“Lahat Kayo ay Magkakapatid”
“Lahat Kayo ay Magkakapatid”
“Huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid.”—MATEO 23:8.
1. Anong bagay ang nararapat nating isaalang-alang?
“SINO ba ang karapat-dapat sa higit na pagpaparangal, misyonero o Bethelite?” ang walang-malisyang naitanong ng isang Kristiyanong babae sa isang bansang Silangan sa isang misyonerong taga-Australia. Ibig niyang malaman kung sino ang mas dapat igalang, ang misyonero mula sa ibang bansa o ang lokal na ministrong naglilingkod sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. Ang walang-malisyang tanong na iyan, na kahahalataan ng isang kulturang tumitingin sa posisyon, ay ikinabigla ng misyonero. Gayunman, ang tanong na kung sino ang mas dakila ay bumangon dahil sa pagnanasang malaman ang kinalalagyan ng mga tao kung tungkol sa mga ranggo ng kapangyarihan at impluwensiya.
2. Paano natin dapat malasin ang ating mga kapuwa mananamba?
2 Ang bagay na ito ay talagang hindi na bago. Maging ang mga alagad ni Jesus ay nagkaroon ng patuluyang pagtatalo hinggil sa kung sino ang pinakadakila. (Mateo 20:20-24; Marcos 9:33-37; Lucas 22:24-27) Sila ay galing din sa isang kulturang medyo tumitingin sa posisyon, yaong unang-siglong Judaismo. Taglay sa isip ang gayong lipunan, pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid.” (Mateo 23:8) Ang relihiyosong titulo na gaya ng “Rabbi,” na nangangahulugang “Guro,” “ay may tendensiyang maging sanhi ng pagmamapuri at pagkadama ng superyoridad para sa mga nagtamo nito, at pagkainggit at pagkadama naman ng imperyoridad para sa mga hindi nagtamo nito; at ang buong espiritu at tendensiya nito ay taliwas sa ‘kababaang-loob na taglay ni Kristo,’ ” sabi ng iskolar sa Bibliya na si Albert Barnes. Sa katunayan, iniiwasan ng mga Kristiyano na tawagin ang mga tagapangasiwa nila bilang “Elder ganoo’t ganito,” anupat ginagamit ang salitang “elder” bilang isang labis-na-mapamuring titulo. (Job 32:21, ) Sa kabilang banda naman, ang mga elder na tumatalima sa diwa ng payo ni Jesus ay nagpaparangal sa ibang miyembro ng kongregasyon, kung paanong pinararangalan ni Jehova ang tapat na mga mananamba at pinararangalan naman ni Jesu-Kristo ang tapat na mga tagasunod. 22
Ang Halimbawa ni Jehova at ni Jesus
3. Paano pinarangalan ni Jehova ang kaniyang espiritung mga nilalang?
3 Bagaman si Jehova ang “Kataas-taasan,” sa pasimula pa man ay pinarangalan na niya ang kaniyang mga nilalang sa pamamagitan ng pagsasangkot sa kanila sa kaniyang mga gawa. (Awit 83:18) Nang lalangin niya ang unang tao, isinali ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak sa proyekto bilang isang “dalubhasang manggagawa.” (Kawikaan 8:27-30; Genesis 1:26) Inanyayahan pa man din ni Jehova ang kaniyang makalangit na mga anghel na sabihin ang kanilang opinyon kung paano gagawin ang pagpuksa sa balakyot na si Haring Ahab nang determinado na Siyang isagawa ito.—1 Hari 22:19-23.
4, 5. Paano pinararangalan ni Jehova ang kaniyang mga taong nilalang?
4 Si Jehova ay naghahari bilang Kataas-taasang Soberano ng sansinukob. (Deuteronomio 3:24) Hindi niya kailangang kumonsulta sa mga tao. Gayunman, siya’y nagpapakababa, wika nga, upang bigyan sila ng pansin. Isang salmista ang umawit: “Sino ang tulad ni Jehova na ating Diyos, siya na tumatahan sa kaitaasan? Siya ay nagpapakababa upang tumingin sa langit at lupa, ibinabangon ang maralita mula sa mismong alabok.”—Awit 113:5-8.
