Nawawala Na ba ang Kahulugan ng Salitang “Kristiyano”?
Nawawala Na ba ang Kahulugan ng Salitang “Kristiyano”?
ANO ba ang ibig sabihin ng pagiging isang Kristiyano? Paano ka sasagot? Isang grupo ng mga tao na pasumalang pinili sa iba’t ibang bansa ang tinanong ng gayong katanungan, at narito ang ilan sa kanilang mga sagot:
“Sundan si Jesus at tularan siya.”
“Maging isang mabuting tao at magbahagi sa iba.”
“Tanggapin si Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas.”
“Makinig ng Misa, magrosaryo, at tumanggap ng Banal na Komunyon.”
“Hindi ako naniniwala na kailangan mo pang magsimba upang maging isang Kristiyano.”
Maging ang mga diksyunaryo ay nagbibigay ng maraming nakalilitong mga pagpapakahulugan. Sa katunayan, isang akda ang may sampung kahulugan sa ilalim ng salitang “Kristiyano,” magmula sa “paniniwala sa o pagiging kabilang sa relihiyon ni Jesu-Kristo” hanggang sa “isang disente o kasiya-siyang tao.” Hindi kataka-taka na marami ang nahihirapang magpaliwanag kung ano ang kahulugan ng pagiging isang Kristiyano.
Nagiging Lalong Liberal na Kalakaran
Sa ngayon, sa gitna ng nag-aangking mga Kristiyano—maging sa gitna niyaong magkakarelihiyon—ay masusumpungan ng isa ang maraming pagkakaiba-iba ng mga pangmalas sa mga paksang gaya ng pagkasi ng Diyos sa Bibliya, ang teoriya ng ebolusyon, pagkakasangkot ng simbahan sa pulitika, at ang pagbabahagi ng pananampalataya ng isa sa iba. Ang mga usapin sa moral, sa mga paksang tulad ng aborsiyon, homoseksuwalidad, at mga magkasintahan na nagsasama nang hindi kasal, ay kadalasang pinagmumulan ng mainit na pagtatalu-talo. Ang maliwanag na kalakaran ay ang pagiging liberal.
Halimbawa, isang hukuman ng simbahang Protestante ang bumoto kamakailan upang ipagtanggol ang karapatan ng simbahan “na maghalal ng isang elder na bakla sa kanilang sangguniang tagapamahala,” ang ulat ng babasahing Christian Century. Iniharap pa nga ng ilang teologo ang pangmalas na ang pananampalataya kay Jesus ay hindi mahalaga sa kaligtasan. Naniniwala sila na ang mga Judio, Muslim, at iba pa ay “malamang na makapapasok din sa langit [gaya ng mga Kristiyano],” ang sabi ng isang ulat sa The New York Times.
Subukin mong gunigunihin, isang Marxist na itinataguyod ang kapitalismo o isang democrat na isinusulong ang diktadura o isang nagmamalasakit sa kapaligiran na sinusuportahan ang pagkalbo sa kagubatan. “Ang taong iyan ay hindi talaga isang tunay na Marxist o isang democrat o isang nagmamalasakit sa kapaligiran,” ang sasabihin mo—at magiging tama ka. Gayunman, kung isasaalang-alang mo ang pagkakaiba-iba ng mga pangmalas na tinataglay ng nag-aangking mga Kristiyano sa ngayon, makakakita ka ng mga paniniwalang magkaibang-magkaiba at na madalas na sumasalungat sa itinuro ng Tagapagtatag ng Kristiyanismo, si Jesu-Kristo. Ano ang ipinakikita ng pagkakaiba-ibang ito ng pangmalas sa kanilang uri ng Kristiyanismo?—1 Corinto 1:10.
Ang paghimok na baguhin ang mga turong Kristiyano upang bumagay sa pag-iisip ng kasalukuyang panahon ay may mahaba nang kasaysayan, gaya ng makikita natin. Ano ang nadarama ng Diyos at ni Jesu-Kristo hinggil sa gayong mga pagbabago? Angkop bang tawagin ng mga simbahan na nagtataguyod ng mga turo na hindi nakaugat kay Kristo ang kanilang mga sarili na Kristiyano? Isasaalang-alang ang mga katanungang ito sa susunod na artikulo.