Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pastol na Kristiyano, ‘Palawaking Mabuti ang Inyong Puso’!

Mga Pastol na Kristiyano, ‘Palawaking Mabuti ang Inyong Puso’!

Mga Pastol na Kristiyano, ‘Palawaking Mabuti ang Inyong Puso’!

“SI Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman.” Sa mga pananalitang iyan, ipinahayag ni David ang kaniyang lubos na pagtitiwala sa kaniyang Diyos. Inakay siya ni Jehova, sa espirituwal na pananalita, sa “mga madamong pastulan” at “mga pahingahang-dakong natutubigang mainam,” anupat inaakay siya “sa mga landas ng katuwiran.” Nang napalibutan ng mga mananalansang, tumanggap si David ng tulong at pampatibay-loob, na nag-udyok sa kaniya na sabihin kay Jehova: “Wala akong kinatatakutang masama, sapagkat ikaw ay kasama ko.” Sa pagkakaroon ng gayong Kataas-taasang Pastol, si David ay determinado na ‘tumahan sa bahay ni Jehova sa kahabaan ng mga araw.’​—Awit 23:1-6.

Naranasan din ng bugtong na Anak ng Diyos ang maibiging pagmamalasakit ni Jehova, at may kasakdalang masasalamin sa kaniya ang pagmamalasakit na ito sa kaniyang pakikitungo sa kaniyang mga alagad noong panahon ng kaniyang paninirahan sa lupa. Kaya nga tinutukoy siya ng Kasulatan bilang “ang mabuting pastol,” “dakilang pastol,” at “ang punong pastol.”​—Juan 10:11; Hebreo 13:20; 1 Pedro 5:2-4.

Patuloy na pinapastulan ni Jehova at ni Jesu-Kristo yaong mga umiibig sa kanila. Ang kanilang pagpapastol ay ipinahahayag, sa isang bahagi, sa maibiging paglalaan ng mga katulong na pastol sa kongregasyon. Binanggit ni Pablo ang gayong mga katulong na pastol nang sabihin niya: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong mga sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.”​—Gawa 20:28.

Ang pagpapastol sa kawan ayon sa parisan na itinakda ni Jehova at ni Kristo Jesus ay hindi isang madaling tungkulin, ngunit ito’y mas mahalaga ngayon higit kailanman. Isip-isipin ang mahigit sa isang milyong mga Saksi na nabautismuhan sa loob ng nakalipas na tatlong taon! Ang mga baguhang ito ay walang espirituwal na karanasan na nagmumula sa mga taon ng gawain. Gayundin, isip-isipin yaong mga Saksi na mga bata o mga tin-edyer pa lamang. Kailangan nila ng atensiyon hindi lamang mula sa kanilang mga magulang kundi gayundin sa mga katulong na pastol sa kongregasyon.

Tunay, bawat Kristiyano ay napapaharap sa panlabas na mga panggigipit, kasali na ang panggigipit ng mga kasama. Kailangang makipagpunyagi ang lahat upang mapaglabanan ang malakas na hatak na sundin ang landasin ng sanlibutan sa pagpapakasasa-sa-sarili. Sa ilang bansa, ang mga mamamahayag ng Kaharian ay maaaring nasisiraan ng loob dahil sa kawalan ng pagtugon sa kanilang mensahe. Maraming mamamahayag ang may malulubhang suliranin sa kalusugan. Ang mga suliranin sa pananalapi ang maaaring mag-alis sa iba ng kanilang sigla na unahin ang Kaharian. Ang totoo, lahat tayo​—kabilang na yaong matatagal na sa katotohanan​—ay nangangailangan at karapat-dapat sa tulong ng maibiging mga pastol.

Tamang Pangganyak

Pinayuhan ang unang siglong mga Kristiyano: ‘Palawaking mabuti ang inyong puso’! (2 Corinto 6:11-13) Makabubuting sundin ng Kristiyanong matatanda ang payong ito sa pangangasiwa sa kanilang mga gawaing pagpapastol. Paano nila magagawa ito? At kumusta naman ang ministeryal na mga lingkod, na marami sa mga ito ay magiging mga pastol?

Upang maging isang pagpapala sa kawan ang Kristiyanong matatanda, kailangang maudyukan sila nang higit pa kaysa sa pagkadama ng pananagutan. Sila ay pinayuhan: “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-matapat na pakinabang, kundi may pananabik.” (1 Pedro 5:2) Kasangkot sa epektibong pagpapastol ang may pagkukusa at may pananabik na paglilingkod sa iba. (Juan 21:15-17) Nangangahulugan ito ng pagkakita sa mga pangangailangan ng tupa at pagiging mabilis na tumugon. Nangangahulugan ito ng pagpapamalas ng mabubuting katangiang Kristiyano na kilala bilang ang mga bunga ng espiritu ng Diyos samantalang nakikitungo sa iba.​—Galacia 5:22, 23.

