Magbigay-Pansin sa Makahulang Salita ng Diyos Ukol sa Ating Kaarawan
Magbigay-Pansin sa Makahulang Salita ng Diyos Ukol sa Ating Kaarawan
“Unawain mo, O anak ng tao, na ang pangitain ay ukol sa panahon ng kawakasan.”—DANIEL 8:17.
1. Ano ang ibig ni Jehova na malaman ng buong sangkatauhan hinggil sa ating kaarawan?
HINDI sinasarili ni Jehova ang kaalaman hinggil sa mga mangyayari sa hinaharap. Sa halip, siya ang Tagapagsiwalat ng mga lihim. Sa katunayan, ibig niyang malaman nating lahat na tayo’y nasa dulong bahagi na ng “panahon ng kawakasan.” Pagkahala-halagang balita nga iyan para sa anim na bilyon katao na nabubuhay ngayon sa ibabaw ng lupa!
2. Bakit nababahala ang mga tao sa kinabukasan ng sangkatauhan?
2 Nakapagtataka ba na ang sanlibutang ito ay malapit nang magwakas? Nakalalakad na ang tao sa buwan, ngunit sa maraming lugar ay hindi siya makapamasyal sa mga lansangan ng planetang ito nang hindi kinakabahan. Napupuno niya ng mga modernong kasangkapan ang isang bahay, subalit hindi niya mapigil ang pagdami ng wasak na pamilya. At napaiiral niya ang isang panahon na punung-puno ng impormasyon, subalit hindi niya maturuan ang mga tao na sama-samang mamuhay nang payapa. Ang mga kabiguang ito ay nagpapatibay sa saganang maka-Kasulatang patotoo na tayo’y nabubuhay na nga sa panahon ng kawakasan.
3. Kailan unang ginamit sa lupa ang mga salitang “panahon ng kawakasan”?
3 Ang kapansin-pansing mga salitang iyan—“panahon ng kawakasan”—ay unang ginamit ng anghel na si Gabriel sa lupa mga 2,600 taon na ang nakalilipas. Narinig ng isang nahihintakutang propeta ng Diyos na sinasabi ni Gabriel: “Unawain mo, O anak ng tao, na ang pangitain ay ukol sa panahon ng kawakasan.”—Daniel 8:17.
Ito Na ang “Panahon ng Kawakasan”!
4. Sa anong iba pang paraan tinutukoy ng Bibliya ang panahon ng kawakasan?
4 Ang mga pananalitang “panahon ng kawakasan” at “takdang panahon ng kawakasan” ay anim na ulit na lumilitaw sa aklat ng Daniel. (Daniel 8:17, 19; 11:35, 40; 12:4, 9) Ang mga ito’y may kinalaman sa “mga huling araw” na inihula ni apostol Pablo. (2 Timoteo 3:1-5) Tinukoy ni Jesu-Kristo ang yugtong ito bilang ang kaniyang “pagkanaririto” bilang iniluklok na Hari sa langit.—Mateo 24:37-39.
5, 6. Sino ang ‘nagparoo’t parito’ sa panahon ng kawakasan, at ano ang naging resulta?
5 Sinasabi sa Daniel 12:4: “Kung tungkol sa iyo, O Daniel, ilihim mo ang mga salita at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana.” Karamihan sa isinulat ni Daniel ay inilihim at tinatakan upang hindi maunawaan ng tao sa loob ng maraming siglo. Subalit kumusta naman sa ngayon?
6 Sa panahong ito ng kawakasan, maraming tapat na Kristiyano ang ‘nagparoo’t parito’ na sa mga pahina ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang resulta? Dahil sa pagpapala ni Jehova sa kanilang pagsisikap, sumagana ang tunay na kaalaman. Halimbawa, ang pinahirang mga Saksi ni Jehova ay pinagpala na magkaroon ng kaunawaan, anupat kanilang natatalos na si Jesu-Kristo ay naging makalangit na Hari noong taóng 1914. Kasuwato ng mga salita ng apostol na nakaulat sa 2 Pedro 1:19-21, ang mga pinahirang ito at ang kanilang tapat na mga kasama ay ‘nagbibigay-pansin sa makahulang salita’ at lubos na nakatitiyak na ito na nga ang panahon ng kawakasan.