5 Bago lipulin ang Sodoma at Gomorra, pinakinggan muna ni Jehova ang mga tanong ni Abraham at binigyang-kasiyahan ang pagkaunawa nito sa katarungan. (Genesis 18:23-33) Bagaman batid na ni Jehova ang kalalabasan ng kahilingan ni Abraham, buong-tiyaga siyang nakinig kay Abraham at tinanggap niya ang kaniyang pangangatuwiran.
6. Ano ang ibinunga ng pagpaparangal ni Jehova nang magtanong si Habakuk?
6 Pinakinggan din ni Jehova si Habakuk, na nagtanong: “O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng tulong, at hindi mo diringgin?” Itinuring ba ni Jehova na isang hamon sa kaniyang awtoridad ang tanong na iyon? Hindi, minalas niya ang mga tanong ni Habakuk bilang nararapat, at sa gayon ay isiniwalat niya ang kaniyang layunin na ibangon ang mga Caldeo upang magsagawa ng hatol. Tiniyak niya sa propeta na ang ‘inihulang hatol na ito ay walang pagsalang magkakatotoo.’ (Habakuk 1:1, 2, 5, 6, 13, 14; 2:2, 3) Sa pamamagitan ng taimtim na pagsasaalang-alang sa mga álalahanín ni Habakuk at pagsagot sa kaniya, pinarangalan ni Jehova ang propeta. Bilang resulta, ang naguguluhang propeta ay nabuhayan ng loob at nagalak, taglay ang lubusang pagtitiwala sa Diyos ng kaniyang kaligtasan. Ito’y naaaninag sa kinasihang aklat ng Habakuk na nagpapatibay ng ating pagtitiwala kay Jehova sa ngayon.—Habakuk 3:18, 19.
7. Bakit mahalaga ang papel ni Pedro noong Pentecostes 33 C.E.?
7 Si Jesu-Kristo ay isa pang mainam na halimbawa sa pagpapakita ng paggalang sa iba. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na “sinuman na nagtatatwa sa akin sa harap ng mga tao, ay akin ding itatatwa siya sa harap ng aking Ama.” (Mateo 10:32, 33) Gayunman, noong gabing siya’y ipagkanulo, pinabayaan siya ng lahat ng kaniyang mga alagad, at tatlong ulit siyang itinatwa ni apostol Pedro. (Mateo 26:34, 35, 69-75) Hindi sa panlabas na anyo tumingin si Jesus kundi ang pinag-ukulan niya ng pansin ay ang niloloob ni Pedro, ang lubusang pagsisisi nito. (Lucas 22:61, 62) Makalipas lamang ang 51 araw, binigyang-dangal ni Kristo ang nagsising apostol sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kaniya na katawanin ang 120 alagad ni Jesus noong araw ng Pentecostes at gamitin ang una sa “mga susi ng kaharian.” (Mateo 16:19; Gawa 2:14-40) Si Pedro ay binigyan ng pagkakataong ‘makabalik at mapalakas ang kaniyang mga kapatid.’—Lucas 22:31-33.
Pag-uukol ng Karangalan sa mga Miyembro ng Pamilya
8, 9. Sa pag-uukol ng karangalan sa kaniyang asawa, paano matutularan ng asawang lalaki si Jehova at si Jesus?
