“Ang Karunungan ay Nasa mga Mahinhin”
“Ang Karunungan ay Nasa mga Mahinhin”
“Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang . . . maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—MIKAS 6:8.
1, 2. Ano ba ang kahinhinan, at paano ito naiiba sa kapangahasan?
ISANG kilalang apostol ang tumangging iukol ang pansin sa kaniyang sarili. Tinawag ng isang malakas-ang-loob na Israelitang hukom ang kaniyang sarili na pinakamaliit sa sambahayan ng kaniyang ama. Ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman ay umamin na hindi niya taglay ang pinakamataas na awtoridad. Bawat isa sa mga lalaking ito ay nagpamalas ng kahinhinan.
2 Ang kahinhinan ay kabaligtaran ng kapangahasan. Ang isang taong mahinhin ay hindi lumalabis sa pagtantiya sa kaniyang mga kakayahan at kahalagahan at hindi mayabang o palalo. Sa halip na maging mapagmataas, hambog, o ambisyoso, ang mahinhing tao ay palaging nakababatid sa kaniyang mga limitasyon. Kaya naman, siya’y gumagalang at nagbibigay ng nararapat na konsiderasyon sa damdamin at pangmalas ng iba.
3. Sa anong paraan ang karunungan ay “nasa mga mahinhin”?
3 May mabuting dahilan kung kaya binanggit ng Bibliya: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” (Kawikaan 11:2) Ang isang mahinhing tao ay matalino sapagkat sinusunod niya ang isang landasing sinasang-ayunan ng Diyos, at iniiwasan niya ang isang pangahas na espiritu na humahantong sa kahihiyan. (Kawikaan 8:13; 1 Pedro 5:5) Ang karunungan ng pagiging mahinhin ay pinatunayan ng landasin ng pamumuhay ng maraming lingkod ng Diyos. Tingnan natin ang tatlong halimbawa na binanggit sa unang parapo.
Si Pablo—Isang “Nasasakupan” at Isang “Katiwala”
4. Anong pambihirang mga pribilehiyo ang tinamasa ni Pablo?
4 Si Pablo ay isang kilalang tao sa gitna ng mga Kristiyano noon, at mauunawaan naman kung bakit. Sa kaniyang pagmiministeryo, naglakbay siya nang libu-libong kilometro sa karagatan at sa lupa, at nakapagtatag siya ng maraming kongregasyon. Karagdagan pa, biniyayaan ni Jehova si Pablo ng mga pangitain at ng kaloob na pagsasalita ng ibang mga wika. (1 Corinto 14:18; 2 Corinto 12:1-5) Kinasihan din niya si Pablo na isulat ang 14 na liham na bahagi ngayon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Maliwanag, masasabi na ang pagpapagal ni Pablo ay nakahihigit sa ginawa ng lahat ng iba pang mga apostol.—1 Corinto 15:10.
5. Paano ipinakita ni Pablo na siya’y may mahinhing pangmalas sa kaniyang sarili?
5 Yamang si Pablo ay nangunguna sa gawaing Kristiyano, maaaring inaasahan ng ilan na ipinagpaparangalan 1 Corinto 15:9) Bilang dating mang-uusig sa mga Kristiyano, hindi kailanman nalimutan ni Pablo na dahil lamang sa di-sana-nararapat na kabaitan kung kaya siya nagkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa paanuman, anupat nagtamasa pa nga ng pantanging mga pribilehiyo ng paglilingkod. (Juan 6:44; Efeso 2:8) Kaya nga, hindi ipinalagay ni Pablo na ang kaniyang pambihirang mga nagawa sa ministeryo ay nagpangyari na makahigit siya sa iba.—1 Corinto 9:16.
niya ang pagiging sikat, anupat ipinagmamalaki pa nga ang kaniyang awtoridad. Subalit, nagkakamali sila, sapagkat si Pablo ay may kahinhinan. Tinawag niya ang kaniyang sarili na “pinakamababa sa mga apostol,” na idinagdag pa: “Hindi ako naaangkop na tawaging apostol, sapagkat pinag-usig ko ang kongregasyon ng Diyos.” (6. Paano nagpakita ng kahinhinan si Pablo sa kaniyang pakikitungo sa mga taga-Corinto?
