Hinimok ang Ika-108 Klase ng Gilead na Mag-ukol ng Sagradong Paglilingkod
Hinimok ang Ika-108 Klase ng Gilead na Mag-ukol ng Sagradong Paglilingkod
SA Bibliya, ang pagsamba sa Diyos ay kadalasang tinutukoy sa pamamagitan ng pananalitang “sagradong paglilingkod.” Ito’y nagmula sa isang terminong Griego na tumutukoy sa pag-uukol ng paglilingkod sa Diyos. (Roma 9:4) Ang 5,562 na nakinig sa programa ng gradwasyon ng ika-108 klase ng Watchtower Bible School of Gilead ay nakapakinig sa mga tagapagsalita na naglaan ng praktikal na payo na tutulong sa mga nagtapos na mag-ukol ng sagradong paglilingkod na kaayaaya sa Diyos na Jehova. *
Si Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang nagsilbing tsirman. Ang programa ay nagbukas sa pamamagitan ng awit bilang 52, “Ngalan ng Ama Natin.” Ang ikalawang taludtod ng awiting iyon ay naghahayag: “Laging sinisikap naming ngalan mo ay banalin.” Iyan ay tunay na nagpapahayag sa taos-pusong pagnanais ng mga estudyante ng nagtapos na klase (na nagbuhat sa 10 bansa) na gamitin ang kanilang pagsasanay sa kanilang mga atas bilang misyonero, na isasagawa sa 17 iba’t ibang lupain.
Sa kaniyang pambukas na pananalita, itinawag-pansin ni Brother Jaracz ang limang buwan na puspusang pag-aaral sa Bibliya ng mga estudyante na naghanda sa kanila para sa paglilingkod sa mga banyagang lupain. Ito ang tumulong sa kanila na ‘tiyakin ang lahat ng mga bagay,’ samakatuwid nga, suriing mabuti sa liwanag ng Salita ng Diyos ang kanilang dating natutuhan, at ‘manghawakang mahigpit sa kung ano ang mainam.’ (1 Tesalonica 5:21) Pinasigla niya sila na manatiling tapat kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa mga atas na dahilan dito’y sinanay sila. Ano ang makatutulong sa kanila habang ginagawa nila ang lahat ng ito?
Praktikal na Payo sa Pag-uukol ng Sagradong Paglilingkod
Si Lon Schilling, isang miyembro ng Bethel Operations Committee, ay nagsalita sa paksang “Papasá Ka ba sa Pagsubok Hinggil sa Pagkamakatuwiran?” Itinampok niya ang kahalagahan ng pagiging makatuwiran, na nagpapaaninaw ng makadiyos na karunungan. (Santiago 3:17) Kasangkot sa pagkamakatuwiran ang pagiging mapagparaya, walang-kinikilingan, katamtaman, makonsiderasyon, at matiisin. “Ang makatuwirang mga tao ay timbang sa kanilang pakikitungo sa iba. Hindi sila lumalabis sa kanilang paggawi,” ang sabi ni Brother Schilling. Ano ang makatutulong sa isang misyonero na maging makatuwiran? Ang pagkakaroon ng katamtamang pangmalas sa sarili, anupat sinasamantala ang mga pagkakataong makinig at matuto mula sa iba, at ang pagiging handang isaalang-alang ang mga pangmalas ng iba samantalang hindi naman ikinukompromiso ang makadiyos na mga simulain.—1 Corinto 9:19-23.
