Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinasasalamatan si Jehova—Sa Pamamagitan ng Buong-Panahong Paglilingkod!

Pinasasalamatan si Jehova—Sa Pamamagitan ng Buong-Panahong Paglilingkod!

Pinasasalamatan si Jehova​—Sa Pamamagitan ng Buong-Panahong Paglilingkod!

GAYA NG INILAHAD NI STANLEY E. REYNOLDS

Ako ay isinilang sa London, Inglatera, noong 1910. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, lumipat ang aking mga magulang sa isang maliit na nayon sa Wiltshire na tinatawag na Westbury Leigh. Bilang isang binatilyo, madalas akong nag-iisip, ‘Sino ang Diyos?’ Walang sinuman na makapagsabi sa akin. At hindi ko kailanman maunawaan kung bakit ang isang maliit na komunidad na gaya ng sa amin ay nangangailangan ng dalawang kapilya at gayundin ng isang simbahan upang sambahin ang Diyos.

NOONG 1935, apat na taon bago ang pasimula ng Digmaang Pandaigdig II, nagbisikleta kami ng aking nakababatang kapatid, si Dick, patungo sa Weymouth sa timugang baybayin ng Inglatera para sa isang kamping na bakasyon. Habang nakaupo kaming nakikinig sa buhos ng ulan sa aming tolda at nag-iisip kung ano ang gagawin, isang may-edad na ginoo ang dumalaw at nag-alok sa akin ng tatlong pantulong sa pag-aaral ng Bibliya​—The Harp of God, Light I, at Light II. Kinuha ko ang mga ito, na nasisiyahang may makapapawi sa pagkabagot. Nabighani kaagad ako sa nabasa ko, ngunit hindi ko alam na lubusan nitong babaguhin ang buhay ko​—at ng aking kapatid din.

Nang umuwi na ako ng bahay, sinabi ng aking ina sa akin na si Kate Parsons, na naninirahan sa aming nayon, ay namahagi ng katulad na uri ng literatura sa Bibliya. Kilalang-kilala siya dahil, bagaman medyo may edad na, sumasakay siya sa isang maliit na motorsiklo upang dalawin ang mga tao sa aming nakapangalat na komunidad. Dinalaw ko siya, at malugod niyang ibinigay sa akin ang mga aklat na Creation at Riches at gayundin ang iba pang mga publikasyon ng Samahang Watch Tower. Sinabi rin niya sa akin na siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova.

Pagkatapos kong basahin ang mga aklat kasama ng aking Bibliya, alam ko nang si Jehova ang tunay na Diyos at nais ko siyang sambahin. Kaya nagpadala ako ng liham ng pagbibitiw sa aming simbahan at nagsimulang dumalo sa mga pag-aaral ng Bibliya sa tahanan nina John at Alice Moody. Naninirahan sila sa Westbury, ang pinakamalapit na bayan sa amin. Pito lamang kami sa mga pulong na iyon. Bago at pagkatapos ng pulong, tinutugtog ni Kate Parsons ang harmonium habang sama-sama naming inaawit ang mga awiting Pangkaharian nang may matinding damdamin!

Sinaunang mga Araw

Nakikita kong nabubuhay kami sa mahalagang kapanahunan, at nananabik akong magkaroon ng bahagi sa gawaing pangangaral na inihula sa Mateo 24:14. Kaya itinigil ko ang paninigarilyo, bumili ako ng isang portpolyo, at inialay ko ang aking sarili sa Dakilang Diyos, si Jehova.

Noong Agosto 1936, dumadalaw si Joseph F. Rutherford, ang presidente ng Samahang Watch Tower, sa Glasgow, Scotland, upang magpahayag sa paksang “Armagedon.” Bagaman ang Glasgow ay halos 600 kilometro ang layo, determinado ako na pumaroon at mabautismuhan sa kombensiyong iyon. Kulang ang aking pera, kaya isinakay ko ang aking bisikleta sa tren patungong Carlisle, isang bayan sa hangganan ng Scotland, at nagbisikleta mula roon nang 160 kilometro pa patungong hilaga. Nagbisikleta rin ako sa kalakhang bahagi ng aking paglalakbay pauwi, anupat umuwing pagod na pagod sa pisikal ngunit napalakas sa espirituwal.

Mula noon, nagbibisikleta na ako tuwing ibinabahagi ko ang aking pananampalataya sa mga tao sa karatig na mga nayon. Noong mga panahong iyon ang bawat Saksi ay mayroong kard sa pagpapatotoo (testimony card) na naglalaman ng maka-Kasulatang mensahe para ipabasa sa mga maybahay. Gumamit din kami ng nabibitbit na mga ponograpo upang patugtugin ang mga rekord ng mga pahayag sa Bibliya ng presidente ng Samahan. At, siyempre pa, lagi kaming nagdadala ng bag ng magasin, * na nagpapakilala sa amin bilang mga Saksi ni Jehova.

