Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maliligayang Kasalan na Nagpaparangal kay Jehova

Maliligayang Kasalan na Nagpaparangal kay Jehova

Maliligayang Kasalan na Nagpaparangal kay Jehova

Sina Welsh at Elthea ay ikinasal sa Soweto, Timog Aprika, noong 1985. Paminsan-minsan ay tinitingnan nila kasama ng kanilang anak na babae, si Zinzi, ang kanilang album sa kasal, at inaalaala ang maligayang araw na iyon. Gustung-gusto ni Zinzi na tukuyin ang mga panauhin sa kasal at lalo nang nawiwili siya sa mga larawan ng kaniyang ina na nakabihis nang pagkaganda-ganda.

NAGPASIMULA ang kasal sa pamamagitan ng isang pahayag sa kasal na binigkas sa isang bulwagang pangkomunidad sa Soweto. Pagkatapos ay umawit ang isang koro ng mga kabataang Kristiyano ng mga awiting papuri sa Diyos na may apat na magkakasuwatong himig. Pagkatapos, nasiyahan ang mga panauhin sa pagkain samantalang nakikinig sa mahinang tugtog ng isang tape ng mga himig pang-Kaharian. Walang isinilbi na inuming de-alkohol, at walang maingay na musika o sayawan. Sa halip, nasiyahan ang mga panauhin sa kanilang pagsasamahan at sa pagbati sa mag-asawa. Lahat-lahat, ang okasyon ay tumagal nang halos tatlong oras. “Ito ay isang kasalan na laging nagdudulot sa akin ng masasayang alaala,” ang gunita ni Raymond, isang Kristiyanong matanda.

Nang sila ay ikasal, sina Welsh at Elthea ay mga boluntaryong manggagawa sa sangay ng Watch Tower Bible and Tract Society sa Timog Aprika. Isang simpleng kasalan lamang ang kaya nila. Pinili ng ilang Kristiyano na iwan ang buong-panahong ministeryo at kumuha ng sekular na trabaho upang matakpan ang mga gastusin ng isang marangyang kasal. Gayunman, hindi nagsisisi sina Welsh at Elthea na pinili nilang magkaroon ng isang simpleng kasal sapagkat ipinahintulot nito na makapagpatuloy silang maglingkod sa Diyos bilang buong-panahong mga ministro hanggang isilang si Zinzi.

Gayunman, kumusta naman kung pipiliin ng magkasintahan na magkaroon ng sekular na musika at sayawan sa kanilang kasal? Paano kung nagpasiya silang maghanda ng alak o iba pang mga inuming de-alkohol? Kumusta naman kung kaya nila ang isang malaki at maluhong kasal? Paano nila matitiyak na ang magaganap ay magiging isang maligayang okasyon na nararapat sa mga mananamba ng Diyos? Ang gayong mga katanungan ay nangangailangan ng maingat na pagsasaalang-alang, sapagkat iniuutos ng Bibliya: “Kumakain man kayo o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos.”​—1 Corinto 10:31.

Pag-iwas sa Maingay na Pagsasaya

Mahirap gunigunihin ang isang kasalan na walang kasayahan. Gayunman, may mas malaking panganib naman sa pagpapakalabis at pagkakaroon ng labis na di-mapigilang maingay na pagsasaya. Sa maraming kasalan ng mga hindi Saksi, nagaganap ang mga bagay na lumalapastangan sa Diyos. Halimbawa, karaniwan na ang pag-inom ng alak hanggang sa malasing. Nakalulungkot, nangyari pa nga ito sa ilang kasalang Kristiyano.

Nagbababala ang Bibliya na “ang nakalalangong inumin ay manggugulo.” (Kawikaan 20:1) Ang salitang Hebreo na isinaling “manggugulo” ay nangangahulugan na “gumawa ng malakas na ingay.” Kung kayang gawing maingay ng alak ang isang tao, gunigunihin kung ano ang magagawa nito sa isang malaking grupo ng mga tao na nagsasama-sama at umiinom nang labis-labis! Maliwanag, ang gayong mga okasyon ay madaling mauwi sa “mga paglalasingan, maiingay na pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito,” na nakatala sa Bibliya bilang “mga gawa ng laman.” Ang gayong mga gawain ay hahadlang sa sinumang di-nagsisisi na maging kuwalipikado sa pagmamana ng walang-hanggang buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.​—Galacia 5:19-21.

