Paghahayag ng Mabuting Balita sa mga Palayan ng Taiwan
Paghahayag ng Mabuting Balita sa mga Palayan ng Taiwan
ANG Taiwan ay karaniwang nagtatamasa ng saganang pag-ulan, na nagpapangyari ritong umani ng palay nang dalawang beses sa bawat taon. Gayunman, paminsan-minsan ay hindi umuulan sa panahon na dapat umulan, at namamatay ang mga punla. Kapag nangyari ito, sumusuko na ba ang magsasaka? Hindi. Batid niyang kailangan ang pagtitiyaga. Nagtatanim siya ng bagong mga punla at muling tinatamnan ang bukid. Pagkatapos, kapag bumuti na ang mga kalagayan, ang magsasaka ay umaani ng mabuting ani. Kung minsan ay nahahawig din dito ang espirituwal na pagtatanim at pag-aani.
Pagtitiyaga sa Espirituwal na Pag-aani
Sa nakalipas na mga taon ang mga Saksi ni Jehova sa Taiwan ay nagpagal upang magtanim at mag-ani ng mga binhi ng maka-Kasulatang katotohanan sa ilang dako na tila ba hindi mabunga. Ang isang halimbawa ay ang Lalawigan ng Miao-li. Kakaunti ang naging pagtugon sa paminsan-minsang pagsisikap na magpatotoo sa lugar na iyon. Kaya noong 1973, isang mag-asawang special pioneer ang naatasang gumawa roon bilang buong-panahong mga tagapaghayag ng Kaharian. Sa simula, ang ilan ay nagpakita ng interes sa mabuting balita. Subalit, agad na naglaho ang interes. Pagkatapos, ang mga special pioneer ay naatasan sa ibang lugar.
Noong 1991, dalawa pang special pioneer ang naatasan doon. Subalit muling ipinakikita ng mga pangyayari na ang kasalukuyang kalagayan ay hindi angkop sa espirituwal na paglago. Pagkalipas ng ilang taon, ang mga special pioneer ay muling naatasan sa inaasahang magiging mas mabungang mga lugar. Sa gayon, ang lupa ay nabungkal subalit hindi natamnan sa loob ng ilang panahon.
Panibagong mga Pagsisikap Upang Umani ng Tagumpay
Noong Setyembre 1998, napagpasiyahang gumawa ng pagsisikap na humanap ng mas mabungang mga lugar sa napakalawak na di-nakaatas na teritoryo sa Taiwan. Paano ito magagawa? Sa pamamagitan ng pag-aatas ng mga 40 pansamantalang special pioneer upang gumawa sa mas mataong mga teritoryo na di-nakaatas.
Dalawang magkatabing lunsod sa Lalawigan ng Miao-li ang kasama sa mga teritoryong napili para sa kampanya. Apat na dalagang sister ang gagawa roon sa loob ng tatlong buwan upang masubok ang teritoryo. Karaka-raka pagdating nila, sumulat sila ng masiglang mga ulat tungkol sa bilang ng mga interesadong tao na natatagpuan nila. Nang matapos na nila ang kanilang tatlong buwan na pagpapayunir sa lugar na iyon, sila’y nagdaraos ng maraming pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Nakapagtatag din sila ng isang grupo sa pag-aaral ng aklat sa tulong ng isang matanda mula sa isang kalapit na kongregasyon.
Tatlo sa mga sister na ito ay nagpahayag na gusto nilang patuloy na pangalagaan ang murang “mga punla” na lumalaki nang husto. Dahil dito, dalawa sa kanila ay nahirang bilang permanenteng mga special pioneer, at ang ikatlo ay patuloy na gumawa roon bilang isang regular pioneer. Isang matanda mula sa kalapit na kongregasyon ang lumipat sa lugar na ito upang tumulong sa kanila. Mahigit na 60 ang dumalo sa unang pahayag pangmadla sa dakong iyon. Ngayon ang kalapit na kongregasyon ay tumutulong sa bagong grupo na ito upang magdaos ng regular na mga pulong kung Linggo bukod pa sa ilang mga pag-aaral sa aklat. Hindi magtatagal at isang bagong kongregasyon ang maitatatag sa lugar na ito.
Ang Pagtitiyaga ay Nagdudulot ng mga Pagpapala sa Iba Pang Bahagi ng Taiwan
Gayundin ang naging pagtugon sa iba pang lugar. Sa Lalawigan ng I-lan sa hilagang-silangan na bahagi ng pulo, isang bagong Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang naitatag sa lugar kung saan gumagawa ang pansamantalang mga special pioneer.
Habang nagbabahay-bahay isang gabi, nakatagpo ng isang pansamantalang special pioneer ang isang binata at ipinakita sa kaniya ang isang handbill na doo’y nakatala ang mga pulong ng kongregasyon. Agad itong nagtanong: “Maaari ba akong dumalo sa pulong bukas ng gabi? Kung maaari, ano ang dapat kong isuot?” Ang payunir na ito ay nagdaraos ng walong pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado bawat linggo. Di-nagtagal, mismong ang ilan sa mga estudyante ng Bibliya ay nagpaplano nang maging mga mamamahayag ng mabuting balita, taglay ang tunguhin na maging bautisado.
Isa pang tao sa bayan ding ito ang palasimba sa loob ng maraming taon subalit hindi siya makasumpong ng isang magtuturo sa kaniya ng Bibliya. Nang marinig niya ang hinggil sa kaayusan sa pag-aaral ng Bibliya, sinunggaban niya agad ang pagkakataon. Siya’y hinimok na maghanda ng kaniyang leksiyon nang patiuna. Nang dumating ang pansamantalang special pioneer upang magdaos ng pag-aaral, nasumpungan niya na ginawa ng babae ang kaniyang “gawaing-bahay” sa pamamagitan ng pagbili ng isang kuwaderno kung saan niya isinulat ang nailimbag na mga katanungan sa kaniyang materyal na pinag-aaralan. Pagkatapos ay isinulat niya ang mga kasagutan sa bawat tanong. Kinopya rin niya sa kaniyang kuwaderno ang lahat ng binanggit na mga kasulatan sa kaniyang leksiyon. Nang dumating na ang sister upang idaos ang unang pag-aaral, naihanda na ng babae ang unang tatlong leksiyon!
Gayunding mga resulta ang nakita sa bayan ng Dongshih sa gitnang Taiwan. Ang pansamantalang mga special pioneer ay nakapagpasakamay ng mahigit na 2,000 brosyur sa loob ng tatlong buwan ng kanilang paggawa roon. Nang ikatlong buwan, sila’y nagdaraos na ng 16 na pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Ang bayan ay lubhang napinsala ng isang lindol na tumama sa gitnang Taiwan noong Setyembre 21, 1999, subalit ang ilan sa mga interesado ay patuloy na sumusulong sa espirituwal, kahit na kailangan nilang maglakbay nang hanggang isang oras upang makadalo sa mga pulong sa pinakamalapit na Kingdom Hall. Oo, kailangan ang pagtitiyaga upang umani ng isang mabuting ani, ito man ay materyal na ani o yaong sa espirituwal na uri.
[Mapa sa pahina 8]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
TSINA
Taiwan Strait
TAIWAN
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.