Nilalabanan ang Katiwalian sa Pamamagitan ng Tabak ng Espiritu
Nilalabanan ang Katiwalian sa Pamamagitan ng Tabak ng Espiritu
“Magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”—Efeso 4:24.
NANG ito ay nasa kasikatan pa, ang Imperyong Romano ang siyang pinakadakilang administrasyon ng tao na umiral kailanman sa daigdig. Ang mga batas ng mga Romano ay napakabisa anupat ang mga ito pa rin ang saligan ng kodigong batas ng maraming bansa. Subalit sa kabila ng naisagawa ng Roma, hindi nagapi ng kaniyang mga hukbo ang isang tusong kaaway: katiwalian. Nang dakong huli, pinadali ng katiwalian ang pagbagsak ng Roma.
Si apostol Pablo ay isa sa mga nagdusa sa ilalim ng tiwaling mga opisyal ng Roma. Maliwanag na napansin ni Felix, ang Romanong gobernador na nag-usisa sa kaniya, na walang kasalanan si Pablo. Subalit ipinagpaliban ni Felix, isa sa pinakatiwaling gobernador noong kaniyang panahon, ang paglilitis kay Pablo, anupat umaasa na magbibigay si Pablo sa kaniya ng salapi kapalit ng kaniyang paglaya.—Gawa 24:22-26.
Sa halip na suhulan si Felix, prangkahang nagsalita si Pablo sa kaniya hinggil sa “katuwiran at pagpipigil-sa-sarili.” Hindi binago ni Felix ang kaniyang landasin, at nanatili si Pablo sa bilangguan sa halip na sikaping umiwas sa legal na proseso sa pamamagitan ng isang suhol. Ipinangaral niya ang isang mensahe ng katotohanan at pagkamatapat, at namuhay siya ayon dito. “Nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi,” ang isinulat niya sa mga Kristiyanong Judio, “yamang nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
Ang gayong paninindigan ay ibang-iba sa moralidad noong panahong iyon. Ang kapatid ni Felix na si Pallas ay isa sa pinakamayamang tao sa sinaunang daigdig, at ang kaniyang kayamanan—tinatayang $45 milyon—ay halos galing lahat sa panunuhol at pangingikil. Subalit ang kaniyang kayamanan ay walang sinabi kung ihahambing sa bilyun-bilyong dolyar na itinago ng ilang tiwaling tagapamahala nitong ika-20 siglo sa lihim na mga deposito sa bangko. Maliwanag, tanging ang mga walang-muwang lamang ang maniniwalang napagtagumpayan na ng mga pamahalaan sa ngayon ang pakikibaka sa katiwalian.
Yamang ang katiwalian ay patuloy na nananatili sa loob ng napakahabang panahon, dapat ba nating ipagpalagay na bahagi lamang ito ng likas na katangian ng tao? O may magagawa pa kaya upang masugpo ang katiwalian?
Paano Masusugpo ang Katiwalian?
Ang maliwanag na unang hakbang sa pagsugpo sa katiwalian ay ang kilalanin na nakapipinsala at masama ang katiwalian, yamang nakikinabang dito ang mga walang prinsipyo kapalit ng kapinsalaan ng iba. Tiyak na may pagsulong nang nagawa sa bagay na iyon. Si James Foley, pangalawang kalihim ng estado ng Estados Unidos, ay nagsabi: “Alam nating lahat na ang kabayaran ng panunuhol ay malaki. Sinisira ng mga suhol ang mabuting pamamahala, pinipinsala ang kahusayan at kaunlaran ng ekonomiya, pinipilipit ang kalakalan, at pinahihirapan ang mga mamamayan sa palibot ng daigdig.” Marami ang sasang-ayon sa kaniya. Noong Disyembre 17, 1997, 34 na pangunahing bansa ang lumagda sa isang “kasunduan hinggil sa panunuhol” na dinisenyo upang “magkaroon ng malaking epekto sa pandaigdig na pakikibaka laban sa katiwalian.” Ayon sa kasunduan, “isang krimen ang pag-aalok, pangangako o pagbibigay ng suhol sa isang banyagang opisyal ng bayan sa layuning makakuha o mapanatili ang internasyonal na mga transaksiyon sa negosyo.”