Ang salitang Griego para sa “maingay na pagsasaya” ay ginamit upang ilarawan ang isang maingay na parada sa kalye ng medyo lango na mga kabataang nag-aawitan, nagsasayawan, at tumutugtog ng musika. Kung walang kontrol sa pagsisilbi ng alak sa isang kasalan, at kung may malakas na musika at walang habas na sayawan, talagang may panganib na ang okasyon ay magiging katulad ng isang maingay na pagsasaya. Sa gayong kapaligiran, maaaring ang mahihina sa moral at espirituwal ay madaling mahulog sa tukso at makagawa ng iba pang mga gawa ng laman tulad ng “pakikiapid, kawalang-kalinisan, mahalay na paggawi, [o magpadaig sa] silakbo ng galit.” Ano ang magagawa upang huwag makasira ang gayong mga gawa ng laman sa kagalakan ng isang Kristiyanong kasalan? Upang masagot ang katanungang iyan, isaalang-alang natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa isang kasalan.

Isang Kasalan na Dinaluhan ni Jesus

Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay naanyayahan na dumalo sa isang kasalan sa Cana ng Galilea. Pinaunlakan nila ang paanyaya, at nag-abuloy pa nga si Jesus sa kasayahan ng okasyon. Nang magkulang ang alak, makahimalang naglaan siya ng karagdagang suplay ng pinakamainam na uri. Pagkatapos ng kasal, ang natira mula sa isinilbi ay walang alinlangan na ginamit ng nagpapasalamat na kasintahang lalaki at ng kaniyang pamilya sa loob ng ilang panahon.​—Juan 2:3-11.

May ilang aral na matututuhan tayo mula sa kasalan na dinaluhan ni Jesus. Una, hindi lamang basta dumalo si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa piging ng kasalan nang walang paanyaya. Espesipikong binanggit ng Bibliya na sila ay inanyayahan. (Juan 2:1, 2) Gayundin naman, sa dalawang ilustrasyon ng piging ng kasalan, paulit-ulit na binanggit ni Jesus ang tungkol sa mga panauhin na nagsidalo dahil sa sila’y inanyayahan.​—Mateo 22:2-4, 8, 9; Lucas 14:8-10.

Sa ilang lupain ay kaugalian na ng lahat sa komunidad na malayang dumalo sa piging ng kasalan inanyayahan man sila o hindi. Gayunman, maaari itong magdulot ng suliranin sa pinansiyal. Ang isang magkasintahan na nakatakda nang ikasal na hindi naman mayaman ay maaaring mabaon sa utang upang matiyak lamang na may sapat na pagkain at inumin para sa walang takdang bilang na pulutong. Kaya naman, kapag nagpasiya ang isang magkasintahang Kristiyano na magkaroon ng isang simpleng handaan na may espesipikong bilang ng mga panauhin, dapat itong maunawaan at igalang ng mga kapuwa Kristiyano na hindi naanyayahan. Naaalaala ng isang lalaki na ikinasal sa Cape Town, Timog Aprika, na nag-anyaya siya ng 200 panauhin sa kaniyang kasal. Gayunman, 600 ang dumating, at naubusan sila agad ng pagkain. Kabilang sa mga hindi inanyayahan ay isang bus ng mga bisita na nagkataong namamasyal sa Cape Town sa dulong sanlinggong iyon ng kasal. Ang konduktor ng bus na ito sa pamamasyal ay isang malayong kamag-anak ng kasintahang babae at naniniwalang karapatan niya na isama ang buong grupo nang hindi man lamang kinukunsulta ang kasintahang babae o kasintahang lalaki!

