Mas Dakila si Jehova Kaysa sa Ating mga Puso
Mas Dakila si Jehova Kaysa sa Ating mga Puso
“SI Jehova ay nakasusumpong ng kaluguran sa mga may takot sa kaniya,” ang isinulat ng salmista. Oo, nagagalak ang Maylalang na pagmasdan ang bawat isa sa kaniyang mga lingkod na tao habang sinisikap nilang itaguyod ang kaniyang matuwid na mga pamantayan. Pinagpapala ng Diyos ang mga tapat sa kaniya, kaniyang pinatitibay sila, at inaaliw sila sa panahon ng kalungkutan. Batid niya na ang kaniyang mga mananamba ay di-sakdal, kung kaya’t makatotohanan ang kaniyang mga inaasahan mula sa kanila.—Awit 147:11.
Maaaring hindi mahirap sa atin na paniwalaang may malaking pag-ibig si Jehova sa kaniyang mga lingkod sa pangkalahatan. Gayunman, ang ilan ay waring labis na nababahala sa kanila mismong mga pagkakamali anupat kumbinsido sila na hindi sila kailanman maaaring ibigin ni Jehova. “Ako’y lubhang makasalanan para ibigin ni Jehova,” ang maaaring konklusyon nila. Mangyari pa, lahat tayo ay nagkakaroon ng negatibong mga damdamin sa pana-panahon. Ngunit ang ilan ay waring patuluyan na nakikipagpunyagi sa damdamin ng kawalang-halaga.
Damdamin ng Kalumbayan
Sa panahon ng Bibliya, may ilang tapat na indibiduwal na nagdusa dahil sa pagkadama ng labis na kalumbayan. Kinapootan ni Job ang buhay at nakadama na pinabayaan na siya ng Diyos. Si Hana, na Awit 38:6; 1 Samuel 1:7, 10; Job 29:2, 4, 5; Filipos 2:25, 26.
naging ina ni Samuel, ay naging lubhang balisa sa isang pagkakataon dahil sa kaniyang pagiging walang anak at may kapaitan na tumangis. Si David ay “nakayukod nang lubusan,” at si Epaprodito ay nabalisa dahil ang balita ng kaniyang pagkakasakit ay nakapagpalungkot sa kaniyang mga kapatid.—Kumusta naman ang mga Kristiyano sa ngayon? Marahil ang karamdaman, pagtanda, o iba pang personal na mga kalagayan ay nakahahadlang sa ilan upang gawin ang buong makakaya nila sa banal na paglilingkuran. Maaari itong umakay sa kanila na maghinuha na binibigo nila si Jehova at ang kanilang kapuwa mga mananampalataya. O maaari namang sinisisi lagi ng ilan ang kanilang sarili dahil sa nakaraang mga pagkakamali, anupat nag-aalinlangan kung pinatawad na sila ni Jehova. Marahil ang iba na mula sa magugulong pamilya ay kumbinsido na hindi sila karapat-dapat mahalin. Paano kaya ito nangyari?
Ang ilan ay lumaki sa mga pamilya na ang nangingibabaw na espiritu ay hindi ang pag-ibig kundi ang pagkamakasarili, panunuya, at pagkatakot. Maaaring hindi nila kailanman nakikilala ang isang ama na lubusang nagmamahal sa kanila, na naghahanap ng mga pagkakataong magbigay ng papuri at pampatibay-loob, na nagpapalampas sa mga pagkakamali at nakahandang magpatawad maging sa mas malulubhang kasalanan, at nagpapadama ng katiwasayan sa buong pamilya dahil sa kaniyang pagmamahal. Yamang sila ay hindi nagkaroon kailanman ng isang maibigin na makalupang ama, maaari silang mahirapan na unawain kung paano magkaroon ng isang maibiging makalangit na Ama.
