Ang Maligayang Buhay Pampamilya ay Naglalapit sa Iba sa Diyos
Ang Maligayang Buhay Pampamilya ay Naglalapit sa Iba sa Diyos
PINAGPALA ni Jehova si Jose ng dakilang karunungan at kaunawaan. (Gawa 7:10) Bunga nito, ang malalim na unawa ni Jose ay “naging mabuti sa paningin ni Paraon at ng lahat ng kaniyang mga lingkod.”—Genesis 41:37.
Sa katulad na paraan sa ngayon, pinagkakalooban ni Jehova ang kaniyang bayan ng malalim na unawa at kaunawaan sa pamamagitan ng kanilang pag-aaral ng Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) Ang karunungan at kaunawaang ito ay nagdulot ng mabubuting bunga habang ikinakapit nila ang salig-Bibliyang payo. Ang kanilang mabuting paggawi ay madalas na ‘nagiging mabuti sa paningin niyaong mga nakakakita nito,’ gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga karanasan sa Zimbabwe.
• Isang babae ang may mga kapitbahay na mga Saksi ni Jehova. Bagaman hindi niya gusto ang mga Saksi, hinahangaan niya ang kanilang paggawi, lalung-lalo na ang kanilang buhay sa tahanan. Napansin niya na napakabuti ng relasyon ng asawang lalaki at babae at na masunurin ang kanilang mga anak. Partikular niyang napansin na mahal na mahal ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak.
Isang karaniwang paniwala sa ilang kultura sa Aprika ay na kapag mahal ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak, malamang na gumamit ang asawang babae ng mahika upang “paamuin” siya. Kaya nilapitan ng babae ang asawang babae na Saksi at tinanong ito: “Maaari bang pakisuyong ibigay mo sa akin ang mahika na ibinigay mo sa iyong asawa upang mahalin din ako ng aking asawa na gaya ng pagmamahal ng asawa mo sa iyo?” Sumagot ang Saksi: “Aba, oo, dadalhin ko ito sa iyo bukas ng hapon.”
Kinabukasan, dinalaw ng kapatid na babae ang kaniyang kapitbahay dala ang kaniyang “mahika.” Ano ba ito? Ito ang Bibliya, kasama ang publikasyon na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Pagkatapos isaalang-alang ang impormasyon mula sa aklat na Kaalaman sa paksang “Pagtatayo ng Isang Pamilyang Nagpaparangal sa Diyos,” sinabi niya sa babae: “Ito ang ‘mahika’ na ginagamit naming mag-asawa upang ‘paamuin’ ang isa’t isa, at iyan ang dahilan kung bakit mahal na mahal namin ang isa’t isa.” Isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan, at mabilis na sumulong ang babae hanggang sa punto na sagisagan niya ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
• Dalawang special pioneer na naatasan sa isang maliit na kongregasyon na malapit sa hilagang-silangan na bahagi ng hangganan ng Zimbabwe at Mozambique ang hindi lumabas sa bahay-bahay na ministeryo sa loob ng dalawang linggo. Bakit? Dahil sa ang mga tao ang nagpupunta sa kanila upang makinig kung ano ang kanilang sasabihin. Isa sa mga payunir ang naglahad kung paano ito nangyari: “Naglalakbay kami ng 15 kilometro upang magdaos ng lingguhang pantahanang pag-aaral sa Bibliya kasama ang isang interesadong tao. Hindi madali para sa amin na marating ang lugar. Kailangan naming maglakad sa putik, at kailangan naming tumawid sa umaapaw na mga ilog na hanggang sa mga leeg namin ang lalim. Nasasangkot dito ang pagbabalanse ng aming mga damit at sapatos sa aming mga ulo, pagtawid sa ilog, at pagkatapos ay pagbibihis muli sa kabilang pampang.
“Labis na humanga sa aming sigasig ang mga kapitbahay ng interesadong tao. Kabilang sa mga nakapansin ay ang lider ng isang lokal na relihiyosong organisasyon. Sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: ‘Hindi ba ninyo nais na maging masigasig gaya niyaong dalawang kabataang lalaki na mga Saksi ni Jehova?’ Nang sumunod na araw, marami sa kaniyang mga tagasunod ang pumunta sa aming tahanan upang alamin kung bakit napaka-pursigido namin. Isa pa, sa loob ng sumunod na dalawang linggo, napakarami naming panauhin anupat wala na kaming panahon man lamang upang maghanda ng pagkain para sa aming sarili!”
Ang isa sa mga tao na dumalaw sa tahanan ng mga payunir sa loob ng dalawang linggo na yugtong ito ay ang relihiyosong lider. Gunigunihin ang kagalakan ng mga payunir nang tumanggap siya ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya!