May Kapangyarihan ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
May Kapangyarihan ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
“Tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng mga bagay . . . upang makilala [si Jesu-Kristo] at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay-muli.”—FILIPOS 3:8-10.
1, 2. (a) Noong nakalipas na mga taon, paano inilarawan ng isang klerigo ang pagkabuhay-muli? (b) Paano magaganap ang pagkabuhay-muli?
NOONG kaagahan ng dekada ng 1890, nag-ulat ang pangmadlang pamahayagan hinggil sa isang pambihirang sermon na ibinigay ng isang klerigo sa Brooklyn, New York, E.U.A. Sinabi niya na kalakip sa pagkabuhay-muli ay ang muling pagtitipon at muling pagbuhay sa lahat ng mga buto at laman na bumubuo noon sa katawan ng tao, ito man ay napinsala ng apoy o ng aksidente, kinain ng hayop o naging abono. Pinaninindigan ng tagapangaral na sa isang tiyak na araw na may 24 na oras, ang hangin ay mangingitim dahil sa mga kamay, braso, paa, daliri, buto, litid, at balat ng bilyun-bilyong bangkay ng tao. Hahanapin ng mga bahaging ito ang iba pang bahagi ng isang katawan. Pagkatapos ay darating ang kaluluwa mula sa langit at impiyerno upang manahanan sa mga binuhay-muling katawang ito.
2 Ang pagkabuhay-muli sa pamamagitan ng muling pag-oorganisa sa orihinal na mga atomo ay hindi makatuwiran, at ang mga tao ay walang imortal na kaluluwa. (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4) Hindi na kailangang tipunin pang muli ni Jehova, ang Diyos ng pagkabuhay-muli, ang mga atomo ng materya na dating bumubuo sa katawan ng tao. Makagagawa siya ng panibagong mga katawan para sa mga bubuhaying-muli. Sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ipinagkaloob ni Jehova ang kapangyarihan na bumuhay ng patay, na posibleng mabuhay nang walang hanggan. (Juan 5:26) Kaya sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay.” (Juan 11:25, 26) Isa ngang kasiya-siyang pangako! Pinalalakas tayo nito upang mabata ang mga pagsubok at maharap pa nga ang kamatayan bilang tapat na mga Saksi ni Jehova.
3. Bakit kinailangang ipagtanggol ni Pablo ang pagkabuhay-muli?
3 Ang pagkabuhay-muli ay hindi kasuwato ng ideya na ang mga tao ay may imortal na kaluluwa—isang paniniwala na pinanghahawakan ng pilosopong Gawa 17:29-34) Marami sa mga nakakita sa binuhay-muling si Jesu-Kristo ay buhay pa rin noon at, sa kabila ng panunuya, nagpatotoo na siya’y binuhay nga mula sa mga patay. Subalit ang bulaang mga guro na kaugnay sa kongregasyon sa Corinto ay tumanggi sa pagkabuhay-muli. Sa gayon ay gumawa si Pablo ng isang matibay na pagtatanggol sa Kristiyanong turong ito sa 1 Corinto kabanata 15. Ang masusing pag-aaral sa kaniyang mga argumento ay walang-alinlangang nagpapatunay sa katiyakan at kapangyarihan ng pag-asa sa pagkabuhay-muli.
Griego na si Plato. Kaya naman, ano ang nangyari nang magpatotoo si apostol Pablo sa prominenteng mga Griego na nasa Areopago sa Atenas, na tinukoy si Jesus, at sinabing binuhay itong muli ng Diyos? “Buweno,” sabi ng salaysay, “nang makarinig sila ng tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay, ang ilan ay nagpasimulang manlibak.” (Matibay na Patotoo ng Pagkabuhay-Muli ni Jesus
4. Anong patotoo mula sa nakasaksi sa pagkabuhay-muli ni Jesus ang ibinigay ni Pablo?
4 Pansinin kung paano sinimulan ni Pablo ang kaniyang pagtatanggol. (1 Corinto 15:1-11) Malibang ang mga taga-Corinto ay maging mga mananampalataya nang walang layunin, sila’y manghahawakang mahigpit sa mabuting balita ng kaligtasan. Namatay si Kristo dahil sa ating mga kasalanan, inilibing, at ibinangon. Sa katunayan, ang binuhay-muling si Jesus ay nagpakita kay Cefas (Pedro), “pagkatapos ay sa labindalawa.” (Juan 20:19-23) Nakita siya ng mga 500, marahil noong iutos niya: ‘Humayo kayo, gumawa ng mga alagad.’ (Mateo 28:19, 20) Nakita siya ni Santiago, gayundin ng lahat ng tapat na mga apostol. (Gawa 1:6-11) Malapit sa Damasco, nagpakita si Jesus kay Saul “na para bang sa isa na ipinanganak nang kulang sa buwan”—na para bang siya’y naibangon na tungo sa buhay bilang espiritu. (Gawa 9:1-9) Ang mga taga-Corinto ay naging mga mananampalataya sapagkat nangaral si Pablo sa kanila, at tinanggap nila ang mabuting balita.
5. Ano ang paraan ng pangangatuwiran ni Pablo gaya ng nakaulat sa 1 Corinto 15:12-19?
5 Pansinin ang paraan ng pangangatuwiran ni Pablo. (1 Corinto 15:12-19) Yamang ipinangangaral ng mga nakasaksi na si Kristo ay binuhay-muli, paano ngang masasabi na walang pagkabuhay-muli? Kung si Jesus ay hindi ibinangon mula sa mga patay, walang kabuluhan ang ating pangangaral at ang ating pananampalataya, at tayo’y mga sinungaling na sumasaksi laban sa Diyos sa pagsasabing binuhay niyang muli si Kristo. Kung ang mga patay ay hindi ibinangon, ‘tayo’y nasa ating mga kasalanan pa,’ at yaong mga patay na kaisa ni Kristo ay nalipol na. Bukod diyan, “kung sa buhay na ito lamang tayo umasa kay Kristo, tayo sa lahat ng tao ang pinakakahabag-habag.”
6. (a) Ano ang sinabi ni Pablo bilang pagpapatunay sa pagkabuhay-muli ni Jesus? (b) Ano ang “huling kaaway,” at paano ito dadalhin sa wala?
6 Pinatotohanan ni Pablo ang pagkabuhay-muli ni Jesus. (1 Corinto 15:20-28) Yamang si Kristo “ang pangunang bunga” niyaong mga natutulog sa kamatayan, ang iba rin naman ay bubuhaying-muli. Kung paanong ang kamatayan ay bunga ng pagsuway ng taong si Adan, ang pagkabuhay-muli naman ay sa pamamagitan ng isang tao—si Jesus. Yaong mga kabilang sa kaniya ay ibabangon sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Dadalhin ni Kristo “sa wala ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan” na laban sa soberanya ng Diyos at siya’y mamamahala bilang Hari hanggang sa mailagay ni Jehova ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang paa. Maging ang “huling kaaway”—kamatayan na minana kay Adan—ay dadalhin sa wala sa pamamagitan ng bisa ng hain ni Jesus. Pagkatapos ay ibibigay ni Kristo ang Kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, anupat ipasasakop ang kaniyang sarili sa “Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging ang lahat ng bagay sa bawat isa.”
Binautismuhan Para sa mga Patay?
7. Sino ang mga “binabautismuhan sa layunin na maging mga patay,” at ano ang kahulugan nito para sa kanila?
7 Ang mga salansang sa pagkabuhay-muli ay tinanong: “Ano ang gagawin nila na mga binabautismuhan sa layunin na maging mga patay?” (1 Corinto 15:29) Hindi ibig sabihin ni Pablo na ang mga buháy ay babautismuhan alang-alang sa mga patay, sapagkat ang mga alagad ni Jesus ay dapat na personal na matuto, maniwala, at magpabautismo. (Mateo 28:19, 20; Gawa 2:41) Ang pinahirang mga Kristiyano ay “binabautismuhan sa layunin na maging mga patay” sa pamamagitan ng pagpapasailalim sa isang landasin ng buhay na umaakay sa kamatayan at pagkabuhay-muli. Ang uring ito ng bautismo ay nagsisimula kapag ang espiritu ng Diyos ay nagpamulat ng makalangit na pag-asa sa kanila at nagtatapos naman kapag sila’y ibinangon na mula sa mga patay tungo sa buhay bilang imortal na espiritu sa langit.—Roma 6:3-5; 8:16, 17; 1 Corinto 6:14.