8 Makabubuti para sa mga asawang lalaki at mga magulang na tularan si Jehova at si Jesu-Kristo sa paghawak ng bigay-Diyos na awtoridad. Nagpayo si Pedro: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama [ng inyong asawa] sa katulad na paraan alinsunod sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, ang isa na may katangiang pambabae.” (1 Pedro 3:7) Gunigunihin na may hawak kang isang babasaging sisidlang porselana, na maliwanag na mas marupok kaysa sa kahoy. Hindi ba’t mas mag-iingat ka? Magagawa ito ng isang asawang lalaki sa pamamagitan ng pagtulad kay Jehova, na pinakikinggan ang opinyon ng kaniyang asawa kapag nagpapasiya sa mga bagay na may kinalaman sa pamilya. Tandaan na si Jehova ay nag-ukol ng panahon upang makipagkatuwiranan kay Abraham. Dahil sa di-kasakdalan, maaaring hindi maunawaan ng isang asawang lalaki ang lahat ng nasasangkot. Kung gayon, hindi kaya isang katalinuhan para sa kaniya na parangalan ang kaniyang asawa sa pamamagitan ng taimtim na pagsasaalang-alang sa kaniyang opinyon?
9 Sa mga lupaing napakalalim na ng pagkakaugat ng awtoridad ng lalaki, dapat na ingatan sa isipan ng isang asawang lalaki na maaaring kailangan pa munang daigin ng kaniyang asawa ang isang napakalaking hadlang upang masabi ang kaniyang niloloob. Tularan ang paraan ng pakikitungo ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad, ang bahagi ng kaniyang magiging uring kasintahang babae, noong siya’y naririto sa lupa. Minahal niya sila, na isinasaalang-alang ang kanilang pisikal at espirituwal na mga limitasyon bago pa man nila masabi ang kanilang mga pangangailangan. (Marcos 6:31; Juan 16:12, 13; Efeso 5:28-30) Karagdagan pa, mag-ukol ng panahon upang makita ang ginagawa ng iyong asawa para sa iyo at sa inyong pamilya, at ipahayag ang iyong pagpapahalaga sa salita at sa gawa. Kapuwa si Jehova at si Jesus ay nagpahalaga, pumuri, at nagpala sa mga karapat-dapat. (1 Hari 3:10-14; Job 42:12-15; Marcos 12:41-44; Juan 12:3-8) Nang maging Saksi ni Jehova ang kaniyang asawang lalaki, isang Kristiyanong babae sa Silangan ang nagsabi: “Noon ay palaging nauuna sa akin sa paglakad ang aking asawa nang tatlo o apat na hakbang, na hinahayaang ako ang magbuhat ng lahat ng dala-dalahan. Ngayon ay siya na ang nagbubuhat ng mga bag at pinahahalagahan ang mga ginagawa ko sa bahay!” Napakalaki ng nagagawa ng isang salita ng taimtim na pagpapahalaga sa pagtulong sa iyong asawang babae na madamang siya’y pinahahalagahan.—Kawikaan 31:28.
10, 11. Ano ang matututuhan ng mga magulang sa mainam na halimbawa ni Jehova sa pakikitungo sa rebelyosong bansang Israel?
10 Sa pakikitungo sa kanilang mga anak, lalo na kung kailangan ang pagsaway, ang mga magulang ay dapat tumulad sa halimbawa ng Diyos. “Si Jehova ay patuloy na nagbababala sa Israel at Juda” na tumalikod sa kanilang masasamang lakad, subalit “patuloy na pinatitigas [nila] ang kanilang mga leeg.” (2 Hari 17:13-15) “Tinangka [pa nga ng mga Israelita] na linlangin siya ng kanilang bibig; at tinangka nilang magsinungaling sa kaniya ng kanilang dila.” Maaaring nadarama ng maraming magulang na ang kanilang mga anak kung minsan ay gumagawi nang ganiyan. ‘Inilagay [ng mga Israelita] ang Diyos sa pagsubok’ at pinasakitan siya, anupat pinagdamdam siya. Gayunman, si Jehova “ay maawain; tinatakpan niya ang kamalian at hindi sila nililipol.”—Awit 78:36-41.