Malibang banggitin na ang isang pagtitipon ay bukas para sa lahat, iiwasan ng isang tunay na tagasunod ni Jesus na dumalo sa isang handaan ng kasal nang walang paanyaya at makibahagi sa pagkain at inumin na inilaan sa inanyayahang mga panauhin. Yaong mga natutuksong dumalo nang walang paanyaya ay dapat magtanong sa kanilang sarili, ‘Hindi kaya pagpapakita ng kawalang pag-ibig sa bagong kasal ang pagdalo ko sa piging ng kasalan? Hindi ba ako makaaabala at makagagambala sa kagalakan ng okasyon?’ Sa halip na maghinanakit dahil sa hindi naanyayahan, ang isang maunawaing Kristiyano ay maaaring maibiging magpadala ng isang mensahe upang batiin ang mag-asawa at magnais ng pagpapala ni Jehova sa kanila. Maaari pa nga niyang isaalang-alang na tulungan ang mag-asawa sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang regalo upang makaragdag sa kaligayahan ng kanilang araw ng kasal.​—Eclesiastes 7:9; Efeso 4:28.

Sino ang May Pananagutan?

Sa ilang lugar sa Aprika, kaugalian nang ang mas nakatatandang mga kamag-anak ang mag-aasikaso sa kaayusan ng kasal. Maaaring magpasalamat ang magkasintahan dahil dito, yamang kabawasan ito sa kanilang pinansiyal na mga pananagutan. Maaari nilang madama na nakababawas din ito sa pananagutan nila sa anumang maaaring mangyari sa kasalan. Gayunman, bago tanggapin ang anumang anyo ng tulong mula sa mga kamag-anak na may mabuting intensiyon, dapat na nakatitiyak ang magkasintahan na ang kanilang mga personal na mga naisin ay igagalang.

Bagaman si Jesus ay Anak ng Diyos na “bumaba mula sa langit,” walang palatandaan na siya ang nag-asikaso at nangasiwa sa karamihan sa mga bagay-bagay sa kasalan sa Cana. (Juan 6:41) Sa halip, sinasabi ng ulat ng Bibliya na may ibang naatasan upang magsilbi bilang “tagapangasiwa ng piging.” (Juan 2:8) Ang lalaki namang ito ang siyang mananagot sa bagong ulo ng pamilya, alalaong baga’y ang kasintahang lalaki.​—Juan 2:9, 10.

Dapat igalang ng mga kamag-anak na Kristiyano ang hinirang ng Diyos na ulo ng bagong pamilya. (Colosas 3:18-20) Siya ang dapat na managot sa anumang magaganap sa kaniyang kasal. Natural lamang, ang isang kasintahang lalaki ay dapat na maging makatuwiran at, kung posible, pagbigyan ang mga kahilingan ng kaniyang kasintahang babae, ng kaniyang mga magulang, at ng kaniyang mga biyenan. Gayunpaman, kung igigiit ng mga kamag-anak na isaayos ang mga bagay-bagay salungat sa mga naisin ng magkasintahan, kung magkagayon ay baka kailangang tanggihan nang may kabaitan ng magkasintahan ang kanilang tulong at gastusan ang kanilang sariling simpleng kasal. Sa ganitong paraan ay walang magaganap na mag-iiwan sa mag-asawa ng di-kanais-nais na mga alaala. Halimbawa, sa isang kasalang Kristiyano sa Aprika, isang di-sumasampalatayang kamag-anak na nagsilbing tagapangasiwa ng palatuntunan ang nagpasinaya ng pagtatagayan (toast) sa karangalan ng namatay nang mga ninuno!

Kung minsan ang mag-asawa ay lumilisan patungo sa kanilang pulot-gata bago matapos ang pagdiriwang ng kasal. Sa gayong kalagayan, dapat isaayos ng kasintahang lalaki na may mga responsableng tao upang tiyakin na mapanatili ang mga pamantayan ng Bibliya at na matapos ang pagdiriwang sa makatuwirang oras.