Kabilang sa pagpapastol kung minsan ang pagdalaw sa mga kapatid sa kanilang mga tahanan. * Ngunit ang mga pastol na ‘nagpapalawak na mabuti sa kanilang puso’ ay naglalaan ng kanilang mga sarili sa paglilingkod sa iba. Na ang ibig sabihin, gumagawa sila nang higit pa kaysa paminsan-minsang pagpapastol. Sinasamantala nila ang bawat pagkakataon upang pastulan ang iba sa kawan.

Pagsasanay sa Iba Upang Maging mga Pastol

Sinumang kapatid na lalaki, anuman ang edad, na “umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa . . . ay nagnanasa ng isang mainam na gawain.” (1 Timoteo 3:1) Maraming ministeryal na lingkod ang nakapagpamalas na ng pagkukusang umabot sa karagdagang mga pribilehiyo. Kaya, malugod na tinutulungan ng matatanda ang nagkukusang mga kapatid na lalaking ito upang gawin ang mahalagang hakbang na ito sa ‘pag-abot sa katungkulan ng tagapangasiwa.’ Nangangahulugan ito ng pagsasanay sa kanila upang maging epektibong mga pastol.

Dahil sa mahigpit na panghahawakan sa matataas na pamantayan ng Diyos, ang kongregasyong Kristiyano ni Jehova ay hindi napahihina ng huwad na mga pastol gaya niyaong mga inilarawan sa Ezekiel 34:2-6. Kasuklam-suklam ang mga ito sa paningin ni Jehova at marapat naman. Sa halip na pakanin ang kawan, sila mismo ang kumain. Nabigo sila na palakasin ang may-karamdaman, pagalingin ang may-sakit, bendahan ang nabalian, o ibalik ang napangalat o ang nawala. Kumikilos nang higit na tulad ng mga lobo kaysa sa mga pastol, kanilang inapi ang tupa. Ang napabayaang mga tupa ay napangalat, na pagala-gala nang walang patutunguhan na walang sinumang nag-aalaga sa kanila.​—Jeremias 23:1, 2; Nahum 3:18; Mateo 9:36.

Hindi tulad ng di-matapat na mga pastol na iyon, ang mga pastol na Kristiyano ay sumusunod sa halimbawa ni Jehova. Tumutulong sila upang akayin ang tupa sa espirituwal na “mga madamong pastulan” at “mga pahingahang-dakong natutubigang mainam.” Nagsisikap silang akayin ang mga ito “sa mga landas ng katuwiran” sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maunawaan nang wasto at personal na maikapit ang Salita ni Jehova. Magagawa nila ito sa mabisang paraan dahil sa sila’y “kuwalipikado na magturo.”​—1 Timoteo 3:2.

Karamihan sa pagtuturo ng matatanda ay isinasagawa sa plataporma sa panahon ng mga pulong sa kongregasyon. Gayunman, nagtuturo rin ang matatanda sa pampersonal na antas. Sabihin pa, ang ilan ay mas mahusay sa pagtuturo sa pang-isahang kalagayan, samantalang ang iba ay mas mahusay sa pagpapahayag. Ngunit ang mas mababang antas ng kakayahan sa isang aspekto ng pagtuturo ay hindi naman dahilan upang hindi na maging kuwalipikado ang isa bilang guro. Nagtuturo ang matatanda, na ginagamit ang lahat ng pagkakataon na bukas sa kanila, kabilang na ang pagpapastol. Halimbawa, ang ilang pagpapastol ay ginagawa sa isang pormal na paraan sa isinaayos na mga pagdalaw. Ngunit maraming pagpapastol ang magagawa rin sa isang mas impormal na paraan, na malaki rin ang kapakinabangan.

Mga Pastol at mga Guro sa Lahat ng Panahon

Kailangan ng isang doktor ang kaalaman at karanasan upang maisagawa niya ang kaniyang trabaho. Ngunit pinahahalagahan ito ng kaniyang mga pasyente kapag nagpapakita siya ng kabaitan, pagkamadamayin, pagmamalasakit, at taimtim na interes. Ang mga katangiang ito ay kailangang maging bahagi ng kaniyang personalidad. Ang katulad na mga katangian ay kailangan ding maging bahagi ng personalidad ng isang mabuting guro at pastol, bahagi ng kaniyang sarili sa araw-araw. Ang isang tunay na guro ay magiging handang magturo sa mga nakapalibot sa kaniya kailanma’t kailangan. “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti!” ang sabi ng Kawikaan 15:23. Ang “tamang panahon” ay maaaring kapag siya ay nagsasalita mula sa plataporma, kapag siya ay nangangaral sa bahay-bahay, o kapag nakikipag-usap siya sa Kingdom Hall o sa telepono. Gayundin, ang isang mabuting pastol ay nagsisikap na magpakita ng mabuti at mapagmalasakit na mga katangian sa lahat ng panahon, hindi lamang kapag gumagawa siya ng mga pagpapastol. Palibhasa’y ‘napalawak na mabuti ang kaniyang puso,’ sasamantalahin niya ang bawat pagkakataon upang magpastol sa tupa, anupat pinaglalaanan sila ng pangangalaga na kailangan nila sa tamang panahon. Ito ang nagpapangyaring mapamahal siya sa paningin ng tupa.​—Marcos 10:43.

