Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Tagapagdala ng Liwanag sa Maraming Bansa

Isang Tagapagdala ng Liwanag sa Maraming Bansa

Isang Tagapagdala ng Liwanag sa Maraming Bansa

ANG KUWENTO NI GEORGE YOUNG AYON SA SALAYSAY NI RUTH YOUNG NICHOLSON

“Bakit, kung gayon, nananahimik ang ating mga pulpito? . . . Anong uri ng mga tao nga tayo kung mananatili tayong walang-imik pagkatapos nating mapatunayan na totoo ang mga bagay na ito na isinulat ko? Huwag nating panatilihing walang kabatiran ang mga tao, kundi ipahayag natin ang katotohanan nang hindi ikinahihiya o ikinukubli.”

ITO ang mga pananalita na bahagi ng 33-pahinang sulat ni Itay na humihiling na alisin ang kaniyang pangalan mula sa opisyal na talaan ng simbahan. Ang taon ay 1913. Mula noong panahong iyon patuloy, sinimulan niya ang isang buhay na punô ng mga pangyayari na umakay sa kaniya na maglingkod bilang isang tagapagdala ng liwanag sa maraming bansa. (Filipos 2:15) Mula noong ako’y isang munting batang babae, nagtipon ako ng mga kuwento tungkol sa mga karanasan ni Itay mula sa mga kamag-anak at mula sa makasaysayang mga reperensiya, at tinulungan ako ng mga kaibigan upang buuin ang kuwento ng kaniyang buhay. Sa maraming paraan ang buhay ni Itay ay nagpapagunita sa akin niyaong buhay ni apostol Pablo. Tulad niyaong “apostol sa mga bansa,” si Itay ay laging handang maglakbay upang ihatid ang mensahe ni Jehova sa mga tao ng bawat lupain at pulo. (Roma 11:13; Awit 107:1-3) Hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang tungkol sa aking ama, si George Young.

Ang Panahon ng Kabataan

Si Itay ang bunsong anak na lalaki nina John at Margaret Young, mga Presbitero na taga-Scotland. Siya ay isinilang noong Setyembre 8, 1886, karaka-raka pagkatapos lumipat ang pamilya mula sa Edinburgh, Scotland, tungo sa British Columbia sa gawing kanluran ng Canada. Ang kaniyang tatlong nakatatandang kapatid na lalaki​—sina Alexander, John, at Malcolm​—ay isinilang sa Scotland mga ilang taon na mas maaga. Si Marion, ang mas nakababatang kapatid na babae ng mga batang lalaki, na magiliw nilang tinatawag na Nellie, ay mas bata ng dalawang taon kaysa kay Itay.

Palibhasa’y lumaki sa kabukiran sa Saanich, hindi kalayuan sa Victoria, British Columbia, masayang-masaya ang mga bata. Kasabay nito, natuto silang pumasan ng pananagutan. Kaya kapag umuwi ang kanilang mga magulang mula sa isang paglalakbay sa Victoria, ang mga gawain sa labas ng bahay ay tapos na at ang bahay ay maayos.

Nang maglaon, si Itay at ang kaniyang mga kapatid na lalaki ay naging interesado sa negosyo na pagmimina at pagtotroso. Nagkaroon ng mahusay na reputasyon ang magkakapatid na Young bilang mga krusero ng troso (mga lalaking sumusuri sa lupain para sa posibleng makukuhang troso) at bilang mga bumibili at nagbibili ng troso. Pinangasiwaan ni Itay ang pinansiyal na mga transaksiyon.

Sa kalaunan, ang hilig ni Itay sa espirituwal na mga bagay ay umakay sa kaniya na magpasiyang maging isang ministrong Presbitero. Subalit, halos noong panahon ding iyon ay lubhang nakaapekto sa kaniyang buhay ang mga sermon na nasa pahayagan ni Charles Taze Russell, unang presidente ng Zion’s Watch Tower Tract Society. Ang natutuhan ni Itay ang nagpakilos sa kaniya na gawin at ipadala ang sulat ng pagbibitiw na nabanggit sa pasimula.