7. Ano ang ilan sa mga salaysay na nagpapabukod-tangi sa aklat ng Daniel?
7 Ang aklat ng Daniel ay bukod-tangi sa maraming paraan. Sa mga pahina nito, isang hari ang nagbantang patayin ang kaniyang marurunong na lalaki sapagkat hindi nila maisiwalat at mabigyang-kahulugan ang kaniyang nakalilitong panaginip, subalit nalutas ng propeta ng Diyos ang palaisipang iyon. Tatlong kabataang lalaki na tumangging sumamba sa isang pagkalaki-laking imahen ang inihagis sa isang pagkainit-init na hurno, gayunma’y nakaligtas sila nang hindi man lamang napaso. Habang idinaraos ang isang masayang pagdiriwang, daan-daan ang nakakita ng isang kamay na sumusulat ng mahihiwagang salita sa dingding ng palasyo. Isang matandang lalaki ang ipinatapon ng masasamang magkakasabuwat sa isang yungib ng mga leon, ngunit nakalabas siyang wala man lamang galos. Apat na hayop ang nakita sa isang pangitain, at binigyan ang mga ito ng makahulang kahulugan na umaabot mismo hanggang sa panahon ng kawakasan.
8, 9. Paano tayo nakikinabang sa aklat ng Daniel, lalo na ngayon, sa panahon ng kawakasan?
8 Maliwanag, ang aklat ng Daniel ay naglalaman ng dalawang magkaibang-magkaibang istilo. Ang isa ay pasalaysay at ang isa naman ay makahula. Kapuwa ito nakapagpapatibay ng ating pananampalataya. Ipinakikita sa atin ng mga salaysay na pinagpapala ng Diyos na Jehova yaong mga nananatiling tapat sa kaniya. At ang mga bahaging makahula naman ay nagpapatibay ng pananampalataya dahil sa ipinakikita nito na alam na ni Jehova ang magiging takbo ng kasaysayan maraming siglo—mga milenyo pa nga—patiuna.
9 Ang iba’t ibang hula na iniulat ni Daniel ay umaakay ng pansin sa Kaharian ng Diyos. Habang pinagmamasdan natin ang katuparan ng mga hulang ito, ang ating pananampalataya ay napatitibay, at gayundin ang ating pananalig na tayo’y nabubuhay na nga sa panahon ng kawakasan. Subalit si Daniel ay pinupuna ng ilang kritiko, na sinasabing ang mga hula sa aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan ay talagang isinulat lamang pagkatapos na maganap ang mga pangyayari na waring katuparan ng mga ito. Kung totoo nga ang mga pag-aangking ito, magbabangon ito ng malalaking pag-aalinlangan hinggil sa inihula ng aklat ng Daniel may kinalaman sa panahon ng kawakasan. Kinukuwestiyon din ng mga taong mapag-alinlangan ang mga salaysay ng aklat. Kaya magsuri tayo.
Nililitis!
10. Sa anong diwa nasasakdal ang aklat ng Daniel?
10 Ipagpalagay mong ikaw ay nasa isang hukuman, na nakikinig sa isang paglilitis. Iginigiit ng abogadong tagausig na ang nasasakdal ay nagkasala ng pandaraya. Buweno, inihaharap ng aklat ng Daniel ang sarili nito bilang isang tunay na akda na isinulat ng isang propetang Hebreo na nabuhay noong ikapito at ikaanim na siglo B.C.E. Ngunit iginigiit ng mga kritiko na huwad ang aklat. Kaya tingnan muna natin kung ang bahaging pasalaysay ng aklat ay kasuwato ng pangyayari sa kasaysayan.
11, 12. Ano ang nangyari sa paratang na si Belsasar daw ay isa lamang kathang-isip na tauhan?
11 Halimbawang isaalang-alang natin ang matatawag na kaso ng nawawalang monarka. Ipinakikita ng Daniel kabanata 5 na si Belsasar ay nagpupuno bilang hari sa Babilonya nang bumagsak ang lunsod na ito noong 539 B.C.E. Tinutulan ng mga kritiko ang bagay na ito sapagkat ang pangalan ni Belsasar ay hindi masumpungan saanman kundi sa Bibliya lamang. Sa halip, sinabi ng sinaunang mga istoryador na si Nabonido ang huling hari ng Babilonya.