“Huwag Kalimutang Kumain!” ang nakapupukaw na pamagat ng sumunod na bahagi sa programa, na iniharap ni Samuel Herd, isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Itinampok niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng masustansiyang espirituwal na pagkain upang makapanatiling naaangkop sa pag-uukol ng sagradong paglilingkod. “Ang inyong espirituwal na gawain,” sabi ni Brother Herd, “ay darami sa malao’t madali kapag kayo ay nagsimula sa inyong atas na pangangaral at pagtuturo. Samakatuwid, kakailanganin ninyong dagdagan ang inyong kinakaing espirituwal na pagkain upang mabalanse at matimbang ninyo ang inyong mga kalakasan.” Ang patuloy na pagkain ng espirituwal na pagkain ay makatutulong sa isang misyonero na maiwasan ang espirituwal na panlulumo at labis na pananabik na makauwi. Nakatutulong ito na maging kontento at magkaroon ng kapasiyahang manatili ang isa sa atas na sagradong paglilingkod.—Isang instruktor sa Gilead, si Lawrence Bowen, ang nagpasigla sa nagtapos na mga estudyante na “Balikan ang Pasimula.” Ano ang ibig niyang sabihin? Ipinabuklat niya sa lahat ng nakikinig ang Kawikaan 1:7, na nagsasabi: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng kaalaman.” Nagpaliwanag ang tagapagsalita: “Anumang bagay na nagwawalang-bahala sa pinakamahalagang katotohanan ng pag-iral ni Jehova ay talagang hindi kailanman maituturing na tunay na kaalaman ni magdudulot ng wastong kaunawaan.” Inihambing ni Brother Bowen ang mga detalye ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, sa mga piraso ng isang puzzle. Kapag ang mga piraso ay pinagkabit-kabit, nabubuo ang isang larawan. Habang mas maraming piraso, nagiging mas malaki at mas malinaw ang larawan at nagkakaroon ng higit na pagpapahalaga ang isang tao. Ito ay makatutulong sa lahat na mag-ukol ng sagradong paglilingkod sa Diyos.
Tinapos ni Wallace Liverance, tagapagrehistro sa Paaralang Gilead, ang serye ng mga pahayag. Ang kaniyang paksa ay “Maghandog ng Pasasalamat Bilang Inyong Hain sa Diyos.” Itinawag-pansin niya ang salaysay hinggil sa pagpapagaling ni Jesus sa sampung ketongin. (Lucas 17:11-19) Isa lamang ang bumalik upang pumuri sa Diyos at magpasalamat kay Jesus. “Walang alinlangan na tuwang-tuwa ang iba na maging malinis. Nasiyahan sila sa kanilang malinis na kalagayan, ngunit tila ang tanging nais nila ay ang matawag na malinis ng saserdote,” ang sabi ni Brother Liverance. Ang espirituwal na paglilinis na bunga ng pagkatuto ng katotohanan, lakip na ang pasasalamat, ay dapat na mag-udyok sa isa na ipahayag ang pasasalamat sa Diyos dahil sa kaniyang kabutihan. Ang mga estudyante ng ika-108 klase ng Gilead ay pinasigla na magbulay-bulay sa lahat ng mga gawa at kabutihan ng Diyos upang ang kanilang paglilingkod at mga hain ay maging isang kapahayagan ng pasasalamat sa Diyos.—Awit 50:14, 23; 116:12, 17.
Mga Karanasan at mga Panayam Kung Paano Ito Gagawin
Pinangasiwaan ni Mark Noumair, isa pang instruktor sa Gilead, ang sumunod na bahagi ng programa. Tungkol ito sa mga karanasan ng klase sa paglilingkod sa larangan noong panahon ng kanilang pagsasanay. Sa katamtaman, ang mga estudyante ay nakagugol ng halos 12 taon sa buong-panahong ministeryo bago nag-aral sa Gilead. Habang nag-aaral, nakapagpasimula sila ng maraming pag-aaral sa Bibliya sa mga taong may iba’t ibang pinagmulan, na nagpapakitang alam ng mga estudyante kung paano ‘maging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.’—1 Corinto 9:22.
