Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Musika na Nakalulugod sa Diyos

Musika na Nakalulugod sa Diyos

Musika na Nakalulugod sa Diyos

Ang musika ay inilarawan bilang “ang pinakamatanda at pinakanatural sa lahat ng sining.” Katulad ng wika, ito’y isang kahanga-hangang kaloob na nagpaiba sa mga tao mula sa mga hayop. Ang musika ay pumupukaw sa mga damdamin. Maaari itong makalugod sa pandinig at manatili sa isip. Higit sa lahat, ang musika ay maaaring makalugod sa Diyos.

GAYA ng ipinakikita ng Bibliya, ang mga Israelita ay isang bayan na mahilig sa musika. Ang musika ay “isang prominenteng sining noong sinaunang panahon ng Bibliya,” komento ng Unger’s Bible Dictionary. Bilang bahagi ng pang-araw-araw na buhay, kapuwa ang musikang inaawit at tinutugtog ay itinatampok sa kanilang pagsamba. Subalit mas karaniwang ginagamit ang tinig ng tao.

Si Haring David ay humirang ng mga kinatawan sa mga Levita “sa pangunguna sa pag-awit” sa tabernakulo, bago pasinayaan ang templo na itinayo ni Solomon, na kaniyang anak. (1 Cronica 6:31, 32) Nang ang kaban ng tipan, na kumakatawan sa presensiya ni Jehova, ay dumating sa Jerusalem, si David ay nagsaayos ng ilan sa mga Levita “upang magpaalaala at upang magpasalamat at pumuri kay Jehova.” Sinaliwan nila ang kanilang pag-awit ng papuri “na may mga panugtog na uring de-kuwerdas at may mga alpa, . . . na may mga simbalo na tinutugtog nila nang malakas, . . . na may mga trumpeta.” Ang mga lalaking ito ay “tinukoy ayon sa mga pangalan upang magpasalamat kay Jehova, sapagkat ‘hanggang sa panahong walang takda ang kaniyang maibiging-kabaitan.’ ”​—1 Cronica 16:4-6, 41; 25:1.

Ang koro na ‘ang maibiging-kabaitan [ni Jehova] ay hanggang sa panahong walang takda’ ay lumilitaw nang maraming ulit sa Awit, ang aklat ng Bibliya na lubhang nauugnay sa musika. Halimbawa, ito ang bumubuo sa ikalawang bahagi ng bawat isa sa 26 na mga talata ng Awit 136. “Ang kaiklian nito ay madaling bigkasin ng mga tao,” sabi ng isang iskolar sa Bibliya. “Matatandaan ito ng lahat ng makarinig nito.”

Ang superskripsiyon sa mga awit ay nagpapahiwatig ng malaganap na paggamit ng mga instrumento sa musika. Ang Awit 150 ay bumabanggit ng tambuli, alpa, tamburin, pipa, at mga simbalo, na karagdagan pa sa mga de-kuwerdas. Gayunpaman, ang pangunahing atraksiyon ay sa tinig ng tao. Ang talatang 6 ay nagpapayo: “Ang bawat bagay na humihinga​—purihin nito si Jah. Purihin ninyo si Jah!”

Yamang ipinahahayag ng musika ang ating mga damdamin, ang malulungkot na alaala noong panahon ng Bibliya ay nag-udyok ng mga panambitan o mga orasyon. Subalit, ang anyong ito ng pag-awit ay limitado sa mga talaan ng musika ng Israel. “Sa panambitan o panaghoy lamang nababagay ang istilong orasyon alin man sa himig ng musika o sa pagbabagu-bago ng lakas ng tinig at pagdiriin ng dalisay na pananalita,” ang sabi ng ensayklopidiya sa Bibliya na Insight on the Scriptures. *

Si Jesus at ang kaniyang tapat na mga apostol ay umawit ng mga papuri kay Jehova noong gabi bago mamatay si Jesus, walang alinlangang inaawit ang mga salita ng mga Salmong Hallel. (Awit 113-​118) Tiyak na napatibay nito ang mga alagad ni Jesus na harapin ang pagkamatay ng kanilang Panginoon! Higit pa riyan, ang kanilang pasiyang manatiling tapat na mga lingkod ng Kataas-taasang Soberano ng sansinukob, si Jehova, ay tiyak na sumidhi habang limang ulit nilang inawit ang koro na “sapagkat ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang takda.”​—Awit 118:1-4, 29.

