Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Tumatanggap ba ang mga Saksi ni Jehova ng anumang produktong medikal na kinuha mula sa dugo?
Ang mahalagang sagot ay na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi tumatanggap ng dugo. Kami’y buong-tibay na naniniwalang ang batas ng Diyos sa dugo ay hindi bukás sa pagbabago upang sundin ang nagbabagong mga opinyon. Gayunman, bumabangon ang bagong mga usapin sapagkat maaari na ngayong iproseso ang dugo sa apat na pangunahing mga sangkap at mas maliliit na bahagi ng gayong mga sangkap. Sa pagpapasiya kung tatanggap ba ng gayon, hindi lamang dapat tayahin ng isang Kristiyano ang posibleng mga kapakinabangan at mga panganib sa medikal. Ang kaniyang pagkabahala ay dapat na kung ano ang sinasabi ng Bibliya at ang posibleng epekto sa kaniyang kaugnayan sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
Ang pangunahing mga usapin ay simple lamang. Bilang tulong upang makita kung bakit gayon, isaalang-alang ang ilang karanasan mula sa Bibliya, kasaysayan, at medisina.
Sinabi ng Diyos na Jehova sa ninuno nating lahat na si Noe na dapat na ituring ang dugo bilang isang bagay na mahalaga. (Genesis 9:3, 4) Nang maglaon, ang mga kautusan ng Diyos sa Israel ay nagpakita sa kabanalan ng dugo: “Kung tungkol sa sinumang tao sa sambahayan ng Israel o sa sinumang naninirahang dayuhan . . . na kakain ng anumang uri ng dugo, itatalaga ko nga ang aking mukha laban sa kaluluwa na kumakain ng dugo.” Sa pagtatakwil sa kautusan ng Diyos, ang isang Israelita ay maaaring makahawa sa iba; kaya, ang Diyos ay nagpatuloy: “Talagang lilipulin ko siya mula sa kaniyang bayan.” (Levitico 17:10) Pagkaraan, sa isang pulong sa Jerusalem, ipinag-utos ng mga apostol at ng mga nakatatandang lalaki na kailangan tayong ‘umiwas sa dugo.’ Ang paggawa ng gayon ay kasinghalaga ng pag-iwas sa seksuwal na imoralidad at idolatriya.—Gawa 15:28, 29.
Ano ba ang kahulugan noon ng “pag-iwas”? Ang mga Kristiyano ay hindi gumamit ng dugo, ito ma’y sariwa o namuo; ni kumain man sila ng karne mula sa isang hayop na hindi napadugo. Hindi rin maaaring kainin ang mga pagkaing hinaluan ng dugo, tulad ng longganisang may dugo. Ang pagpapasok ng dugo sa katawan sa alinman sa mga paraang iyon ay paglabag sa kautusan ng Diyos.—1 Samuel 14:32, 33.
Karamihan ng tao noong sinaunang mga panahon ay hindi nababahala sa pagkain ng dugo, gaya ng makikita natin sa mga isinulat ni Tertullian (ikalawa at ikatlong siglo C.E.). Bilang pagtugon sa mga maling paratang na ang mga Kristiyano ay kumakain ng dugo, binanggit ni Tertullian ang mga tribo na nagtatatak sa mga kasunduan sa pamamagitan ng pagtikim ng dugo. Sinabi rin niya na “kapag may pagtatanghal sa arena, [ang ilan] na totoong uhaw na uhaw ay kumukuha ng sariwang dugo ng salarin . . . bilang panlunas sa kanilang epilepsiya.”
Ang gayong mga kaugalian (kahit ginagawa iyon ng ilang Romano dahil sa mga kadahilanang pangkalusugan) ay mali para sa mga Kristiyano: “Hindi namin isinasama sa aming likas na pagkain maging ang dugo ng hayop,” ang isinulat ni Tertullian. Ginamit ng mga Romano ang pagkaing may dugo bilang pagsubok sa integridad ng tunay na mga Kristiyano. Sinabi pa ni Tertullian: “Ngayon, tinatanong ko kayo, ano ngang uri ng bagay ito, na kapag kayo ay nakatitiyak [na ang mga Kristiyano] ay mangingilabot sa dugo ng hayop, ay sasabihin ninyo na sila ay ganid sa dugo ng tao?”