Halimbawa, sumulat si Fritz: “Malaki ang impluwensiya ng di-maibiging pakikitungo ng aking ama sa aking kamusmusan at kabataan. * Hindi siya kailanman nagbigay ng anumang papuri, at hindi ko nadama kailanman na napalapit ako sa kaniya. Sa katunayan, sa lahat halos ng pagkakataon ay natatakot ako sa kaniya.” Bunga nito, si Fritz na ngayon ay nasa edad na mahigit nang 50, ay nakadarama pa rin ng kakulangan ng kakayahan. At si Margarette ay nagpaliwanag: “Malamig makitungo at hindi mapagmahal ang aking mga magulang. Nang nagsimula akong mag-aral ng Bibliya, nahirapan akong gunigunihin kung ano ang katulad ng isang maibiging ama.”
Ang gayong mga damdamin, anuman ang dahilan, ay maaaring mangahulugan na ang ating paglilingkod sa Diyos kung minsan ay pangunahing nauudyukan, hindi ng pag-ibig sa Diyos, kundi sa kalakhang bahagi dahil sa sumbat ng sariling budhi o takot. Waring hindi kailanman sapat ang ating buong makakaya. Ang hangarin na paluguran si Jehova at ang ating kapuwa mga mananampalataya ay maaaring magpadama sa atin na tayo ay nasasagad. Bilang resulta, baka hindi natin maabot ang ating mga tunguhin, sisisihin natin ang ating sarili, at makadama tayo ng kalumbayan.
Ano ang maaaring gawin? Marahil dapat nating paalalahanan ang ating mga sarili kung gaano kalaki ang pagkamadamayin ni Jehova. Ang isa na nakaunawa sa maibiging aspekto na ito ng personalidad ng Diyos ay si apostol Juan.
“Ang Diyos ay Mas Dakila Kaysa sa Ating mga Puso”
Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., sumulat si Juan sa kaniyang kapuwa mga mananampalataya: “Sa ganito ay malalaman natin na tayo ay nagmumula sa katotohanan, at mabibigyang-katiyakan natin ang ating mga puso sa harap niya tungkol sa anuman na doon ay patawan tayo ng hatol ng ating mga puso, sapagkat ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso.” Bakit isinulat ni Juan ang ganitong mga pananalita?—1 Juan 3:19, 20.
Maliwanag na alam ni Juan na posible para sa isang lingkod ni Jehova na makadama sa kaniyang puso na siya’y hinatulan. Marahil si Juan mismo ay nakadama ng gayon. Bilang isang binatang madaling magalit, noong minsan ay itinuwid ni Jesu-Kristo si Juan dahil sa pagiging sobrang mapamuna sa pakikitungo sa iba. Sa katunayan, binigyan ni Jesus si Juan at ang kapatid nitong si Santiago “ng huling pangalang Boanerges, na nangangahulugang Mga Anak ng Kulog.”—Marcos 3:17; Lucas 9:49-56.
Sa loob ng sumunod na 60 taon, naging mas malumanay si Juan at naging isang timbang, maibigin, at maawaing Kristiyano. Sa panahon na isinulat niya ang kaniyang unang kinasihang liham, bilang ang kahuli-hulihang nabubuhay na apostol, batid niya na hindi pinagsusulit ni Jehova nang isa-isa ang kaniyang mga lingkod sa bawat pagkakamali. Bagkus, isa siyang mapagmahal, madamayin, mapagbigay, at mahabaging Ama, na may matinding pag-ibig sa lahat ng nagmamahal at sumasamba sa kaniya sa katotohanan. Sumulat si Juan: “Ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:8.
Nagagalak si Jehova sa Ating Paglilingkod sa Kaniya
Batid ng Diyos ang ating likas na mga kahinaan at pagkukulang, at isinasaalang-alang niya ang mga ito. Awit 103:14.
“Nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok,” ang isinulat ni David. Nalalaman ni Jehova ang matinding impluwensiya ng ating kinalakhan sa paghubog kung ano tayo ngayon. Sa katunayan, higit niya tayong kilala kaysa sa pagkakilala natin sa ating mga sarili.—Alam niya na marami sa atin ang nais na magbago, ngunit hindi natin mapagtagumpayan ang ating mga di-kasakdalan. Ang ating kalagayan ay maaaring ihambing sa kalagayan ni apostol Pablo, na sumulat: “Ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, subalit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa.” Lahat tayo ay kasangkot sa gayong pakikipagpunyagi. Sa ilang kaso, maaaring magpangyari ito na ang ating puso ay magpataw ng hatol sa ating sarili.—Roma 7:19.
