Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natulungan Ako Upang Mapagtagumpayan ang Aking Pagkamahiyain

Natulungan Ako Upang Mapagtagumpayan ang Aking Pagkamahiyain

Natulungan Ako Upang Mapagtagumpayan ang Aking Pagkamahiyain

AYON SA SALAYSAY NI RUTH L. ULRICH

Nanlupaypay ako’t umiyak doon mismo sa baitang sa labas ng pinto ng klerigo. Katatapos pa lamang niyang magpaulan ng maling mga paratang laban kay Charles T. Russell, na naglingkod bilang unang presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society. Hayaan mong ipaliwanag ko kung paanong ako, na isa lamang batang babae, ay nagsasagawa ng gayong mga pagdalaw sa mga tao.

AKO’Y isinilang sa isang napakarelihiyosong pamilya sa isang bukirin sa Nebraska, E.U.A., noong 1910. Ang aming pamilya ay sama-samang nagbabasa ng Bibliya tuwing umaga at gabi pagkatapos kumain. Si Tatay ang superintendente ng Sunday-school sa simbahang Metodista sa maliit na bayan ng Winside, mga anim na kilometro mula sa aming bukid. Mayroon kaming karwahe na hinihila ng kabayo at may mga bintana na may mga kurtina, upang sa anumang lagay ng panahon, kami ay makapagsisimba kung Linggo ng umaga.

Nang ako’y mga walong taon, nagkasakit ang aking kapatid na sanggol na lalaki ng polio, at dinala siya ni Nanay sa isang sanitaryum sa Iowa para ipagamot. Sa kabila ng kaniyang puspusang pangangalaga, namatay ang aking kapatid samantalang sila ay naroroon. Gayunman, samantalang naroroon sa Iowa, nakilala ni Nanay ang isang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Nagkaroon sila ng maraming pag-uusap, at sumama pa nga si Nanay sa babae sa ilang pulong ng mga Estudyante ng Bibliya.

Nang umuwi si Nanay, dala niya ang ilang tomo ng Studies in the Scriptures, na inilathala ng Samahang Watch Tower. Hindi nagtagal ay nakumbinsi siya na ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagtuturo ng katotohanan at na ang mga turo ng imortalidad ng kaluluwa ng tao at ng walang-hanggang pagpapahirap sa mga balakyot ay hindi totoo.​—Genesis 2:7; Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4.

Gayunman, labis na nagalit si Tatay, at sinalansang niya ang mga pagsisikap ni Nanay na dumalo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya. Lagi niya kaming isinasama ng aking kuya, si Clarence, sa simbahan. Subalit kapag wala si Tatay sa bahay, inaaralan kami ni Nanay sa Bibliya. Bunga nito, kaming mga anak ay nagkaroon ng magandang pagkakataon na ihambing ang mga turo ng mga Estudyante ng Bibliya sa mga turo ng aming simbahan.

Kami ni Clarence ay regular na dumadalo sa Sunday school sa simbahan, at nagtatanong siya sa guro ng mga katanungang hindi naman nito masagot. Pagdating namin sa bahay, ikinukuwento namin ito sa aming ina, at ito’y humantong sa mahahabang pag-uusap tungkol sa mga paksang ito. Sa wakas, umalis ako sa simbahan at nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya na kasama ni Nanay, at di-nagtagal ay gayundin ang ginawa ni Clarence.

Pagharap sa Pagkamahiyain

Noong Setyembre 1922, kami ni Nanay ay dumalo sa hindi malilimot na kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cedar Point, Ohio. Nagugunita ko pa ang napakalaking baner na iyon na lumaladlad habang hinihimok ni Joseph F. Rutherford, noo’y presidente ng Samahang Watch Tower, ang mahigit na 18,000 na dumalo, sa mga pananalita na nasa baner: “Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian.” Labis akong naantig at nadama ko ang pagkaapurahan na sabihin sa iba ang hinggil sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 6:9, 10; 24:14.

Sa mga kombensiyon na idinaos mula noong 1922 hanggang 1928, isang serye ng mga resolusyon ang pinagtibay, at ang mga mensahe ay inilakip sa mga tract na ipinamahagi ng mga Estudyante ng Bibliya nang sampu-sampung milyon sa mga tao sa buong daigdig. Ako’y balingkinitan at matangkad​—anupat binansagan nila akong asong greyhound​—at ako’y sumusugod sa bahay-bahay na namamahagi ng inilimbag na mga mensaheng ito. Talagang nasisiyahan ako sa gawaing ito. Gayunman, ibang bagay naman ang pakikipag-usap sa mga pintuan, na personal na ipinakikipag-usap sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos.