Sa ngayon, iilang tao ang mag-iisip na nasasangkot ang mga kautusan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat kung iminungkahi ng isang manggagamot ang pagpapasalin nila ng dugo. Bagaman talagang nais ng mga Saksi ni Jehova na mabuhay, kami ay nakatalaga na tuparin ang kautusan ni Jehova hinggil sa dugo. Ano ang ibig sabihin nito kung may kinalaman sa kasalukuyang paraan ng paggagamot?
Samantalang nagiging pangkaraniwan ang pagsasalin ng purong dugo pagkalipas ng Digmaang Pandaigdig II, nakita ng mga Saksi ni Jehova na ito ay labag sa kautusan ng Diyos—at naniniwala pa rin kami rito. Gayunman, nagbago na ang medisina sa paglipas ng panahon. Sa ngayon, karamihan ng mga pagsasalin ay hindi na sa purong dugo kundi sa isa sa pangunahing mga sangkap nito: (1) mga pulang selula; (2) mga puting selula; (3) mga platelet; (4) plasma (serum), ang bahaging likido. Depende sa kalagayan ng pasyente, ang mga manggagamot ay maaaring magreseta ng mga pulang selula, mga puting selula, mga platelet, o plasma. Ang pagsasalin ng mahahalagang sangkap na ito ay nagpapahintulot na mapaghati-hatian ng mas maraming pasyente ang isang yunit ng dugo. Naninindigan ang mga Saksi ni Jehova na ang pagtanggap ng purong dugo o alinman sa apat na pangunahing mga sangkap na yaon ay paglabag sa kautusan ng Diyos. Kapansin-pansin, ang pananatili sa salig-Bibliyang katayuang ito ay nagsanggalang sa kanila mula sa maraming panganib, kabilang na ang mga sakit na tulad ng hepatitis at AIDS na maaaring makuha sa dugo.
Gayunman, yamang ang dugo ay maaaring iproseso nang higit pa sa pangunahing mga sangkap na iyon, ang mga tanong ay bumabangon hinggil sa maliliit na bahagi na nakukuha mula sa pangunahing mga sangkap ng dugo. Paano ginagamit ang gayong maliliit na bahagi ng sangkap, at ano ang dapat na isaalang-alang ng isang Kristiyano kapag nagpapasiya hinggil sa mga ito?
Ang dugo ay masalimuot. Maging ang plasma—na 90 porsiyentong tubig—ay nagtataglay ng maraming hormone, di-organikong asin, enzyme, at mga nutriyente, na kabilang na ang mga mineral at asukal. Nagtataglay rin ang plasma ng mga protina na gaya ng albumin, mga sangkap sa pamumuo ng dugo (clotting factors), at mga antibody na panlaban sa mga sakit. Inihihiwalay at ginagamit ng mga teknisyan ang maraming protina ng plasma. Halimbawa, binibigyan ng clotting factor VIII ang mga hemophiliac, na madaling duguin. O kung ang isa ay nagkaroon ng mga sakit, maaaring magreseta ang mga doktor ng mga iniksiyon ng gamma globulin, na kinuha sa plasma ng dugo ng mga taong mayroon nang imyunidad. Ginagamit din sa medisina ang iba pang mga protina ng plasma, ngunit ang halimbawang binanggit sa itaas ay naglalarawan kung paanong ang isang pangunahing sangkap (plasma) ng dugo ay maaaring iproseso upang makakuha ng mas maliliit na bahagi.Gaya kung paanong ang plasma ng dugo ay maaaring pagmulan ng iba’t ibang maliliit na bahagi, ang iba pang pangunahing mga sangkap (mga pulang selula, mga puting selula, mga platelet) ay maaaring iproseso upang ihiwalay ang mas maliliit na bahagi. Halimbawa, ang mga puting selula ay maaaring pagmulan ng mga interferon at mga interleukin, na ginagamit upang lunasan ang ilang mga impeksiyon na dala ng virus at mga kanser. Maaaring iproseso ang mga platelet upang makakuha ng sangkap na nakapagpapagaling ng sugat (wound-healing factor). At binubuo na ang ibang mga gamot na mayroong (ngunit sa simula lamang) mga katas na kinuha sa mga sangkap ng dugo. Ang gayong mga therapy ay hindi mga pagsasalin niyaong pangunahing mga sangkap; kadalasang nasasangkot dito ang mga bahagi o katiting na mga bahagi nito. Dapat bang tumanggap ang mga Kristiyano ng katiting na mga bahaging ito sa medikal na paggamot? Hindi natin masasabi. Hindi nagbibigay ng mga detalye ang Bibliya, kaya ang isang Kristiyano ay dapat na gumawa ng kaniyang sariling pasiya na salig sa budhi sa harap ng Diyos.