Ang mga unang Kristiyano sa Efeso at sa Colosas ay umawit ng “mga salmo at mga papuri sa Diyos” (sa literal, “mga himno”). Idinagdag nila sa mga ito ang “mga espirituwal na awit” na inaawit sa kanilang mga puso. (Efeso 5:19; Colosas 3:16) Sa pamamagitan kapuwa ng awit at pananalita, angkop na ginamit nila ang kanilang mga bibig upang magpahayag ng papuri. Hindi ba’t sinabi ni Jesus na “mula sa kasaganaan ng puso ang bibig ay nagsasalita”?​—Mateo 12:34.

Musika na Hindi Nakalulugod sa Diyos

Hindi lahat ng musikang binanggit sa Bibliya ay nakalulugod sa Diyos. Isaalang-alang ang insidenteng nangyari sa Bundok ng Sinai, kung saan tinanggap ni Moises ang Kautusan, pati na ang Sampung Utos. Nang bumaba si Moises sa bundok, ano ang narinig niya? “Hindi ito ingay ng pag-awit dahil sa makapangyarihang gawa,” “hindi ito ingay ng pag-awit ng pagkatalo,” kundi ang “ingay ng ibang pag-awit.” Ito ay musikang nauugnay sa idolatriya, isang gawain na hindi kinalugdan ng Diyos at naging dahilan ng pagkamatay ng mga 3,000 niyaong mga kumatha ng musika.​—Exodo 32:18, 25-28.

Bagaman ang mga tao ay maaaring kumatha, tumugtog, at masiyahan sa lahat ng uri ng musika, hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng ito ay nakalulugod sa Diyos. Bakit hindi? Ang Kristiyanong si apostol Pablo ay nagpaliwanag: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Ang paganong mga ritwal sa pagkapalaanakin, ang doktrina ng imortalidad ng kaluluwa ng tao, at ang pagsamba kay Maria bilang ang “ina ng Diyos” ay kadalasang itinatampok bilang mga paksa ng mga komposisyong pangmusika. Gayunman, ang mga paniniwala at mga gawaing ito ay hindi nagpaparangal sa Diyos ng katotohanan, sapagkat ang mga ito’y salungat sa kung ano ang isiniwalat sa kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya.​—Deuteronomio 18:10-12; Ezekiel 18:4; Lucas 1:35, 38.

Matalinong Pagpili ng Musika

Nakalilito sa dami ang mapagpipiliang musika. Ang mga takip ng mga compact disc ay dinisenyo upang hikayatin ang mga parokyano na bumili ng lahat ng uri ng mga rekording na pangmusika. Subalit kung ibig ng mananamba ng Diyos na palugdan Siya, magiging maingat siya at matalinong pipili upang maiwasan ang mga awit at musikang pang-instrumento na naimpluwensiyahan ng huwad na mga paniniwalang relihiyoso o na nagtatampok ng imoralidad at demonismo.

Si Albert, na dating naglilingkod bilang isang Kristiyanong misyonero sa Aprika, ay nagsabi na wala siyang gaanong pagkakataon na tumugtog ng piyano doon. Gayunman, siya’y paulit-ulit na nakikinig sa ilang malalaking plaka na dala niya. Pagbalik niya sa kaniyang lupang tinubuan, si Albert ngayon ay dumadalaw sa Kristiyanong mga kongregasyon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Limitado ang kaniyang panahon sa pakikinig sa musika. “Ang paborito kong maykatha ay si Beethoven,” aniya. “Sa nakalipas na mga taon, nakakolekta ako ng mga plaka ng kaniyang mga simponiya, konsiyerto, sonata, at mga quartet.” Ang pakikinig sa mga ito ay nagdulot sa kaniya ng malaking kasiyahan. Sabihin pa, ang bawat tao ay may kani-kaniyang naiibigang musika, subalit bilang mga Kristiyano ating isinasaisip ang payo ni Pablo: “Kumakain man kayo o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos.”​—1 Corinto 10:31.

