Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Nagbabagong Diwa ng “Kristiyanismo”—Kanais-nais ba sa Diyos?

Ang Nagbabagong Diwa ng “Kristiyanismo”—Kanais-nais ba sa Diyos?

Ang Nagbabagong Diwa ng “Kristiyanismo”​—Kanais-nais ba sa Diyos?

IPAGPALAGAY na hinilingan mo ang isang pintor na iguhit ka ng larawan. Nang matapos siya, tuwang-tuwa ka; kahawig na kahawig mo ito. Naguguniguni mo ang iyong mga anak, apo, at ang kanilang mga apo na nakatingin sa iyong larawan taglay ang labis na pagmamalaki.

Gayunman, pagkalipas ng ilang henerasyon, isa sa iyong mga inapo ang nakadama na ang nakakalbong noo sa larawan ay hindi kapuri-puri, kaya pinadagdagan niya ito ng buhok. Hindi naman nagugustuhan ng isa ang hugis ng ilong, kaya pinabago niya ito. Sumunod ang iba pang “pagpapaganda” sa mga sumunod na henerasyon, kung kaya sa kalaunan ang larawan ay hindi na nahahawig sa iyo. Kung alam mo na mangyayari ito, ano ang madarama mo? Walang alinlangan na magagalit ka.

Nakalulungkot, ang kuwento ng larawang ito, sa diwa, ay ang kuwento ng naturingang simbahang Kristiyano. Ipinakikita ng kasaysayan na di-nagtagal pagkamatay ng mga apostol ni Kristo, ang opisyal na diwa ng “Kristiyanismo” ay nagsimulang magbago, gaya ng inihula ng Bibliya.​—Mateo 13:24-30, 37-43; Gawa 20:30. *

Sabihin pa, angkop lamang na ikapit ang mga simulain ng Bibliya sa iba’t ibang mga kultura at mga yugto ng panahon. Ibang usapan naman na palitan ang mga turo ng Bibliya upang bumagay sa popular na kaisipan. Gayunman, iyan mismo ang nangyari. Halimbawa, isaalang-alang ang mga pagbabagong ginawa sa ilang mahahalagang bahagi.

Nakiisa ang Simbahan sa Estado

Itinuro ni Jesus na ang kaniyang pamamahala, o Kaharian, ay isang makalangit na kaharian na pupuksa, sa takdang panahon, sa lahat ng pamamahala at pamahalaan ng tao sa buong lupa. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Hindi ito mamamahala sa pamamagitan ng makapulitikang sistema ng tao. “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito,” ang sabi ni Jesus. (Juan 17:16; 18:36) Kaya, ang mga alagad ni Jesus, bagaman masunurin-sa-batas, ay hindi nakikibahagi sa pulitika.

Gayunman, sa panahon ng emperador ng Roma na si Constantino noong ikaapat na siglo, maraming nag-aangking mga Kristiyano ang naging mainipin sa paghihintay sa pagbabalik ni Kristo at sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos. Unti-unti, ang kanilang saloobin hinggil sa pulitika ay nagbago. “Bago si Constantino,” ang sabi ng aklat na Europe​—A History, “hindi naghangad ang mga Kristiyano na tumanggap ng kapangyarihan[g pulitikal] bilang paraan upang palaganapin ang kanilang layunin at paniniwala. Pagkatapos ni Constantino, ang Kristiyanismo at matataas na pulitiko ay naging malapit na magkasama.” Ang binagong Kristiyanismo ang siyang naging opisyal na “pandaigdig,” o “katoliko[ng],” relihiyon ng Imperyong Romano.

Sinasabi ng ensayklopidiya na Great Ages of Man na dahilan sa malapit na ugnayang ito ng Simbahan-Estado, “noong A.D. 385, 80 taon lamang pagkatapos ng huling malaking bugso ng pag-uusig sa mga Kristiyano, nagsimulang ipapatay ng Simbahan mismo ang mga erehes, at ang mga klero nito ay nagtataglay ng kapangyarihang halos kapantay niyaong sa mga emperador.” Sa gayon ay nagpasimula ang isang panahon kung saan pinalitan ng espada ang panghihikayat bilang paraan ng pangungumberte, at hinalinhan ng titulado at mapag-imbot sa kapangyarihan na klero ang mapagpakumbabang mga mangangaral ng unang siglo. (Mateo 23:9, 10; 28:19, 20) Sumulat ang istoryador na si H. G. Wells tungkol sa “malaking mga pagkakaiba sa pagitan” ng ikaapat na siglong Kristiyanismo “at sa turo ni Jesus ng Nazaret.” Ang “malaking mga pagkakaiba” na ito ay nakaapekto pa nga sa mahahalagang turo tungkol sa Diyos at kay Kristo.

