Ang mga Ebanghelyo—Patuloy ang Pagtatalu-talo
Ang mga Ebanghelyo—Patuloy ang Pagtatalu-talo
Totoo ba ang mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa kapanganakan ni Jesu-Kristo?
Siya ba ang nagpahayag ng Sermon sa Bundok?
Totoo bang binuhay-muli si Jesus?
Talaga bang sinabi niya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay”?—Juan 14:6.
ANG mga bagay-bagay na tulad nito ay tinalakay ng mga 80 iskolar sa Jesus Seminar, na idinaraos nang dalawang beses bawat taon mula noong 1985. Sinagot ng grupong ito ng mga iskolar ang gayong mga tanong sa isang kakaibang paraan. Ang mga kasali sa seminar ay nagpapalabunutan ng mga balota sa bawat pananalita na sinasabing binanggit ni Jesus sa mga Ebanghelyo. Ang isang pulang balota ay nagpapahiwatig ng opinyon na ang pananalita ay talaga ngang sinabi ni Jesus. Ang isang kulay-rosas na balota ay nangangahulugan na ang pananalita
ay nakakahawig ng anumang maaaring nasabi ni Jesus. Ibinabadya ng isang kulay-abong balota na ang mga ideya ay maaaring kahawig niyaong kay Jesus, ngunit ang pananalita ay hindi galing sa kaniya. Lubusang pagtanggi naman ang kahulugan ng isang itim na balota, anupat itinuturing na ang pangungusap ay kinuha mula sa kamakailang mga tradisyon.Sa pagsunod sa pamamaraang ito, ipinagwalang-bahala lamang ng mga kasali sa Jesus Seminar ang lahat ng apat na puntong ibinangon nang patanong sa pasimula. Sa katunayan, nakabunot sila ng itim na balota para sa 82 porsiyento ng mga salitang inaangkin na sinabi ni Jesus sa mga Ebanghelyo. Ayon sa kanila, 16 na porsiyento lamang sa mga pangyayari na isinalaysay tungkol kay Jesus sa mga Ebanghelyo at iba pang mga akda ang lumilitaw na totoo.
Ang gayong pagpuna sa mga Ebanghelyo ay hindi na bago. Nagkaroon ng pag-atake sa mga Ebanghelyo noong 1774 nang ang 1,400-pahinang manuskrito ni Hermann Reimarus, isang propesor ng mga wikang Silangan sa Hamburg, Alemanya, ay inilathala pagkamatay niya. Doo’y isinaalang-alang ni Reimarus ang matitinding pag-aalinlangan tungkol sa pagiging makasaysayan ng mga Ebanghelyo. Ang kaniyang mga konklusyon ay ibinatay sa lingguwistikang pagsusuri at sa mga tila pagkakasalungatan na nasumpungan sa apat na ulat ng Ebanghelyo tungkol sa buhay ni Jesus. Mula noon, madalas nang ipinahahayag ng mga kritiko ang kanilang mga pag-aalinlangan hinggil sa pagiging totoo ng mga Ebanghelyo, na sa isang banda ay nagpapahina sa pagtitiwala ng madla sa mga kasulatang ito.
Ang katangian na karaniwan sa gitna ng gayong mga iskolar ay na itinuturing nila ang mga ulat ng Ebanghelyo bilang relihiyosong kathang-isip na ipinamana ng iba’t ibang tao. Ang mga katanungan na kadalasang ibinabangon ng mapag-alinlangang mga iskolar ay: Maaari kayang ang kanilang mga paniniwala ang nagtulak sa mga manunulat ng apat na Ebanghelyo na pagandahin ang tunay na pangyayari? Ang mga gawaing pampulitika kaya ng sinaunang komunidad ng mga Kristiyano ang nag-udyok sa kanila upang baguhin o dagdagan ang kuwento tungkol kay Jesus? Aling mga bahagi ng mga Ebanghelyo ang malamang na matapat na pag-uulat sa halip na gawa-gawang alamat lamang?
Ang mga tao na lumaki sa isang ateistiko o sekular na lipunan ay naniniwala na ang Bibliya—kasali na ang mga Ebanghelyo—ay isang aklat na puno ng mga kuwentong-bayan at mga alamat. Ang iba naman ay nadidismaya sa kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan sa pagbububo ng dugo, paniniil, di-pagkakaisa, at di-makadiyos na paggawi. Walang nakikitang dahilan ang gayong mga tao upang magbigay ng anumang pansin sa mga kasulatan na itinuturing na banal sa Sangkakristiyanuhan. Nadarama nila na ang mga isinulat na bagay na nagbunsod sa isang mapagpaimbabaw na relihiyon ay salig lamang sa walang kabuluhang mga pabula.
Ano naman ang palagay mo? Dapat mo bang pahintulutan ang ilang iskolar na sumasalungat sa pagiging makasaysayan ng mga Ebanghelyo na maghasik sa iyong isipan ng katulad na mga pag-aalinlangan? Kapag nakarinig ka ng mga kapahayagan tungkol sa diumano’y pagkatha ng alamat ng mga manunulat ng Ebanghelyo, pahihintulutan mo ba ito na magpahina sa iyong pagtitiwala sa kanilang mga isinulat? Ang rekord ba ng pagiging di-makadiyos na Sangkakristiyanuhan ang magiging dahilan upang pag-alinlanganan mo ang pagkamaaasahan ng mga Ebanghelyo? Inaanyayahan ka namin na suriin ang ilan sa mga katotohanan.
[Larawan sa pahina 4]
Naglalaman ba ang mga Ebanghelyo ng mga pabula o ng mga tunay na pangyayari?
[Credit Line]
Jesus Walking on the Sea/The Doré Bible Illustrations/Dover Publications
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Larawan, pahina 3-5 at 8: Courtesy of the Freer Gallery of Art, Smithsonian Institution, Washington, D.C.