May kabaitan subalit maliwanag na ginamit ni Itay ang mga talata sa Bibliya upang pasinungalingan ang mga turo ng simbahan na ang kaluluwa ng tao ay imortal at na walang hanggang pahihirapan ng Diyos ang mga kaluluwa ng tao sa apoy ng impiyerno. Inilantad din niya ang doktrina ng Trinidad, na pinatutunayan na ito ay hindi nagmula sa mga Kristiyano at lubusang hindi sinusuhayan ng Kasulatan. Mula noon ay itinaguyod niya ang ministeryong Kristiyano bilang pagtulad kay Jesu-Kristo, na mapakumbabang ginagamit ang lahat niyang mga kakayahan at lakas sa kaluwalhatian ni Jehova.

Noong 1917, sa ilalim ng pangangasiwa ng Samahang Watch Tower, si Itay ay nagsimulang maglingkod bilang isang pilgrim, gaya ng tawag noon sa naglalakbay na mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova. Sa mga lunsod at mga bayan sa buong Canada, siya’y nagbigay ng mga lektyur at nagpalabas ng pelikula at slide program na kilala bilang ang “Photo-Drama of Creation.” Punung-puno ang mga teatro dahil sa mga pagdalaw ni Itay. Ang iskedyul para sa kaniyang mga pagdalaw bilang pilgrim ay lumitaw sa The Watchtower hanggang noong 1921.

Isang pahayagan sa Winnipeg ang nag-ulat na ang Ebanghelistang si Young ay nagsalita sa 2,500 at na marami ang hindi makapasok sapagkat ang bulwagan ay siksikan sa dami ng tao. Sa Ottawa, ipinahayag niya ang paksang “To Hell and Back.” Isang may edad na lalaki roon ang nag-ulat: “Nang ito’y matapos, inanyayahan ni George Young sa plataporma ang isang hanay ng mga klerigo upang talakayin ang paksa na kasama niya, subalit walang isa man sa kanila ang kumilos. Natanto ko noon na nasumpungan ko na ang katotohanan.”

Sinikap ni Itay na isiksik ang maraming espirituwal na gawain hangga’t maaari sa kaniyang mga pagdalaw bilang pilgrim. Pagkatapos, nagmamadali siya upang makasakay ng tren para sa isa pang nakaiskedyul na pagdalaw. Kapag naglalakbay sakay ng kotse, kadalasang bumibiyahe na siya sa susunod niyang atas bago pa mag-almusal. Bukod pa sa pagiging masigasig, si Itay ay may reputasyon din sa pagiging isang taong makonsiderasyon at kilala sa kaniyang mga gawang Kristiyano at pagkabukas-palad.

Sa maraming unang mga kombensiyon na dinaluhan niya, kabilang sa isa na lubhang di-malilimot ay yaong idinaos sa Edmonton, Alberta, noong 1918. Ang buong pamilya niya ay naroon para sa bautismo ni Nellie. Ito rin ang huling pagkakataon na magkakasama ang mga magkakapatid na lalaki. Pagkalipas ng dalawang taon, si Malcolm ay namatay dahil sa pulmonya. Tulad ng kaniyang tatlong kapatid na lalaki at ng kaniyang ama, si Malcolm ay may pag-asa ng makalangit na buhay, at silang lahat ay nanatiling tapat sa Diyos hanggang sa kanilang kamatayan.​—Filipos 3:14.

Patungo sa mga Banyagang Lupain

Nang matapos ni Itay ang paglalakbay na pangangaral sa Canada noong Setyembre 1921, inutusan siya ni Joseph F. Rutherford, presidente noon ng Samahang Watch Tower, na magtungo sa mga kapuluan sa Caribbean. Saanman ipalabas ni Itay ang “Photo-Drama of Creation,” naging mainam ang pagtanggap dito. Mula sa Trinidad, siya’y sumulat: “Punung-puno ang lugar, at marami ang hindi na pinapasok dahil sa wala nang lugar. Dinagsa ng mga tao ang gusali noong ikalawang gabi.”