11 Nakiusap pa nga si Jehova sa mga Israelita: “Halikayo ngayon at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin . . . Bagaman ang mga kasalanan ninyo ay maging gaya ng iskarlata, ang mga ito ay mapapuputing gaya ng niyebe.” (Isaias 1:18) Bagaman hindi si Jehova ang nagkamali, inanyayahan niya ang rebelyosong bansa na lumapit at ituwid ang mga bagay-bagay. Isa ngang napakainam na paggawi na dapat tularan ng mga magulang sa pakikitungo sa kanilang mga anak! Kung kinakailangan, bigyan sila ng dangal sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang panig, at mangatuwiran sa kanila kung bakit kailangan silang magbago.
12. (a) Bakit dapat nating iwasang parangalan ang ating mga anak nang higit kaysa kay Jehova? (b) Ano ang kailangan upang maigalang natin ang dangal ng ating mga anak kapag sila ay sinasaway?
12 Mangyari pa, kung minsan ay kailangang payuhan nang matindi ang mga bata. Hindi nanaisin ng mga magulang na makatulad ni Eli, na ‘patuloy na nagpaparangal sa kaniyang mga anak nang higit kaysa kay Jehova.’ (1 Samuel 2:29) Gayunman, kailangang maunawaan ng mga kabataan ang maibiging motibo sa likod ng pagtutuwid. Dapat nilang maunawaan na talagang mahal sila ng kanilang mga magulang. Nagpayo si Pablo sa mga ama: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Habang isinasakatuparan ang awtoridad bilang ama, ang puntong idiniriin ay ang pangangailangang igalang ng ama ang dangal ng mga anak sa pamamagitan ng pag-iingat na huwag silang magalit dahil sa labis na kalupitan niya. Oo, ang pagsasaalang-alang sa dangal ng mga anak ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap sa bahagi ng mga magulang, subalit ang ibubunga ng paggawa nito ay sulit naman sa lahat ng mga pagsasakripisyo.
13. Ano ang pangmalas ng Bibliya sa matatanda na sa loob ng pamilya?
13 Ang pagpaparangal sa mga miyembro ng pamilya ay hindi lamang basta pagbibigay ng dangal ng isa sa asawa at mga anak. “Kapag matanda ka na, sundin mo ang iyong mga anak,” sabi ng isang kawikaan sa Hapon. Ang ibig sabihin ng kawikaang iyan ay na dapat iwasan ng matatanda nang magulang na lumabis ang kanilang awtoridad bilang magulang at dapat na pakinggan naman nila ang sinasabi ng kanilang malalaki nang anak. Bagaman nasa Kasulatan na dapat parangalan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pakikinig sa kanila, ang mga anak naman ay hindi dapat magpakita ng walang-galang na paggawi sa mas nakatatandang mga miyembro ng pamilya. “Huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa matanda na siya,” sabi ng Kawikaan 23:22. Sinunod ni Haring Solomon ang kawikaang ito at pinarangalan ang kaniyang ina nang lumapit ito sa kaniya upang makiusap. Nagpalagay si Solomon ng isang trono sa kaniyang kanan at nakinig sa sasabihin ng kaniyang matanda nang ina, si Bat-sheba.—1 Hari 2:19, 20.
14. Paano natin mapararangalan ang mga may edad nang miyembro ng kongregasyon?
14 Sa ating malaking espirituwal na pamilya, tayo’y nasa mainam na kalagayan na “manguna” sa pagpapakita ng dangal sa mga may edad nang miyembro ng kongregasyon. (Roma 12:10) Maaari ngang wala na silang gaanong nagagawa na di-gaya noon, at maaaring ito’y makasiphayo sa kanila. (Eclesiastes 12:1-7) Isang may edad nang pinahirang Saksi na nakaratay sa isang infirmary ang minsa’y nagpahayag ng gayong pagkasiphayo: “Nasasabik na akong mamatay upang makapagtrabahong muli.” Para sa gayong mga may edad na, ang pagpapakita natin ng nararapat na pagkilala at pagpaparangal ay makatutulong. Inutusan ang mga Israelita: “Sa harap ng may uban ay titindig ka, at magpapakita ka ng pakundangan sa pagkatao ng isang matanda.” (Levitico 19:32) Magpakita ng pakundangan sa pamamagitan ng pagpapadama sa mga nakatatanda na sila’y kailangan at pinahahalagahan. Maaaring kalakip sa ‘pagtindig’ ang pag-upo at pakikinig sa kanilang pagkukuwento hinggil sa kanilang nagawa maraming taon na ang nakalipas. Iyan ay makapagbibigay ng dangal sa mga may edad na at makapagpapayaman sa ating sariling espirituwal na buhay.
