Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Dapat Pagtagumpayan ang Perpeksiyonismo?

Bakit Dapat Pagtagumpayan ang Perpeksiyonismo?

Bakit Dapat Pagtagumpayan ang Perpeksiyonismo?

Lagi ka bang nagsisikap nang husto na gawin ang iyong pinakamabuti? Maliwanag, ang paggawa mo ng gayon ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa iyo at sa mga nakapaligid sa iyo sa maraming paraan. Sa kabilang panig naman, naging labis-labis naman ang paggawa ng ilan sa mga bagay-bagay at naging mga perpeksiyonista. Ano ba ang ibig sabihin nito?

BUWENO, ang isang kahulugan ng salitang “perpeksiyonismo” ay “isang disposisyon na ituring na hindi kanais-nais ang anumang bagay na hindi sakdal.” Malamang na may nakilala ka nang tao na may ganiyang disposisyon. Makikita mo na ang labis-labis na mga kahilingang itinakda nila sa iba ay maaaring pagmulan ng maraming problema, anupat lumilikha ng kapaligiran ng kawalang-kasiyahan at pagkasira ng loob. Kinikilala ng karamihan sa mga taong may timbang na pangmalas na talagang hindi kanais-nais ang perpeksiyonismo sa diwa ng labis-labis at di-makatuwirang mga kahilingan sa lahat ng bagay sa buhay. Dapat itong pagtagumpayan. Subalit, isang problema kapag ang nasasangkot ay ang atin mismong saloobin o disposisyon, anupat maaaring mahirap makilala ang hilig tungo sa gayong perpeksiyonismo, kaya isang hamon na pagtagumpayan ito.

Si Nelson ay may malaking pananagutan at maraming problemang dapat lutasin. Palagi niyang sinusuri ang mga estadistika, at produksiyon ang pinakamahalagang bagay sa kaniya. Ang perpeksiyonismo ay kadalasang nakikita na napakahalaga upang magtagumpay sa isang trabaho kung saan matindi ang kompetisyon. Bagaman maaaring pahalagahan ng ilan ang kahusayan ni Nelson, ang kaniyang pagiging perpeksiyonista ang nagiging sanhi ng kaniyang pisikal na mga problema, gaya ng mga sakit ng ulo at kaigtingan. Ikaw ba’y katulad ni Nelson?

Apektado rin ng perpeksiyonismo ang mga kabataan. Bilang isang bata, si Rita, mula sa Rio de Janeiro, ay mahilig mag-aral. Sinikap niyang huwag magtinging ambisyosa, subalit lungkot na lungkot siya kapag hindi siya nakakakuha ng pinakamataas na marka. Sabi ni Rita: “Mula sa pagkabata, inihahambing ko ang aking sarili sa iba na maraming panahon, samantalang ako ay laging maigting at nagmamadali sa paggawa ng mga bagay-bagay. Hindi ko kailanman nadama na may panahon akong magpahinga sapagkat laging may mga bagay na dapat gawin.”

Bilang isang munting bata, si Maria ay umiiyak sa pagkasiphayo kapag hindi siya nakaguguhit nang mahusay na gaya ng iba. Isa pa, sa kaniyang paghahangad na maging dalubhasa sa sining ng musika, madalas siyang nagiging maigting at nag-aalala sa halip na masiyahan sa kaniyang pagtugtog o pag-awit. Isa pang batang babae na taga-Brazil, si Tânia, na nagsikap na maging maingat at umiwas sa paligsahan, ang umamin na nagtatakda pa rin siya ng napakatataas na pamantayan para sa kaniyang sarili, kapuwa sa paaralan at sa tahanan. Inaakala niya na kung hindi tamang lahat ang kaniyang gawa, hindi siya maiibigan nang husto ng mga tao. Bukod pa riyan, si Tânia kung minsan ay umaasa nang higit sa iba, anupat siya’y nakadarama ng kabiguan at kalungkutan.

Bagaman mahalaga ang kakayahan, kasipagan, at pagkadama ng personal na kasiyahan, ang mga negatibong damdamin, gaya ng takot na mabigo, ay maaaring dahil sa pagtatakda ng di-maabot na mga tunguhin. Ang mga magulang o ang iba ay maaaring magtakda ng isang pamantayan ng kasakdalan sa mga gawain sa paaralan o sa isport anupat mahirap itong maabot ng mga kabataan. Halimbawa, mataas ang mga inaasahan ng nanay ni Ricardo sa kaniya, anupat gusto nitong siya’y maging isang doktor, makatugtog ng piyano, at magsalita ng ilang wika. Napansin mo ba na ang paraang ito, kapag isinagawa nang labis-labis, ay pinagmumulan ng mga problema o mga kabiguan?

Bakit Dapat Iwasan ang Perpeksiyonismo?

Malaki ang pangangailangan para sa trabaho na may superyor na kalidad, na nakatutugon sa matataas na pamantayan ng kahusayan at kagalingan. Kaya ang mga tao ay dapat makipagkompetensiya sa trabaho. Ang isa pang salik na nagpapangyari sa marami na magpunyagi nang husto ay ang takot na mawalan ng hanapbuhay. Ang ilang manggagawa ay nagiging parang atleta na labis-labis na nagsasakripisyo upang makapagtala ng isang bagong rekord. Pagkatapos, kapag napaharap sa mahigpit na paligsahan, baka mapilitan siyang magsanay pa nang higit, marahil ay gumagamit ng kimikal na mga sangkap upang humusay pa at​—umaasa siya​—na magwawagi. Sa halip na isang mabuting paghahangad na maging magaling, pinangyayari ng perpeksiyonismo ang mga tao na “maudyukan ng takot na mabigo” o “mapilitang maging numero uno.”​—The Feeling Good Handbook.

Walang alinlangan, inaakala ng ilan na ang nagagawa nila sa sining o sa isport ay laging mapasusulong pa. Gayunman, ayon kay Dr. Robert S. Eliot, ang “perpeksiyonismo ay ang pag-asam sa isang bagay na hindi kailanman magkakatotoo.” Sabi pa niya: “Binubuo ito ng pagkadama ng kasalanan, pagiging depensibo, at pagkatakot na tuyain.” Kaya, anong pagkatotoo ng mga salita ng matalinong si Haring Solomon: “Nakita ko ang lahat ng pagpapagal at ang lahat ng kahusayan sa paggawa, na iyon ay nagbubunga ng pagpapaligsahan sa isa’t isa; ito rin ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.”​—Eclesiastes 4:4.

Ano ang magagawa mo kung may hilig ka na maging isang perpeksiyonista? Totoo ba na mientras nagsusumikap ka nang puspusan, lalo ka namang nasisiphayo? Gusto mo bang maging hindi gaanong mapaghanap at mas relaks? Ano ang ibig sabihin ng maging sakdal? Hinahangad mo rin bang gamitin ang iyong ganap na kakayahan habang iniiwasan ang perpeksiyonismo? Kung magagamit ng di-sakdal na mga tao ang kanilang bigay-Diyos na mga kakayahan upang tuklasin ang mga bagay-bagay para sa kapakinabangan ng iba, isip-isipin kung ano ang magagawa ng sangkatauhan sa ilalim ng sakdal na mga kalagayan at ng patnubay ng Diyos!

[Larawan sa pahina 4]

Maaaring humiling ang mga magulang o ang iba ng kasakdalan, na hindi magawa ng mga kabataan