Pagkatapos, noong 1923, naatasan si Itay sa Brazil. Nagsalita siya roon sa maraming tagapakinig, kung minsan ay gumagamit ng inupahang mga interprete. Ang The Watchtower ng Disyembre 15, 1923, ay nag-ulat: “Mula Hunyo 1 hanggang Setyembre 30, si Brother Young ay nagdaos ng 21 pahayag pangmadla, na may kabuuang dumalo na 3,600; 48 pulong ng kongregasyon na dinaluhan ng 1,100; namahagi ng libreng literatura sa wikang Portuges sa kabuuang 5,000 kopya.” Marami ang nagpakita ng interes nang ipahayag ni Itay ang “Milyun-Milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay.”

Nang ialay ang bagong mga pasilidad sa Brazil noong Marso 8, 1997, ang brosyur sa pag-aalay ay nag-ulat: “1923: Dumating si George Young sa Brazil. Inorganisa niya ang isang tanggapang pansangay sa sentro ng Rio de Janeiro.” Bagaman ang literatura sa Bibliya ay makukuha sa wikang Kastila, may pangangailangan din para sa mga ito sa wikang Portuges, ang pangunahing wika sa Brazil. Kaya, noong Oktubre 1, 1923, ang The Watchtower ay nagsimulang ilathala sa Portuges.

Maraming di-malilimot na mga kakilala si Itay sa Brazil. Ang isa ay ang may kaya sa buhay na lalaking Portuges na nagngangalang Jacintho Pimentel Cabral, na nag-alok ng kaniyang tahanan para sa mga pulong. Di-nagtagal ay tinanggap ni Jacintho ang katotohanan sa Bibliya at nang maglaon ay naging isang miyembro ng mga kawani sa sangay. Ang isa pa ay si Manuel da Silva Jordão, isang kabataang hardinerong Portuges. Narinig niya ang isang pahayag pangmadla ni Itay na nagpakilos sa kaniya na magbalik sa Portugal upang maglingkod bilang isang colporteur, gaya ng tawag noon sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova.

Malawakang naglakbay si Itay sakay ng tren sa buong Brazil, at natagpuan niya ang mga interesado. Sa isa sa kaniyang mga paglalakbay, nakilala niya sina Bony at Catarina Green, at tumira siya sa kanila sa loob ng mga dalawang linggo, na ipinaliliwanag sa kanila ang Kasulatan. Sinagisagan noon ng mga pito sa pamilyang ito ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.

Isa pa sa nakilala niya ay si Sarah Bellona Ferguson noong 1923. Noong 1867, bilang isang kabataang babae, sila ng kapatid niyang lalaki na si Erasmus Fulton Smith at ang iba pa sa pamilya, ay lumipat sa Brazil mula sa Estados Unidos. Mula noong 1899 ay regular siyang tumatanggap ng magasing Watchtower sa pamamagitan ng koreo. Ang pagdalaw ni Itay ay isang malaon nang pinakahihintay na pagkakataon para kay Sarah, sa kaniyang apat na anak, at sa isa na tinatawag ni Itay na Tiya Sallie upang mabautismuhan. Iyon ay noong Marso 11, 1924.

Hindi nagtagal, si Itay ay nangaral sa iba pang bansa sa Timog Amerika. Noong Nobyembre 8, 1924, sumulat siya mula sa Peru: “Katatapos ko lamang magpasakamay ng 17,000 tract sa Lima at sa Callao.” Pagkatapos ay nagtungo siya sa Bolivia upang mamahagi ng tract doon. May kinalaman sa pagdalaw na iyon, ganito ang sulat niya: “Pinagpapala ng ating Ama ang pagsisikap. Isang Indian ang tumulong sa akin. Ang tahanan niya ay nasa pinagmumulan ng isang batis sa Amason. Nagdala siya ng 1,000 tract at ilang aklat pauwi.”