12 Gayunman, noong taóng 1854, may ilang
maliliit na silindrong luwad na nahukay sa mga guho ng lunsod ng Ur sa sinaunang Babilonya na siyang Iraq sa kasalukuyang panahon. Kalakip sa mga dokumentong cuneiform na ito ang isang panalangin na doo’y binanggit ni Haring Nabonido si “Bel-sar-ussur, ang aking panganay na anak.” Kahit ang mga kritiko ay napilitang sumang-ayon: Ito nga ang Belsasar ng aklat ng Daniel. Kaya hindi naman pala talagang nawawala ang nawawalang monarka, kundi hindi pa lamang ito kilala sa sekular na mga reperensiya. Isa lamang ito sa maraming katibayan na ang mga sulat sa Daniel ay talagang totoo. Ipinakikita ng gayong patotoo na ang aklat ng Daniel ay talagang bahagi ng Salita ng Diyos na nararapat nating bigyan ng matamang pansin sa ngayon, sa panahon ng kawakasan.13, 14. Sino si Nabucodonosor, at sinong huwad na diyos ang pantanging pinag-ukulan niya ng debosyon?
13 Ang isang mahalagang bahagi ng aklat ng Daniel ay ang mga hulang may kaugnayan sa pagkakasunud-sunod ng mga kapangyarihang pandaigdig at ang mga ginawa ng ilan sa kanilang mga pinuno. Ang isa sa mga pinuno ay matatawag na isang mandirigma na nagtayo ng isang imperyo. Bilang tagapagmanang prinsipe ng Babilonya, dinurog niya at ng kaniyang hukbo ang puwersa ni Faraon Neco ng Ehipto sa Carkemis. Ngunit dahil sa isang mensahe ay napilitang ipaubaya ng matagumpay na prinsipe sa kaniyang mga heneral ang lubus-lubusang paglipol. Nang malaman niyang namatay na ang kaniyang amang si Nabopolassar, ang binatang ito na nagngangalang Nabucodonosor ay umupo sa trono noong 624 B.C.E. Sa kaniyang 43-taóng paghahari, nagtayo siya ng isang imperyo na sumakop sa mga teritoryong dating hawak ng Asirya, at pinalawak pa niya ang kaniyang nasasakupan hanggang sa Sirya at Palestina tungo sa hangganan ng Ehipto.
14 Ang relihiyosong debosyon ni Nabucodonosor ay pantanging iniukol kay Marduk, ang pangunahing diyos ng Babilonya. Ibinigay ng hari kay Marduk ang karangalan ng lahat niyang pananakop. Sa Babilonya, itinayo at pinaganda ni Nabucodonosor ang mga templo ni Marduk at ng marami pang ibang diyos ng Babilonya. Ang imaheng ginto na itinayo ng haring ito ng Babilonya sa kapatagan ng Dura ay maaaring nakaalay kay Marduk. (Daniel 3:1, 2) At sa wari’y umasa nang husto si Nabucodonosor sa panghuhula may kinalaman sa pagpaplano sa mga estratehiyang gagawin ng kaniyang hukbo.
15, 16. Ano ang ginawa ni Nabucodonosor para sa Babilonya, at ano ang nangyari nang ipagmalaki niya ang kadakilaan nito?
15 Sa pamamagitan ng pagtapos sa ubod-laking doblehang pader ng Babilonya na pinasimulang itayo ng kaniyang ama, pinangyari ni Nabucodonosor na magmistulang hindi na maigugupo ang kabiserang lunsod. Upang mabigyang-kasiyahan ang kaniyang reynang taga-Media, na nasasabik na sa mga burol at kagubatan ng kaniyang katutubong lupain, iniulat na nagtayo si Nabucodonosor ng nakabiting hardin—isa sa pitong kababalaghan ng sinaunang daigdig. Ginawa niya ang Babilonya na pinakadakilang napapaderang lunsod noong panahong iyon. At ipinagmalaki niya nang husto ang sentrong iyan ng huwad na pagsamba!