8. Sa ano makatitiyak ang mga Kristiyano patayin man sila ni Satanas at ng mga lingkod nito?
8 Gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Pablo, 1 Corinto 15:30, 31) Batid nilang maaari silang buhayin ni Jehova kung pahihintulutan man niya si Satanas at ang mga lingkod nito na patayin sila. Tanging ang Diyos lamang ang makapapatay sa kanilang kaluluwa, o buhay, sa Gehenna, na sumasagisag sa walang-hanggang pagkapuksa.—Lucas 12:5.
pinangyayari ng pagkabuhay-muli na ang mga Kristiyano ay makatayo sa panganib sa bawat oras at makaharap sa kamatayan sa araw-araw dahil sa gawaing pangangaral ng Kaharian. (Ang Pangangailangang Maging Alisto
9. Upang ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay magbigay ng nagpapalakas na kapangyarihan sa ating buhay, ano ang dapat nating iwasan?
9 Ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ang nakapagpalakas kay Pablo. Habang siya’y nasa Efeso, maaaring ipinatapon siya ng kaniyang mga kaaway sa loob ng arena upang makipaglaban sa mababangis na hayop. (1 Corinto 15:32) Kung nangyari man iyon, siya’y iniligtas, kung paanong si Daniel ay iniligtas mula sa mga leon. (Daniel 6:16-22; Hebreo 11:32, 33) Palibhasa’y umasa siya sa pagkabuhay-muli, hindi tinaglay ni Pablo ang saloobin ng mga apostata sa Juda noong panahon ni Isaias. Sabi nila: “Tayo’y kumain at uminom, sapagkat bukas tayo’y mamamatay.” (Isaias 22:13, Septuagint) Upang ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay magbigay ng nagpapalakas na kapangyarihan sa ating buhay gaya ng ginawa nito sa buhay ni Pablo, dapat nating iwasan ang mga nagtataglay ng gayong nakasasamang espiritu. “Huwag kayong palíligáw,” babala ni Pablo. “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” (1 Corinto 15:33) Mangyari pa, ang simulaing ito ay kapit sa iba’t ibang pitak ng buhay.
10. Paano mapananatiling buháy ang ating pag-asa sa pagkabuhay-muli?
10 Para sa mga nag-aalinlangan sa pagkabuhay-muli, sinabi ni Pablo: “Gumising kayong may katinuan sa isang matuwid na paraan at huwag mamihasa sa kasalanan, sapagkat ang ilan ay walang kaalaman sa Diyos. Nagsasalita ako upang kilusin kayo sa kahihiyan.” (1 Corinto 15:34) Sa “panahon[g ito] ng kawakasan,” kailangang kumilos tayo ayon sa tumpak na kaalaman ng Diyos at ni Kristo. (Daniel 12:4; Juan 17:3) Pananatilihin nitong buháy ang ating pag-asa sa pagkabuhay-muli.
Binuhay-Muli sa Anong Katawan?
11. Paano inilarawan ni Pablo ang pagkabuhay-muli ng mga pinahirang Kristiyano?
11 Pagkatapos ay tinalakay naman ni Pablo ang ilang mga tanong. (1 Corinto 15:35-41) Sa pagsisikap marahil na magbangon ng pag-aalinlangan, baka itanong ng nag-uusisa: “Paano ibabangon ang mga patay? Oo, sa anong uri ng katawan sila paririto?” Gaya ng ipinakita ni Pablo, ang isang binhi na itinanim sa lupa, sa diwa, ay namamatay habang ito’y nagbabago tungo sa pagiging isang punla. Sa katulad na paraan, ang isang inianak-sa-espiritung tao ay dapat mamatay. Kung paanong ang isang halaman ay tumutubo mula sa isang binhi bilang isang bagong katawan, ang binuhay-muling katawan ng pinahirang Kristiyano ay naiiba rin sa katawan ng tao. Bagaman ang paraan ng kaniyang pamumuhay ay gaya pa rin ng dati bago siya mamatay, siya’y ibinangon bilang isang bagong nilalang na may katawang espiritu na maaaring mabuhay sa langit. Mangyari pa, yaong mga bubuhayin sa lupa ay ibabangon na nasa katawang tao.
