Naimpluwensiyahan Ka ba ng mga Cynico?
Naimpluwensiyahan Ka ba ng mga Cynico?
“ANG cynico ay isa na hindi kailanman nakakakita sa isang mabuting katangian sa isang tao, at laging nakikita ang isang masamang katangian. Siya ay isang taong kuwago, mapagbantay sa dilim, at bulag sa liwanag, naghahanap ng mga pulgas, at hindi kailanman nakikita ang ekselenteng maiilap na hayop na mahuhuli.” Ang pananalitang ito ay ipinalagay na mula sa ika-19 na siglong Amerikanong klerigo na si Henry Ward Beecher. Maaaring isipin ng marami na tamang-tamang inilalarawan nito ang espiritu ng makabagong-panahong cynico. Subalit ang salitang “cynico” ay nagmula sa sinaunang Gresya, kung saan ito ay hindi lamang nangangahulugan ng isa na nagpapakita ng gayong saloobin. Sa loob ng mga dantaon, tumukoy ito sa isang pangkat ng mga pilosopong may gayong paniniwala.
Paano nagsimula ang pilosopiya ng mga Cynico? Ano ang kanilang itinuro? Kanais-nais ba para sa isang Kristiyano ang mga katangian ng isang Cynico?
Sinaunang mga Cynico—Ang Kanilang mga Pinagmulan at mga Paniniwala
Ang sinaunang Gresya ay pugad ng talakayan at debate. Sa nakalipas na mga dantaon hanggang sa ating Kasalukuyang Panahon, ang mga lalaking gaya nina Socrates, Plato, at Aristotle ay nagmungkahi ng mga pilosopiya na nagpatanyag sa kanila. Ang kanilang mga turo ay nagkaroon ng matinding epekto sa mga tao, at ang mga ideyang iyon ay masusumpungan pa rin sa kultura sa Kanluran.
Si Socrates (470-399 B.C.E.) ay nangatuwiran na ang namamalaging kaligayahan ay hindi masusumpungan sa paghahangad ng materyal na mga bagay o sa pagtatamasa ng kamunduhan. Iginiit niya na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa isang buhay na nakatalaga sa paghahanap ng kagalingan. Itinuring ni Socrates ang kagalingan na siyang sukdulang kabutihan. Upang matamo ang tunguhing ito, tinanggihan niya ang materyal na mga luho at mga di-kinakailangang pagsisikap sapagkat inaakala niyang makagagambala lamang ang mga ito sa kaniya. Itinaguyod niya ang pagiging katamtaman at pagkakait-sa-sarili, anupat namuhay siya nang simple at matipid.
Nabuo ni Socrates ang paraan ng pagtuturo na kilala bilang pamamaraan ni Socrates. Samantalang ang karamihan ng mga pilosopo ay naghaharap ng isang ideya at nagbibigay ng umaalalay na mga argumento, kabaligtaran naman ang ginawa ni Socrates. Nakinig siya sa mga teoriya ng ibang mga pilosopo at nagsikap siyang ilantad ang mga pagkakamali sa kanilang mga ideya. Ang pamamaraang ito ang nag-udyok sa saloobing mapamuna at walang-galang sa iba.
Kabilang sa mga tagasunod ni Socrates ay ang pilosopong nagngangalang Antisthenes (mga 445-365 B.C.E.). Itinaguyod niya at ng marami pang iba ang saligang turo ni Socrates at dinagdagan pa ito sa pagsasabing ang kagalingan lamang ang mabuti. Para sa kanila ang paghahangad ng kaluguran ay hindi lamang isang pang-abala kundi isang anyo ng kasamaan. Sa pamamagitan ng labis na pagbubukod ng sarili sa iba, sila’y nagpamalas ng matinding paghamak sa mga kapuwa-tao. Sila’y nakilala bilang mga Cynico. Ang pangalang Cynico ay maaaring nagmula sa isang salitang Griego (ky·ni·kosʹ) na naglalarawan sa kanilang malumbay at mapagmataas na saloobin. Ito’y nangangahulugang “tulad-aso.” *
Epekto sa Kanilang Paraan ng Pamumuhay
Bagaman ang gayong mga ideya ng pilosopiyang Cynico na gaya ng pagtutol sa materyalismo at pagpapalugod-sa-sarili sa ganang sarili ay maituturing na kapuri-puri, naging labis-labis naman ang mga Cynico sa kanilang mga ideya. Makikita ito sa buhay ng pinakakilalang Cynico—ang pilosopong si Diogenes.
Si Diogenes ay isinilang noong 412 B.C.E. sa Sinope, isang lunsod sa Dagat na Itim. Lumipat siya kasama ng kaniyang ama sa Atenas, kung saan natutuhan niya ang mga turo ng mga Cynico. Si Diogenes ay tinuruan ni Antisthenes at ginugol ang malaking panahon sa pilosopiyang Cynico. Si Socrates ay namuhay nang simple, at istrikto naman ang buhay ni Antisthenes. Subalit, si Diogenes ay namuhay nang mapagpasakit na buhay. Upang idiin ang pagtanggi niya sa materyal na mga kaalwanan, sinasabing si Diogenes ay tumira nang sandaling panahon sa isang banyera!
