Makinig sa Sinasabi ng Espiritu
Makinig sa Sinasabi ng Espiritu
“Ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,’ sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.”—ISAIAS 30:21.
1, 2. Paano nakikipagtalastasan si Jehova sa mga tao sa buong kasaysayan?
ANG isla ng Puerto Rico ang kinaroroonan ng pinakamalaki at pinakasensitibong single-dish radio telescope sa daigdig. Ilang dekada nang umaasa ang mga siyentipiko na makatanggap ng mga mensahe mula sa ibang planeta, na ginagamit ang pagkalaki-laking instrumentong ito. Pero wala pang natatanggap kailanman na gayong mga mensahe. Subalit sa kabaligtaran naman, may maliliwanag na mensahe mula sa labas ng daigdig ng mga tao na maaaring tanggapin ng sinuman sa atin anumang oras—nang hindi na gumagamit ng masasalimuot na kagamitan. Ang mga ito’y galing sa isang Pinagmumulan na makapupong higit na nakatataas kaysa sa anumang maguguniguning tagaibang planeta. Sino ang Pinagmumulan ng gayong pakikipagtalastasan, at sino ang tumatanggap ng mga ito? Ano ang sinasabi ng mga mensahe?
2 Ang ulat ng Bibliya ay naglalaman ng ilang salaysay ng mga pagkakataon nang iparinig sa mga tao ang mga mensahe mula sa Diyos. May mga pagkakataon na ang mga mensaheng ito ay inihatid ng mga espiritung nilalang na naglilingkod bilang mga mensahero ng Diyos. (Genesis 22:11, 15; Zacarias 4:4, 5; Lucas 1:26-28) Sa tatlong pagkakataon, narinig ang mismong tinig ni Jehova. (Mateo 3:17; 17:5; Juan 12:28, 29) Nagsalita rin ang Diyos sa pamamagitan ng mga taong propeta, anupat isinulat ng marami sa mga ito ang mga bagay na ibig niyang sabihin nila. Sa ngayon, taglay natin ang Bibliya, na naglalaman ng isang nasusulat na rekord ng marami sa mga pakikipagtalastasang ito, gayundin ng mga turo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. (Hebreo 1:1, 2) Talagang noon pa man ay nagpapahatid na si Jehova ng mga impormasyon sa kaniyang mga taong nilalang.
3. Ano ang layunin ng mga mensahe ng Diyos, at ano ang inaasahan sa atin?
3 Kaunti lamang ang isinisiwalat ng lahat ng kinasihang mensaheng ito mula sa Diyos hinggil sa pisikal na sansinukob. Ang mga ito’y nagtutuon ng pansin sa mas mahahalagang bagay, na may malaking epekto sa ating buhay sa ngayon at sa hinaharap. (Awit 19:7-11; 1 Timoteo 4:8) Ginagamit ni Jehova ang mga ito upang sabihin ang kaniyang kalooban at ialok sa atin ang kaniyang patnubay. Ang mga ito ay isang paraan ng katuparan ng mga salita ng propetang si Isaias: “Ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,’ sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.” (Isaias 30:21) Hindi tayo pinipilit ni Jehova na makinig sa kaniyang “salita.” Nasa atin na ang pagpapasiya kung susunod tayo sa tagubilin ng Diyos at lalakad sa kaniyang daan. Dahil diyan, pinapayuhan tayo ng Kasulatan na makinig sa mga pakikipagtalastasan mula kay Jehova. Sa aklat ng Apocalipsis, ang paghimok na “makinig sa sinasabi ng espiritu” ay lumilitaw nang pitong ulit.—Apocalipsis 2:7, 11, 17, 29; 3:6, 13, 22.
4. Makatuwiran bang asahan sa ating panahon na tuwirang makikipagtalastasan sa atin ang Diyos mula sa langit?
4 Sa ngayon, si Jehova ay hindi nakikipagtalastasan sa atin nang tuwiran mula sa makalangit na dako. Kahit noong panahon ng Bibliya, ang makahimalang mga pakikipagtalastasang ito ay bihirang mangyari, anupat kung minsan ay mga siglo ang pagitan. Sa buong kasaysayan, mas madalas na nakikipagtalastasan si Jehova sa kaniyang bayan sa mas di-tuwirang paraan. Ganiyan din ang kalagayan sa ating panahon. Isaalang-alang natin ang tatlong paraan ng pakikipagtalastasan sa atin ni Jehova sa ngayon.
