Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mabubuting Halimbawa—Nakikinabang Ka ba sa Kanila?

Mabubuting Halimbawa—Nakikinabang Ka ba sa Kanila?

Mabubuting Halimbawa​—Nakikinabang Ka ba sa Kanila?

“KAYO ay naging halimbawa sa lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at sa Acaya.” Isinulat ni apostol Pablo ang mga pananalitang ito sa tapat na mga Kristiyanong nakatira sa Tesalonica. Tunay na kapuri-puri ang halimbawang ipinakita nila para sa mga kapananampalataya. At ang mga taga-Tesalonica mismo ay tumugon sa halimbawa na ipinakita ni Pablo at ng kaniyang mga kasama. Sinabi ni Pablo: “Ang mabuting balita na aming ipinangangaral ay hindi nasumpungan sa gitna ninyo sa pamamagitan ng pananalita lamang kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan din at sa pamamagitan ng banal na espiritu at matibay na pananalig, gaya ng nalalaman ninyo kung naging anong uri kami ng mga tao sa inyo ukol sa inyong mga kapakanan; at kayo ay naging mga tagatulad namin.”​—1 Tesalonica 1:5-7.

Oo, higit pa ang ginawa ni Pablo kaysa mangaral lamang ng mga sermon. Ang kaniya mismong buhay ay isang sermon​—isang halimbawa ng pananampalataya, pagbabata, at pagsasakripisyo sa sarili. Dahil dito, si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay naging isang malakas na impluwensiya sa buhay ng mga taga-Tesalonica, anupat nagpakilos sa kanila na tanggapin ang katotohanan “sa ilalim ng labis na kapighatian.” Gayunman, hindi lamang si Pablo at ang kaniyang mga kapananampalataya ang may positibong impluwensiya sa mga mananampalatayang iyon. Nagpalakas-loob din ang halimbawa ng iba pa na nagbata ng kapighatian. Si Pablo ay sumulat sa mga taga-Tesalonica: “Kayo ay naging mga tagatulad, mga kapatid, sa mga kongregasyon ng Diyos na nasa Judea na kaisa ni Kristo Jesus, sapagkat kayo rin ay nagpasimulang magdusa sa mga kamay ng inyong sariling mga kababayan ng gayunding mga bagay na ipinagdurusa rin nila sa mga kamay ng mga Judio.”​—1 Tesalonica 2:14.

Si Kristo Jesus​—Ang Pinakamahusay na Halimbawa

Bagaman si Pablo mismo ay nagpakita ng isang halimbawa na karapat-dapat tularan, hindi niya nakaligtaang tukuyin si Jesu-Kristo bilang ang pangunahing halimbawa na dapat sundin ng mga Kristiyano. (1 Tesalonica 1:6) Si Kristo ang ating pinakamahusay na Halimbawa noon at ngayon. Si apostol Pedro ay sumulat: “Sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iiwan ng huwaran sa inyo upang sundan ninyo nang maingat ang kaniyang mga yapak.”​—1 Pedro 2:21.

Gayunman, natapos ni Jesus ang kaniyang buhay bilang isang tao halos 2,000 taon na ang nakalipas. Ngayon siya ay “tumatahan sa di-malapitang liwanag” bilang isang imortal na espiritung nilalang. Bilang gayon, “walang isa man sa mga tao ang nakakita o makakakita” sa kaniya. (1 Timoteo 6:16) Kung gayon, paano natin siya matutularan? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pag-aaral sa apat na ulat ng Bibliya tungkol sa buhay ni Jesus. Ang mga Ebanghelyo ay nagbibigay ng malalim na unawa tungkol sa kaniyang personalidad, landasin ng buhay, at “pangkaisipang saloobin.” (Filipos 2:5-8) Matatamo rin ang karagdagang kaunawaan sa pamamagitan ng masusing pag-aaral sa aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, na tumatalakay sa mga pangyayari sa buhay ni Jesus nang detalyado at ayon sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod. *

Ang mapagsakripisyo-sa-sarili na halimbawa ni Jesus ay may malakas na impluwensiya kay apostol Pablo. Sinabi niya sa mga Kristiyano sa Corinto: “Sa ganang akin ay may malaking katuwaan na gugugol ako at magpapagugol nang lubusan para sa inyong mga kaluluwa.” (2 Corinto 12:15) Isa ngang tulad-Kristong saloobin! Habang minumuni-muni natin ang sakdal na halimbawa ni Kristo, tayo man ay dapat na mapakilos na tularan siya sa ating mismong landasin ng buhay.