Laging tandaan ito: Ang higit na mahalaga kaysa sa pangmalas natin sa ating sarili ay ang pangmalas sa atin ni Jehova. Kailanma’t nakikita niyang sinisikap natin siyang palugdan, tumutugon siya hindi lamang nang may bahagyang kasiyahan kundi nang may pagsasaya. (Kawikaan 27:11) Bagaman ang ating nagagawa ay waring maliit sa atin mismong paningin, ang ating pagkukusang-loob at mabuting motibo ay nakalulugod sa kaniya. Nakikita niya ang higit pa sa ating nagagawa; natatanto niya kung ano ang nais nating gawin; batid niya ang ating mga mithiin at hangarin. Nababasa ni Jehova ang ating puso.—Jeremias 12:3; 17:10.
Halimbawa, maraming Saksi ni Jehova ang likas na mahiyain at tahimik na mga taong ayaw makatawag ng pansin sa kanilang sarili. Para sa gayong mga tao, ang pangangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay ay isang nakatatakot na hamon. Gayunman, palibhasa’y pinakikilos ng hangarin na paglingkuran ang Diyos at tulungan ang kanilang kapuwa, maging ang gayong mga mahiyain ay natututong lumapit sa kanilang mga kapuwa at makipag-usap tungkol sa Bibliya. Maaaring madama nila na kaunti lamang ang kanilang nagagawa, at maaaring makabawas ito sa kanilang kagalakan. Baka sabihin ng kanilang puso na walang halaga ang kanilang nagawa sa pampublikong ministeryo. Ngunit tiyak na nagsasaya si Jehova sa malaking pagsisikap na ibinubuhos ng gayong mga tao sa kanilang paglilingkuran. Isa pa, hindi nila tiyak kung kailan at saan uusbong, lalago, at magkakabunga ang mga binhi ng katotohanan.—Eclesiastes 11:6; Marcos 12:41-44; 2 Corinto 8:12.
Ang ibang Saksi ay matagal nang nagdurusa dahil sa karamdaman o kaya nama’y tumatanda na. Para sa kanila, ang pagdalo nang regular sa mga pulong sa Kingdom Hall ay maaaring puno ng kirot at kabalisahan. Ang pakikinig sa isang pahayag tungkol sa gawaing pangangaral ay baka magpaalala sa kanila kung ano ang dati nilang nagagawa at kung ano ang nais pa nilang gawin, sa kabila ng limitasyon na dulot ng kanilang kapansanan. Maaari silang makonsensiya yamang hindi na nila kayang sundin ang payo hanggang sa antas na nais nila. Subalit, tiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang kanilang katapatan at pagbabata. Hangga’t nananatili silang matapat, hindi niya kailanman kinalilimutan ang kanilang tapat na mga nagawa.—Awit 18:25; 37:28.
‘Bigyang-Katiyakan ang Ating mga Puso’
Nang sumapit si Juan sa kaniyang katandaan, tiyak na malawak na ang kaniyang kaunawaan sa pagkamadamayin ng Diyos. Alalahanin na isinulat niya: “Ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” Karagdagan pa, pinatibay tayo ni Juan na ‘bigyang-katiyakan ang ating mga puso.’ Ano ang ibig sabihin ni Juan sa mga pananalitang ito?
Ayon sa Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, ang Griegong pandiwa na isinaling “bigyang-katiyakan” ay nangangahulugang “gumamit ng panghihikayat, manaig sa o magwagi sa, humikayat.” Sa ibang salita, upang mabigyang-katiyakan ang ating puso, dapat nating mapagwagian ang ating puso, o hikayatin ito na maniwalang iniibig tayo ni Jehova. Paano?