Sa paghahanap ng sukdulang kabutihan, si Diogenes ay sinasabing naglakad sa Atenas sa liwanag ng araw dala ang isang nakasinding lampara na naghahanap ng isang may kagalingang tao! Ang gayong paggawi ay nakaakit ng pansin at siyang paraan ng pagtuturo ni Diogenes at ng iba pang Cynico. Sinasabing minsan ay tinanong ni Alejandrong Dakila si Diogenes kung ano ang pinakananais niya. Iniulat na sinabi ni Diogenes na nais lamang niyang tumabi si Alejandro upang hindi niya mahadlangan ang sikat ng araw!
Si Diogenes at ang iba pang mga Cynico ay namuhay na mga pulubi. Wala silang panahon para sa normal na mga kaugnayang pantao, at tinanggihan nila ang mga tungkuling sibiko. Marahil ay naimpluwensiyahan ng pamamaraan ng argumento ni Socrates, sila’y naging lubhang walang-galang sa iba. Si Diogenes ay nakilala sa kaniyang masakit na panunuya. Ang mga Cynico ay nagkaroon ng reputasyon ng pagiging “tulad-aso,” subalit si Diogenes mismo ay binansagang Ang Aso. Namatay siya noong mga 320 B.C.E. nang siya ay mga 90 anyos na. Isang marmol na monumento na may hugis ng isang aso ang itinayo sa ibabaw ng kaniyang libingan.
Ang ibang aspekto ng pilosopiyang Cynico ay isinama sa iba pang mga paaralan ng pilosopiya. Gayunman, nang maglaon ang mga kakatwang bagay na iniuugnay kay Diogenes at sa mga tagasunod noong dakong huli ang nagdala ng kahihiyan sa paaralang Cynico. Sa wakas, ito ay naglaho nang lahat.
Ang mga Cynico sa Ngayon—Dapat Mo Bang Ipamalas ang Kanilang mga Katangian?
Inilalarawan ng The Oxford English Dictionary ang kasalukuyang-panahong cynico bilang “isang tao na mahilig mang-uyam o humanap ng kamalian. . . . Isa na nagpapakita ng disposisyon na hindi naniniwala sa kataimtiman o kabutihan ng mga motibo at kilos ng tao, at namihasang ipahayag ito sa pamamagitan ng mga pagkutya at pagtuya; isang mapangutyang naghahanap ng kamalian.” Ang mga ugaling ito ay nakikita sa daigdig na nakapalibot sa atin, subalit, sabihin pa, ang mga ito ay hindi kasuwato ng Kristiyanong personalidad. Isaalang-alang ang sumusunod na mga turo at mga simulain ng Bibliya.
“Si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Hindi siya habang panahong laging maghahanap ng kamalian, ni lagi man siyang maghihinanakit hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 103:8, 9) Ang mga Kristiyano ay sinabihang ‘maging mga tagatulad sa Diyos.’ (Efeso 5:1) Kung pinili ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na magpakita ng kaawaan at saganang maibiging-kabaitan sa halip na maging “mahilig mang-uyam o maghanap ng kamalian,” tiyak na dapat ding gawin ng mga Kristiyano ang gayon.
Si Jesu-Kristo, ang eksaktong representasyon ni Jehova, ay ‘nag-iwan ng huwaran sa atin upang sundan natin nang maingat ang kaniyang mga yapak.’ (1 Pedro 2:21; Hebreo 1:3) Kung minsan, inilalantad ni Jesus ang relihiyosong mga kasinungalingan at nagpapatotoo may kinalaman sa balakyot na mga gawa ng sanlibutan. (Juan 7:7) Gayunman, pinuri niya ang taimtim na mga tao. Halimbawa, ganito ang sinabi niya hinggil kay Natanael: “Tingnan ninyo, isang tunay na Israelita, na sa kaniya ay walang panlilinlang.” (Juan 1:47) Kapag nagsagawa si Jesus ng isang himala, kung minsan ay pinagtutuunan niya ng pansin ang pananampalataya niyaong ginawan niya ng himala. (Mateo 9:22) At nang ituring ng ilan na napakaluho ang kaloob ng pagpapahalaga ng isang babae, si Jesus ay hindi naging mapang-uyam sa mga motibo nito bagkus ay nagsabi: “Saanman ipangaral ang mabuting balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.” (Mateo 26:6-13) Si Jesus ay isang mapagtiwalang kaibigan at isang mapagmahal na kasama sa kaniyang mga tagasunod, na ‘umiibig sa kanila hanggang sa wakas.’—Juan 13:1.
