Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaari Bang Magkaroon ng Higit na Kabuluhan ang Iyong Buhay?

Maaari Bang Magkaroon ng Higit na Kabuluhan ang Iyong Buhay?

Maaari Bang Magkaroon ng Higit na Kabuluhan ang Iyong Buhay?

ANG tunay na halaga ay hindi laging nakasalig sa wari’y anyo nito. Ang salaping papel na may pinakamataas na halaga na inilabas sa Estados Unidos ay may nakatatak na halaga na $10,000. Gayunman, ang papel na doo’y inilimbag ito ay nagkakahalaga lamang ng ilang sentimo.

Napag-isip-isip mo na ba kung makapagbibigay nga kaya ng tunay na kabuluhan sa iyong buhay ang mga piraso ng papel na may kakaunting likas na halaga? Maraming tao ang nag-iisip na makapagbibigay nga ang mga ito. Milyun-milyon ang nagtatrabaho gabi at araw upang kumita ng pinakamaraming salapi hangga’t maaari. Kung minsan, ang paghahangad ng salapi ay nangangahulugan ng pagsasakripisyo sa kanilang kalusugan, sa kanilang mga kaibigan, at maging sa kanilang pamilya. Para sa ano? Makapagdudulot ba ang salapi​—o ang mga nabibili nito​—ng tunay at namamalaging kasiyahan?

Ayon sa mga mananaliksik, habang lalo nating hinahanap ang kasiyahang nakasalig sa materyal na mga pag-aari, mas malamang na hindi natin masumpungan iyon. Naghinuha ang peryodistang si Alfie Kohn na ang “kasiyahan ay talagang hindi ipinagbibili. . . . Ang mga tao na inuuna sa buhay ang kariwasaan ay mas malamang na makaranas ng di-karaniwang antas ng kabalisahan at panlulumo at mas mababang pangkalahatang antas ng kaligayahan sa buhay.”​—International Herald Tribune.

Bagaman maaaring batid ng mga mananaliksik na kinakailangan sa makabuluhang buhay ang isa pang bagay maliban sa salapi, maraming tao ang hindi nag-iisip nang gayon. Hindi nga ito kataka-taka, yamang yaong mga nakatira sa mga lupain sa Kanluran ay maaaring paulanan ng hanggang 3,000 anunsiyo sa isang araw. Ang mga ito man ay nag-aanunsiyo ng mga kotse o ng kendi, ang pinakaugat na ideya ay: ‘Bilhin mo ang produktong ito, at mas liligaya ka.’

Ano ang ibinunga ng walang-patumanggang pagtataguyod ng materyal na mga bagay? Aba, kadalasan ay ipinagwawalang-bahala na ang espirituwal na mga simulain! Ayon sa isang report sa magasing Newsweek, kamakailan ay ipinahayag ng arsobispo ng Cologne, Alemanya, na “sa ating lipunan, ang Diyos ay hindi na pinag-uusapan.”

Marahil ay naiukol mo na ang halos lahat ng iyong lakas sa paghanap ng ikabubuhay. Baka nadarama mong halos wala ka nang panahong gawin ang iba pang bagay. Gayunman, baka paminsan-minsan ay naiisip mong tiyak na may higit pang dahilan ang buhay kaysa sa walang-katapusang paghahabol sa nakapapagod na rutin hanggang sa ang iyong kalusugan o edad ay magpahinto sa iyo.

Ang higit na pagbibigay-pansin kaya sa espirituwal na mga bagay ay magdudulot sa iyo ng ibayong kasiyahan? Ano ang magdudulot ng higit na kabuluhan sa iyong buhay?