyang pinakadulong lugar sa timog ng Europa. (Gawa 27:16) Isang naglalakbay na tagapangasiwa at ang kaniyang asawa, kasama ang isa pang mag-asawa, ang gumugol ng tatlong araw sa pangangaral doon. Upang makatipid sa gastusin, natulog sila sa isang tent. Lahat ng mga naninirahan doon ay napaabutan ng mabuting balita, at ang mga kapatid ay natuwa na ang mga tao roon ay hindi nagtatangi. Wala silang nabalitaan​—mabuti man o masama​—tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Ang mga tao roon, pati na ang pari, ay tumanggap ng 19 na aklat at 13 brosyur. Habang pabalik na sa Creta ang mga Saksi sakay ng isang maliit na bangka, naging maalon ang dagat, anupat nanganib ang kanilang buhay. “Kami’y nagpapasalamat kay Jehova na nakauwi kami nang buháy, ngunit niluluwalhati rin namin siya sa pagpapahintulot sa amin na parangalan ang kaniyang pangalan sa pinakadulong lugar na ito sa timog ng Europa,” anila.

Ang Patmos ang isla kung saan isinulat ni apostol Juan ang huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis. Kamakailan lamang nagkaroon ng Saksi ni Jehova sa Patmos. Isang kampanya sa pangangaral sa islang iyon ang maingat na isinaayos ng mga kapatid mula sa Samos. Batid nila na makaaasa sila ng matinding pagsalansang sapagkat ang isla ay pinangingibabawan ng Simbahang Griego Ortodokso. Dalawang kapatid na babae na naghaharap ng mabuting balita sa isang babae ang pinatuloy sa loob ng kaniyang bahay. Pilit na tinatanong ng asawa ng babae kung sino ang nagsugo sa mga kapatid na babae sa kanilang bahay. Nang ipaliwanag nila na sila’y dumadalaw sa bawat bahay, muli siyang nagtanong: “Natitiyak ba ninyo na hindi kayo isinugo rito ng ilang kapitbahay?” Nang maglaon ay ipinaliwanag ng asawang babae, na nakaalam tungkol sa mga Saksi ni Jehova samantalang nasa Zaire, kung ano ang nangyari nang umagang iyon. Aniya: “Ako’y nanalangin kay Jehova, gaya ng ginawa ko noong nakaraang mga araw, na magpadala siya ng ilang Saksi sa islang ito. Tinawanan ako ng aking asawa. Nang makita ko kayo sa pinto, nagulat ako at gayundin ang aking asawa. Iyan ang dahilan kung bakit pilit niyang tinatanong kung sino ang nagsugo sa inyo sa aming bahay.” Isang pag-aaral sa Bibliya ang agad na pinasimulan sa babae. Ang pag-aaral ay idinaos sa telepono sa loob ng sampung buwan, bagaman ito’y naging magastos kapuwa sa kapatid na babae at sa interesadong babae. Siya’y nabautismuhan at ngayo’y ang tanging Saksi sa islang iyon kung saan nabukod si apostol Juan 1,900 taon na ang nakalipas.

“Pangingisda” sa mga Daungan

Ang mga naglalayag na barko ay humihinto sa maraming daungan sa mga isla sa Aegeano tuwing tag-init, anupat nagdadala ng maraming dumadalaw na bakasyunista. Kaya, ang mga Saksi ni Jehova ay may pambihirang pagkakataon na maabot ang mga tao mula sa maraming bansa at wika. Ang mga kongregasyon ay nag-iimbak ng literatura sa Bibliya sa maraming iba’t ibang wika, at ang mga mamamahayag ay nagpapasakamay ng libu-libong magasin sa mga turista. Ang ilang naglalayag na barko ay dumadalaw sa daungan ding iyon sa bawat linggo, na nagpapahintulot sa mga kapatid ng mahusay na mga pagkakataon na magsagawa ng mga pagdalaw na muli at magdaos pa nga ng mga pag-aaral sa Bibliya sa ilang tripulante sa barko.

Noong tag-init ng 1996, isang kapatid na babae na buong-panahong mangangaral sa Rodas ang nagpatotoo sa isang binatang taga-Jamaica na nagtatrabaho sa isang naglalayag na barko na dumadaong sa daungang iyon tuwing Biyernes. Nang sumunod na Biyernes ang binata ay inanyayahang dumalo sa isang pandistritong kombensiyon na gaganapin sa isla. Dala ang Bibliyang Ingles, tinulungan siya ng kapatid na babaing payunir na maunawaan ang ilang katotohanan sa Bibliya na ipinapahayag sa programa. Hangang-hanga ang binata sa pag-ibig at kasiglahan na ipinakita ng mga Saksi sa kombensiyon. Nang sumunod na Biyernes, inanyayahan niya ang dalawang payunir sa barko. Ang mga payunir ay nagdala ng literatura sa wikang Ingles at Kastila. Naubos ang laman ng kanilang mga bag sa pangangaral sa loob ng wala pang isang oras! Ang binatang taga-Jamaica ay nag-aral ng Bibliya tuwing Biyernes hanggang noong katapusan ng tag-init. Bumalik siya nang sumunod na tag-init, na handang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Gayunman, sa pagkakataong ito ay nagpasiya siyang magbago ng trabaho upang sumulong sa espirituwal. At muli siyang umalis. Anong ligaya ng mga kapatid sa Rodas na malaman na ang binatang ito ay nabautismuhan noong unang mga buwan ng 1998!

