Sakdal na Buhay—Hindi Lamang Isang Panaginip!
Sakdal na Buhay—Hindi Lamang Isang Panaginip!
Isang sakdal na daigdig—ano ang kahulugan nito sa iyo? Gunigunihin ang isang lipunan ng tao kung saan walang krimen, pag-abuso sa droga, gutom, karalitaan, o kawalang-katarungan. Ang lahat ay nagtatamasa ng mahusay na emosyonal at pisikal na kalusugan. Walang kalumbayan o kalungkutan sapagkat naalis na maging ang kamatayan. Makatotohanan bang asamin ang gayong daigdig?
BAGAMAN pinahahalagahan ang mga pagsulong sa siyensiya at teknolohiya, karamihan ng mga tao ay hindi talaga naniniwala na mapangyayari ng karunungan o kaalaman ng tao ang isang sakdal na daigdig kung saan ang lahat ay mamumuhay sa kapayapaan at kaligayahan. Sa kabilang dako, di-maikakailang ang hilig ng tao ay mapasulong ang mga bagay-bagay at maituwid ang mga di-kasakdalan. Sabihin pa, ang basta di-makatotohanang pangangarap ay hindi tutulong sa mga walang tahanan at sa mga dukha, ni mabibigyan-kasiyahan man nito ang may kapansanan at ang maysakit na naghahangad ng ginhawa mula sa dinaranas nilang paghihirap. Ang isang sakdal na daigdig ay hindi basta darating sa pamamagitan ng pagkamalikhain ng tao. Gayunman, sa kabila ng kasalukuyang kahapisan at paniniil, may matitibay na dahilang maniwala na ang isang daigdig na matatawag mong sakdal ay talagang malapit na.
Kapag iniisip mo ang tungkol sa sakdal na buhay, maaaring sumagi sa iyong isipan ang buhay ni Jesu-Kristo. Hindi lamang si Jesus ang tanging sakdal na tao na kailanma’y nabuhay sa lupa. Sina Adan at Eva, na nilalang sa larawan ng Diyos, ay nagtamasa ng sakdal na buhay sa isang paraiso. Subalit, naiwala nila ang mahusay na kalagayang ito dahil sa kanilang paghihimagsik laban sa kanilang makalangit na Ama. (Genesis 3:1-6) Gayunman, ikinintal ng Maylalang sa mga tao ang hangaring mabuhay magpakailanman. Pinatutunayan ito ng Eclesiastes 3:11: “Ang lahat ng bagay ay ginawa [ng Diyos na] maganda sa panahon nito. Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso, upang hindi kailanman matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.”
Bagaman ang di-kasakdalan at kasalanan ay umakay sa sangkatauhan sa isang buhay ng “kawalang-saysay” at “pagkaalipin sa kasiraan,” pansinin ang nakaaaliw na pananalita ni apostol Pablo: “Ang may-pananabik na pag-asam ng paglalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos. Roma 8:19-21) Nililiwanag ng Bibliya na ang mga paglalaan ng Diyos para sa pagsasauli sa sakdal na buhay ng tao ay pinapangyari sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—Juan 3:16; 17:3.
Sapagkat ang paglalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop dito, salig sa pag-asa na ang paglalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Bukod pa sa kamangha-manghang pag-asang ito sa hinaharap, taglay nating lahat ang kakayahan para sumulong sa espirituwal, anupat ginagawang mahayag ang ating pagsulong maging sa ngayon.
Sikaping Maging Makatuwiran
Itinuring ni Jesu-Kristo na napakahalaga ng bagay na hinggil sa kasakdalan anupat sinabi niya sa maraming nakikinig: “Kayo ay dapat na maging sakdal, kung paanong ang inyong makalangit na Ama ay sakdal.” (Mateo 5:48) Talaga bang inaasahan tayo ni Jesus na maging walang kapintasan sa kasalukuyang balakyot na sistema? Hindi. Tiyak na dapat tayong magsikap na linangin ang mga katangian ng pagkabukas-palad, kabaitan, at pag-ibig sa ating kapuwa, gayunman ay kadalasang hindi natin nagagawa ang tama. Maging ang isa sa mga apostol ni Jesus ay sumulat: “Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan. Kung sasabihin natin: ‘Tayo ay hindi nagkasala,’ ginagawa natin siyang sinungaling, at ang kaniyang salita ay wala sa atin.”—1 Juan 1:9, 10.
Gayunpaman, mapasusulong natin ang paraan kung paano natin mamalasin ang ating sarili at pakikitunguhan ang iba, anupat iniiwasan ang mga kalabisan. Sino ang makasusumpong ng mas mabuting tagubilin sa pagkakaroon ng isang timbang at makatuwirang personalidad kaysa yaong masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya? Ang pagpapaunlad ng mga katangiang gaya ng kagalakan at pagiging katamtaman ay tutulong sa atin na makibagay sa iba sa trabaho, sa ating kabiyak, at sa ating mga magulang o mga anak. Si apostol Pablo ay nagpayo sa mga Kristiyano: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo! Hayaang malaman ng lahat ng tao ang inyong pagka-makatuwiran.”—Filipos 4:4, 5.