Si Fritz, na binanggit kanina sa artikulong ito, ay naglingkod na bilang isang matanda sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng mahigit na 25 taon, at natuklasan niya na ang personal na pag-aaral ay nakapagbibigay-katiyakan sa kaniyang puso ng pag-ibig ni Jehova. “Regular at masusi kong pinag-aaralan ang Bibliya at ang ating mga publikasyon. Tumutulong ito sa akin na huwag pagtuunan ng pansin ang nakaraan kundi magkaroon ng isang malinaw na pangmalas sa ating kamangha-manghang kinabukasan. Kung minsan, nadadaig ako ng pag-iisip sa nakaraan, at aking nadarama
na hindi ako kailanman puwedeng ibigin ng Diyos. Ngunit, sa pangkalahatan, nasumpungan ko na ang regular na pag-aaral ay nakapagpapalakas sa aking puso, nakadaragdag sa aking pananampalataya, at nakatutulong sa akin na manatiling masayahin at timbang.”Totoo, ang pagbabasa ng Bibliya at ang pagbubulay-bulay ay maaaring hindi makapagpapabago sa ating aktuwal na kalagayan. Subalit, mababago nito ang ating pangmalas sa ating kalagayan. Ang pagsasapuso sa mga kaisipan na nasa Salita ng Diyos ay tutulong sa atin na mag-isip na gaya niya. Isa pa, ang pag-aaral ay magpapalawak sa ating kaunawaan sa pagkamadamayin ng Diyos. Unti-unti, matatanggap natin na hindi tayo sinisisi ni Jehova dahil sa ating mga karanasan sa pagkabata, ni sa ating mga kapansanan. Batid niya na ang mga pasaning dinadala ng marami sa atin—maging ang mga iyon man ay emosyonal o pisikal—ay kadalasang hindi natin kagagawan, at maibigin niyang isinasaalang-alang ito.
Kumusta naman si Margarette, na binanggit kanina? Nang makilala niya si Jehova, ang pag-aaral ng Bibliya ay naging lubos na kapaki-pakinabang din sa kaniya. Tulad ni Fritz, kinailangan din niyang baguhin ang kaniyang konsepto tungkol sa isang ama. Ang panalangin ang nakatulong kay Margarette na pag-ugnay-ugnayin ang kaniyang natutuhan sa pag-aaral niya. “Bilang pagpapasimula, itinuring ko si Jehova bilang isang matalik na kaibigan, yamang mas marami akong karanasan sa maibiging mga kaibigan kaysa sa isang maibiging ama. Unti-unti, natutuhan kong sabihin ang aking mga damdamin, pangamba, kabalisahan, at mga suliranin kay Jehova. Paulit-ulit akong nakipag-usap sa kaniya sa panalangin, na kasabay niyao’y pinagtatagni-tagni ko ang mga bagong bagay na natututuhan ko tungkol sa kaniya, tulad sa isang mosaic. Makalipas ang ilang panahon, lumalim ang aking damdamin kay Jehova hanggang sa punto na bihira ko na ngayong maging suliranin na ituring siya bilang ang aking maibiging Ama,” ang sabi ni Margarette.
Kalayaan Mula sa Lahat ng Kabalisahan
Hangga’t naririto ang balakyot at lumang sistemang ito, walang makaaasa na maging malaya mula sa mga kabalisahan. Para sa ilang Kristiyano, nangangahulugan ito na ang pagkadama ng kabalisahan o pag-aalinlangan sa sarili ay maaaring magpabalik-balik at magdulot ng kabagabagan. Ngunit tayo’y binibigyan ng katiyakan na alam ni Jehova ang ating mabuting motibo at pagpapagal sa paglilingkuran sa kaniya. Hindi niya kalilimutan ang pag-ibig na ipinakita natin para sa kaniyang pangalan.—Hebreo 6:10.
Sa dumarating na bagong lupa sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian, ang lahat ng tapat na tao ay makaaasang mapalalaya mula sa mga pasanin na dulot ng sistema ni Satanas. Kay laki ngang kaginhawahan niyaon! Sa gayon makikita natin ang higit pang patotoo kung gaano kalaki ang pagkamadamayin ni Jehova. Hanggang sa pagdating ng panahong iyon, lahat nawa tayo ay mabigyang-katiyakan na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.”—1 Juan 3:20.
[Talababa]
^ par. 8 Ang mga pangalan ay binago.
[Blurb sa pahina 30]
Si Jehova ay hindi isang punong malupit kundi isang mapagmahal, madamayin, at mahabaging Ama
[Larawan sa pahina 31]
Ang pag-aaral sa Salita ng Diyos ay tumutulong sa atin na mag-isip na gaya niya