12. Ano ang kahulugan ng pananalitang “mga katawang makalangit” at “mga katawang makalupa”?
12 Gaya ng sinabi ni Pablo, ang katawan ng tao ay naiiba sa katawan ng mga hayop. Maging ang katawan ng hayop ay nagkakaiba-iba ayon sa uri. (Genesis 1:20-25) Ang “mga katawang makalangit” ng mga espiritung nilalang ay naiiba sa kaluwalhatian kaysa sa “mga katawang [laman na] makalupa.” May mga pagkakaiba rin sa kaluwalhatian ng araw, buwan, at mga bituin. Subalit ang binuhay-muling mga pinahiran ay makapupong nakahihigit ang kaluwalhatian.
13. Ayon sa 1 Corinto 15:42-44, ano ang inihahasik at ano ang ibinabangon?
13 Pagkatapos banggitin ang pagkakaiba, idinagdag pa ni Pablo: “Gayundin ang pagkabuhay-muli ng mga patay.” (1 Corinto 15:42-44) Sabi niya: “Inihahasik ito sa kasiraan, ibinabangon ito sa kawalang-kasiraan.” Maaaring ang tinutukoy rito ni Pablo ay ang pinahiran bilang isang grupo. Bagaman inihasik sa kasiraan nang mamatay, ibinabangon ito sa kawalang-kasiraan, anupat malaya mula sa kasalanan. Bagaman siniraang-puri ng sanlibutan, ibinabangon ito tungo sa makalangit na buhay at nahayag na kasama ni Kristo sa kaluwalhatian. (Gawa 5:41; Colosas 3:4) Sa kamatayan, inihahasik itong “isang katawang pisikal” at ibinabangong “isang katawang espirituwal.” Yamang posible ito sa kaso ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano, makatitiyak tayong maibabangon din ang iba tungo sa buhay sa lupa.
14. Paano ipinakita ni Pablo ang pagkakaiba ni Kristo kay Adan?
14 Sumunod ay ipinakita naman ni Pablo ang pagkakaiba ni Kristo kay Adan. (1 Corinto 15:45-49) Si Adan, ang unang tao, “ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) “Ang huling Adan”—si Jesus—“ay naging isang espiritung nagbibigay-buhay.” Ibinigay niya ang kaniyang buhay bilang isang haing pantubos, alang-alang muna sa kaniyang pinahirang mga tagasunod. (Marcos 10:45) Bilang mga tao, sila’y ‘nagtataglay ng larawan ng isa na gawa sa alabok,’ subalit nang buhaying-muli, sila’y naging gaya ng huling Adan. Mangyari pa, ang hain ni Jesus ay magdudulot ng kapakinabangan sa lahat ng masunuring sangkatauhan, lakip na yaong mga bubuhaying-muli sa lupa.—1 Juan 2:1, 2.
15. Bakit ang mga pinahirang Kristiyano ay hindi binubuhay sa laman, at paano sila ibinabangon sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus?
15 Kapag namatay ang pinahirang mga Kristiyano, sila’y hindi ibinabangon sa laman. (1 Corinto 15:50-53) Ang nasisirang katawan na may laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kawalang-kasiraan at ng makalangit na Kaharian. Ang ilan sa mga pinahiran ay hindi na kailangang dumanas pa ng isang mahabang pagtulog sa kamatayan. Kapag natapos na ang kanilang tapat na makalupang landasin sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus, sila’y “babaguhin, sa isang iglap, sa pagkisap ng mata.” Sila’y agad na ibabangon tungo sa buhay bilang espiritu taglay ang kawalang-kasiraan at kaluwalhatian. Sa dakong huli, ang bilang ng makalangit na “kasintahang babae” ni Kristo ay magiging 144,000.—Apocalipsis 14:1; 19:7-9; 21:9; 1 Tesalonica 4:15-17.