16 “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo?” isang araw ay ipinagmalaki ni Nabucodonosor. Gayunman, ayon sa Daniel 4:30-36, “habang ang salita ay nasa bibig pa ng hari,” bigla siyang nasiraan ng bait. Habang wala sa kalagayang mamahala sa loob ng pitong taon, kumain siya ng mga pananim, na kagayang-kagaya ng inihula ni Daniel. Pagkatapos ay napabalik sa kaniya ang kaniyang kaharian. Alam mo ba ang makahulang kahulugan ng lahat ng ito? Maipaliliwanag mo ba kung paanong ang malaking katuparan nito ay nagdadala sa atin mismo sa panahon ng kawakasan?
Pagtitipon sa mga Makahulang Bahagi
17. Paano mo ilalarawan ang makahulang panaginip na ibinigay ng Diyos kay Nabucodonosor noong ikalawang taon ng kaniyang paghahari bilang pandaigdig na tagapamahala?
17 Tipunin natin ngayon ang ilang makahulang bahagi sa aklat ng Daniel. Noong ikalawang taon ng paghahari ni Nabucodonosor bilang pandaigdig na tagapamahala sa hula ng Bibliya (606/605 B.C.E.), Daniel kabanata 2, ang panaginip ay may kinalaman sa isang pagkalaki-laking imahen na may ulong ginto, mga dibdib at bisig na pilak, tiyan at mga hita na tanso, mga binting bakal, at mga paang bakal na hinaluan ng luwad. Sa ano kumakatawan ang iba’t ibang bahagi ng imahen?
nagbigay ang Diyos sa kaniya ng isang nakasisindak na panaginip. Ayon sa18. Sa ano kumakatawan ang ulong ginto, mga dibdib at bisig na pilak, at tiyan at mga hita na tanso ng imahen sa panaginip?
18 Sinabi ng propeta ng Diyos kay Nabucodonosor: “Ikaw, O hari, . . . ikaw mismo ang ulong ginto.” (Daniel 2:37, 38) Si Nabucodonosor ang pasimula ng dinastiyang namahala sa Imperyo ng Babilonya. Ito’y ibinagsak ng Medo-Persia, na kinakatawan naman ng mga dibdib at bisig na pilak ng imahen. Sumunod naman ay ang Imperyo ng Gresya, na isinasagisag ng tiyan at mga hita na tanso. Paano nagsimula ang kapangyarihang pandaigdig na iyon?
19, 20. Sino si Alejandrong Dakila, at anong papel ang ginampanan niya upang maging isang kapangyarihang pandaigdig ang Gresya?
19 Noong ikaapat na siglo B.C.E., isang binata ang gumanap ng mahalagang papel sa katuparan ng hula ni Daniel. Siya’y ipinanganak noong 356 B.C.E., at nakilala siya sa daigdig bilang si Alejandrong Dakila. Nang pataksil na patayin ang kaniyang ama, si Felipe, noong 336 B.C.E., minana ng 20-taóng-gulang na si Alejandro ang trono ng Macedonia.
20 Noong pagsisimula ng Mayo ng 334 B.C.E., inilunsad ni Alejandro ang isang kampanya ng pananakop. Mayroon siyang maliit ngunit mahusay na hukbo na binubuo ng 30,000 sundalong naglalakad at 5,000 mangangabayo. Sa Ilog Granicus sa hilagang-kanluran ng Asia Minor (ngayo’y Turkey), nagtagumpay si Alejandro sa kaniyang unang pakikidigma laban sa mga Persiano noong 334 B.C.E. Pagsapit ng 326 B.C.E., ang di-mapigilang manlulupig na ito ay nagpasuko sa kanila at umabanteng pasilangan hanggang sa Ilog Indus, na nasa makabagong-panahong Pakistan. Subalit nadaig si Alejandro sa kaniyang huling pakikidigma habang nasa Babilonya. Noong Hunyo 13, 323 B.C.E., pagkatapos mabuhay nang 32 taon at 8 buwan lamang, sumuko siya sa pinakamabigat na kaaway, ang kamatayan. (1 Corinto 15:55) Gayunman, dahil sa kaniyang mga pananakop, ang Gresya ay naging isang kapangyarihang pandaigdig, gaya ng patiunang sinabi sa hula ni Daniel.