Maingat na Pagpaplano at Pagkatimbang

Maliwanag, maraming masarap na pagkain sa kasalan na dinaluhan ni Jesus, sapagkat inilalarawan ito ng Bibliya bilang isang piging ng kasalan. Gaya ng nabanggit na, marami ring alak. Walang alinlangan, may angkop na musika at marangal na sayawan sapagkat ito ay karaniwang katangian ng buhay panlipunan ng mga Judio. Ipinakita ito ni Jesus sa kaniyang bantog na ilustrasyon ng alibughang anak. Ang mayamang ama ng kuwentong iyon ay maligayang-maligaya sa pagbabalik ng kaniyang nagsisising anak anupat sinabi niya: “Kumain tayo at magpakasaya.” Ayon kay Jesus, kalakip sa pagdiriwang ang “isang konsiyerto ng musika at sayawan.”​—Lucas 15:23, 25.

Gayunman, kapansin-pansin, hindi espesipikong tinutukoy ng Bibliya ang musika at sayawan sa kasalan sa Cana. Sa katunayan, ang pagsasayaw ay hindi tinukoy sa alinman sa mga ulat ng Bibliya ng mga kasalan. Lumilitaw na sa gitna ng tapat na mga lingkod ng Diyos noong panahon ng Bibliya, ang sayawan ay nagkakataon lamang at hindi pangunahing bahagi ng kanilang mga kasalan. May matututuhan ba tayong anuman mula rito?

Sa ilang kasalang Kristiyano sa Aprika, ginagamit ang malalakas na elektronikong sound system. Maaaring maging napakalakas ang musika anupat hindi makapag-usap nang maayos ang mga panauhin. Kung minsan ay maliwanag na may kakulangan sa pagkain ngunit hindi nagkukulang sa sayawan na di-magtatagal ay hindi na mapigilan. Sa halip na maging isang piging ng kasalan, ang gayong mga okasyon ay maaaring ginagamit lamang na dahilan para sa isang sayawan. Isa pa, ang malakas na musika ay kadalasang umaakit sa mga basag-ulero, mga estranghero na basta na lamang dumadalo nang walang paanyaya.

Yamang ang ulat ng Bibliya tungkol sa mga kasalan ay hindi nagdiriin sa musika at sayawan, hindi ba ito dapat na maging giya ng isang magkasintahan na nagpaplano ng isang kasalan na magpaparangal kay Jehova? Gayunman, sa paghahanda sa ilang katatapos na kasalan sa timugang Aprika, ang ilang Kristiyanong mga kabataan na napili upang maging bahagi ng parti para sa kasintahang babae ay gumugol ng maraming oras sa pag-eensayo ng komplikadong mga hakbang ng sayaw. Sa loob ng ilang buwan, labis-labis na dami ng oras ang ginugol sa ganitong paraan. Ngunit kailangan ng mga Kristiyano na ‘bilhin ang panahon’ para sa “mga bagay na higit na mahalaga,” gaya ng gawaing pag-eebanghelyo, personal na pag-aaral, at pagdalo sa mga pulong Kristiyano.​—Efeso 5:16; Filipos 1:10.

Mula sa dami ng alak na inilaan ni Jesus, lumilitaw na ang kasalan sa Cana ay malaki at marangya. Gayunman, makatitiyak tayo na ang okasyon ay hindi magulo at na ang mga panauhin ay hindi nag-abuso ng alkohol na gaya ng naganap sa ilang kasalang Judio. (Juan 2:10) Paano natin matitiyak ito? Sapagkat dumalo ang Panginoong Jesu-Kristo. Sa lahat ng tao, si Jesus ang siyang magiging pinakamaingat sa pagsunod sa utos ng Diyos hinggil sa masamang pakikisama: “Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak.”​—Kawikaan 23:20.