“Ang Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan”
5. Ano ang pangunahing instrumento ni Jehova ng pakikipagtalastasan sa ngayon, at paano tayo maaaring makinabang mula rito?
5 Ang pangunahing instrumento ng pakikipagtalastasan sa pagitan ng Diyos at ng mga tao ay ang Bibliya. Ito’y kinasihan ng Diyos, at lahat ng nilalaman nito ay mapatutunayang kapaki-pakinabang sa atin. (2 Timoteo 3:16) Ang Bibliya ay sagana sa mga halimbawa ng totoong mga tao na gumamit ng kanilang malayang kalooban sa pagpapasiya kung sila’y makikinig sa tinig ni Jehova o hindi. Ang mga halimbawang ito ay nagpapaalaala sa atin kung bakit mahalaga na makinig sa sinasabi ng espiritu ng Diyos. (1 Corinto 10:11) Ang Bibliya ay naglalaman din ng praktikal na karunungan, anupat nagbibigay sa atin ng payo sa mga panahong tayo’y napapaharap sa mga pagpapasiya sa buhay. Para bang ang Diyos ay nasa likod natin, na ibinubulong sa ating tainga ang mga salitang: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.”
6. Bakit makapupong nakahihigit ang Bibliya kaysa sa lahat ng iba pang akda?
6 Upang marinig ang sinasabi ng espiritu sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya, dapat nating basahin ito nang regular. Ang Bibliya ay hindi lamang isang mahusay-ang-pagkakasulat at popular na aklat, anupat isa sa maraming aklat na makukuha sa ngayon. Ang Bibliya ay kinasihan ng espiritu at naglalaman ng kaisipan ng Diyos. Ganito ang sabi sa Hebreo 4:12: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak at tumatagos maging hanggang sa paghahati ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” Habang binabasa natin ang Bibliya, ang nilalaman nito ay tumatagos sa kaibuturan ng ating isip at motibo na gaya ng isang tabak, anupat isinisiwalat nito kung hanggang saan natin naiaayon ang ating buhay sa kalooban ng Diyos.
7. Bakit mahalaga ang pagbabasa ng Bibliya, at gaano kadalas tayong hinihimok na gawin ito?
7 Ang “mga kaisipan at mga intensiyon ng puso” 2 Corinto 13:5) Upang patuloy nating mapakinggan ang sinasabi ng espiritu, dapat nating sundin ang payo na basahin ang Salita ng Diyos araw-araw.—Awit 1:2.
ay maaaring magbago habang lumilipas ang panahon at habang naaapektuhan tayo ng mga karanasan natin sa buhay—masaya man ito o malungkot. Kung hindi natin palaging pag-aaralan ang Salita ng Diyos, ang ating mga kaisipan, saloobin, at emosyon ay hindi na makakasuwato ng makadiyos na mga simulain. Kaya naman, ang Bibliya ay nagpapayo sa atin: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano kayo mismo.” (8. Anong mga salita ni apostol Pablo ang tumutulong sa atin na masuri ang ating mga sarili may kinalaman sa pagbabasa ng Bibliya?
8 Ang isang mahalagang paalaala sa mga mambabasa ng Bibliya ay ito: Maglaan ng sapat na panahon upang maunawaan ang iyong binabasa! Sa pagsisikap na makasunod sa payo na basahin ang Bibliya araw-araw, hindi natin nanaisin na masumpungan ang ating mga sarili na minamadali ang ilang kabanata nang hindi nakukuha ang diwa ng ating binabasa. Yamang ang regular na pagbabasa ng Bibliya ay mahalaga, ang ating motibo ay hindi dapat na basta makasunod lamang sa isang iskedyul; dapat na magkaroon tayo ng tunay na hangaring matuto hinggil kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. May kinalaman dito, makabubuting gamitin natin ang mga salita ni apostol Pablo sa pagsusuri sa ating sarili. Nang sulatan niya ang mga kapuwa Kristiyano, sinabi niya: “Iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama, upang maipagkaloob niya sa inyo . . . upang patahanin ang Kristo sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa inyong mga puso na may pag-ibig; upang kayo ay mag-ugat at maitayo sa pundasyon, upang lubos na maintindihan ninyo sa isipan kasama ng lahat ng mga banal kung ano ang lapad at haba at taas at lalim, at upang makilala ang pag-ibig ng Kristo na nakahihigit sa kaalaman, upang mapuspos kayo ng buong kalubusan na ibinibigay ng Diyos.”—Efeso 3:14, 16-19.