Ang ilan ay tumututol sa anumang sangkap na kinuha sa dugo (kahit na maliliit na bahagi ng sangkap na nilayong magbigay ng pansamantalang imyunidad na nakukuha sa pagsasalin ng mga antibody [passive immunity]). Iyan ang pagkaunawa nila sa utos ng Diyos na ‘umiwas sa dugo.’ Ikinatuwiran nila na ang kaniyang kautusan sa Israel ay humihiling na ang dugo na inalis sa isang nilalang ay dapat ‘ibuhos sa lupa.’ (Deuteronomio 12:22-24) Bakit mahalaga ito? Buweno, upang makapaghanda ng gamma globulin, mga sangkap sa pamumuo ng dugo na kinuha sa dugo, at iba pa, nangangailangan na ang dugo ay tipunin at iproseso. Kaya, tinatanggihan ng ilang mga Kristiyano ang gayong mga produkto, gaya ng pagtanggi nila sa mga pagsasalin ng purong dugo o ng apat na pangunahing mga sangkap nito. Ang kanilang taimtim at salig sa budhi na paninindigan ay dapat na igalang.
Iba naman ang pagpapasiya ng ibang Kristiyano. Tumatanggi rin sila sa mga pagsasalin ng purong dugo, mga pulang selula, mga puting selula, mga platelet, o plasma. Gayunman, maaari nilang pahintulutan ang isang manggagamot na gamutin sila sa pamamagitan ng maliit na bahagi na kinuha mula sa pangunahing mga sangkap. Kahit dito ay maaaring may mga pagkakaiba. Ang isang Kristiyano ay maaaring tumanggap ng iniksiyon ng gamma globulin, ngunit maaari siyang sumang-ayon o tumanggi sa iniksiyon na naglalaman ng anumang kinuha mula sa mga pula o puting selula. Gayunman, sa pangkalahatan, ano ang maaaring umakay sa ilang Kristiyano na magpasiyang maaari silang tumanggap ng maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo?
Binanggit sa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” ng Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1990, na ang mga protina ng plasma (maliliit na bahagi ng sangkap) ay lumilipat mula sa dugo ng isang babaing nagdadalang-taong patungo sa hiwalay na sistema sa dugo ng kaniyang ipinagbubuntis na sanggol. Kung kaya ipinapasa ng isang ina ang mga immunoglobulin sa kaniyang anak, anupat naglalaan ng mahalagang imyunidad. Sa magkahiwalay na paraan, kapag nalubos ng mga pulang selula ng isang ipinagbubuntis na sanggol ang normal na haba ng buhay ng mga ito, ang kanilang bahagi na nagdadala ng oksiheno ay pinoproseso. Ang ilan dito ay nagiging bilirubin, na tumatawid sa inunan patungo sa ina at inilalabas kasama ng kaniyang mga dumi sa katawan. Maaaring maghinuha ang ilang Kristiyano na yamang ang maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo ay maaaring lumipat sa ibang tao sa likas na kalagayan nito, maaari silang tumanggap ng maliit na bahagi ng sangkap ng dugo na kinuha mula sa plasma ng dugo o mga selula.