Yamang sakdal si Jesus, madali sana niyang makita ang kamalian sa di-sakdal na mga tao. Gayunman, sa Mateo 11:29, 30.
halip na magpamalas ng espiritu ng pagiging hindi naniniwala at mapaghanap ng kamalian, sinikap niyang paginhawahin ang mga tao.—“Pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.” (1 Corinto 13:7) Ang pananalitang ito ay tuwirang salungat sa disposisyon ng cynico, na pinagdududahan ang mga motibo at mga kilos ng iba. Sabihin pa, ang daigdig ay punô ng mga taong may natatagong motibo; kaya kailangang mag-ingat. (Kawikaan 14:15) Gayunpaman, ang pag-ibig ay handang maniwala sapagkat ito’y nagtitiwala, hindi labis na mapaghinala.
Iniibig at pinagkakatiwalaan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod. Alam niya ang kanilang mga limitasyon nang higit sa kanilang nalalaman. Subalit, si Jehova ay hindi kailanman nakikitungo sa kaniyang bayan nang may paghihinala, at hindi siya umaasa nang higit sa kanilang makatuwirang magagawa. (Awit 103:13, 14) Bukod pa riyan, tinitingnan ng Diyos ang mabuti sa mga tao, at sa paraang nagtitiwala, nagkakaloob siya ng mga pribilehiyo at awtoridad sa kaniyang matapat, bagaman di-sakdal, na mga lingkod.—1 Hari 14:13; Awit 82:6.
“Akong si Jehova ay sumisiyasat sa puso, sumusuri sa mga bato, upang ibigay nga sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga lakad, ayon sa bunga ng kaniyang mga pakikitungo.” (Jeremias 17:10) May katumpakang mababasa ni Jehova ang puso ng isang tao. Hindi natin magagawa iyon. Samakatuwid, kailangang maging maingat tayo sa pagpapalagay ng ilang motibo sa iba.
Kung pahihintulutan nating magkaugat sa atin at sa wakas ay mangibabaw sa ating pag-iisip ang espiritung mapang-uyam, maaari itong lumikha ng pagkakabaha-bahagi sa pagitan natin at ng mga kapananampalataya. Maaari itong sumira sa kapayapaan ng Kristiyanong kongregasyon. Kaya sundin natin ang halimbawa ni Jesus, na makatotohanan gayunma’y positibo sa kaniyang pakikitungo sa kaniyang mga alagad. Siya’y naging kanilang pinagkakatiwalaang kaibigan.—Juan 15:11-15.
“Gaya ng ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.” (Lucas 6:31) Maraming paraan upang maikapit ang payong ito ni Jesu-Kristo. Halimbawa, gusto nating lahat na tayo’y kausapin nang may kabaitan at paggalang. Kaya nga, dapat nating ipahayag ang ating mga sarili sa iba sa mabait at magalang na paraan. Kahit na nang matinding inilantad ni Jesus ang mga maling turo ng mga lider ng relihiyon, hindi niya kailanman ginawa ito sa mapang-uyam na paraan.—Mateo 23:13-36.
Mga Paraan Upang Labanan ang Pagiging Cynico
Kung tayo’y nakaranas ng mga kabiguan, maaaring madali nating hayaan ang ating mga sarili na maimpluwensiyahan ng pagiging cynico. Malalabanan natin ang hilig na ito sa pamamagitan ng pagpapahalaga na si Jehova ay nakikitungo nang may pagtitiwala sa kaniyang di-sakdal na bayan. Makatutulong ito sa atin na tanggapin ang iba pang mananamba ng Diyos kung ano sila—mga di-sakdal na tao na nagsisikap na gawin ang tama.
Ang masasakit na karanasan ay maaaring umakay sa ilan na huwag magtiwala sa mga tao. Totoo, hindi matalinong ilagak ang ating buong pagtitiwala sa di-sakdal na mga tao. (Awit 146:3, 4) Gayunman, sa loob ng Kristiyanong kongregasyon, marami ang taimtim na nagnanais na maging isang pinagmumulan ng pampatibay-loob. Isip-isipin lamang ang libu-libo na parang mga ina, ama, kapatid na babae, kapatid na lalaki, at mga anak sa mga nawalan ng kanila mismong mga pamilya. (Marcos 10:30) Isip-isipin kung gaano karami ang naging tunay na mga kaibigan sa mga panahon ng kabagabagan. *—Kawikaan 18:24.
Hindi ang pang-uuyam kundi ang pag-ibig sa kapatid ang pagkakakilanlan ng mga tagasunod ni Jesus, sapagkat sinabi niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Kaya magpakita tayo ng pag-ibig, at ituon natin ang ating pansin sa mabubuting katangian ng mga kapuwa Kristiyano. Ang paggawa nito ay tutulong sa atin upang maiwasan ang mga katangian ng isang Cynico.
[Mga talababa]
^ par. 8 Ang isa pang posibilidad ay na ang pangalang Cynico ay galing sa Ky·noʹsar·ges, isang himnasyo sa Atenas kung saan nagturo si Antisthenes.
^ par. 27 Tingnan ang artikulong pinamagatang “Ang Kristiyanong Kongregasyon—Isang Pinagmumulan ng Tulong na Nagpapalakas” sa Ang Bantayan ng Mayo 15, 1999.
[Larawan sa pahina 21]
Ang pinakakilalang Cynico, si Diogenes
[Credit Line]
Mula sa aklat na Great Men and Famous Women