9. Paano natin malilinang at mapasisidhi ang ating pagnanais na matuto mula kay Jehova?
9 Totoo, ang ilan sa atin ay likas na hindi mahilig magbasa, samantalang ang iba naman ay napakahilig magbasa. Ngunit, anuman ang ating indibiduwal na disposisyon, malilinang at mapasisidhi natin ang ating pagnanais na matuto mula kay Jehova. Ipinaliwanag ni apostol Pedro na dapat tayong manabik sa kaalaman sa Bibliya, at batid niya na ang pagnanais na iyon ay baka kailangang paunlarin. Sumulat siya: “Gaya ng mga sanggol na bagong-silang, magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita, upang sa pamamagitan nito ay lumaki kayo tungo sa kaligtasan.” (1 Pedro 2:2) Mahalaga ang disiplina sa sarili upang “magkaroon [tayo] ng pananabik” sa pag-aaral ng Bibliya. Kung paanong natututuhan nating magustuhan ang isang bagong pagkain matapos itong matikman nang ilang ulit, ang ating saloobin sa pagbabasa at pag-aaral ay maaaring magbago sa ikabubuti kung didisiplinahin natin ang ating sarili upang masunod ang isang regular na rutin.
“Pagkain sa Tamang Panahon”
10. Sino ang bumubuo ng “tapat at maingat na alipin,” at paano sila ginagamit ni Jehova sa ngayon?
10 Ang isa pang paraan na ginagamit ni Jehova upang makipag-usap sa atin sa ngayon ay ipinakilala ni Jesus sa Mateo 24:45-47. Doon ay binanggit niya ang tungkol sa pinahiran-ng-espiritung Kristiyanong kongregasyon—“ang tapat at maingat na alipin” na inatasang maglaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” Bilang mga indibiduwal, ang mga miyembro ng uring ito ay mga lingkod ng “sambahayan” ni Jesus. Ang mga ito, kasama ng “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa,” ay tumatanggap ng pampatibay-loob at patnubay. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Karamihan sa mga pagkaing ito sa tamang panahon ay nasa anyo ng mga nakalathalang publikasyon, gaya ng Ang Bantayan, ang Gumising!, at iba pang mga publikasyon. Ang karagdagang espirituwal na pagkain ay ibinibigay sa anyo ng mga pahayag at mga demonstrasyon sa mga kombensiyon, mga asamblea, at mga pulong sa kongregasyon.
11. Paano natin pinatutunayang nakikinig tayo sa sinasabi ng espiritu sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin”?
11 Ang impormasyong inilalaan ng “tapat at maingat na alipin” ay dinisenyo upang palakasin ang ating pananampalataya at sanayin ang ating kakayahan sa pang-unawa. (Hebreo 5:14) Ang gayong payo ay maaaring ukol sa pangkalahatan anupat hinahayaan ang bawat isa na gumawa ng personal na pagkakapit. Sa pana-panahon, nakatatanggap din tayo ng payo na tumatalakay sa espesipikong aspekto ng ating paggawi. Ano ang dapat na maging saloobin natin kung talaga ngang nakikinig tayo sa sinasabi ng espiritu sa pamamagitan ng uring alipin? Ganito ang sagot ni apostol Pablo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop.” (Hebreo 13:17) Totoo, lahat ng kasangkot sa kaayusang ito ay mga taong di-sakdal. Gayunman, nalulugod si Jehova na gamitin ang kaniyang mga taong lingkod, bagaman di-sakdal, upang pumatnubay sa atin sa panahong ito ng kawakasan.
Patnubay Mula sa Ating Budhi
12, 13. (a) Ano ang iba pang pinagmumulan ng patnubay na ibinigay ni Jehova sa atin? (b) Ano ang positibong impluwensiya ng budhi kahit sa mga taong walang tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos?