Halimbawa, si Jesus ay nagturo sa atin na dapat tayong manalig sa pangako ng Diyos na maglaan sa materyal na paraan. Subalit higit pa riyan ang kaniyang ginawa. Ipinakita niya ang gayong pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova sa araw-araw. Sinabi niya: “Ang mga sorra ay may mga lungga at ang mga ibon sa langit ay may mga dapuan, subalit ang Anak ng tao ay walang dakong mapaghigan ng kaniyang ulo.” (Mateo 6:25; 8:20) Nangingibabaw ba sa iyong pag-iisip at pagkilos ang materyal na mga bagay? O nakikita ba sa iyong buhay na inuuna mo ang paghanap sa Kaharian? At kumusta naman ang tungkol sa iyong saloobin sa paglilingkod kay Jehova? Katulad ba ito ng ating Halimbawa, si Jesus? Ipinakikita ng Bibliya na si Jesus ay hindi lamang nangaral nang may sigasig kundi nagpakita rin siya ng matinding sigasig sa maraming okasyon. (Juan 2:14-17) Isa pa, anong inam na halimbawa ang ipinakita ni Jesus pagdating sa pag-ibig! Aba, isinakripisyo niya ang kaniya mismong buhay alang-alang sa kaniyang mga alagad! (Juan 15:13) Tinutularan mo ba si Jesus sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig sa iyong mga kapatid na Kristiyano? O hinahayaan mo bang ang mga di-kasakdalan ng iba ang humadlang sa iyong pag-ibig sa kanila?

Sa ating pagsisikap na tularan ang halimbawa ni Kristo, tayo ay madalas na hindi makaaabot. Subalit tiyak na nalulugod si Jehova sa ating mga pagsisikap na ‘ibihis ang Panginoong Jesu-Kristo.’​—Roma 13:14.

“Mga Halimbawa sa Kawan”

May mga indibiduwal ba sa kongregasyon sa ngayon na maaaring magsilbing mga halimbawa para sa atin? Tiyak na mayroon! Ang mga kapatid na lalaki na hinirang sa mga katungkulan ng pananagutan ay lalo nang dapat na magpakita ng mainam na halimbawa. Sinabi ni Pablo kay Tito, na naglingkod sa mga kongregasyon sa Creta at na humirang ng mga tagapangasiwa, na ang bawat hinirang na matanda ay dapat na maging isang “lalaki na malaya mula sa akusasyon.” (Tito 1:5, 6) Nagpayo rin si apostol Pedro sa “mga nakatatandang lalaki” na maging “mga halimbawa sa kawan.” (1 Pedro 5:1-3) At kumusta naman yaong mga naglilingkod bilang ministeryal na mga lingkod? Sila rin ay dapat na maging “mga lalaki na naglilingkod sa isang mahusay na paraan.”​—1 Timoteo 3:13.

Sabihin pa, hindi makatotohanang umasa na ang bawat matanda o ministeryal na lingkod ay magiging napakahusay sa bawat aspekto ng ministeryong Kristiyano. Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Mayroon tayong mga kaloob na nagkakaiba-iba alinsunod sa di-sana-nararapat na kabaitan na ibinigay sa atin.” (Roma 12:6) Ang iba’t ibang kapatid ay nakahihigit sa iba’t ibang larangan. Hindi makatuwirang umasa na ang matatanda ay gagawa at magsasalita ng lahat ng bagay sa sakdal na paraan. “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit,” ang sabi ng Bibliya sa Santiago 3:2. “Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahan na rendahan din ang kaniyang buong katawan.” Gayunman, sa kabila ng kanilang mga di-kasakdalan, ang matatanda, gaya ni Timoteo, ay maaari pa ring ‘maging [mga halimbawa] sa mga tapat sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.’ (1 Timoteo 4:12) Kapag gayon ang ginawa ng matatanda, yaong nasa kawan ay handang magkakapit ng payo sa Hebreo 13:7: “Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo, . . . at habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.”