Kaya nga, kung ang isang magkasintahan ay nagpasiyang magkaroon ng alak o iba pang inuming de-alkohol na isisilbi sa kanilang kasal, dapat nilang isaayos na ito ay isagawa sa ilalim ng mahigpit na kontrol ng responsableng mga tao. At kung ipinasiya nila na magkaroon ng musika, dapat nilang piliin ang angkop na mga himig at maglagay ng isang responsableng tao na magbabantay sa lakas ng tunog. Hindi dapat pahintulutan ang mga panauhin na mangasiwa at gumamit ng mapag-aalinlanganang musika o lakasan ang tunog sa di-makatuwirang antas. Kung magkakaroon ng sayawan, maaari itong pasimulan sa isang marangal at kontroladong paraan. Kung ang di-sumasampalatayang mga kamag-anak o di-maygulang na mga Kristiyano ay gumamit ng malaswa o mahalay na mga kilos sa pagsasayaw, baka kailangang palitan ng kasintahang lalaki ang uri ng musika o mataktikang makiusap na itigil na ang sayawan. Kung hindi, ang kasalan ay maaaring mauwi sa isang magulong okasyon at makatisod.​—Roma 14:21.

Dahil sa mga panganib na likas sa ilang uri ng makabagong pagsasayaw, malakas na musika, at ang saganang dami ng alak, ang ilang mga kasintahang lalaki ay nagpasiya na huwag isama ang mga ito sa kanilang kasal. Pinuna ang ilan dahil dito, ngunit sa halip ay dapat silang papurihan sa kanilang pagnanais na iwasan ang anumang bagay na maaaring magdulot ng upasala sa banal na pangalan ng Diyos. Sa kabilang panig, ang ilang kasintahang lalaki ay nagsaayos ng angkop na musika, panahon para sa sayawan, at pagsisilbi ng katamtamang dami ng alak. Sa alinmang kalagayan, ang kasintahang lalaki ang mananagot sa pinahihintulutan niyang maganap sa kaniyang kasal.

Pinulaan ng ilang di-maygulang na tao sa Aprika ang marangal na mga kasalang Kristiyano at sinasabing para silang nakikipaglibing. Gayunman, hindi iyan timbang na pangmalas. Ang makasalanang mga gawa ng laman ay maaaring magdulot ng panandaliang kasiyahan, ngunit nag-iiwan ito sa mga Kristiyano ng bagbag na budhi at nagdudulot ng upasala sa pangalan ng Diyos. (Roma 2:24) Sa kabilang banda, ang banal na espiritu ng Diyos ay nagluluwal ng tunay na kagalakan. (Galacia 5:22) Maraming mag-asawang Kristiyano ang nagbabalik-tanaw taglay ang pagpapahalaga sa kanilang araw ng kasal, sa pagkaalam na ito ay isang maligayang okasyon at hindi isang “dahilan na ikatitisod.”​—2 Corinto 6:3.

Naaalaala pa rin nina Welsh at Elthea ang maraming mabubuting komento ng di-sumasampalatayang mga kamag-anak na dumalo sa kanilang kasal. Ganito ang sabi ng isa: “Sawa na kami sa maiingay na kasalan na ginaganap sa panahon ngayon. Napakainam dumalo sa isang disenteng kasalan para naman mapaiba.”

Higit na mahalaga, ang mga kasalang Kristiyano na masaya at marangal ay nagbibigay ng kapurihan sa Tagapagpasimula ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 22]

TALAAN PARA SA ISANG HANDAAN SA KASAL

• Kung inanyayahan mo ang isang di-sumasampalatayang kamag-anak upang magbigay ng ilang pananalita, tiniyak mo na bang hindi siya magpapasok ng ilang di-maka-Kristiyanong tradisyon?

• Kung magpapatugtog ng musika, pinili mo ba ang angkop lamang na mga awitin?

• Patutugtugin ba ang iyong musika sa isang makatuwirang lakas ng tunog?

• Kung pahihintulutan ang pagsasayaw, magaganap ba ito sa isang marangal na paraan?

• Katamtaman lamang ba ang isisilbing alak?

• Mayroon bang responsableng mga tao na kokontrol sa pamamahagi nito?

• Nagtakda ka ba ng makatuwirang panahon para magtapos ang handaan ng kasal?

• Mayroon bang responsableng mga tao upang tiyakin ang kaayusan hanggang sa pagtatapos?