Bakit Kaya Napakaraming Katiwalian?
Bakit Kaya Napakaraming Katiwalian?
“Huwag kang tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag ng mga taong malinaw ang paningin at makapipilipit ng mga salita ng mga taong matuwid.”—Exodo 23:8.
TATLONG libo limang daang taon na ang nakalilipas, hinatulan ng Kautusan ni Moises ang panunuhol. Sa loob ng mga siglo mula noon, dumami ang mga batas laban sa katiwalian. Gayunpaman, hindi nagtagumpay ang paggawa ng mga batas sa pagsugpo sa katiwalian. Milyun-milyong suhol ang nagpapalipat-lipat sa iba’t ibang kamay araw-araw, at bilyun-bilyong tao ang nagdurusa sa mga ibinubunga nito.
Lubhang naging laganap at masalimuot ang katiwalian anupat nagbabanta itong sumira sa mismong pinakapundasyon ng lipunan. Sa ilang bansa, halos walang maisasagawa malibang malangisan ang palad. Ang pagsuhol sa angkop na tao ay magpapangyaring makapasa ang isa sa pagsusulit, makakuha ng isang lisensiya sa pagmamaneho, makapagkamit ng kontrata, o makapagwagi sa isang kaso sa hukuman. “Ang katiwalian ay katulad ng isang napakatinding polusyon na nagpapabigat sa kalooban ng mga tao,” ang hinagpis ni Arnaud Montebourg, isang abogado sa Paris.
Lalo nang palasak ang panunuhol sa daigdig ng komersiyo. Itinatabi ng ilang kompanya ang ikatlong bahagi ng lahat ng kanilang kita para lamang ipanuhol sa tiwaling mga opisyal ng pamahalaan. Ayon sa magasing The Economist ng Britanya, umaabot sa 10 porsiyento ng $25 bilyong ginagastos taun-taon sa internasyonal na kalakalan ng mga sandata ang nagagamit bilang panuhol sa potensiyal na mga parokyano. Habang lumalawak ang katiwaliang ito, nagiging kapaha-pahamak ang mga ibinubunga. Nitong nakalipas na dekada, sinasabi na ang “crony” capitalism—tiwaling mga gawain sa negosyo na pumapabor sa ilang piling tao na may malalakas na koneksiyon—ay sinasabing sumira sa mga ekonomiya ng mga bansa.
Tiyak, ang higit na nagdurusa dahil sa katiwalian at sa pagkasira ng ekonomiya na naidudulot nito ay ang mahihirap—ang mga taong malimit na wala sa kalagayang manuhol sa kaninuman. Gaya ng tuwirang sinabi ng The Economist, “ang katiwalian ay isa lamang anyo ng pang-aapi.” Maaari pa kayang madaig ang uring ito ng pang-aapi, o hindi na nga kaya maiiwasan ang katiwalian? Upang masagot ang tanong na iyan, dapat muna nating tiyakin ang ilang saligang sanhi ng katiwalian.
Ano ang mga Sanhi ng Katiwalian?
Bakit minamabuti pa ng mga tao na maging tiwali sa halip na maging matapat? Para sa ilan, ang pagiging tiwali marahil ang siyang pinakamadaling paraan—o ang tanging paraan pa nga—upang makuha ang kanilang nais. Kung minsan, maaaring ilaan ng suhol ang isang kombinyenteng paraan ng pag-iwas sa kaparusahan. Ang marami na nakakakitang waring ipinagwawalang-bahala ng mga pulitiko, pulis, at mga hukom ang katiwalian o sila pa nga mismo ang nagsasagawa nito ay sumusunod na lamang sa kanilang halimbawa.
Habang mabilis na dumarami ang katiwalian, ito ay nagiging mas katanggap-tanggap hanggang sa ito ay maging isa nang kaugalian sa dakong huli. Ang mga tao na may napakababang sahod ay nakadarama na wala na silang magagawa. Kailangang humingi sila ng suhol kung gusto nilang Eclesiastes 8:11.
magkaroon ng disenteng pamumuhay. At kapag ang mga nangingikil ng mga suhol o ang mga nagbabayad nito upang magtamo ng di-patas na bentaha ay hindi napaparusahan, kakaunti ang handang sumalungat sa kalakarang ito. “Dahil ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi inilalapat kaagad, kung kaya ang puso ng mga anak ng tao ay lubusang nakatalaga sa mga iyon upang gumawa ng masama,” ang sabi ni Haring Solomon.—Dalawang makapangyarihang puwersa ang patuloy na nagpapaningas sa mga apoy ng katiwalian: pagkamakasarili at kasakiman. Dahil sa pagkamakasarili, nagbubulag-bulagan ang mga tiwaling tao sa pagdurusang naidudulot sa iba ng kanilang katiwalian, at binibigyang-katuwiran nila ang panunuhol dahil lamang sa nakikinabang sila rito. Habang nagkakamal sila ng mas maraming materyal na kapakinabangan, lalong nagiging sakim yaong mga gumagawa ng katiwalian. “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak,” ang sabi ni Solomon, “ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita.” (Eclesiastes 5:10) Totoo, ang kasakiman ay maaaring kapaki-pakinabang sa pagkita ng salapi, subalit lagi nitong ipinagkikibit-balikat ang katiwalian at ilegalidad.
Ang isa pang salik na hindi dapat kaligtaan ay ang papel ng di-nakikitang tagapamahala ng sanlibutang ito, na ipinakikilala ng Bibliya bilang si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19; Apocalipsis 12:9) Aktibong itinataguyod ni Satanas ang katiwalian. Ang pinakamalaking suhol na naitala ay yaong inialok ni Satanas kay Kristo. ‘Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kaharian sa daigdig kung susubsob ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.’—Mateo 4:8, 9.
Subalit si Jesus ay hindi maaaring maging tiwali, at tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na gumawi rin ng gayon. Ang mga turo kaya ni Kristo ay magiging mabisang kasangkapan sa paglaban sa katiwalian ngayon? Susuriin ng susunod na artikulo ang tanong na ito.