Sa pamamagitan ng mga pagsisikap ni Itay, ang mga binhi ng katotohanan ng Bibliya ay lumaganap sa maraming bansa sa Sentral at Timog Amerika. Noong Disyembre 1, 1924, ang Watchtower ay nag-ulat: “Mahigit nang dalawang taon ngayon si George Young sa Timog Amerika. . . . Naging pribilehiyo ng mahal na kapatid na ito na dalhin ang mensahe ng katotohanan sa Punta Arenas, sa Straits of Magellan.” Pinangunahan din ni Itay ang gawaing pangangaral sa mga bansang gaya ng Costa Rica, Panama, at Venezuela. Nagpatuloy siya kahit na nagkaroon siya ng malarya at naapektuhan ang kaniyang kalusugan.

Pagkatapos sa Europa

Noong Marso 1925, si Itay ay naglakbay sakay ng barko patungong Europa, kung saan inaasahan niyang makapamahagi ng 300,000 tract sa Bibliya sa Espanya at Portugal at magsaayos para sa pagpapahayag ni Brother Rutherford ng mga lektyur sa madla. Gayunman, pagdating sa Espanya, si Itay ay nagpakita ng pag-aatubili sa pagbibigay ni Brother Rutherford ng gayong mga lektyur dahil sa umiiral na kawalang-pagpaparaya sa relihiyon.

Bilang tugon, si Brother Rutherford ay sumulat, na sinisipi ang Isaias 51:16: “Inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang mga langit, at mailagay ang mga patibayan ng lupa, at magsabi sa Sion, Ikaw ay aking bayan.” (King James Version) Dahil diyan, si Itay ay naghinuha: “Tiyak na kalooban ng Panginoon na ako’y magpatuloy at ipaubaya sa kaniya ang mga resulta.”

Noong Mayo 10, 1925, ipinahayag ni Brother Rutherford ang kaniyang lektyur sa pamamagitan ng isang interprete sa Novedades Theater sa Barcelona. Mahigit na 2,000 ang dumalo, kabilang ang isang opisyal ng gobyerno at isang pantanging bantay sa entablado. Gayunding pamamaraan ang sinunod sa Madrid, na may 1,200 ang dumalo. Ang naging resulta ng interes na napukaw sa mga pahayag na ito ay ang pagtatayo ng isang tanggapang pansangay sa Espanya, gaya ng sinasabi ng 1978 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, “sa ilalim ng pangangasiwa ni George Young.”

Noong Mayo 13, 1925, si Brother Rutherford ay nagsalita sa Lisbon, Portugal. Ang pagdalaw niya roon ay isa ring malaking tagumpay, sa kabila ng mga pagsisikap ng mga klero na guluhin ang pulong sa pamamagitan ng pagsigaw at pagsira sa mga silya. Kasunod ng mga lektyur ni Brother Rutherford sa Espanya at Portugal, si Itay ay nagpatuloy sa pagpapalabas ng “Photo-Drama,” at isinaayos din niya ang paglilimbag at pamamahagi ng literatura sa Bibliya sa mga lugar na iyon. Noong 1927, siya’y nag-ulat na ang mabuting balita “ay nailathala na sa lahat ng lunsod at bayan sa Espanya.”

Pangangaral sa Unyong Sobyet

Ang sumunod na atas misyonero ni Itay ay ang Unyong Sobyet, kung saan dumating siya noong Agosto 28, 1928. Isang liham na isinulat niya, na may petsang Oktubre 10, 1928, ay kababasahan ng ganito sa bahagi:

“Mula nang dumating ako sa Russia, talagang maipananalangin ko, ‘Dumating nawa ang kaharian mo’ taglay ang buong kataimtiman ng puso. Natututuhan ko na ang wika, subalit ito’y mabagal. Ang aking interprete ay isang lubhang natatanging lalaki, isang Judio, subalit naniniwala siya kay Kristo at mahilig sa Bibliya. Nagkaroon ako ng ilang kawili-wiling mga karanasan subalit hindi ko alam kung gaano katagal ako pahihintulutang manatili. Noong nakaraang linggo, nakatanggap ako ng notisya na umalis sa loob ng 24 na oras subalit naayos ko ito upang makapanatili ako nang mas matagal.”