Pagpapayunir sa Panahon ng Digmaan

Nabautismuhan ang aking kapatid noong 1940. Nagsimula ang ikalawang digmaang pandaigdig noong 1939, at kapuwa namin nakita ang apurahang pangangailangan para sa buong-panahong mga mangangaral. Kaya, isinumite namin ang aming mga aplikasyon sa pagpapayunir. Nagpapasalamat kami na kapuwa maatasan sa tahanan ng mga payunir sa Bristol, upang makasama roon sina Edith Poole, Bert Farmer, Tom at Dorothy Bridges, Bernard Houghton, at iba pang mga payunir na ang pananampalataya ay matagal na naming hinahangaan.

Isang maliit na van na may nakatatak sa mga tagiliran nito na “MGA SAKSI NI JEHOVA” sa malalaking titik, ang di-nagtagal ay dumating upang sunduin kami. Ang tsuper ay si Stanley Jones, na naging misyonero noong dakong huli sa Tsina at nabilanggo roon nang mag-isa sa loob ng pitong taon dahil sa kaniyang gawaing pangangaral.

Habang nagpapatuloy ang digmaan, madalang kaming makatulog nang mahimbing sa gabi. Nagbabagsakan ang mga bomba sa palibot ng aming tahanan para sa payunir, at kailangan naming laging magbantay sa mga sandata na nagsasaboy ng kimikal. Isang gabi ay nilisan namin ang sentro ng Bristol pagkatapos ng isang mainam na asamblea na dinaluhan ng 200 Saksi at nakauwi sa mas ligtas na dako ng aming tahanan pagkatapos dumaan sa gitna ng umuulan na mga pira-pirasong punglo ng mga bala na panira sa eroplano.

Kinabukasan ay bumalik kami ni Dick sa lunsod upang kunin ang ilang bagay na naiwan namin. Natigilan kami. Ang Bristol ay naging isang kagibaan. Ang buong lunsod ay nawasak at natupok. Ang Park Street, kung saan nakatayo ang aming Kingdom Hall, ay isang bunton ng umuusok na kaguhuan. Gayunman, walang Saksi ang namatay o nasugatan. Mabuti na lamang at naalis na namin ang aming literatura sa Bibliya sa Kingdom Hall at naipamahagi na ito sa mga tahanan ng mga miyembro ng kongregasyon. Pinasalamatan namin si Jehova sa dalawang bagay na ito.

Di-Inaasahang Kalayaan

Ang Bristol Congregation kung saan ako naglingkod bilang punong tagapangasiwa ay dumami sa bilang na 64 na ministro sa panahon na tinanggap ko ang aking mga dokumento na tumatawag sa akin para magsundalo. Maraming iba pang Saksi ang ipinadala sa bilangguan dahilan sa kanilang neutral na paninindigan, at inaasahan kong mapuputol din ang aking kalayaan upang mangaral. Dininig ang aking kaso sa isang lokal na Tribunal sa Bristol, kung saan si Brother Anthony Buck, isang dating opisyal ng bilangguan, ang kumatawan sa akin. Siya’y isang taong matapang, walang takot, isang taong matapat sa katotohanan sa Bibliya, at bunga ng kaniyang mainam na pagkatawan, hindi inaasahang pinagkalooban ako ng lubusang eksemsiyon mula sa paglilingkod militar sa kondisyong magpapatuloy ako sa aking buong-panahong ministeryo!

Ako’y tuwang-tuwa na maging malaya, at determinado akong gamitin ito upang mangaral sa pinakamalawak na paraan hangga’t maaari. Nang tumanggap ako ng tawag na magreport sa tanggapang pansangay sa London upang makipag-usap kay Albert D. Schroeder, ang tagapangasiwa ng sangay, natural lamang na mag-isip ako kung ano ang naghihintay sa akin. Gunigunihin ang aking pagkagulat nang anyayahan ako na magtungo sa Yorkshire upang maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, na dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon bawat linggo upang tulungan at palakasin ang mga kapatid. Nakadama ako na hindi ako nararapat sa gayong atas, ngunit may eksemsiyon ako at may kalayaan ako para magtungo roon. Kaya tinanggap ko ang pag-akay ni Jehova at kusang-loob na nagtungo roon.

Ipinakilala ako ni Albert Schroeder sa mga kapatid sa isang asamblea sa Huddersfield, at noong Abril 1941, nagsimula ako sa aking bagong atas. Isa ngang kagalakan na makilala ang minamahal na mga kapatid na iyon! Ang kanilang pag-ibig at kabaitan ay tumulong sa akin na higit pang pahalagahan na si Jehova ay may bayang lubusang nauukol sa kaniya na may pag-ibig sa isa’t isa.​—Juan 13:35.