6 Ang kahinhinan ni Pablo ay kitang-kita sa kaniyang pakikitungo sa mga taga-Corinto. Lumilitaw, ang ilan sa kanila ay humanga sa mga inaakala nilang prominenteng mga tagapangasiwa, kasali na sina Apolos, Cefas, at si Pablo mismo. (1 Corinto 1:11-15) Subalit hindi hinangad ni Pablo ang papuri ng mga taga-Corinto ni sinamantala man ang kanilang paghanga. Nang dinadalaw niya sila, hindi niya iniharap ang kaniyang sarili “taglay ang karangyaan ng pananalita o ng karunungan.” Sa halip, sinabi ni Pablo tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kasama: “Hayaang tayahin tayo ng tao bilang mga nasasakupan ni Kristo at mga katiwala ng mga sagradong lihim ng Diyos.” *—1 Corinto 2:1-5; 4:1.
7. Paano nagpamalas ng kahinhinan si Pablo kahit nagpapayo?
7 Nagpamalas pa nga si Pablo ng kahinhinan nang kailanganing magbigay siya ng matinding payo at patnubay. Nakiusap siya sa kaniyang kapuwa mga Kristiyano “sa pamamagitan ng pagkamadamayin ng Diyos” at “salig sa pag-ibig” sa halip na sa pamamagitan ng bigat ng kaniyang apostolikong awtoridad. (Roma 12:1, 2; Filemon 8, 9) Bakit ito ginawa ni Pablo? Sapagkat talagang minalas niya ang kaniyang sarili bilang isang “kamanggagawa” ng kaniyang mga kapatid, hindi bilang isang ‘panginoon ng kanilang pananampalataya.’ (2 Corinto 1:24) Walang-alinlangang nakatulong ang kahinhinan ni Pablo upang mapamahal siya nang husto sa mga kongregasyong Kristiyano noong unang siglo.—Gawa 20:36-38.
Isang Mahinhing Pangmalas sa Ating mga Pribilehiyo
8, 9. (a) Bakit dapat tayong magkaroon ng isang mahinhing pangmalas sa ating mga sarili? (b) Paano makapagpapamalas ng kahinhinan yaong mga may isang antas ng pananagutan?
8 Si Pablo ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa para sa mga Kristiyano sa ngayon. Anumang pananagutan ang ipinagkatiwala sa atin, walang sinuman sa atin ang dapat mag-isip na tayo’y nakahihigit sa iba. “Kung ang sinuman ay nag-iisip na siya ay kung sino samantalang siya ay walang anuman,” isinulat ni Pablo, “nililinlang niya ang kaniyang sariling isipan.” (Galacia 6:3) Bakit? Sapagkat ang “lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23; 5:12) Oo, hindi natin dapat kalimutan kailanman na lahat tayo’y nagmana ng kasalanan at kamatayan mula kay Adan. Ang pantanging mga pribilehiyo ay hindi nagtataas sa atin mula sa ating mababa at makasalanang kalagayan. (Eclesiastes 9:2) Gaya ng naging kalagayan ni Pablo, tanging sa pamamagitan lamang ng di-sana-nararapat na kabaitan kung kaya ang mga tao ay posibleng magkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa paanuman, anupat nakapaglilingkod pa nga sa kaniya sa isang natatanging tungkulin.—Roma 3:12, 24.
9 Sa pagkatanto nito, hindi ipinaghahambog ng isang taong mahinhin ang kaniyang mga pribilehiyo ni ipinagmamalaki man ang kaniyang mga nagawa. (1 Corinto 4:7) Kapag nagbibigay ng payo o patnubay, ginagawa niya ito bilang isang kamanggagawa—hindi bilang isang panginoon. Mangyari pa, hindi tama para sa isa na mahusay sa ilang gawain na humiling ng papuri o magsamantala sa paghanga ng mga kapananampalataya. (Kawikaan 25:27; Mateo 6:2-4) Ang tanging papuri na mahalaga ay yaong nagmumula sa iba—at dapat na ito’y nakamit nang hindi hinihiling. Makamit man ito, hindi natin dapat hayaang maging dahilan ito upang mag-isip tayo nang higit sa ating sarili kaysa nararapat.—Kawikaan 27:2; Roma 12:3.