Tagumpay Laban sa Kamatayan!
16. Ayon kay Pablo at sa mga naunang propeta, ano ang mangyayari sa kamatayan na minana sa makasalanang si Adan?
16 Buong-tagumpay na ipinahayag ni Pablo na lululunin magpakailanman ang kamatayan. (1 Corinto 15:54-57) Kapag ang nasisira at ang mortal ay nagsuot na ng kawalang-kasiraan at ng imortalidad, ang mga salitang ito ay matutupad: “Ang kamatayan ay nilulon magpakailanman.” “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?” (Isaias 25:8; Oseas 13:14) Ang tibo na nagbubunga ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang lakas ng kasalanan ay ang Batas, na humahatol ng kamatayan sa mga makasalanan. Subalit dahil sa hain at pagkabuhay-muli ni Jesus, ang kamatayang minana sa makasalanang si Adan ay hindi na magtatagumpay.—Roma 5:12; 6:23.
17. Paano kumakapit sa ngayon ang pananalita sa 1 Corinto 15:58?
17 “Dahil dito, mga kapatid kong iniibig,” sabi ni Pablo, “maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” (1 Corinto 15:58) Ang pananalitang ito ay kapit sa pinahirang nalabi sa ngayon at sa “ibang mga tupa” ni Jesus kahit na sila ay mamatay sa mga huling araw na ito. (Juan 10:16) Ang kanilang pagpapagal bilang mga tagapaghayag ng Kaharian ay hindi sa walang kabuluhan, sapagkat isang pagkabuhay-muli ang naghihintay sa kanila. Kung gayon, bilang mga lingkod ni Jehova, maging abala tayo sa gawain sa Panginoon habang hinihintay ang araw na maaari na nating isigaw nang may kagalakan: “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay?”
Natupad Na ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli!
18. Gaano katatag ang pag-asa ni Pablo sa pagkabuhay-muli?
18 Nililiwanag sa pananalita ni Pablo na nakaulat sa 1 Corinto kabanata 15 na ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay may kapangyarihan sa kaniyang buhay. Lubusan siyang nakatitiyak na si Jesus ay ibinangon mula sa mga patay at na ang iba’y palalayain din mula sa karaniwang libingan ng sangkatauhan. Taglay mo ba ang gayong katibay na pananalig? Itinuring ni Pablo ang makasariling kapakinabangan bilang “mga basura” at ‘tinanggap ang kawalan ng lahat ng mga bagay’ upang ‘makilala [niya] si Kristo at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay-muli.’ Ang apostol ay handang magpasakop sa isang kamatayang kagaya ng kay Kristo sa pag-asang matatanggap ang “mas maagang pagkabuhay-muli.” Tinatawag ding “unang pagkabuhay-muli,” nararanasan ito ng 144,000 pinahirang tagasunod ni Jesus. Oo, sila’y ibinabangon tungo sa buhay bilang espiritu sa langit, samantalang “ang iba sa mga patay” ay bubuhaying-muli sa lupa.—Filipos 3:8-11; Apocalipsis 7:4; 20:5, 6.
19, 20. (a) Sinu-sinong indibiduwal na nakaulat sa Bibliya ang bubuhayin sa lupa? (b) Kaninong pagkabuhay-muli ang iyong pinananabikan?
19 Ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay naging isang maluwalhating katotohanan para sa mga pinahiran na nanatiling tapat hanggang kamatayan. (Roma 8:18; 1 Tesalonica 4:15-18; Apocalipsis 2:10) Makikita ng mga makaliligtas sa “malaking kapighatian” na natutupad sa lupa ang pag-asa sa pagkabuhay-muli kapag ‘ibinibigay na ng dagat yaong mga patay na nasa kaniya, at ibinibigay na ng kamatayan at ng Hades yaong mga patay na nasa kanila.’ (Apocalipsis 7:9, 13, 14; 20:13) Kabilang sa mga bubuhayin sa lupa ay si Job, na nakaranas na mamatayan ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Isip-isipin na lamang ang kaniyang kagalakan sa pagsalubong sa kanila—at tiyak na laking tuwa nila na sila’y may pito pang kapatid na lalaki at tatlo pang magagandang kapatid na babae!—Job 1:1, 2, 18, 19; 42:12-15.