Paghuli sa Nandarayuhang “Isda”

Ang Dagat Aegeano ay kilala sa saganang nandarayuhang isda nito, gaya ng sardinas at espada, na bumabagtas sa katubigan nito at nahuhuli sa mga lambat ng sanay na mga mangingisda. Sa katulad na paraan, nasusumpungan ng mga ebanghelisador ng Kaharian ang maraming tumutugong puso sa mga manggagawang nandayuhan sa Gresya mula sa maraming bansa sa Silangang Europa.

Si Rezi ay sampung taóng gulang nang una niyang mabasa ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin sa mga pahina ng Ang Bantayan at Gumising! Iyon ay sa Albania. Pagkalipas ng tatlong taon, siya at ang kaniyang pamilya ay lumipat sa isla ng Rodas. Isang araw, si Rezi ay nanalangin kay Jehova na tulungan siyang masumpungan ang kaniyang bayan sa kaniyang bagong tirahan. Kinabukasan, ang tatay niya ay umuwi taglay ang pamilyar na mga magasing iyon, Ang Bantayan at Gumising!, na lubos na ikinatuwa ni Rezi. Natagpuan ni Rezi ang sister na nagbigay ng mga magasin sa kaniyang tatay, at di-nagtagal siya ay nagsimulang mag-aral sa aklat na Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Kung minsan, hinihiling niya na tatlong beses silang mag-aral sa isang araw! Pagkalipas ng dalawang buwan siya’y naging isang di-bautisadong mamamahayag, at noong Marso 1998, siya’y nabautismuhan sa edad na 14. Nang araw ring iyon, nagsimula siyang mag-auxiliary pioneer, at pagkaraan ng anim na buwan, siya’y nagpatala bilang isang regular pioneer, o buong-panahong ministro.

Isang kapatid na lalaki sa isla ng Kos ang nakikipag-aral sa ilang tao mula sa Russia. Nang tanungin niya sila kung mayroon ba silang mga kaibigan na gustong mag-aral ng Bibliya, dinala nila siya sa isang mag-asawang Armeniano​—si Leonidas at ang kaniyang asawang si Ophelia​—sa isang nayon na mga 30 kilometro ang layo. Isang sorpresa ang naghihintay sa mga kapatid na lalaki. Inilabas ng mag-asawang Armeniano ang isang bag na puno ng mga literatura sa Bibliya sa wikang Armeniano at Ruso na inilathala ng Samahang Watch Tower! Ipinaliwanag nila na nakipag-aral sila ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at sumulong hanggang sa punto na sila’y naging mga di-bautisadong mamamahayag. Dahil sa pulitikal na kaguluhan at kahirapan sa kabuhayan, kailangan nilang lisanin ang kanilang lupang tinubuan. Pagdating nila sa Kos, nagsimula silang mag-aral na kasama ng ina at kapatid na babae ni Leonidas, na naroroon na. Walang anu-ano, ang Saksi ay kailangang magdaos ng tatlong bagong pag-aaral sa Bibliya​—isa kay Ophelia, isa kay Leonidas, at isa sa kaniyang ina at kapatid na babae. Ito’y nangangailangan ng paglalakbay sakay ng isang motorsiklo nang 30 kilometro papunta roon nang tatlong beses sa isang linggo. Si Leonidas at ang kaniyang asawa ay nabautismuhan pagkalipas ng ilang buwan. Anong laking gantimpala para sa mapagsakripisyo-sa-sariling espiritu ng mga kapatid doon!

Si Jehova ang Nagpapalago Nito

Ang pagpapala ni Jehova ay makikita sa walang-pagod na pagsisikap ng mahigit na 2,000 aktibong tagapaghayag ng Kaharian sa mga islang ito sa Aegeano. Ngayon ay mayroon nang 44 na kongregasyon at 25 grupo ng mga Saksi ni Jehova roon. Sa mga grupo, 17 ay sa banyagang wika, yamang kalooban ni Jehova na “lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Karagdagan pa, 13 special pioneer ang nagsikap nang husto na maabot ang marami pang iba sa nabubukod na mga teritoryong iyon.

Sa loob ng mga dantaon ang Dagat Aegeano ay naging isang sentro ng pagpapaunlad ng kultura at ng komersiyal na kalakalan. Nito lamang nakalipas na mga dekada, ito ay naging paboritong bakasyunan ng daan-daang libong turista. Subalit higit na mahalaga, bilang “mga mangingisda ng mga tao,” nasumpungan ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa mga islang ito ang maraming tapat-pusong mga tao na sabik pumuri kay Jehova. Sama-sama, sila’y tumugon sa dakilang paraan sa makahulang paanyaya: “Mag-ukol sila ng kaluwalhatian kay Jehova, at sa mga pulo ay ihayag nila ang kaniyang kapurihan.”​—Isaias 42:12.

[Mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Dagat Aegeano

GRESYA

Lésvos

Chios

Samos

Icaria

Phournoi

Patmos

Kos

Rodas

Creta

TURKEY

[Larawan sa pahina 23]

Isla ng Lésvos

[Larawan sa pahina 24]

Ang isla ng Patmos

[Larawan sa pahina 24]

Ang isla ng Creta