Iba Pang Makabagong-Panahong mga Halimbawa

Sa nakalipas na mga ilang dekada, di-mabilang na iba pa ang nagpakita na sila ay mabubuting halimbawa. Kumusta ang libu-libong mapagsakripisyo-sa-sarili na mga misyonero na “nag-iwan ng mga bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ama o ina o mga anak o mga lupain” upang tuparin ang komisyong Kristiyano sa banyagang mga lupain? (Mateo 19:29) Isaalang-alang din ang mga naglalakbay na tagapangasiwa at ang kani-kanilang mga asawa, ang mga lalaki at mga babae na naglilingkod bilang mga boluntaryo sa mga tanggapan ng Samahang Watch Tower, at ang mga payunir na naglilingkod sa mga kongregasyon. Makapagpapakilos ba sa iba ang gayong mga halimbawa? Nagugunita ng isang Kristiyanong ebanghelisador sa Asia ang isang misyonero mula sa ikawalong klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Sinabi niya na ang tapat na brother na ito ay “handang harapin ang mga kuyog ng mga lamok at ang matinding pagkaumido. . . . Lalo pang kahanga-hanga ang kaniyang kakayahang gumawa ng mga presentasyon kapuwa sa mga wikang Tsino at Malay bagaman siya ay mula sa Inglatera.” Ang epekto ng kaniyang mabuting halimbawa? Ganito ang sabi ng kapatid na lalaki: “Ang pagiging kalmado at pagtitiwala niya ay nagbigay sa akin ng inspirasyon anupat gusto kong maging isang misyonero paglaki ko.” Hindi kataka-taka, naging isang misyonero nga ang kapatid na lalaking ito.

Ang Watch Tower Publications Index ay naglalaman ng isang talaan ng maraming kuwento ng buhay na lumabas sa mga magasing Bantayan at Gumising! Ang mga kuwentong ito ay nagsasaysay hinggil sa mga indibiduwal na nag-iwan ng makasanlibutang mga karera at mga tunguhin, napagtagumpayan ang mga kahinaan, gumawa ng malalaking pagbabago sa personalidad, nagpanatili ng isang positibong disposisyon sa harap ng kagipitan, at nagpakita ng kasipagan, pagbabata, katapatan, kapakumbabaan, at isang mapagsakripisyo-sa-sarili na espiritu. Isang mambabasa ang sumulat may kinalaman sa mga salaysay na ito: “Ginawa ako ng mga ito na maging higit na mapagpakumbaba at mapagpasalamat na Kristiyano habang binabasa ko ang naranasan ng iba, at ang mga ito’y nakatulong sa akin na huwag mag-isip nang labis tungkol sa aking sarili o maging makasarili.”

Bukod pa riyan, huwag kalimutan ang maiinam na halimbawa sa inyong sariling kongregasyon: mga ulo ng pamilya na hindi nagpapabaya sa pangangalaga kapuwa sa materyal at espirituwal na mga pangangailangan ng kani-kanilang mga pamilya; mga kapatid na babae​—pati na ang mga nagsosolong ina​—na hinaharap ang mga panggigipit sa pagpapalaki ng anak habang aktibo pa ring nakikibahagi sa ministeryo; ang mga may edad na at may sakit na nagpapatuloy na matapat sa kabila ng panghihina ng katawan at pagkakasakit. Hindi ka ba napakikilos ng gayong mga halimbawa?

Ipagpalagay na, ang sanlibutan ay punô ng masasamang halimbawa. (2 Timoteo 3:13) Gayunpaman, isaalang-alang ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano na nakatira sa Judea. Pagkatapos isalaysay ang huwarang paggawi ng maraming sinaunang mga lalaki at mga babae na may pananampalataya, hinimok sila ni apostol Pablo: “Kung gayon nga, sapagkat napalilibutan tayo ng ganito kalaking ulap ng mga saksi, . . . takbuhin [din] natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin, habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Ahente at Tagapagsakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.” (Hebreo 12:1, 2) Ang mga Kristiyano sa ngayon ay napalilibutan din ng ‘malaking ulap’ ng mabubuting halimbawa​—kapuwa ng sinauna at ng makabagong panahon. Talaga bang nakikinabang ka mula sa kanila? Makikinabang ka kung determinado kang maging ‘tagatulad, hindi ng kung ano ang masama, kundi ng kung ano ang mabuti.’​—3 Juan 11.

[Talababa]

^ par. 6 Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 20]

Hindi makatotohanang umasa na ang bawat matanda o ministeryal na lingkod ay magiging napakahusay sa bawat aspekto ng ministeryong Kristiyano

[Mga larawan sa pahina 21]

Ang matatanda ay dapat na maging “mga halimbawa sa kawan”