Alam mo, napakamahiyain ko anupat takot na takot nga ako kapag inaanyayahan ni Nanay ang maraming kamag-anak sa bawat taon. Nagtatago ako sa aking kuwarto at nananatili roon. Minsan, gusto ni Nanay na kunan ng litrato ang buong pamilya, at sinabihan niya akong lumabas ng kuwarto. Palibhasa’y ayaw kong sumama sa kanila, nagsisisigaw ako habang literal na kinakaladkad niya ako palabas ng aking silid.

Gayunman, dumating ang araw nang determinadong inilagay ko ang ilang literatura ng Bibliya sa isang bag. Paulit-ulit kong sinabi, “Hindi ko magagawa ito,” subalit pagkatapos ay sinabi ko sa aking sarili, “dapat kong gawin ito.” Sa wakas, nangaral ako. Pagkatapos, tuwang-tuwa ako na nagkaroon ako ng lakas ng loob na lumabas. Ang pinakamalaking kagalakan ko ay dahil sa nagawa ko ang gawain, hindi dahil sa aktuwal na paggawa nito. Noong mga panahong iyon na natagpuan ko ang klerigo na nabanggit kanina at ako’y umalis na umiiyak. Sa paglipas ng panahon, sa tulong ni Jehova ay nagawa kong makipag-usap sa mga tao sa kanilang tahanan, at naragdagan ang aking kagalakan. Pagkatapos, noong 1925, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.

Pagsisimula sa Buong-Panahong Ministeryo

Nang ako’y 18 anyos, bumili ako ng isang kotse sa pamamagitan ng perang minana ko sa aking tiya at nagsimula akong magpayunir, gaya ng tawag sa buong-panahong ministeryo. Pagkalipas ng dalawang taon, noong 1930, kami ng kapartner ko ay tumanggap ng isang atas sa pangangaral. Nang panahong iyon ay nagsimula ring magpayunir si Clarence. Di-nagtagal pagkatapos niyan ay tumanggap siya ng isang paanyaya na maglingkod sa Bethel, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.

Halos nang panahong ito ay naghiwalay ang aming mga magulang, kaya’t kami ni Nanay ay nagpagawa ng isang treyler na bahay at nagsimulang magpayunir na magkasama. Iyan ay noong panahong nagsimula ang Matinding Depresyon [o pagbagsak ng ekonomiya] sa Estados Unidos. Isang malaking hamon ang magpatuloy sa gawaing pagpapayunir, subalit determinado kaming huwag huminto. Ipinagpalit namin ang mga literatura ng Bibliya sa mga manok, itlog, at mga ani sa halamanan, gayundin ng mga bagay na gaya ng mga lumang batirya at itinapon nang aluminyo. Ang mga huling nabanggit ay ipinagbibili namin upang ipambili ng gasolina para sa kotse at upang matugunan ang iba pang gastusin. Natutuhan ko ring maglagay ng grasa sa kotse at magpalit ng langis upang makatipid ng salapi. Tapat sa kaniyang salita, nakita namin na binuksan ni Jehova ang daan upang tulungan kami na mapagtagumpayan ang mga balakid.​—Mateo 6:33.

Patungo sa mga Atas Misyonero

Noong 1946, ako’y naanyayahang mag-aral sa ikapitong klase ng Watchtower Bible School of Gilead, na matatagpuan malapit sa South Lansing, New York. Nang panahong iyon, kami ni Nanay ay magkasamang nagpayunir sa loob na ng mahigit na 15 taon, gayunman ayaw niyang humadlang sa pagkakataon kong tumanggap ng pagsasanay para sa gawaing misyonero. Kaya pinatibay niya ako na tanggapin ang pribilehiyo na mag-aral sa Paaralang Gilead. Pagkatapos ng gradwasyon, kami ni Martha Hess ng Peoria, Illinois, ay naging magkapartner. Kami, kasama ng dalawa pa, ay naatasan sa Cleveland, Ohio, sa loob ng isang taon habang hinihintay namin ang isang atas sa ibang bansa.

Ang atas na iyon ay dumating noong 1947. Kami ni Martha ay naatasan sa Hawaii. Yamang madaling mandayuhan sa mga islang ito, sumama si Nanay at tumira na malapit sa amin sa lunsod ng Honolulu. Humihina ang kaniyang kalusugan, kaya bukod sa pag-aasikaso sa aking mga gawaing misyonero, tumulong ako kay Nanay. Naalagaan ko siya hanggang sa mamatay siya sa Hawaii noong 1956, sa gulang na 77 taon. Nang dumating kami, mayroon lamang 130 Saksi sa Hawaii, subalit noong panahong mamatay si Nanay, mayroon nang mahigit na isang libo, at hindi na kailangan ang mga misyonero.