Pagbabago sa Katauhan ng Diyos

Itinuro ni Kristo at ng kaniyang mga alagad na mayroon lamang “isang Diyos ang Ama,” na kilala sa kaniyang personal na pangalang Jehova, na lumilitaw nang mga 7,000 beses sa sinaunang mga manuskrito sa Bibliya. (1 Corinto 8:6; Awit 83:18) Si Jesus ay nilalang ng Diyos; siya “ang panganay ng bawat nilalang,” ang sabi ng Catholic Douay Version ng Bibliya sa Colosas 1:15. Kaya, bilang isang nilalang, prangkahang sinabi ni Jesus: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.”​—Juan 14:28.

Ngunit sa pagsapit ng ikatlong siglo, sinimulang palitan ng ilang maimpluwensiyang klerigo, palibhasa’y naakit sa turong trinitaryo ng paganong pilosopong Griego na si Plato, ang anyo ng Diyos upang bumagay sa Trinitaryong paliwanag. Noong sumunod na mga siglo, ang doktrinang ito ay di-makakasulatang nagtaas kay Jesus na maging kapantay ni Jehova at ginawang isang persona ang banal na espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos.

May kaugnayan sa pagpapasok ng simbahan sa paganong ideya ng Trinidad, ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang paliwanag na ‘isang Diyos sa tatlong Persona’ ay hindi napagtibay, at hindi lubos na tinanggap sa Kristiyanong pamumuhay at sa pag-aangkin nito ng pananampalataya, bago magtapos ang ika-4 na siglo. Ngunit ang paliwanag na ito ang siyang unang tinawag na ang turong Trinitaryo. Hindi man lamang nabanggit kahit bahagya sa gitna ng Apostolikong mga Ama ang ganitong kaisipan o pangmalas.”

Sa katulad na paraan, sinabi ng The Encyclopedia Americana: “Ang Trinitarianismo ng ika-4 na siglo ay hindi talaga kahawig ng turong Kristiyano noong una tungkol sa kayarian ng Diyos; sa halip, ito’y paglihis mula sa turong ito.” Tinatawag ng The Oxford Companion to the Bible ang Trinidad na isa sa maraming “pagpapaliwanag ng kredo noong dakong huli.” Gayunman, hindi lamang ang Trinidad ang tanging ideyang pagano na nakapasok sa simbahan.

Pagpapalit sa Kahulugan ng Kaluluwa

Karaniwan nang pinaniniwalaan sa ngayon na ang mga tao ay may imortal na kaluluwa na nananatiling buháy pagkamatay ng katawan. Ngunit alam mo ba na ang turong ito ng simbahan ay idinagdag din noong dakong huli? Pinagtibay ni Jesus ang katotohanan sa Bibliya na ang patay “ay walang anumang kabatiran,” na ang mga ito ay tulog, wika nga. (Eclesiastes 9:5; Juan 11:11-13) Ang buhay ay isasauli sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli​—‘isang muling pagbangon’ mula sa pagkakatulog sa kamatayan. (Juan 5:28, 29) Ang isang imortal na kaluluwa, kung umiiral man ito, ay hindi na kailangang buhayin pang muli, sapagkat walang bisa ang kamatayan sa imortalidad.

Itinanghal pa nga ni Jesus ang turo ng Bibliya sa pagkabuhay-muli sa pamamagitan ng pagbabangon ng mga tao mula sa kamatayan. Tingnan ang halimbawa ni Lazaro, na patay na sa loob ng apat na araw. Nang buhayin siyang muli ni Jesus, lumabas si Lazaro mula sa libingan na isang buháy at humihingang tao. Walang imortal na kaluluwa na bumalik muli mula sa makalangit na dako tungo sa kaniyang katawan nang si Lazaro ay nagising mula sa mga patay. Kung iyan sana ang kalagayan, walang nagawang pabor si Jesus sa kaniya sa pamamagitan ng muling pagbuhay sa kaniya!​—Juan 11:39, 43, 44.