21. Bukod sa Imperyo ng Roma, ano pang kapangyarihang pandaigdig ang inilarawan ng mga binting bakal ng imahen sa panaginip?
21 Sa ano kumakatawan ang mga binting bakal ng pagkalaki-laking imahen? Buweno, ang tulad-bakal na Roma ang siyang dumurog at bumuwag sa Imperyo ng Gresya. Bilang pagpapakita ng kawalang-galang sa Kaharian ng Diyos na inihayag ni Jesu-Kristo, ipinapatay siya ng mga Romano sa isang pahirapang tulos noong 33 C.E. Sa pagsisikap na buwagin ang tunay na Kristiyanismo, pinag-usig ng Roma ang mga alagad ni Jesus. Magkagayunman, ang mga binting bakal ng imahen sa panaginip ni Nabucodonosor ay lumalarawan hindi lamang sa Imperyo ng Roma kundi maging sa makapulitikang kapangyarihan na lumitaw mula rito—ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerika.
22. Paano tumutulong sa atin ang imahen sa panaginip upang makitang tayo’y nasa dulong bahagi na ng panahon ng kawakasan?
22 Pinatutunayan ng maingat na pag-aaral na tayo’y nasa dulong bahagi na ng panahon ng kawakasan, yamang narating na natin ang mga paang bakal at luwad ng imahen sa panaginip. Ang ilang pamahalaan sa kasalukuyan ay tulad-bakal o makadiktador, samantalang ang iba naman ay tulad-luwad. Sa kabila ng marupok na kaurian ng luwad, na mula rito’y ginawa ang “supling ng sangkatauhan,” ang tulad-bakal na mga pamamahala ay napilitang magpahintulot sa pangkaraniwang mga tao na magkaroon din naman ng papel sa mga pamahalaang namumuno sa kanila. (Daniel 2:43; Job 10:9) Mangyari pa, ang makadiktador na pamamahala at ang pangkaraniwang mga tao ay hindi magkakaisa kung paanong hindi nagsasama ang bakal at luwad. Subalit malapit nang wakasan ng Kaharian ng Diyos ang watak-watak na daigdig na ito bunga ng pulitika.—Daniel 2:44.
23. Paano mo ilalarawan ang panaginip at mga pangitain ni Daniel noong unang taon ng paghahari ni Belsasar?
23 Ang ika-7 kabanata ng kapana-panabik na hula ni Daniel ay nagdadala rin sa atin sa panahon ng kawakasan. Inilalahad nito ang isang pangyayari noong unang taon ni Haring Belsasar ng Babilonya. Pagsapit sa edad na mahigit sa 70, si Daniel ay nagkaroon ng “isang panaginip at ng mga pangitain ng kaniyang ulo sa kaniyang higaan.” Totoong pinangilabot siya ng mga pangitaing iyon! “Hayun!” bulalas niya. “Pinaaalimbukay ng apat na hangin ng langit ang malawak na dagat. At apat na ubod-laking hayop ang umaahon mula sa dagat, bawat isa ay kakaiba.” (Daniel 7:1-8, 15) Napakapambihirang mga hayop ito! Ang una ay isang leon na may pakpak, at ang ikalawa ay gaya ng isang oso. Sumunod naman ay isang leopardo na may apat na pakpak at apat na ulo! Ang ikaapat na hayop na may di-pangkaraniwang lakas ay may malalaking ngiping bakal at sampung sungay. Sa gitna ng sampung sungay nito ay may sumulpot na isang sungay “na maliit” na may “mga matang gaya ng mga mata ng tao” at “bibig na nagsasalita ng mararangyang bagay.” Talagang kakatwa nga ang mga kinapal na ito!
24. Ayon sa Daniel 7:9-14, ano ang nakita ni Daniel sa langit, at saan tumutukoy ang pangitaing ito?
24 Ang mga pangitain ni Daniel ay bumaling naman sa langit. (Daniel 7:9-14) “Ang Sinauna sa mga Araw,” ang Diyos na Jehova, ay nakikitang maluwalhating nakaluklok bilang Hukom. ‘Isang libong libu-libo ang naglilingkod sa kaniya, at sampung libong tigsasampung libo ang nakatayo sa harap niya.’ Bilang hatol laban sa mga hayop, inalis ng Diyos sa kanila ang pamamahala at pinuksa niya ang ikaapat na hayop. Ang namamalaging pamamahala sa “mga bayan, mga liping pambansa at mga wika” ay iniatang sa “isang gaya ng anak ng tao.” Tumutukoy ito sa panahon ng kawakasan at sa pagkaluklok sa trono ng Anak ng tao, si Jesu-Kristo, noong taóng 1914.