‘Sa Pagpapakita ng Dangal Manguna Kayo’
15. Ano ang maaaring gawin ng mga elder upang mabigyang-dangal ang mga miyembro ng kongregasyon?
15 Sumusulong ang mga miyembro ng kongregasyon kapag ang mga elder ay nagpapakita ng isang mainam na halimbawa para sa kanila. (1 Pedro 5:2, 3) Sa kabila ng kanilang abalang iskedyul, ang maasikasong mga elder ay kusang lumalapit sa mga kabataan, sa mga ulo ng pamilya, sa mga nagsosolong ina, sa mga ina ng tahanan, at sa mga may edad na, ang mga ito man ay napapaharap sa mga problema o hindi. Ang mga elder ay nakikinig sa sinasabi ng mga miyembro ng kongregasyon at pumupuri sa kanila sa kanilang mga nagagawa. Ang isang mapagmasid na elder na pumupuri sa ginagawa ng isang kapatid na lalaki o babae ay tumutulad kay Jehova, na nagpapahalaga sa kaniyang makalupang nilalang.
16. Bakit dapat nating malasin ang mga elder bilang nararapat sa pagpaparangal kasali na ang iba pa sa loob ng kongregasyon?
16 Sa pagtulad kay Jehova, ang mga elder ay nagpapakita ng mainam na halimbawa sa pagkakapit sa payo ni Pablo: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Maaaring ito’y mas mahirap para sa mga elder na nakatira sa mga bansang karaniwan nang tumitingin sa posisyon. Halimbawa, sa isang bansa sa Silangan, may dalawang salita para sa “kapatid,” ang isa ay pangkarangalan at ang isa nama’y pangkaraniwan. Noon, ang itinatawag ng mga miyembro ng kongregasyon sa mga elder at sa mga nakatatanda ay yaong terminong pangkarangalan, anupat ginagamit naman sa iba ang terminong pangkaraniwan. Gayunman, sila’y pinasigla na gamitin ang terminong pangkaraniwan sa lahat ng panahon sapagkat, gaya ng sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, “lahat kayo ay magkakapatid.” (Mateo 23:8) Bagaman hindi naman ganito kaliwanag ang pagtatangi sa ibang mga bansa, dapat na lahat tayo’y nakababatid sa tendensiya ng mga tao na magtangi ng uri.—Santiago 2:4.
17. (a) Bakit dapat na madaling lapitan ang mga elder? (b) Sa anong mga paraan matutularan ng mga elder si Jehova sa pakikitungo sa mga miyembro ng kongregasyon?
17 Totoo, pinasigla tayo ni Pablo na pakitunguhan ang ilang elder bilang karapat-dapat sa “dobleng karangalan,” subalit sila’y mga kapatid pa rin. (1 Timoteo 5:17) Kung nagagawa nating ‘lumapit nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan’ ng Pansansinukob na Soberano, hindi kaya natin malalapitan ang mga elder, na tumutulad kay Jehova? (Hebreo 4:16; Efeso 5:1) Matatantiya ng mga tagapangasiwa ang kanilang pagiging madaling lapitan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang kung gaano kadalas lumalapit sa kanila ang iba upang humingi ng payo o magbigay ng mga mungkahi. Matuto ng leksiyon mula sa paraan ni Jehova ng pagsasangkot sa iba sa kaniyang mga proyekto. Binibigyang-dangal niya ang iba sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pananagutan. Kahit na sa wari’y di-praktikal ang mga mungkahing ibinigay ng isa pang Saksi, dapat na pahalagahan ng mga elder ang pagmamalasakit na ipinakita. Alalahanin kung paano pinakitunguhan ni Jehova ang mapanuring mga tanong ni Abraham at ang paghiyaw ni Habakuk dahil sa pagkabagabag.