Kung gayon, ano ang pinagmulan ng teoriya ng imortal na kaluluwa? Sinasabi ng The Westminster Dictionary of Christian Theology na ang ideya ay “higit na nagmula sa pilosopiyang Griego kaysa sa pagsisiwalat ng Bibliya.” Ipinaliliwanag ng The Jewish Encyclopedia: “Ang paniniwala na ang kaluluwa ay patuloy na umiiral pagkamatay ng katawan ay salig sa mga teoriya ng pilosopiya o teolohiya sa halip na sa payak na pananampalataya, at dahil dito’y hindi tuwirang itinuturo sa Banal na Kasulatan.”

Kadalasan, ang isang kasinungalingan ay nasusundan ng isa pa, at iyan ay totoo kung tungkol sa turo ng kaluluwang imortal. Ito ang nagpasimula sa paniniwala ng pagano sa walang-hanggang pagpapahirap sa isang maapoy na impiyerno. * Gayunman, maliwanag na binabanggit ng Bibliya na “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan”​—hindi walang-hanggang pagpapahirap. (Roma 6:23) Kaya, sa paglalarawan sa pagkabuhay-muli, ang King James Version ay nagsasabi: “Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng impiyerno ang mga patay na nasa kanila.” Gayundin naman, sinasabi ng Bibliya na Douay na “ibinigay ng dagat . . . at ng kamatayan at ng impiyerno ang kanilang mga patay.” Oo, sa madali’t sabi, yaong mga nasa impiyerno ay patay, ‘natutulog,’ gaya ng sinabi ni Jesus.​—Apocalipsis 20:13.

Ikaw ba’y taimtim na naniniwala na ang turo ng walang-hanggang sumpa sa impiyerno ay nagpapalapit sa mga tao sa Diyos? Hinding-hindi. Sa isipan ng mga taong makatarungan at maibigin, ito’y isang kasuklam-suklam na kaisipan! Ang Bibliya, sa kabilang panig, ay nagtuturo na “ang Diyos ay pag-ibig” at na ang kalupitan, maging sa mga hayop, ay nakamumuhi sa kaniya.​—1 Juan 4:8; Kawikaan 12:10; Jeremias 7:31; Jonas 4:11.

Pagpapapangit sa “Larawan” sa Makabagong Panahon

Ang pagpapapangit sa Diyos at sa Kristiyanismo ay nagpapatuloy sa ngayon. Inilarawan kamakailan ng isang propesor sa relihiyon ang pakikipagpunyagi sa kaniyang simbahang Protestante na “laban sa awtoridad ng Kasulatan at kredo laban sa awtoridad ng mga ideolohiyang magkasalungat at makatao, sa pagitan ng katapatan ng simbahan sa pagkapanginoon ni Kristo laban sa pakikibagay at pagbabago ng Kristiyanismo upang bumagay sa pag-iisip ng kasalukuyang panahon. Ang isyung nasasangkot ay ito: Sino ang magtatakda ng landasin ng simbahan . . . Banal na Kasulatan o ang kasalukuyang nangingibabaw na ideolohiya?”

Nakalulungkot, “ang kasalukuyang nangingibabaw na ideolohiya” ay malamang na magtagumpay pa rin. Halimbawa, hindi maililihim na maraming simbahan ang nagbago sa kanilang paninindigan sa iba’t ibang mga usapin upang magtinging masulong at walang-kinikilingan. Lalo na ang hinggil sa mga bagay-bagay tungkol sa moral, ang mga simbahan ay naging labis na maluwag, gaya ng nabanggit sa panimulang artikulo. Gayunman, maliwanag na binabanggit ng Bibliya na ang pakikiapid, pangangalunya, at homoseksuwalidad ay malulubhang kasalanan sa paningin ng Diyos at yaong mga nagsasagawa ng gayong mga kasalanan ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”​—1 Corinto 6:9, 10; Mateo 5:27-32; Roma 1:26, 27.

Noong isulat ni apostol Pablo ang mga salitang sinipi sa itaas, palasak na sa Greco-Romanong daigdig sa palibot niya ang lahat ng anyo ng kabalakyutan. Maaari sanang ipinangatuwiran ni Pablo: ‘Oo, ginawang abo ng Diyos ang Sodoma at Gomorra dahil sa malulubhang seksuwal na kasalanan, subalit iyo’y 2,000 taon na ang nakalipas! Tiyak na hindi na ito kapit sa naliwanagang panahong ito.’ Gayunman, hindi siya nangatuwiran; tumanggi siya na pasamain ang katotohanan sa Bibliya.​—Galacia 5:19-23.