Pagkatapos, kami ni Martha ay tumanggap ng isang liham mula sa Samahang Watch Tower na nag-aalok sa amin ng isang atas sa Hapón. Ang aming unang ikinabahala ay kung matututuhan kaya namin ang wikang Hapones sa aming edad. Ako ay 48 taóng gulang na noon, at si Martha ay mas bata lamang ng apat na taon. Subalit ipinaubaya namin ang bagay na ito sa mga kamay ni Jehova at tinanggap namin ang atas.

Pagkatapos na pagkatapos ng internasyonal na kombensiyon noong 1958 sa Yankee Stadium at Polo Grounds sa Lunsod ng New York, nagtungo kami sa Tokyo sakay ng barko. Sinalpok kami ng isang bagyo habang papalapit kami sa daungan sa Yokohama, kung saan kami ay sinundo nina Don at Mabel Haslett, Lloyd at Melba Barry, at ng iba pang mga misyonero. Nang panahong iyon, mayroon lamang 1,124 na mga Saksi sa Hapón.

Agad kaming nagsimulang mag-aral ng wikang Haponés at nakibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay. Sa paggamit ng alpabetong Ingles, isinulat namin ang aming mga presentasyon sa wikang Haponés, na mababasa namin. Bilang tugon ay sasabihin ng mga maybahay, “Yoroshii desu” o, “Kekko desu,” na nalaman naming nangangahulugang, “Magaling” o, “Mabuti.” Subalit hindi namin alam palagi kung interesado ba o hindi ang maybahay, yamang ang mga salitang iyon ay ginagamit din upang ipahayag ang pagtanggi. Ang kahulugan ay depende sa tono ng boses na ginamit o sa hitsura ng mukha ng tao. Matagal din bago namin natutuhan ang kahulugan nito.

Mga Karanasang Nakapagpapasigla sa Aking Puso

Habang nakikipagpunyagi pa sa wika, isang araw ay dumalaw ako sa isang dormitoryo ng Mitsubishi Company at nakilala ko ang isang 20-anyos na babae. Sumulong siya nang husto sa kaalaman sa Bibliya at nabautismuhan noong 1966. Pagkalipas ng isang taon ay nagsimula siyang magpayunir at di-nagtagal pagkatapos ay naatasan bilang isang special pioneer. Mula noon ay naglingkod siya bilang payunir. Sa tuwina’y isang inspirasyon sa akin na makita kung paano niya ginamit ang kaniyang panahon at lakas mula sa kabataan sa buong-panahong ministeryo.

Ang paninindigan sa katotohanan ng Bibliya ay isang malaking hamon lalo na para sa mga tao na nakatira sa isang lipunan na hindi Kristiyano. Gayunman, nakayanan ng libu-libo ang hamong ito, pati na ang marami sa mga inaralan ko sa Bibliya. Inalis nila ang mamahaling mga Budistang altar at mga altar ng pamilyang Shinto na karaniwang matatagpuan sa mga tahanang Haponés. Yamang kung minsan ay nabibigyan ng maling kahulugan ng mga kamag-anak ang gayong mga kilos bilang kawalang-galang sa patay nang mga ninuno, nangangailangan ang mga baguhang ito ng lakas ng loob upang gawin ito. Ang kanilang may lakas ng loob na pagkilos ay nahahawig sa mga unang Kristiyano na nag-alis ng mga bagay na nauugnay sa maling pagsamba.​—Gawa 19:18-20.

Natatandaan ko ang isang estudyante sa Bibliya, isang ginang ng tahanan, na nagpaplanong umalis sa Tokyo na kasama ang kaniyang pamilya. Gusto niyang lumipat sa isang bagong bahay na walang mga bagay na nauugnay sa paganong pagsamba. Kaya sinabi niya sa kaniyang asawa ang kaniyang mga kagustuhan, at handa naman itong nakipagtulungan. Tuwang-tuwa siyang ibinalita sa akin ang tungkol dito subalit naalaala niya na mayroon siyang inimpake na isang malaki at mamahaling vase na yari sa marmol na binili niya sapagkat ito raw ay tumitiyak ng kaligayahan sa tahanan. Yamang may hinala siyang may kaugnayan ito sa huwad na pagsamba, binasag niya ang vase sa pamamagitan ng isang martilyo at itinapon ito.

Ang pagkakita sa babaing ito at sa iba pa na handang mag-alis ng mamahaling mga bagay na nauugnay sa huwad na pagsamba at may lakas ng loob na magsimula ng isang bagong buhay sa paglilingkod kay Jehova ay naging lubhang kapaki-pakinabang at kasiya-siyang karanasan para sa akin. Palagi akong nagpapasalamat kay Jehova na natamasa ko ang mahigit na 40 taon ng paglilingkod bilang misyonero sa Hapón.