20 Kay laki ngang pagpapala kapag sina Abraham at Sara, Isaac at Rebeka—oo at marami pang iba, kasali na ang “lahat ng mga propeta”—ay binuhay na sa lupa! (Lucas 13:28) Isa sa mga propetang iyon ay si Daniel, na pinangakuan ng isang pagkabuhay-muli sa ilalim ng Mesiyanikong pamamahala. Sa loob ng mga 2,500 taon, si Daniel ay namamahinga sa libingan, subalit sa kapangyarihan ng pagkabuhay-muli, malapit na siyang ‘tumayo para sa kaniyang kahihinatnan’ bilang isa sa “mga prinsipe sa buong lupa.” (Daniel 12:13; Awit 45:16) Tunay ngang kapana-panabik na salubungin hindi lamang ang mga tapat noong unang panahon kundi pati ang iyong sariling ama, ina, anak na lalaki, anak na babae, o iba pang mahal sa buhay na kinuha sa iyo ng kaaway na kamatayan!
21. Bakit hindi natin dapat ipagpaliban ang paggawa ng mabubuting bagay sa iba?
21 Maaaring ang ilan sa ating mga kaibigan at mga mahal sa buhay ay ilang dekada nang naglilingkod sa Diyos at matatanda na. Maaaring dahil sa katandaan ay mahirap na para sa kanila na harapin ang mga hamon sa buhay. Isa ngang pagpapakita ng pag-ibig na ibigay sa kanila ang anumang tulong na magagawa natin ngayon! Sa gayon ay hindi tayo magsisisi na hindi natin natupad ang pananagutan natin sa kanila sakali mang maging biktima na sila ng kamatayan. (Eclesiastes 9:11; 12:1-7; 1 Timoteo 5:3, 8) Makatitiyak tayong hindi malilimutan ni Jehova ang mabubuting bagay na ginagawa natin sa iba, anuman ang kanilang edad o mga kalagayan. “Habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito,” isinulat ni Pablo, “gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.”—Galacia 6:10; Hebreo 6:10.
22. Hanggang sa matupad ang pag-asa sa pagkabuhay-muli, determinado tayong gawin ang ano?
22 Si Jehova “ang Ama ng magiliw na mga awa at ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3, 4) Ang kaniyang Salita ay umaaliw sa atin at tumutulong sa atin na aliwin ang iba sa pamamagitan ng makapangyarihang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Hanggang sa masaksihan natin ang katuparan ng pag-asang iyan sa pamamagitan ng pagbabangon sa mga patay tungo sa buhay sa lupa, tularan natin si Pablo, na nanampalataya sa pagkabuhay-muli. Sana’y pantanging tularan natin si Jesus, na ang pag-asa sa kapangyarihan ng Diyos na bubuhayin siyang muli ay nagkatotoo. Yaong mga nasa alaalang libingan ay malapit nang makarinig ng tinig ni Kristo at lumabas. Sana’y magdulot ito sa atin ng kaaliwan at kagalakan. Ngunit higit sa lahat, sana’y magpasalamat tayo kay Jehova, na nagpaging posible na mapagtagumpayan ang kamatayan sa pamamagitan ng ating Panginoong si Jesu-Kristo!
Ano ang Sagot Mo?
• Anong patotoo ng nakasaksi sa pagkabuhay-muli ni Jesus ang ibinigay ni Pablo?
• Ano “ang huling kaaway,” at paano ito dadalhin sa wala?
• Sa kaso ng mga pinahirang Kristiyano, ano ang inihahasik at ano ang ibinabangon?
• Sinu-sinong indibiduwal na nakaulat sa Bibliya ang nais mong makilala kapag sila’y ibinangon na tungo sa buhay sa lupa?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 16]
Buong-puwersang ipinagtanggol ni apostol Pablo ang pagkabuhay-muli
[Mga larawan sa pahina 20]
Ang pagkabuhay-muli ni Job, ng kaniyang pamilya, at ng marami pang iba ay magiging dahilan ng walang-hanggang kagalakan!