Gayunman, ang mga suhol para mapanalunan ang mga kontrata sa negosyo sa ibang bansa ay maliit na bahagi lamang ng kalakaran sa katiwalian. Kinakailangan ang ikalawa at higit na mas mahirap na hakbang upang lubusang mapawi ang katiwalian: ang pagbabago ng puso o, ang mas tama ay, ang pagbabago ng maraming puso. Ang mga tao sa lahat ng dako ay kailangang matutong mapoot sa panunuhol at katiwalian. Sa ganoong paraan lamang mapapawi ang ilegal na pagpapayaman. Upang mangyari ito, sinabi ng magasing Newsweek na nadarama ng ilan na dapat “pasiglahin [ng mga pamahalaan] ang pangkalahatang pagkadama ng kagalingang pambayan.” Inirerekomenda rin ng Transparency International, isang grupong nanghihikayat na labanan ang katiwalian, sa mga tagapagtangkilik nito na “magpasok ng ‘binhi ng integridad’ ” sa lugar ng trabaho.
Ang pakikibaka laban sa katiwalian ay pangmoral na hindi maipagwawagi kung sa pamamagitan lamang ng paggawa ng mga batas o sa pamamagitan ng “tabak” ng pagpaparusa ng batas. (Roma 13:4, 5) Ang mga binhi ng kagalingan at integridad ay dapat na ihasik sa puso ng mga tao. Maisasagawa ito sa pamamagitan ng paggamit sa inilarawan ni apostol Pablo na “tabak ng espiritu,” ang Salita ng Diyos, ang Bibliya.—Efeso 6:17.
Hinahatulan ng Bibliya ang Katiwalian
Bakit tumanggi si Pablo na kunsintihin ang katiwalian? Sapagkat gusto niyang gawin ang kalooban ng Diyos, “na hindi nakikitungo kaninuman nang may pagtatangi ni tumatanggap man ng suhol.” (Deuteronomio 10:17) Bukod dito, tiyak na naalaala ni Pablo ang espesipikong tagubilin na masusumpungan sa Kautusan ni Moises: “Huwag kang magtatangi o tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag sa mga mata ng marurunong at pumipilipit sa mga salita ng mga matuwid.” (Deuteronomio 16:19) Naunawaan din ni Haring David na kinapopootan ni Jehova ang katiwalian, at hiniling niya sa Diyos na huwag siyang ibilang sa mga makasalanan, na “ang kanilang kanang kamay ay punô ng panunuhol.”—Awit 26:10.
Yaong mga taimtim na sumasamba sa Diyos ay may karagdagang mga dahilan sa pagtatakwil sa katiwalian. “Sa pamamagitan ng katarungan ay napatatatag ng hari ang isang bansa,” ang isinulat ni Solomon, “ngunit ginigiba iyon ng isang taong sakim sa suhol.” (Kawikaan 29:4, New International Version) Ang katarungan—lalo na kapag ito’y isinasagawa mula sa pinakamataas na opisyal pababa—ay nagdudulot ng katatagan, samantalang ang katiwalian ang siyang nagpapaging dukha sa isang bansa. Kapansin-pansin, sinabi ng Newsweek: “Sa isang sistema na doon ang bawat isa ay gustong magkaroon ng bahagi sa nakurakot at nakaaalam kung paano kukunin ito, ang ekonomiya ay maaaring madaling bumagsak.”
Kahit na hindi lubusang bumagsak ang ekonomiya, ang mga umiibig sa katarungan ay nasisiphayo kapag ang katiwalian ay lumalaganap nang hindi nahahadlangan. (Awit 73:3, 13) Ang ating Maylalang, ang isa na nagbigay sa atin ng ating likas na hangarin ukol sa katarungan, ay nagagawan din ng hindi mabuti. Noong nakalipas, namagitan si Jehova upang alisin ang palasak na katiwalian. Halimbawa, tahasan niyang sinabi sa mga naninirahan sa Jerusalem kung bakit pababayaan niya sila sa kanilang mga kaaway.
Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Mikas, sinabi ng Diyos: “Dinggin ninyo ito, pakisuyo, kayong mga pangulo ng sambahayan ni Jacob at kayong mga kumandante ng sambahayan ng Israel, na mga nasusuklam sa katarungan at gumagawang liko sa lahat nga ng bagay na tuwid. Ang kaniyang mga pangulo ay humahatol dahil lamang sa suhol, at ang kaniyang mga saserdote ay nagtuturo kapalit lamang ng isang halaga, at ang kaniyang mga propeta ay nanghuhula dahil lamang sa salapi . . . Kaya dahil sa inyo ang Sion ay aararuhing gaya lamang ng isang bukid, at ang Jerusalem naman ay magiging mga bunton lamang ng mga guho.” Winasak ng katiwalian ang lipunan sa Israel, kung paanong winasak nito ang Roma pagkaraan ng mga siglo. Bilang katuparan ng babala ng Diyos, mga isang siglo matapos isulat ni Mikas ang mga salitang iyan, ang Jerusalem ay winasak at iniwang tiwangwang.—Mikas 3:9, 11, 12.