Makabagong-Panahong “mga Himala”

Kapag ginugunita ko ang aking mahigit na 70 taon sa buong-panahong ministeryo, namamangha ako sa waring makabagong-panahong mga himala para sa akin. Bilang isang kabataan na pinahirapan ng pagkamahiyain, hindi ko kailanman akalain na magugugol ko ang buong buhay ko sa pakikipag-usap sa mga tao tungkol sa isang Kaharian na ayaw pakinggan ng karamihan. Gayunman, hindi ko lamang nagawa iyan kundi nakita ko ang daan-daan, kung hindi man libu-libong iba pa, na gayundin ang ginawa. At nagawa nila ito nang gayon na lamang kabisa anupat ang mahigit lamang sa isang libong Saksi na nasa Hapón nang dumating ako noong 1958 ay lumago tungo sa mahigit na 222,000 sa ngayon!

Nang una kaming dumating ni Martha sa Hapón, kami’y naatasang tumira sa tanggapang pansangay sa Tokyo. Noong 1963, isang bago at anim-na-palapag na pasilidad ng sangay ang itinayo sa lugar na ito, at doon kami nanirahan mula noon. Noong Nobyembre 1963, kabilang kami sa 163 na naroroon para sa pahayag sa pag-aalay ng aming tagapangasiwa ng sangay, si Lloyd Barry. Nang panahong iyon ay naabot na namin ang 3,000 Saksi sa Hapón.

Isang kalugurang makita ang mabilis na paglago ng gawaing pangangaral ng Kaharian, anupat umabot nang mahigit na 14,000 noong 1972 nang matapos ang isang bagong pinalaking sangay sa lunsod ng Numazu. Subalit noong 1982, mayroon nang mahigit na 68,000 tagapaghayag ng Kaharian sa Hapón, at isang mas malaking pasilidad ng sangay ang itinayo sa lunsod ng Ebina, mga 80 kilometro mula sa Tokyo.

Samantala, binago ang dating gusaling pansangay sa gitna ng Tokyo. Nang maglaon, ito’y nagsilbing isang tahanan ng mga misyonero para sa mahigit na 20 misyonero na naglingkod na sa Hapón sa loob ng 40 o 50 taon o mas matagal pa, kasama na kami ng matagal ko nang kapartner, si Martha Hess. Isang doktor at ang kaniyang asawa, na isang nars, ang nakatira rin sa aming tahanan. Inaalagaan nila kami at magiliw na inaasikaso ang aming mga pangangailangan sa kalusugan. Kamakailan, isa pang nars ang nadagdag sa kawani, at ang mga Kristiyanong kapatid na babae ay dumarating sa araw bilang mga katulong ng nars. Dalawang miyembro ng pamilyang Bethel sa Ebina ang dumarating nang halinhinan upang magluto ng pagkain at maglinis sa aming tahanan. Tunay, si Jehova ay naging mabait sa amin.​—Awit 34:8, 10.

Isang tampok na bahagi ng aking buhay misyonero ay nangyari noong nakaraang Nobyembre, 36 na taon pagkatapos ng pag-aalay ng gusaling tinitirhan ngayon ng napakarami sa amin na matatagal nang mga misyonero. Noong Nobyembre 13, 1999, kabilang ako sa 4,486, kasali na ang daan-daang matatagal nang Saksi mula sa 37 bansa, na dumalo sa pag-aalay ng pinalawak na mga pasilidad sa sangay sa Hapón ng Watch Tower Bible and Tract Society sa Ebina. Sa kasalukuyan, may mga 650 miyembro sa pamilya ng sangay na ito.

Sa loob ng halos 80 taon mula nang ako’y nagsimulang magtungo sa bahay-bahay nang nahihiya pa na naghahatid ng mga mensahe ng Bibliya, si Jehova ay naging isang nagpapalakas na tulong sa akin. Tinulungan niya akong mapagtagumpayan ko ang aking pagkamahiyain. Lubusan akong naniniwala na magagamit ni Jehova ang sinuman na naglalagak ng tiwala sa kaniya, kahit na yaong lubhang mahiyain na gaya ko. At ano ngang kasiya-siyang buhay ang tinamasa ko sa pakikipag-usap sa mga estranghero tungkol sa ating Diyos, si Jehova!

[Larawan sa pahina 21]

Kasama si Nanay at si Clarence, na dumadalaw sa amin mula sa Bethel

[Larawan sa pahina 23]

Mga miyembro ng aming klase na nag-aaral sa damuhan sa Paaralang Gilead malapit sa South Lansing, New York

[Larawan sa pahina 23]

Kaliwa: Ako, si Martha Hess, at si nanay, sa Hawaii

[Larawan sa pahina 24]

Kanan: Mga miyembro ng aming tahanang misyonero sa Tokyo

[Larawan sa pahina 24]

Ibaba: Kasama ang aking matagal nang kapartner, si Martha Hess

[Larawan sa pahina 25]

Ang aming pinalaking mga pasilidad ng sangay sa Ebina na inialay noong nakaraang Nobyembre