Higit Pang mga Pribilehiyo sa Paglilingkod

Isang di-malilimutang limang-araw na pambansang asamblea ang ginanap noong 1941 sa De Montfort Hall sa Leicester. Bagaman rasyon ang pagkain at limitado ang pambansang transportasyon, ang bilang ng dumalo ay dumami hanggang sa pinakamataas na bilang sa araw ng Linggo na 12,000; gayunman, noong panahong iyon ay mayroon lamang 11,000 Saksi sa bansa. Ang isinaplakang mga pahayag ng presidente ng Samahan ay pinatugtog, at inilabas ang aklat na Children. Ang kombensiyong iyon ay tunay na isang mahalagang bahagi ng teokratikong kasaysayan ng bayan ni Jehova sa Britanya, na ginanap sa gitna ng Digmaang Pandaigdig II.

Di-nagtagal pagkatapos ng kombensiyong ito, tumanggap ako ng isang paanyaya na maglingkod kasama ng pamilyang Bethel sa London. Doon, nagtrabaho ako sa mga departamento ng shipping at packing at nang dakong huli sa opisina, na nag-aasikaso sa mga bagay-bagay hinggil sa mga kongregasyon.

Kailangang pagtiisan ng pamilyang Bethel ang pambobomba sa London sa araw at gabi, gayundin ang palagiang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa responsableng mga kapatid na gumagawa roon. Sina Pryce Hughes, Ewart Chitty, at Frank Platt ay pawang ipinakulong dahil sa kanilang neutral na paninindigan, at nang maglaon ay ipinatapon si Albert Schroeder sa Estados Unidos. Sa kabila ng mga panggigipit na ito, ang mga kongregasyon at mga kapakanan ng Kaharian ay patuloy na napangalagaan na mabuti.

Pagtungo sa Gilead!

Nang magwakas ang digmaan noong 1945, ako ay nag-aplay sa pagsasanay misyonero sa Watchtower Bible School of Gilead at natanggap para sa ikawalong klase noong 1946. Isinaayos ng Samahan na ang ilan sa amin, kabilang na sina Tony Attwood, Stanley Jones, Harold King, Don Rendell, at Stanley Woodburn, ay maglayag mula sa puwerto sa pangingisda ng Cornwall sa Fowey. Isang lokal na Saksi ang gumawa ng kaayusan para sa aming pagsakay sa isang maliit na barkong pangkargamento na may dalang puting luwad. Napakasikip ng aming mga silid tulugan, at ang kubyerta ay madalas na binabaha. Talaga ngang naginhawahan kami nang sa wakas ay papalapit na kami sa bababaan naming daungan, ang Philadelphia!

Matatagpuan ang kampus ng Gilead sa kaygandang lugar sa South Lansing sa bukiring bahagi sa gawing hilaga ng New York, at ang pagsasanay na aking tinanggap doon ay napakahalaga sa akin. Ang mga estudyante sa aming klase ay nagmula sa 18 bansa​—ang kauna-unahang pagkakataon na nagawang ipatala ng Samahan ang napakaraming ministro mula sa mga banyagang lupain​—at kaming lahat ay naging malalapit na magkakaibigan. Lubos akong nasiyahan sa pakikipagsamahan sa aking kakuwarto, si Kalle Salavaara mula sa Finland.

Mabilis na lumipas ang panahon, at sa katapusan ng limang buwan, dumating ang presidente ng Samahan, si Nathan H. Knorr, mula sa punong tanggapan sa Brooklyn upang ibigay sa amin ang aming mga diploma at upang sabihin sa amin kung saan ang magiging atas namin. Noong mga panahong iyon, hindi alam ng mga estudyante ang kanilang pupuntahan hanggang sa ianunsiyo ang mga ito sa seremonya ng pagtatapos. Ako ay naatasan na bumalik sa Bethel sa London upang ipagpatuloy ang aking gawain doon.

Balik sa London

Ang mga taon pagkatapos ng digmaan ay mahihirap na panahon sa Britanya. Ang pagkain at maraming iba pang mga pangangailangan, kabilang na ang papel, ay patuloy na inirarasyon. Ngunit nakararaos kami, at sumulong ang kapakanan ng Kaharian ni Jehova. Karagdagan pa sa paggawa sa Bethel, naglingkod ako sa mga pandistrito at pansirkitong mga asamblea at dumalaw sa mga kongregasyon, kabilang na ang ilan sa Ireland. Isang pribilehiyo rin na makilala si Erich Frost at iba pang mga kapatid na lalaki at babae sa Europa at matuto mula sa kanila ng ilang bagay tungkol sa integridad ng mga kapuwa Saksi na napaharap sa kakilabutan ng mga kampong piitan ng Nazi. Talagang isang pinagpalang pribilehiyo ang paglilingkuran sa Bethel.