Gayunman, walang tao o bansa ang kailangang maging tiwali. Pinasisigla ng Diyos ang mga balakyot na iwan ang kanilang landasin ng buhay at baguhin ang takbo ng kanilang pag-iisip. (Isaias 55:7) Nais niya na halinhan ng bawat isa sa atin ang kasakiman ng pagiging di-makasarili at ang katiwalian ng katuwiran. “Siyang nandaraya sa maralita ay dumudusta sa kaniyang Maylikha, ngunit ang nagpapakita ng lingap sa dukha ay lumuluwalhati sa Kaniya,” ang paalaala ni Jehova sa atin.—Kawikaan 14:31.
Matagumpay na Nilalabanan ang Katiwalian sa Pamamagitan ng Katotohanan sa Bibliya
Ano ang magpapakilos sa isang tao para gumawa ng gayong pagbabago? Ang mismong puwersa na nagpakilos kay Pablo na itakwil ang buhay ng isang Fariseo upang maging isang matatag na tagasunod ni Jesu-Kristo. “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas,” ang isinulat niya. (Hebreo 4:12) Sa ngayon, pinasisigla pa rin ng katotohanan sa Kasulatan ang pagkamatapat, kahit na doon sa mga nasangkot nang husto sa katiwalian. Isaalang-alang ang isang halimbawa.
Hindi nagtagal pagkaraang matapos ang kaniyang serbisyo sa militar, si Alexander, na taga-Silangang Europa, ay umanib sa isang gang na nagsasagawa ng panlilinlang, pangingikil, at panunuhol. * “Ang aking atas ay ang mangikil ng salapi mula sa mayayamang negosyante bilang kapalit ng proteksiyon,” ang paliwanag niya. “Kapag nakuha ko na ang tiwala ng isang negosyante, babantaan siyang sasaktan ng ibang mga miyembro ng aming pangkat. Saka naman ako mag-aalok na ipaubaya niya ang problema sa akin—kapalit ng isang malaking halaga. Pinasasalamatan ako ng aking ‘mga kliyente’ dahil sa pagtulong sa kanila na ayusin ang kanilang mga problema, gayong ang totoo ay ako mismo ang sanhi ng mga iyon. Bagaman waring kakatwa ito, ito ang bahagi ng trabaho na gusto ko.
“Nasiyahan din ako sa salapi at sa katuwaang iniaalok sa akin ng ganitong istilo ng pamumuhay. Ako ay nagkaroon ng isang mamahaling kotse, nanirahan sa isang magandang apartment, at may salapi ako para ipambili ng anumang gustuhin ko. Takot sa akin ang mga tao, na nagpadama sa akin na ako’y makapangyarihan. Sa paano man ay nadama ko na hindi ako masasaling ng sinuman at na hindi ako sakop ng batas. Anumang problema sa mga pulis ay malulutas sa pamamagitan ng isang ekspertong abogado, na marunong lumusot sa sistema ng katarungan, o kaya’y ng isang suhol sa angkop na tao.
“Subalit madalang na makita ang katapatan sa mga namumuhay sa katiwalian. Isa sa aming kasamahan ang nainis sa akin, at nasumpungan ko na lamang na ako’y kinayayamutan na. Sa isang iglap, nawala ang aking magarang kotse, ang aking salapi, at ang aking magastos na kasintahan. Binugbog pa nga ako nang husto. Ang pagbaligtad ng mga pangyayaring ito ang naging dahilan upang pag-isipan kong mabuti ang tungkol sa layunin ng buhay.