Mga Pakinabang ng Pagiging Makatuwiran
Kung ikaw ay makatuwiran sa iyong mga inaasahan at iiwasan ang perpeksiyonismo na nagpapahirap sa sarili at nakapipinsala sa sarili, makikinabang ka at gayundin ang iba. Ang pagkilala sa iyong tunay na kakayahan ay nagsasangkot ng pagiging kapuwa makatotohanan at makatuwiran tungkol sa kung ano ang gusto mong gawin. Alalahanin, nilalang tayo ng Diyos upang mabuhay sa lupa at makasumpong ng kasiyahan sa makabuluhang gawain na kapaki-pakinabang sa atin at sa iba.—Genesis 2:7-9.
Kung ikaw ay naging labis na mapaghanap sa iyong sarili, bakit hindi dumulog kay Jehova sa panalangin? Ang pagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay magdudulot sa iyo ng malaking ginhawa. Nalalaman ni Jehova ang ating kayarian at di-sakdal na kalagayan, kaya siya’y makatuwiran o madaling palugdan. Ang salmista ay tumitiyak sa atin: “Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:13, 14) Anong laki ng pasasalamat natin na ang Diyos ay nakikitungo sa mga tao sa gayong maawaing paraan! Alam niya ang ating mga limitasyon, gayunman ay maaari tayong maging mahalaga sa kaniyang paningin bilang minamahal na mga anak.
Sa halip na itaguyod ang perpeksiyonismo, mas makabubuti ngang linangin ang espirituwal na kaunawaan at isang timbang na pangmalas! Bukod pa riyan, makatitiyak tayo na walang makahahadlang kay Jehova sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin na iangat ang sangkatauhan sa kasakdalan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Subalit ano ba ang kahulugan ng kasakdalan ng tao?
Ang Sakdal na Buhay ay Mas Mainam Kaysa sa Perpeksiyonismo
Ang kasakdalan ay hindi nangangahulugan ng pagiging isang perpeksiyonista. Yaong may pribilehiyong mabuhay sa Paraiso sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ay tiyak na hindi magiging mapaghanap at mga indibiduwal na matuwid sa sarili. Ang isa sa mga kahilingan para maligtas sa malaking kapighatian ay ang taos-pusong pagpapahalaga sa haing pantubos, gaya ng ipinahayag ng malaking pulutong mula sa lahat ng bansa na inilarawan ni apostol Juan: “Kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.” (Apocalipsis 7:9, 10, 14) Lahat ng makaliligtas sa dumarating na malaking kapighatian ay magpapasalamat na si Kristo ay handang namatay para sa kanila at sa lahat niyaong nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya. Ang kaniyang maibiging sakripisyo ang naglalagay ng saligan upang magdulot ng nagtatagal na ginhawa mula sa kanilang mga di-kasakdalan at mga kahinaan.—Juan 3:16; Roma 8:21, 22.
Ano ang magiging katulad ng sakdal na buhay? Sa halip na kompetisyon at sakim na ambisyon, pag-ibig at kabaitan sa gitna ng mga tao ang magpapangyaring sulit ang pamumuhay, anupat inaalis ang pagkabalisa at mababang pagpapahalaga sa sarili. Gayunman, ang sakdal na buhay ay hindi magiging nakababagot o nakasasawa. Hindi inilalaan ng Salita ng Diyos ang lahat ng mga detalye tungkol sa Paraiso subalit inilalarawan nito ang uri ng buhay na maaasahan natin: “Sila ay tiyak na magtatayo ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at sila ay tiyak na magtatanim ng mga ubasan at kakain ng bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili. Hindi sila magpapagal nang walang kabuluhan, ni manganganak man sila ukol sa kabagabagan.”—Isaias 65:21-23.
Sa halip na mag-isip hinggil sa kung anong uri ng paglilibang, mga pasilidad sa pamimili, teknolohiya, o transportasyon ang ilalaan ng Kaharian, gunigunihin ang iyong sarili na tinatamasa ang katuparan ng mga salitang ito: “ ‘Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami gaya ng toro; at kung tungkol sa serpiyente, ang magiging pagkain niya ay alabok. Hindi sila mananakit ni maninira man sa aking buong banal na bundok,’ ang sabi ni Jehova.” (Isaias 65:25) Ano ngang laki ng magiging pagkakaiba ng sakdal na buhay sa kung ano ang nakikita mo sa ngayon! Kung isa ka sa magiging karapat-dapat na mabuhay sa panahong iyon, may dahilan kang magtiwala na ang iyong maibigin at makalangit na Ama ay magpapakita ng interes sa iyo at sa iyong pamilya. “Magkaroon ka rin ng masidhing kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.”—Awit 37:4.
Ang sakdal na buhay ay hindi lamang isang panaginip. Lubusang matutupad ang maibiging layunin ni Jehova sa sangkatauhan. Ikaw at ang iyong pamilya ay makakabilang sa mga isasauli sa kasakdalan ng tao at mabubuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos. Inihuhula ng Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
[Larawan sa pahina 6]
Mapasusulong natin ang paraan ng pangmalas natin sa ating sarili at sa iba, anupat iniiwasan ang perpeksiyonismo o pagiging metikuloso
[Larawan sa pahina 7]
Bakit hindi ilarawan sa isipan ang iyong sarili na nagtatamasa na ng mapayapa at matuwid na mga kalagayan sa Paraiso?