12 Binigyan tayo ni Jehova ng isa pang pinagmumulan ng patnubay—ang ating budhi. Nilalang niya ang tao na may pakiramdam kung ano ang tama at mali. Bahagi iyan ng ating likas na katangian. Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Kailanma’t ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan ay gumagawa nang likas sa mga bagay ng kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ay kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo yaong mga nagtatanghal na ang diwa ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga.”—Roma 2:14, 15.
13 Sa isang antas, maaaring iayon ng marami na hindi nakakakilala kay Jehova ang kanilang kaisipan at mga pagkilos sa makadiyos na mga simulain tungkol sa tama at mali. Para bang naririnig nila ang isang mahinang tinig sa kalooban nila na pumapatnubay sa kanila sa tamang direksiyon. Kung totoo ito sa mga di-nagtataglay ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, lalo nang nararapat lamang na magsalita ang tinig na iyan mula sa kalooban ng tunay na mga Kristiyano! Tiyak, ang budhi ng isang Kristiyano na dinalisay ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos at na gumagawang kasuwato ng banal na espiritu ni Jehova ay makapaglalaan ng mapananaligang patnubay.—Roma 9:1.
14. Paano tayo tinutulungan ng sinanay-sa-Bibliyang budhi upang sundin ang patnubay ng espiritu ni Jehova?
14 Ang isang mabuting budhi, isa na sinanay sa Bibliya, ay makapagpapaalaala sa atin sa daan na nais ng espiritu na ating lakaran. Maaaring may mga pagkakataon na walang espesipikong sinasabi ang Kasulatan ni ang mga salig-sa-Bibliyang publikasyon tungkol sa partikular na situwasyong napapaharap sa atin. Gayunman, maaaring paalalahanan pa rin tayo ng ating budhi, anupat binababalaan tayo mula sa isang posibleng nakapipinsalang landasin. Sa ganitong mga pangyayari, ang pagwawalang-bahala sa idinidikta ng ating budhi ay para na ring pagwawalang-bahala sa sinasabi ng espiritu ni Jehova. Sa kabilang banda, sa pagkatuto na magtiwala sa ating sinanay na budhing Kristiyano, makagagawa tayo ng matatalinong pasiya kahit walang espesipikong nakasulat na tagubilin. Gayunman, mahalagang tandaan na kung wala namang nakasaad na makadiyos na simulain, tuntunin, o batas, hindi tama na ipasunod sa ating mga kapuwa Kristiyano ang mga kapasiyahan ng ating sariling budhi hinggil sa mga bagay na pawang pampersonal lamang.—Roma 14:1-4; Galacia 6:5.
15, 16. Ano ang maaaring maging dahilan upang hindi gumana ang ating budhi, at paano natin maiiwasan na mangyari iyan?
15 Ang isang malinis at sinanay-sa-Bibliyang budhi ay isang mabuting kaloob mula sa Diyos. (Santiago 1:17) Subalit dapat nating ingatan ang kaloob na ito mula sa masasamang impluwensiya upang ito’y gumana nang tama bilang isang kasangkapang pangkaligtasan sa moral. Ang lokal na mga kaugalian, tradisyon, at kagawian na salungat sa mga pamantayan ng Diyos, kung susundin, ay maaaring maging dahilan upang ang ating budhi ay hindi gumana at mabigong magtulak sa atin sa tamang direksiyon. Maaaring hindi natin mahatulan nang tama ang mga bagay-bagay at maaari pa ngang dayain natin ang ating sarili na maniwalang tama ang isang masamang gawa.—Ihambing ang Juan 16:2.
16 Kung patuloy nating ipagwawalang-bahala ang mga babala ng ating budhi, ang tinig nito ay hihina nang hihina hanggang sa tayo’y maging manhid na o walang pakiramdam sa moral. Tinukoy ng salmista ang gayong mga tao nang sabihin niya: “Ang kanilang puso ay naging manhid na tulad ng taba.” (Awit 119:70) Ang ilan na nagwawalang-bahala sa udyok ng kanilang budhi ay nawawalan ng kakayahang mag-isip nang tama. Hindi na sila ginagabayan ng makadiyos na mga simulain at hindi na sila makapagpasiya nang tama. Upang maiwasan ang gayong situwasyon, dapat na maging sensitibo tayo sa mga pag-akay ng ating Kristiyanong budhi kahit na sa wari’y maliit lamang ang mga isyung dapat pagpasiyahan.—Lucas 16:10.