Nakipagkita ako sa ilang Estudyante ng Bibliya sa Kharkov, na ngayo’y isang malaking lunsod sa Ukraine, at ang resulta ng masiglang pagpapalitan ng pampatibay-loob ay nagdulot ng mga luha ng kagalakan sa kanilang mga mata. Nagdaos ng isang maliit na kombensiyon tuwing gabi hanggang sa hatinggabi. Sa pagsulat nang dakong huli tungkol sa pulong na ito na kasama ng mga kapatid, ganito ang sabi ni Itay: “Kawawang mga kapatid, sinamsam ang kakaunti nilang mga aklat at ang mga awtoridad ay masungit, gayunman sila ay maliligaya.”

Ang ministeryo ni Itay sa Unyong Sobyet ay itinampok sa isang pantanging brosyur na ibinigay sa mga dumalo sa pag-aalay ng bagong mga pasilidad ng sangay sa St. Petersburg, Russia, noong Hunyo 21, 1997. Binabanggit ng brosyur na si Itay ay isinugo sa Moscow, at iniulat nito na nakakuha siya ng pahintulot “upang gumawa ng 15,000 kopya ng mga buklet na Freedom for the Peoples at Where Are the Dead? para ipamahagi sa Russia.”

Pagbalik mula sa Russia, si Itay ay naatasan sa gawaing pilgrim sa Estados Unidos. Sa South Dakota, dinalaw niya ang tahanan nina Nellena at Verda Pool, magkapatid sa laman na pagkalipas ng mga taon ay naging mga misyonera sa Peru. Nagpahayag sila ng magiliw na pagpapahalaga sa walang-humpay na ministeryo ni Itay at nagsabi: “Ang mga kapatid na lalaki noong panahong iyon ay talagang may espiritu ng pagpapayunir habang nagtutungo sila sa banyagang mga lugar na ito taglay ang kaunting mga bagay sa sanlibutang ito subalit taglay ang pusong nag-uumapaw ng pag-ibig kay Jehova. Iyan ang nag-udyok sa kanila na gawin kung ano ang kanilang naisagawa.”

Pag-aasawa at Ikalawang Paglalakbay

Sa lahat ng mga taóng ito ay nakipagsulatan si Itay kay Clara Hubbert ng Manitoulin Island, Ontario. Kapuwa sila dumalo sa kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong Hulyo 26, 1931, nang tanggapin ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10-12) Nagpakasal sila pagkalipas ng isang linggo. Di-nagtagal, umalis na naman si Itay, patungo sa kaniyang ikalawang paglalakbay misyonero sa mga pulo ng Caribbean. Doon, tumulong siya upang organisahin ang mga pulong at sanayin ang iba sa ministeryo sa bahay-bahay.

Si Inay ay tumanggap ng mga litrato, kard, at mga sulat mula sa Suriname, St. Kitts, at marami pang ibang lugar. Ang mga sulat ay nag-uulat hinggil sa mga pagsulong ng gawaing pangangaral at kung minsan ay naglalakip ng mga impormasyon tungkol sa mga ibon, hayop, at mga halaman sa partikular na bansang kinaroroonan niya. Noong Hunyo 1932, natapos ni Itay ang atas niya sa Caribbean at, gaya ng dati ay naglakbay siya sakay ng barko doon sa may pinakamurang bayad, nagbalik siya sa Canada. Mula noon, magkasama sila ni Inay na nakibahagi sa buong-panahong gawaing pangangaral na ginugol ang taglamig ng 1932/33 sa lugar ng Ottawa kasama ng isang malaking grupo ng iba pang buong-panahong mga ministro.