Tumingin sa Orihinal na “Larawan”

Sa pakikipag-usap sa mga Judiong lider ng relihiyon noong kaniyang kaarawan, sinabi ni Jesus na ang kanilang pagsamba ay ‘walang kabuluhan sapagkat itinuro nila ang mga pag-uutos ng mga tao bilang mga doktrina.’ (Mateo 15:9) Ang ginawa ng mga klerigong yaon sa Kautusan ni Jehova na ibinigay sa pamamagitan ni Moises ay kagayang-kagaya ng ginawa ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan, at patuloy na ginagawa, sa turo ni Kristo​—sinabuyan nila ng “pintura” ng tradisyon ang makadiyos na katotohanan. Ngunit inalis ni Jesus ang lahat ng kasinungalingan para sa kapakinabangan ng tapat-pusong mga tao. (Marcos 7:7-13) Sinalita ni Jesus ang katotohanan, ito ma’y popular o hindi. Ang Salita ng Diyos ang lagi niyang awtoridad.​—Juan 17:17.

Kay laking pagkakaiba ang ipinakita ni Jesus sa karamihan ng nag-aangking mga Kristiyano! Sa katunayan, ang Bibliya ay humula: “Mahihilig ang mga tao sa pinakabagong karanasan at kukuha . . . ng mga guro ayon sa kanilang sariling kagustuhan; at kung magkagayon, sa halip na makinig sa katotohanan, sila’y babaling sa mga alamat.” (2 Timoteo 4:3, 4, The Jerusalem Bible) Ang “mga alamat” na ito, na naisaalang-alang natin ang ilan, ay nakasisira sa espirituwal, samantalang nakapagpapatibay naman ang katotohanan ng Salita ng Diyos, at ito’y umaakay sa buhay na walang hanggan. Ito ang katotohanan na hinihimok ng mga Saksi ni Jehova na suriin mo.​—Juan 4:24; 8:32; 17:3.

[Mga talababa]

^ par. 4 Gaya ng isiniwalat ni Jesus sa talinghaga ng trigo at ng panirang-damo at sa kaniyang ilustrasyon ng malapad at ng masikip na daan (Mateo 7:13, 14), ang tunay na Kristiyanismo ay patuloy na isasagawa ng ilan sa paglipas ng mga panahon. Gayunman, sila ay matatakpan ng mas nakararaming tulad panirang-damo, na magtataguyod sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga turo bilang ang tunay na diwa ng Kristiyanismo. Ito ang diwa na tinutukoy ng aming artikulo.

^ par. 19 Ang “impiyerno” ay salin ng salitang Hebreo na Sheol at ng salitang Griego na Hades, na kapuwa lamang nangangahulugan na “libingan.” Kaya, bagaman isinalin ng mga tagapagsalin sa Ingles ng King James Version ang Sheol nang 31 beses bilang “impiyerno,” isinalin din nila ito nang 31 beses bilang “libingan” at tatlong beses bilang “hukay,” sa gayo’y ipinakikita na ang mga terminong ito ay nangangahulugan lamang ng iisang bagay.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Ang Pinagmulan ng Pangalang Kristiyano

Sa loob ng hindi kukulangin sa sampung taon pagkamatay ni Jesus, ang kaniyang mga alagad ay kilala na kabilang sa “Daan.” (Gawa 9:2; 19:9, 23; 22:4) Bakit? Sapagkat ang kanilang paraan ng pamumuhay ay nakasentro sa pananampalataya kay Jesu-Kristo, na siyang “daan at ang katotohanan at ang buhay.” (Juan 14:6) Pagkatapos, ilang panahon pagkalipas ng 44 C.E., sa Antioquia sa Sirya, ang mga alagad ni Jesus ay ‘tinawag na mga Kristiyano sa pamamagitan ng mula-sa-Diyos na patnubay.’ (Gawa 11:26) Ang pangalang ito ay mabilis na tinanggap, maging sa gitna ng mga opisyal ng bayan. (Gawa 26:28) Hindi binago ng bagong pangalan ang Kristiyanong landas ng pamumuhay, na patuloy pa ring si Kristo ang huwaran.​—1 Pedro 2:21.

[Mga larawan sa pahina 7]

Sa pamamagitan ng kanilang pangmadlang ministeryo, inaakay ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao sa Salita ng Diyos, ang Bibliya

[Picture Credit Line sa pahina 4]

Pangatlo mula sa kaliwa: United Nations/Kuha ni Saw Lwin