Musika at Pagiging Dedikado

Musika ang unang pag-ibig ni Susie. “Nagsimula akong tumugtog ng piyano sa gulang na 6, ng biyolin sa gulang na 10, at sa wakas ng alpa sa gulang na 12,” ang paliwanag niya. Nang maglaon, si Susie ay pumasok sa Royal College of Music sa London, Inglatera, upang mag-aral ng alpa. Nag-aral siya sa loob ng apat na taon sa isang kilalang Kastilang manunugtog ng alpa at isa pang taon sa Paris Conservatoire, na nagtamo ng titulo ng karangalan sa musika gayundin ng mga diploma sa pagtugtog ng alpa at pagtuturo ng piyano.

Si Susie ay naging kaugnay sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa London. Nasumpungan niya roon ang tunay na malasakit at pag-ibig sa gitna ng mga kapuwa Saksi. Unti-unti, lumaki ang kaniyang pag-ibig kay Jehova, at ang kaniyang sigasig sa paglilingkod sa kaniya ang nag-udyok sa kaniya na humanap ng mga paraan upang maglingkod sa kaniya. Ito ay umakay sa pag-aalay at bautismo. “Ang pagtataguyod sa musika bilang isang karera ay isang dedikadong paraan ng buhay, kaya pamilyar na ako sa isang buhay na dedikado,” ang sabi ni Susie. Ang kaniyang panahon para sa mga pagtugtog sa konsiyerto ay nabawasan habang nakikibahagi siya sa ministeryong Kristiyano ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos bilang pagsunod sa mga tagubilin ni Jesus.​—Mateo 24:14; Marcos 13:10.

Ngayon na siya’y gumugugol ng limitadong panahon lamang sa pagtugtog ng musika, ano ang nadarama niya? “Kung minsan ay medyo nakadarama ako ng pagkasiphayo dahil sa wala akong higit na panahon upang mag-ensayo,” aniya, “subalit tumutugtog pa rin ako ng aking mga instrumento at nasisiyahan sa musika. Ang musika ay isang kaloob buhat kay Jehova. Lalo akong nasisiyahan dito ngayon na inuna ko sa aking buhay ang paglilingkod sa kaniya.”​—Mateo 6:33.

Musika na Pumupuri sa Diyos

Sina Albert at Susie kasama ang halos anim na milyong iba pang mga Saksi ni Jehova ay regular na pumupuri sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng musika. Sa mga Kristiyanong pulong na idinaraos sa mga Kingdom Hall sa 234 na mga lupain, kung saan posible, ay sinisimulan nila at tinatapos ang kanilang mga pulong sa pamamagitan ng pag-awit ng mga awit kay Jehova. Sa major at minor na tunugan, ang magagandang himig ay may mga lirikong batay sa Kasulatan bilang papuri sa Diyos na Jehova.

Inilalakas ng lahat ng naroroon ang kanilang tinig upang masiglang umawit na si Jehova ay isang Diyos na nagmamalasakit (Awit 44). Umaawit sila ng isang awit ng papuri kay Jehova. (Awit 190). Itinatampok ng kanilang mga awit ang mga kagalakan at mga pananagutan ng kapatirang Kristiyano, Kristiyanong pamumuhay, at mga katangiang Kristiyano. Nakadaragdag pa sa kanilang kasiyahan ay ang iba’t ibang istilong musikal na ginamit ng mga Saksi mula sa Asia, Australia, Europa, at Hilaga at Timog Amerika nang kinakatha ang mga himig. *

“Umawit kayo kay Jehova ng bagong awit. Umawit kayo kay Jehova, kayong lahat ng mga tao sa lupa. Umawit kayo kay Jehova, pagpalain ninyo ang kaniyang pangalan,” ang pambungad na pananalita ng isang dakilang maharlikang awit ng papuri na isinulat noong panahon ng salmista. “Sa araw-araw ay ihayag ninyo ang mabuting balita ng kaniyang pagliligtas. Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, ang kaniyang mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.” (Awit 96:1-3) Ito ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, at inaanyayahan ka nilang sumama sa kanila sa pag-awit ng papuring ito. Ikaw ay malugod na tatanggapin sa kanilang mga Kingdom Hall, kung saan maaari mong matutuhang purihin si Jehova sa pamamagitan ng musika na nakalulugod sa kaniya.

[Mga talababa]

^ par. 7 Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

^ par. 22 Ang mga awit na ito ay itinampok sa aklat na Umawit ng mga Papuri kay Jehova, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 28]

Pag-awit ng mga papuri kay Jehova