Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saan Ka Makahihingi ng Mabuting Payo?

Saan Ka Makahihingi ng Mabuting Payo?

Saan Ka Makahihingi ng Mabuting Payo?

Ang “industriya ng pagpapayo” ay isa na ngayong negosyo na kumikita ng multibilyong dolyar bawat taon. Nais ng mga tao ng tulong. Ganito ang napansin ni Heinz Lehmann na isang propesyonal sa mental na kalusugan: “May edukasyonal at panlipunang mga kakulangan [sa kasalukuyang lipunan]. Hindi na katulad ng dati ang relihiyosong mga pamantayan. Hindi na gaanong matatag ang mga pamilya . . . , at bunga nito, ang mga tao ay mabuway.” Ang awtor na si Eric Maisel ay nagsabi: “Yaong mga dati-rati’y pumupunta sa mga shaman ng tribo, sa pastor o doktor ng pamilya para humingi ng tulong hinggil sa mental, espirituwal at pisikal na mga suliranin ay umaasa na ngayon sa mga sariling-sikap na aklat bilang siyang makapaglalaan ng kasagutan.”

BUMUO ang American Psychological Association ng isang grupo upang suriin ang lumalaganap na industriyang ito. Kanilang sinabi na bagaman mayroong “malaking potensiyal na matulungan ang mga indibiduwal na maunawaan ang kanilang sarili at ang iba . . . , ang iniaanunsiyo na mga pag-aangkin at pangalan ng mga programang ito ay lalo pang pinalalabisan at pinalalaki.” Isang manunulat sa Toronto Star ang nagsabi: “Mag-ingat sa dami ng relihiyoso at espirituwal na mga panghuhuwad. . . . Mag-ingat lalo na sa mga sariling-sikap na aklat, mga tape o seminar na nag-aalok ng napakarami sa napakaikling panahon lamang, anupat kaunti lamang ang gagawing pagsisikap o pagdidisiplina sa sarili.” Ipagpalagay nang marami ang tunay na nagsisikap na tumulong sa mga nangangailangan. Gayunman, nariyan ang mapait na katotohan na may ilang walang prinsipyong mga indibiduwal ang nagsasamantala sa kalungkutan at pagdurusa ng mga tao, anupat hindi naman nagbibigay ng tunay na tulong o solusyon.

Dahil dito, anong pangunahing pinagmumulan ng tulong ang ating maaasahan? Saan tayo makasusumpong ng praktikal na payo na laging magtatagumpay?

Ang Bukal ng Di-Nagkukulang na Patnubay

Sinabi ng ika-19 na siglong mangangaral na Amerikano na si Henry Ward Beecher: “Ang Bibliya ang mapa ng Diyos upang maging iyong gabay sa paglalayag, upang huwag kang lumubog sa dagat, at upang magturo sa iyo kung nasaan ang daungan, at kung paano ito mararating nang hindi napapasadsad sa mga batuhan o sa mga balakid.” Isa pang lalaki ang nagsabi ng ganito hinggil sa Bibliya: “Walang sinuman ang napakatanda na para sa Kasulatan; lalong lumalawak at lumalalim ang aklat habang lumalawig ang ating mga taon.” Bakit dapat mong matamang pagtuunan ng pansin ang bukal na ito?

Inihaharap mismo ng Bibliya ang halaga ng sarili nito sa pagsasabing: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Ang nilalaman ng Bibliya ay nagmumula sa mismong Bukal ng buhay, ang Diyos na Jehova. (Awit 36:9) Kung gayon, may lubusan siyang kabatiran sa ating kayarian, tulad ng ipinaaalaala sa atin ng Awit 103:14: “Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” Samakatuwid, maaari tayong magtiwala nang lubusan sa halaga ng Bibliya.

Sa katunayan, naglalaman ang Bibliya ng maraming simulain at tagubilin na maaaring ikapit ukol sa iyong kapakinabangan anuman ang iyong maging kalagayan. Sa pamamagitan nito ay sinabi ng Diyos sa atin: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.” (Isaias 30:21) Tunay kayang masasapatan ng Bibliya ang mga pangangailangan ng mga indibiduwal sa ngayon? Tingnan natin.

Sinasapatan ng Bibliya ang Ating mga Pangangailangan . . .

Sa Pagharap sa mga Kabalisahan. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Napatunayan bang epektibo ang panalangin sa pagharap sa emosyonal na mga kabalisahan kaugnay ng kahirapan sa ekonomiya, pang-aabuso sa sekso at sa salita, o pagkamatay ng isang minamahal? Isaalang-alang ang sumusunod na karanasan.

Pagkatapos malaman ang tungkol sa seksuwal na pang-aabuso sa kaniyang anak na babae, si Jackie ay umamin: “Ang nadaramang pang-uusig ng budhi dahil sa kawalan ng kakayahang protektahan ang iyong anak ay hindi maipaliwanag. Kinailangan kong paglabanan ang nadaramang kapaitan, hinanakit, at galit. Unti-unting nilalason ng mga damdaming ito ang aking buhay. Kailangang-kailangan ko si Jehova upang bantayan ang aking puso.” Pagkatapos na muli’t muling basahin ang Filipos 4:6, 7, puspusan niyang sinikap na ikapit ang payo nito. “Nananalangin ako bawat araw, anupat paulit-ulit na humihiling na nawa’y huwag kong hayaan ang aking sarili na mawasak ng negatibong mga damdamin, at tinulungan ako ni Jehova na magkaroon ng isang pusong panatag at maligaya. Tunay na nadarama ko ang kapayapaan sa aking sarili,” ang salaysay ni Jackie.