25, 26. Anong mga tanong ang maaaring bumangon kapag binasa natin ang aklat ng Daniel, at anong publikasyon ang makatutulong upang masagot ang mga ito?
25 Tiyak na may mga katanungan ang mga mambabasa ng aklat ng Daniel. Halimbawa, sa ano kumakatawan ang apat na hayop ng Daniel kabanata 7? Ano ang paliwanag sa makahulang “pitumpung sanlinggo” sa Daniel 9:24-27? Kumusta naman ang Daniel 11 at ang makahulang paglalaban ng “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog”? Ano ang maaasahan natin sa mga haring ito sa panahon ng kawakasan?
26 Ipinagkaloob ni Jehova ang kaunawaan tungkol sa mga bagay na ito sa kaniyang pinahirang mga lingkod sa lupa, sa “mga banal ng Kadaki-dakilaan,” gaya ng tawag sa kanila sa Daniel 7:18. Karagdagan pa, “ang tapat at maingat na alipin” ay gumawa ng paglalaan sa ating lahat upang magtamo tayo ng higit pang kaunawaan sa mga kinasihang sulat ng propetang si Daniel. (Mateo 24:45) Makukuha na ngayon ito mula sa kamakailang paglalabas ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! Ang publikasyong ito na may 320 pahina at magagandang larawan ay sumasaklaw sa lahat ng bahagi ng aklat ng Daniel. Tinatalakay nito ang bawat nakapagpapatibay-pananampalatayang hula at bawat salaysay na iniulat ng minamahal na propetang si Daniel.
Tunay na Kahulugan Para sa Ating Kaarawan
27, 28. (a) Ano ang totoo hinggil sa katuparan ng mga hula sa aklat ng Daniel? (b) Sa anong yugto tayo nabubuhay, at ano ang dapat nating gawin?
27 Isaalang-alang ang mahalagang puntong ito: Lahat ng mga hula sa aklat ng Daniel ay natupad na maliban sa ilang detalye. Halimbawa, nakikita na natin ngayon ang kalagayan ng daigdig na inilalarawan ng mga paa ng imahen sa panaginip sa Daniel kabanata 2. Ang tuod ng punungkahoy sa Daniel kabanata 4 ay inalisan ng bigkis nang lumuklok sa trono ang Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo, noong taóng 1914. Oo, gaya ng inihula sa Daniel kabanata 7, noong panahong iyon ang pamamahala ay ibinigay ng Sinauna sa mga Araw sa Anak ng tao.—Daniel 7:13, 14; Mateo 16:27–17:9.
28 Ang 2,300 araw sa Daniel kabanata 8 gayundin ang 1,290 at ang 1,335 araw sa kabanata 12 ay pawang nakalipas na—nasa likuran na natin sa agos ng panahon. Ipinakikita ng pag-aaral sa Daniel kabanata 11 na ang labanan sa pagitan ng “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog” ay umabot na sa mga huling yugto nito. Lahat ng ito ay nagpapatibay sa maka-Kasulatang patotoo na tayo’y nasa dulong bahagi na ng panahon ng kawakasan. Sa pagsasaalang-alang sa ating bukod-tanging dako sa agos ng panahon, ano ang dapat na maging determinado nating gawin? Walang-alinlangan, dapat tayong magbigay-pansin sa makahulang salita ng Diyos na Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang ibig ng Diyos na malaman ng buong sangkatauhan hinggil sa ating kaarawan?
• Paano mapatitibay ng aklat ng Daniel ang ating pananampalataya?
• Ano ang mga katangian ng imahen sa panaginip ni Nabucodonosor, at ano ang isinagisag ng mga ito?
• Ano ang kapansin-pansin hinggil sa katuparan ng mga hulang masusumpungan sa aklat ng Daniel?
[Mga Tanong sa Aralin]