Kilala ko na sa loob ng sampung taon si Joan Webb, isang special pioneer na naglilingkod sa Watford, isang bayan na nasa hilaga lamang ng London. Nagpakasal kami noong 1952. Nais naming kapuwa magpatuloy sa buong-panahong paglilingkod, kaya kami’y tuwang-tuwa nang, pagkatapos lumabas sa Bethel, ako ay hinirang bilang isang tagapangasiwa ng sirkito. Ang aming unang sirkito ay sa kahabaan ng timog na baybayin ng Inglatera, sa Sussex at Hampshire. Hindi madali ang gawaing pansirkito noong mga araw na iyon. Naglakbay kami pangunahin na sa pamamagitan ng bus, bisikleta, at paglalakad. Maraming kongregasyon ang may malawak at bukiring mga teritoryo, na kadalasang mahirap marating, ngunit patuloy na dumami ang bilang ng mga Saksi.

Lunsod ng New York 1958

Noong 1957, tumanggap ako ng isa pang paanyaya mula sa Bethel: “Nais mo bang pumarito sa opisina at tumulong sa mga kaayusan sa paglalakbay para sa dumarating na internasyonal na asamblea na gaganapin sa Yankee Stadium at sa Polo Grounds sa Lunsod ng New York sa 1958?” Di-nagtagal at abala na kami ni Joan sa pag-aasikaso ng mga aplikasyon mula sa mga kapatid para sa inarkila ng Samahan na mga eroplano at barko. Ito ang naging bantog na Divine Will International Assembly, na dinaluhan ng napakaraming mga tagapakinig na may bilang na 253,922. Sa kombensiyong ito, sinagisagan ng 7,136 ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig​—mahigit na doble sa bilang ng nabautismuhan sa makasaysayang pangyayari ng Pentecostes 33 C.E., gaya ng nakaulat sa Bibliya.​—Gawa 2:41.

Hindi namin kailanman makakalimutan ni Joan ang kabaitan ni Brother Knorr nang personal niya kaming anyayahan na dumalo sa asamblea upang tumulong na mag-asikaso sa mga delegado na darating sa Lunsod ng New York mula sa 123 lupain. Iyan ay isang maligaya at kasiya-siyang karanasan para sa aming dalawa.

Mga Pagpapala ng Buong-Panahong Paglilingkod

Pagbalik namin, nagpatuloy kami sa gawaing paglalakbay hanggang magkaroon kami ng mga suliranin sa kalusugan. Si Joan ay naospital, at nagkaroon naman ako ng bahagyang istrok. Napunta kami sa ranggo ng mga special pioneer ngunit nang maglaon ay muli na namang nagkapribilehiyo na pansamantalang maglingkod sa gawaing pansirkito. Sa kalaunan, nagbalik kami sa Bristol kung saan nanatili kami sa buong-panahong paglilingkod. Ang aking kapatid na lalaki, si Dick, ay naninirahan sa malapit kasama ang kaniyang pamilya, at madalas kaming magbalik-tanaw.

Ang aking paningin ay permanente nang napinsala dahil sa pagkasira ng aking mga retina noong 1971. Nahihirapan na ako sa pagbabasa mula noon, kaya nasumpungan ko na isang kamangha-manghang paglalaan mula kay Jehova ang mga nairekord sa cassette na literatura sa Bibliya. Nagdaraos pa rin kami ni Joan ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at sa nakalipas na mga taon, nagkapribilehiyo kami na matulungan ang 40 katao na magkaroon ng kaalaman sa katotohanan, kabilang na ang isang pamilya na may pitong miyembro.

Nang ialay namin ang aming buhay kay Jehova mahigit na 60 taon na ang nakalilipas, ang nais namin ay ang pumasok sa buong-panahong paglilingkod at manatili rito. Laking pasasalamat namin na mayroon pa rin kaming lakas upang paglingkuran ang Dakilang si Jehova​—ang tanging paraan na mapasasalamatan namin siya sa kaniyang kabutihan sa amin at sa mga taon ng maligayang pagsasamahan namin!

[Talababa]

^ par. 11 Isang bag na tela na maaaring isabit sa balikat at dinisenyo para sa pagdadala ng mga kopya ng Ang Bantayan at Consolation (Gumising!, nang dakong huli).

[Larawan sa pahina 25]

Kasama ang aking kapatid na si Dick (dulong kaliwa; Si Dick ay nakatayo) at iba pang mga payunir sa harapan ng tahanan para sa mga payunir sa Bristol

[Larawan sa pahina 25]

Ang tahanan para sa mga payunir sa Bristol noong 1940

[Mga larawan sa pahina 26]

Sina Stanley at Joan Reynolds noong araw ng kanilang kasal, Enero 12, 1952, at sa ngayon