Pagkatapos ng mga karanasan ng estudyante, kinapanayam nina Charles Molohan at William Samuelson ang ilang miyembro ng pamilyang Bethel at naglalakbay na mga tagapangasiwa na nakapag-aral na sa Gilead. Isa sa mga kapatid na kinapanayam, si Robert Pevy, ay naglingkod sa Pilipinas pagkatapos ng gradwasyon mula sa ika-51 klase ng Gilead. Pinaalalahanan niya ang klase: “Kailanma’t may suliranin, ang lahat ay nagbibigay ng kaniyang mungkahi kung paano lulutasin ang suliranin. Laging may iba na mas matalino kaysa sa iyo, isa na makapagmumungkahi ng mas magandang ideya. Ngunit kung susuriin ninyo ang Bibliya at susubukang alamin ang pangmalas ng Diyos sa mga bagay-bagay, walang sinuman na makadaraig doon. Iyon ang laging magiging tamang sagot.”
Upang wakasan ang mainam na espirituwal na programang iyon, si John Barr, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nagsalita hinggil sa paksang “Mag-ukol ng Kanais-nais na Sagradong Paglilingkod kay Jehova.” Ipinakita niya kung paano maaaring ipaaninaw ang sagradong paglilingkod sa ministeryo sa larangan upang matulungan ang tapat-pusong mga indibiduwal na sambahin ang Diyos sa kanais-nais na paraan. Pagkatapos bumaling sa mga salita ni Jesus sa Mateo 4:10, sinabi ni Brother Barr, “Kung si Jehova lamang ang ating sasambahin, kailangan nating iwasan ang lahat ng tusong anyo ng idolatriya, tulad ng kaimbutan, pagnanasa sa kayamanan, at pagrerekomenda ng sarili. Tunay na naliligayahan tayong gunigunihin na ang ating mga misyonero sa nakalipas na mga taon mula noong unang mga taon ng dekada 1940 ay nakapagtatag ng napakahusay na rekord hinggil sa bagay na ito! At nakatitiyak kami na kayong mga nagsipagtapos sa ika-108 klase ng Gilead ay susunod sa kanilang mabuting halimbawa. Kayo ay mag-uukol ng sagradong paglilingkod kay Jehova, na siyang tanging karapat-dapat na tumanggap nito.”
Iyon ay isang positibong kasukdulan ng isang nakapagpapatibay na programa. Pagkakataon naman para mapakinggan ang mga pagbati mula sa palibot ng daigdig, para maiabot ang mga diploma, at para mabasa ang isang liham mula sa klase, na nagpapahayag ng pagpapahalaga sa tinanggap na pagsasanay. Hinimok ang nagtapos na klase na magpakita ng katangian ng pagiging matapat sa kanilang mga atas at sa paglilingkod kay Jehova. Ang lahat ng dumalo, kabilang na ang mga panauhin mula sa 25 bansa, ay sumali sa pagwawakas sa programa sa pamamagitan ng awit at panalangin.
[Talababa]
^ par. 2 Ang programa noong Marso 11, 2000, ay naganap sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York.
[Kahon sa pahina 23]
ESTADISTIKA NG KLASE
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 10
Bilang ng mga bansang pinagdestinuhan: 17
Bilang ng mga estudyante: 46
Katamtamang edad: 34
Katamtamang taon sa katotohanan: 16
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12
[Larawan sa pahina 24]
Ika-108 Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Amadori, E.; Cook, O.; Byrne, M.; Lee, A. (2) Newsome, D.; Pederzolli, A.; Bigras, H.; Kato, T.; Gatewood, D. (3) Eade, D.; Eade, J.; Wells, S.; Jamison, J.; Gonzales, M.; Gonzales, J. (4) Kato, T.; Lohn, D.; Niklaus, Y.; Preiss, S.; Foster, P.; Ibarra, J. (5) Amadori, M.; Manning, M.; James, M.; Boström, A.; Gatewood, B.; Newsome, D. (6) Foster, B.; Jamison, R.; Hifinger, A.; Koffel, C.; Koffel, T.; Byrne, G. (7) Hifinger, K.; Manning, C.; Cook, J.; Boström, J.; Lohn, E.; Pederzolli, A. (8) James, A.; Wells, L.; Preiss, D.; Niklaus, E.; Lee, M.; Ibarra, P.; Bigras, Y.