Ikaw man ay maaaring mapalagay sa isang situwasyon na hindi mo kayang kontrolin o lutasin anupat nagdudulot tuloy ito ng emosyonal na kabalisahan. Sa pamamagitan ng pagsunod sa tagubilin ng Bibliya na manalangin, makakayanan mo ito sa mabisang paraan. Pinatitibay-loob tayo ng salmista sa ganitong mga pananalita: “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.”​—Awit 37:5.

Para sa Pampatibay-Loob. Sinambit ng salmista ang ganitong kapahayagan ng pagpapahalaga: “Jehova, iniibig ko ang tahanan sa iyong bahay at ang dako na tinatahanan ng iyong kaluwalhatian. Ang paa ko ay tatayo nga sa patag na dako; sa gitna ng mga nagkakatipong karamihan ay pagpapalain ko si Jehova.” (Awit 26:8, 12) Tayo ay pinatitibay ng Bibliya na regular na magtipon nang sama-sama upang sambahin si Jehova. Paano masasapatan ng ganitong pakikisalamuha ang iyong mga pangangailangan? Ano ang natuklasan ng iba?

Si Becky ay nagsalaysay: “Hindi naglilingkod kay Jehova ang aking mga magulang, kung kaya’t sinasalansang nila ako kapag sinisikap kong gumawa ng anumang bagay may kaugnayan sa paglilingkuran sa Diyos. Kailangan ang malaking pagsisikap upang makadalo ako sa mga pulong.” Nadarama ni Becky na nagtamasa siya ng maraming pagpapala dahil sa pinagsikapan niyang makadalo nang regular sa mga Kristiyanong pagpupulong. “Pinalalakas ng mga pulong ang aking pananampalataya, upang makayanan ko ang pang-araw-araw na panggigipit na napapaharap sa akin bilang isang mag-aaral, anak, at lingkod ni Jehova. Ang mga tao sa Kingdom Hall ay ibang-iba sa mga mag-aaral sa paaralan! Sila’y mapagmahal at matulungin, at ang aming mga pag-uusap ay laging nakapagpapatibay. Sila’y tunay na mga kaibigan.”

Oo, sa pamamagitan ng pagsunod sa tagubilin ng Bibliya na regular na magtipon nang sama-sama, sasapatan ni Jehova ang ating pangangailangan para sa pampatibay-loob. Dito natin mararanasan ang katotohanan ng mga pananalita ng salmista: “Ang Diyos ay kanlungan at kalakasan para sa atin, isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan.”​—Awit 46:1.

Para sa Kasiya-siya at Makabuluhang Gawain. “Maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan,” ang mungkahi ng Bibliya. (1 Corinto 15:58) Tunay bang kasiya-siya ang “gawain ng Panginoon”? Makabuluhan ba ang nagagawa ng Kristiyanong ministeryo?

Ipinahayag ni Amelia ang kaniyang nararamdaman: “Nakapagdaos ako ng pag-aaral sa Bibliya sa isang mag-asawa na malapit nang maghiwalay. Natulungan ko rin ang isang babae na ang anak na babae ay buong-lupit na pinatay. Ang babae ay pinahihirapan dahil sa kawalan ng katiyakan hinggil sa kalagayan ng mga patay. Kapuwa sa dalawang kasong ito, ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay nagdulot ng kapayapaan at pag-asa sa kanilang mga buhay. Nakadarama ako ng malaking kagalakan at kasiyahan sapagkat nagkaroon ako ng bahagi upang matulungan sila.” Sinabi ni Scott: “Kapag nagkaroon ka ng isang magandang karanasan sa ministeryo sa larangan, nakapagpasimula ka ng isang bagong pag-aaral sa Bibliya, o kaya’y nasiyahan ka sa matagumpay na pagpapatotoo sa impormal na paraan, patuloy mong maikukuwento ito sa darating na mga taon. Sa tuwing ikukuwento mo ito, bumabalik ang mismong damdamin at kasiglahan na iyong nadama noon! Ang ministeryo ang pinagmumulan ng pinakadakila at namamalaging kasiyahan.”

Maliwanag, ang pagkakapit sa tagubilin ng Bibliya upang maging aktibong mga ministro ay nakasapat sa pangangailangan ng mga indibiduwal na ito para sa kasiya-siya at makabuluhang gawain. Ikaw rin ay inaanyayahang makibahagi sa gawaing ito ng pagtuturo sa iba hinggil sa mga daan at simulain ng Diyos, at kasabay nito ay makikinabang ka rin.​—Isaias 48:17; Mateo 28:19, 20.

Pakikinabang Mula sa Salita ng Diyos

Walang alinlangan, ang Bibliya ay isang mapagkakatiwalaang bukal ng praktikal na mga tagubilin sa sanlibutan ngayon. Upang makinabang mula rito, dapat tayong magsikap nang patuluyan. Dapat natin itong basahin, pag-aralan, at bulay-bulayin nang regular. Nagpaalaala si Pablo: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.” (1 Timoteo 4:15; Deuteronomio 11:18-21) Tinitiyak ng Diyos na kung magpapagal ka upang ikapit ang kaniyang payo na masusumpungan sa Bibliya, ikaw ay magtatagumpay. Nangangako siya: “Magtiwala ka kay Jehova . . . Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”​—Kawikaan 3:5, 6.

[Mga larawan sa pahina 31]

Ang buhay ay nagiging kasiya-siya at makabuluhan kapag sinusunod ang payo ng Bibliya