Maligaya ang mga Nakikinig at Sumusunod
17. Habang pinakikinggan natin ang ‘salita sa ating likuran’ at sinusunod ang ating sinanay-sa-Bibliyang budhi, paano tayo pagpapalain?
17 Habang nakakagawian na nating makinig sa ‘salita sa ating likuran’—na inilalaan sa pamamagitan ng Kasulatan at ng tapat at maingat na alipin—at habang sinusunod natin ang mga paalaala ng ating sinanay-sa-Bibliyang budhi, pagkakalooban tayo ni Jehova ng kaniyang espiritu. Ang banal na espiritu naman ang magpapasulong sa ating kakayahang tumanggap at umunawa sa sinasabi ni Jehova sa atin.
18, 19. Paano tayo makikinabang sa patnubay ni Jehova kapuwa sa ating ministeryo at sa ating personal na buhay?
18 Patatapangin din tayo ng espiritu ni Jehova na harapin ang mahihirap na kalagayan taglay ang karunungan at lakas ng loob. Gaya sa kaso ng mga apostol, ang espiritu ng Diyos ay magpapakilos sa ating kakayahang pangkaisipan at tutulong sa atin na palaging kumilos at magsalita kasuwato ng mga simulain ng Bibliya. (Mateo 10:18-20; Juan 14:26; Gawa 4:5-8, 13, 31; 15:28) Ang kombinasyon ng espiritu ni Jehova at ng ating sariling personal na mga pagsisikap ay magdudulot sa atin ng tagumpay sa paggawa natin ng mahahalagang desisyon sa buhay, anupat nagbibigay sa atin ng lakas ng loob upang isagawa ang mga desisyong iyon. Halimbawa, baka iniisip mong baguhin ang istilo ng iyong buhay upang magkaroon ng higit na panahon para sa espirituwal na mga bagay. O baka napapaharap ka sa mahalaga at nagpapabago-ng-buhay na mga pasiya, gaya ng pagpili ng mapapangasawa, pagtitimbang-timbang sa alok na trabaho, o pagbili ng bahay. Sa halip na ipaubayang lahat ang pagpapasiya ayon sa ating emosyon bilang tao, dapat tayong makinig sa sinasabi ng espiritu ng Diyos at kumilos kasuwato ng patnubay nito.
19 Tunay na pinahahalagahan natin ang mababait na paalaala at payo na tinatanggap natin mula sa ating mga kapuwa Kristiyano, lakip na ang matatanda. Gayunman, hindi naman kailangang lagi nating hintayin na paalalahanan tayo ng iba. Kung alam natin ang matalinong landasin na dapat sundin at kung anong mga pagbabago ang kailangan nating gawin sa ating saloobin at paggawi upang mapaluguran ang Diyos, kumilos tayo. Sabi ni Jesus: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.”—Juan 13:17.
20. Anong pagpapala ang darating sa mga nakikinig sa ‘salita sa kanilang likuran’?
20 Maliwanag, upang malaman kung paano paluluguran ang Diyos, hindi na kailangan ng mga Kristiyano na makarinig pa ng isang literal na tinig mula sa langit, ni kailangan pa silang dalawin ng isang anghel. Sila’y pinagkalooban ng nasusulat na Salita at maibiging patnubay ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang uring pinahiran sa lupa. Kung maingat nilang pakikinggan ang ‘salitang ito sa kanilang likuran’ at susundin ang patnubay ng kanilang sinanay-sa-Bibliyang budhi, sila’y magtatagumpay sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Sa gayon ay tiyak na makikita nila ang katuparan ng pangako ni apostol Juan: “Siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
Isang Maikling Repaso
• Bakit nakikipagtalastasan si Jehova sa kaniyang mga taong nilalang?
• Paano tayo makikinabang sa isang programa ng regular na pagbabasa ng Bibliya?
• Paano tayo dapat tumugon sa direksiyon ng uring alipin?
• Bakit hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang idinidikta ng sinanay-sa-Bibliyang budhi?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 13]
Hindi na kailangan ng tao ang masalimuot na kagamitan upang tumanggap ng mga mensahe mula sa Diyos
[Credit Line]
Courtesy Arecibo Observatory/David Parker/Science Photo Library
[Larawan sa pahina 15]
Si Jehova ay nakikipag-usap sa atin sa pamamagitan ng Bibliya at ng “tapat at maingat na alipin”