18. Paano matutularan ng mga elder si Jehova sa pagbabalik sa ayos sa mga nangangailangan ng tulong?
18 May ilang kapuwa Kristiyano na talagang kailangang ibalik sa ayos. (Galacia 6:1) Gayunman, sila’y mahalaga pa rin sa mata ni Jehova, na karapat-dapat pakitunguhan nang may dangal. “Kapag may paggalang ang pakikitungo sa akin ng isang nagbibigay ng payo, nakadarama ako ng kalayaang lumapit sa kaniya,” sabi ng isang Saksi. Karamihan sa mga tao ay malugod na tumatanggap ng payo kapag sila’y pinakikitunguhan nang may dangal. Maaaring ito’y mangailangan ng higit na panahon, subalit magiging madali para sa mga nagkamali na tanggapin ang anumang kinakailangang payo kung pakikinggan mo sila. Alalahanin kung paano paulit-ulit na nakipagkatuwiranan si Jehova sa mga Israelita dahil sa pagkahabag sa kanila. (2 Cronica 36:15; Tito 3:2) Ang payo na ibinigay taglay ang empatiya at simpatiya ay makaaantig sa puso niyaong mga nangangailangan ng tulong.—Kawikaan 17:17; Filipos 2:2, 3; 1 Pedro 3:8.
19. Paano natin mamalasin ang mga taong hindi kapananampalataya ng mga Kristiyano?
19 Ang ating pagpaparangal sa iba ay kapit din doon sa mga posibleng maging espirituwal na mga kapatid natin sa hinaharap. Maaaring mabagal ang mga taong ito sa pagtanggap sa ating mensahe sa ngayon, subalit kailangan pa rin natin silang pagtiisan at kilalanin ang kanilang dangal bilang tao. “Hindi nais [ni Jehova] na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Hindi kaya nararapat na taglayin natin ang pangmalas ni Jehova? Sa pagsasaalang-alang sa mga tao sa pangkalahatan, mabubuksan natin ang daan upang makapagpatotoo kung palagi nating sisikaping maging palakaibigan. Mangyari pa, iiwasan natin ang uri ng pakikisama na maaaring magdulot ng mga panganib sa espirituwal. (1 Corinto 15:33) Gayunman, nagpapakita tayo ng “makataong kabaitan,” anupat hindi hinahamak yaong mga taong hindi natin kapananampalataya.—Gawa 27:3.
20. Ang halimbawa ni Jehova at ni Jesu-Kristo ay dapat magpakilos sa atin na gawin ang ano?
20 Oo, itinuturing ni Jehova at ni Jesu-Kristo ang bawat isa sa atin bilang karapat-dapat igalang. Sana’y palagi nating alalahanin kung paano sila kumikilos at gaya nila ay manguna rin tayo sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa. At sana’y patuloy nating maingatan sa isipan ang pananalita ng ating Panginoong Jesu-Kristo: “Lahat kayo ay magkakapatid.”—Mateo 23:8.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano mo dapat malasin ang iyong mga kapuwa mananamba?
• Paano ka napakilos ng halimbawa ni Jehova at ni Jesus upang parangalan ang iba?
• Paano mapararangalan ng mga asawang lalaki at mga magulang ang iba?
• Kapag minamalas ang mga kapuwa Kristiyano bilang kanilang mga kapatid, ang mga elder ay nauudyukang gumawi sa anong mga paraan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Parangalan ang iyong asawa sa pamamagitan ng mga salita ng pagpapahalaga
[Larawan sa pahina 18]
Bigyang-dangal ang iyong mga anak sa pamamagitan ng pakikinig sa kanila
[Larawan sa pahina 18]
Pakitunguhan mo nang may dangal ang mga miyembro ng kongregasyon