Isang Maikling Buhay Pampamilya

Noong 1934, isinilang ang aking kapatid na si David. Nang siya ay bata pa, tumatayo siya sa kahon ng sombrero ni Inay at nagsasanay sa pagbibigay ng kaniyang “mga pahayag.” Sa buong buhay niya, nagpakita siya ng sigasig kay Jehova tulad ng kaniyang ama. Silang tatlo ay naglakbay sakay ng kotse, na may nakataling trompa sa bubong, habang dinadalaw nila ang mga kongregasyon mula sa silangang baybayin ng Canada hanggang sa kanlurang baybayin. Isinilang ako noong 1938 habang si Itay ay naglilingkod sa British Columbia. Naaalaala ni David na pinatutulog ako ni Itay sa kama at sina Itay, Inay, at David ay nakaluhod sa paligid nito habang si Itay ay nananalangin ng pasasalamat para sa akin.

Noong taglamig ng 1939, kami’y tumira sa Vancouver habang dumadalaw si Itay sa mga kongregasyon sa lugar na iyon. Kabilang sa maraming sulat na natipon namin sa nakalipas na mga taon ay yaong isa na isinulat na may petsang Enero 14, 1939, nang siya ay nasa Vernon, British Columbia. Isinulat ito ni Itay kina Clara, David, at Ruth, na nagsasabi: “Mumunting halik at yapos.” Doon ay may isang mensahe para sa bawat isa sa amin. Binanggit niya ang tungkol sa malaki pang aanihin subalit kakaunti ang mga manggagawa.​—Mateo 9:37, 38.

Isang linggo pagkatapos magbalik sa Vancouver mula sa kaniyang atas, si Itay ay nabuwal sa isang pulong. Isiniwalat ng isang kasunod na pagsusuri na mayroon siyang kanser sa utak. Noong Mayo 1, 1939, natapos na niya ang kaniyang makalupang gawain. Siyam na buwan ang gulang ko noon, at si David ay halos limang taóng gulang. Ang aming mahal na ina, na mayroon ding makalangit na pag-asa, ay nanatiling tapat sa Diyos hanggang sa kaniyang kamatayan noong Hunyo 19, 1963.

Kung ano ang nadama ni Itay hinggil sa kaniyang pribilehiyo na pagdadala ng mabuting balita sa maraming bansa ay magandang inilarawan sa isa sa kaniyang mga sulat kay Inay. Sinabi niya sa isang bahagi: “May kabaitang pinahintulutan ako ni Jehova na magtungo sa mga lupaing ito bilang isang liwanag upang magdala ng mensahe ng Kaharian. Purihin nawa ang kaniyang banal na pangalan. Sa kabila ng mahinang pangangatawan at kawalang-kakayahan at kahinaan, nagniningning ang kaniyang kaluwalhatian.”

Ngayon, ang mga anak, apo, at mga apo-sa-tuhod nina George at Clara Young ay naglilingkod din sa ating maibiging Diyos, si Jehova. Sinabi sa akin na madalas daw sipiin ni Itay ang Hebreo 6:10, na nagsasabi: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” Hindi rin namin nakakalimutan ang gawa ni Itay.

[Larawan sa pahina 23]

Ang aking ama, sa kanan, kasama ng kaniyang tatlong kapatid na lalaki

[Mga larawan sa pahina 25]

Si Itay (nakatayo) kasama sina Brother Woodworth, Rutherford, at Macmillan

Ibaba: Si Itay (dulong kaliwa) sa grupo na kasama si Brother Russell

[Mga larawan sa pahina 26]

Sina Itay at Inay

Ibaba: Ang kanilang araw ng kasal

[Larawan sa pahina 27]

Kasama sina David at Inay mga ilang taon pagkamatay ni Itay