Ang katotohanan ba na nagkakaiba ang mga opinyon at mga pagpapasiya na salig sa budhi ay nangangahulugan na ang usapin ay di-mahalaga? Hindi. Ito’y seryoso. Ngunit may isang bagay lamang na tiyak. Ang materyal sa itaas ay nagpapakita na tinatanggihan ng mga Saksi ni Jehova ang pagsasalin kapuwa ng purong dugo at ng pangunahin nitong mga sangkap ng dugo. Inuutusan ng Bibliya ang mga Kristiyano na ‘umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa pakikiapid.’ (Gawa 15:29) Maliban diyan, kung tungkol sa maliliit na bahagi ng anuman sa pangunahing mga sangkap, ang bawat Kristiyano, matapos ang maingat at may-pananalanging pagbubulay-bulay, ay kailangang magpasiya mismo ayon sa kaniyang sariling budhi.
Maraming tao ang nakahandang tumanggap ng anumang therapy na waring nagbibigay ng kagyat na kapakinabangan, maging ang isang therapy na nalalamang may kaakibat na mga panganib sa kalusugan, na gaya ng totoo sa mga produktong may dugo. Ang isang taimtim na Kristiyano ay nagsisikap na magkaroon ng mas malawak at mas timbang na pangmalas na nagsasangkot ng higit pa kaysa sa basta pisikal na mga aspekto lamang. Pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang mga pagsisikap na maglaan ng de-kalidad na pangangalagang medikal, at kanilang tinitimbang ang katumbasan ng panganib/pakinabang ng anumang paggagamot. Gayunman, kung tungkol sa mga produktong kinuha sa dugo, maingat nilang tinitimbang kung ano ang sinasabi ng Diyos at ang kanilang personal na kaugnayan sa ating Tagapagbigay-Buhay.—Awit 36:9.
Ano ngang pagpapala sa isang Kristiyano na taglayin ang gayong pagtitiwala na gaya ng salmista na sumulat: “Ang Diyos na Jehova ay araw at kalasag; lingap at kaluwalhatian ang ibinibigay niya. Si Jehova ay hindi magkakait ng anumang mabuti sa mga lumalakad sa kawalang-pagkukulang. O Jehova . . . , maligaya ang tao na nagtitiwala sa iyo”!—Awit 84:11, 12.
[Talababa]
^ par. 12 Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Disyembre 15, 1978, at Oktubre 1, 1994. Ang mga kompanya ng gamot ay nakagawa na ng mga produktong sintetiko na hindi kinuha sa dugo at maaaring ireseta na kahalili ng ilang maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo na ginagamit noong nakalipas.
[Kahon sa pahina 30]
MUNGKAHING MGA KATANUNGAN PARA SA DOKTOR
Kung napapaharap ka sa operasyon o paggamot na maaaring magsangkot ng isang produkto mula sa dugo, itanong:
Alam ba ng lahat ng nasasangkot na medikal na mga tauhan na, bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, iniuutos ko na walang pagsasalin ng dugo (purong dugo, mga pulang selula, mga puting selula, mga platelet, o plasma ng dugo) ang ibibigay sa akin sa ilalim ng anumang mga kalagayan?
Kung ang anumang gamot na irereseta ay maaaring gawa mula sa plasma ng dugo, mga pula o puting selula, o mga platelet, itanong:
Ang gamot ba ay gawa mula sa isa sa apat na pangunahing mga sangkap ng dugo? Kung oo, maaari ba ninyong ipaliwanag ang kayarian nito?
Gaano karami ng gamot na ito na kinuha sa dugo ang maaaring gamitin, at sa anong paraan?
Kung pahihintulutan ako ng aking budhi na tanggapin ang katiting na bahaging ito, anong medikal na mga panganib ang nasasangkot?
Kung pakikilusin ako ng aking budhi na tanggihan ang katiting na bahaging ito, anong iba pang theraphy ang maaaring gamitin?
Pagkatapos kong isaalang-alang nang higit ang bagay na ito, kailan ko maaaring ipaalam sa inyo ang aking pasiya?