“Mga ilang buwan bago nito, naging isang Saksi ni Jehova ang aking ina, at sinimulan kong basahin ang kanilang literatura. Ang teksto sa Kawikaan 4:14, 15 ay talagang nagpaisip sa akin: ‘Sa landas ng mga balakyot ay huwag kang pumasok, at huwag kang lumakad patungo sa daan ng masasama. Iwasan mo iyon, huwag kang dumaan doon; lihisan mo iyon, at yumaon ka.’ Ang mga tekstong tulad nito ang kumumbinsi sa akin na yaong mga gustong mamuhay bilang isang kriminal ay walang tunay na kinabukasan. Nagsimula akong manalangin kay Jehova at humiling sa kaniya na akayin ako sa tamang landas. Nakipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at sa wakas, inialay ko ang aking buhay sa Diyos. Mula noon ay namuhay na ako nang may katapatan.
“Sabihin pa, ang pamumuhay sa tapat na mga pamantayan Awit 37:3, na nagsasabi: ‘Magtiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupa, at makitungo ka nang may katapatan.’ ”
ay nangangahulugan ng pagkita ng kakaunting pera. Ngunit nadarama ko ngayon na ako ay may kinabukasan, na may tunay na kahulugan ang aking buhay. Natanto ko na ang aking dating istilo ng pamumuhay, lakip na ang lahat ng luho nito, ay katulad lamang ng isang bahay na yari sa baraha na naghihintay na gumuho anumang oras. Dati, manhid ang aking budhi. Ngayon, dahil sa aking pag-aaral ng Bibliya, sinusundot ako nito sa tuwing matutukso akong maging di-tapat—maging sa maliliit na bagay. Nagsisikap akong mamuhay kasuwato ng“Siya na Napopoot sa mga Suhol ay Mabubuhay”
Gaya ng natuklasan ni Alexander, ang katotohanan sa Bibliya ay maaaring magpakilos sa isang tao upang mapanagumpayan ang katiwalian. Gumawa siya ng mga pagbabago kasuwato ng sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi at na pinasasamâ ayon sa kaniyang mapanlinlang na mga pagnanasa; . . . magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat. Dahil dito, ngayong inalis na ninyo ang kabulaanan, magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa, sapagkat tayo ay mga sangkap na nauukol sa isa’t isa. Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa ng mabuting gawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, upang may maipamahagi siya sa sinumang nangangailangan.” (Efeso 4:22-25, 28) Ang mismong kinabukasan ng sangkatauhan ay nakasalalay sa gayong mga pagbabago.
Kapag hindi sinugpo, maaaring sirain ng kasakiman at katiwalian ang lupa, kung paanong naging sanhi ang mga ito ng pagkasira ng Imperyong Romano. Mabuti na lamang, hindi plano ng Maylalang ng sangkatauhan na ipaubaya na lamang ang mga bagay-bagay sa pagkakataon. Determinado siya na ‘dalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) At pinangangakuan ni Jehova yaong mga umaasam sa isang daigdig na malaya sa katiwalian na di na magtatagal at darating ang “mga bagong langit at isang bagong lupa . . . at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Totoo, maaaring hindi madaling mamuhay ayon sa tapat na mga pamantayan sa ngayon. Gayunman, tinitiyak sa atin ni Jehova na sa dakong huli, “ang isang sakim na tao ay magdudulot ng problema sa kaniyang pamilya, ngunit siya na napopoot sa mga suhol ay mabubuhay.” * (Kawikaan 15:27, NIV) Sa pamamagitan ng pagtatakwil sa katiwalian ngayon, ipinakikita natin ang ating kataimtiman kapag nananalangin tayo sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
Habang hinihintay natin ang pagkilos ng Kahariang iyan, bawat isa sa atin ay maaaring ‘maghasik ng binhi sa katuwiran’ sa pamamagitan ng pagtangging kunsintihin o isagawa ang katiwalian. (Oseas 10:12) Kung gagawin natin ito, ang ating buhay ay magpapatotoo rin sa kapangyarihan ng kinasihang Salita ng Diyos. Maaaring daigin ng tabak ng espiritu ang katiwalian.
[Mga talababa]
^ par. 20 Binago ang kaniyang pangalan.
^ par. 28 Siyempre pa, may pagkakaiba ang suhol sa tip. Samantalang ang suhol ay ibinibigay upang pilipitin ang katarungan o para sa di-tapat na mga layunin, ang tip naman ay isang kapahayagan ng pagpapahalaga sa mga serbisyong ibinigay. Ito ay ipinaliwanag sa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Oktubre 1, 1986, labas ng Ang Bantayan.
[Larawan sa pahina 7]
Sa tulong ng Bibliya, maaari nating linangin “ang bagong personalidad” at iwasan ang katiwalian