Naaalaala ni Wolfgang, isa na ngayong matanda, ang isang palakaibigang pagdalaw na ginawa sa kaniyang pamilya ng isang ministeryal na lingkod at ng asawa nito. Sinabi niya: “Tuwang-tuwa ang aming mga anak sa tinanggap nilang atensiyon at sa kaiga-igayang panahon na tinamasa namin. Pinagkukuwentuhan pa rin nila ang tungkol dito.” Oo, ipinakita ng ministeryal na lingkod na ito na nagmamalasakit siya; kaniyang ‘pinalalawak na mabuti ang kaniyang puso.’

Ang isa pang pagkakataon upang ‘mapalawak na mabuti ang puso ng isa’ ay sa pamamagitan ng pagdalaw sa may-sakit, pagpapadala sa kanila ng isang maikling liham na pampatibay-loob, o pagtawag sa kanila sa telepono​—anumang paraan upang malaman nila na nagmamalasakit ka! Mag-alok ng tulong kapag kailangan. Kung nais nilang makipag-usap, makinig na mabuti. Makipag-usap tungkol sa positibo at kapana-panabik na teokratikong mga gawain sa lokal na kongregasyon at sa ibang dako. Tulungan sila na magpako ng pansin sa maluwalhating hinaharap na nakalaan para sa mga umiibig kay Jehova.​—2 Corinto 4:16-18.

Bilang Karagdagan sa Pagpapastol

Sa pagsasaisip sa layunin ng pagpapastol, maliwanag na ang paggawa ng pormal na pagpapastol sa mga tahanan ng mga kapatid, bagaman mahalaga, ay bahagi lamang ng kung ano ang nasasangkot. Ang isang maibiging pastol ay ‘nagpapalawak na mabuti sa kaniyang puso’ sa pamamagitan ng pagiging madaling lapitan sa ilalim ng lahat ng kalagayan at sa lahat ng panahon. Ang mainit na kaugnayan na kaniyang nililinang sa kaniyang mga kapatid ay tumitiyak sa kanila na sa mga panahong mapanganib, wala silang dapat na katakutang masamâ, sa pagkaalam na ang kanilang maibiging kapatid na lalaki, ang pastol na Kristiyano, ay nagmamalasakit sa kanila.​—Awit 23:4.

Oo, kayong lahat na mga pastol na Kristiyano ‘palawaking mabuti ang inyong puso.’ Magpamalas ng taimtim na pag-ibig para sa inyong mga kapatid​—patibayin sila, panariwain sila, palakasin sila sa espirituwal sa lahat ng paraang magagawa ninyo. Tulungan silang maging matatag sa pananampalataya. (Colosas 1:23) Palibhasa’y pinagpala ng mga pastol na Kristiyano na ‘nagpalawak na mabuti sa kanilang puso,’ ang tupa ay hindi magkukulang ng anuman. Sila’y magiging determinado, na gaya ni David, na tumahan sa bahay ni Jehova sa kahabaan ng mga araw. (Awit 23:1, 6) Ano pa ang mahihiling ng isang maibiging pastol?

[Talababa]

^ par. 10 Ang mga mungkahi sa mga gawaing pagpapastol ay masusumpungan sa Ang Bantayan ng Setyembre 15, 1993, pahina 20-3, at ng Marso 15, 1996, pahina 24-7.

[Kahon sa pahina 30]

Ang mga Pastol na Kristiyano ay

• Naglilingkod nang may pananabik at may pagkukusa

• Nagpapakain at nangangalaga sa kawan

• Tumutulong sa iba upang maabot ang pagiging mga pastol

• Dumadalaw sa maysakit at nagmamalasakit sa kanila

• Alerto upang tumulong sa kanilang mga kapatid sa lahat ng panahon

[Mga larawan sa pahina 31]

Maging sa paglilingkod sa larangan, sa mga pulong, o sa mga sosyal na mga pagtitipon, ang matatanda ay mga pastol sa tuwina