10. Ipaliwanag kung paanong ang ilan na waring mabababa ay maaaring sa totoo’y “mayaman [pala] sa pananampalataya.”
10 Kapag tayo’y pinagkatiwalaan ng isang antas ng pananagutan, ang kahinhinan ay tutulong sa atin upang maiwasang magbigay ng di-nararapat na pagtingin sa ating mga sarili, anupat lumilikha ng impresyon na kaya lamang sumusulong ang kongregasyon ay dahil sa ating pagsisikap at mga kakayahan. Halimbawa, baka nga tayo’y likas na magaling magturo. (Efeso 4:11, 12) Gayunman, kung tayo’y mahinhin, kailangang kilalanin natin na ang ilan sa pinakamahahalagang leksiyon na natututuhan sa isang pulong ng kongregasyon ay hindi binibigkas mula sa plataporma. Halimbawa, hindi ba’t napasisigla ka kapag nakikita mo ang isang nagsosolong magulang na regular na dumadalo sa Kingdom Hall kasama ang mga anak? O ang isang nanlulumong kaluluwa na palaging dumadalo sa mga pulong sa kabila ng patuloy na pagkadama ng kawalan ng halaga? O ang kabataan na patuloy na sumusulong sa espirituwal sa kabila ng masasamang impluwensiya sa paaralan at sa iba pang dako? (Awit 84:10) Ang mga indibiduwal na ito ay maaaring hindi nga sikat. Ang mga pagsubok sa katapatan na kinakaharap nila ay karaniwan nang hindi napapansin ng iba. Subalit, maaaring sila ay “mayaman sa pananampalataya” na gaya niyaong mga mas tanyag. (Santiago 2:5) Kung sa bagay, sa dakong huli, ang katapatan ang nagpapangyari na makamit ang pabor ni Jehova.—Mateo 10:22; 1 Corinto 4:2.
Si Gideon—“Ang Pinakamaliit” sa Sambahayan ng Kaniyang Ama
11. Sa anong paraan ipinakita ni Gideon ang kahinhinan sa pakikipag-usap sa anghel ng Diyos?
11 Si Gideon, isang binatang malakas at may matipunong pangangatawan mula sa tribo ni Manases, ay nabuhay noong magulong panahon ng kasaysayan ng Israel. Sa loob ng pitong taon, ang bayan ng Diyos ay nagtiis sa paniniil ng mga Midianita. Gayunman, dumating na ang panahon para iligtas ni Jehova ang kaniyang bayan. Kaya naman, nagpakita ang isang anghel kay Gideon at nagsabi: “Si Jehova ay sumasaiyo, ikaw na magiting at makapangyarihan.” Si Gideon ay mahinhin, kaya hindi niya ipinagparangalan ang di-inaasahang papuring ito. Hukom 6:11-15.
Sa halip, buong-paggalang niyang sinabi sa anghel: “Pagpaumanhinan mo ako, panginoon ko, ngunit kung si Jehova ay sumasaamin, bakit nga sumapit sa amin ang lahat ng ito?” Niliwanag ng anghel ang mga bagay-bagay at sinabi kay Gideon: “Tiyak na ililigtas mo ang Israel mula sa palad ng Midian.” Paano tumugon si Gideon? Sa halip na buong-pananabik na sunggaban ang atas bilang pagkakataon upang magawa niya ang kaniyang sarili na isang bayani, sumagot si Gideon: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Paano ko ililigtas ang Israel? Narito! Ang aking sanlibo ang pinakamababa sa Manases, at ako ang pinakamaliit sa sambahayan ng aking ama.” Isa ngang tunay na kahinhinan!—12. Paano nagpakita si Gideon ng taktika sa pagsasakatuparan sa kaniyang atas?
12 Bago ipadala si Gideon sa labanan, sinubok muna siya ni Jehova. Paano? Sinabihan si Gideon na gibain ang altar ni Baal na pag-aari ng kaniyang ama at putulin ang sagradong poste na nakatayo sa tabi niyaon. Kailangan ang lakas ng loob sa atas na ito, subalit nagpakita rin si Gideon ng kahinhinan at taktika sa paraan ng kaniyang pagsasakatuparan nito. Sa halip na ipakita niya sa madla ang kaniyang gagawin, si Gideon ay gumawa sa kadiliman ng gabi sa panahong malamang na hindi siya mahahalata. Isa pa, ginawa ni Gideon ang kaniyang atas taglay ang kinakailangang pag-iingat. Nagsama siya ng sampung lingkod—marahil upang ang ilan ay magbantay habang ang iba naman ay katulong niya sa paggiba sa altar at sa sagradong poste. * Anuman ang nangyari noon, taglay ang pagpapala ni Jehova, natupad ni Gideon ang kaniyang atas, at sa kalaunan ay ginamit siya ng Diyos upang palayain ang Israel mula sa mga Midianita.—Hukom 6:25-27.
Pagpapamalas ng Kahinhinan at Taktika
13, 14. (a) Paano natin maipakikita ang kahinhinan kapag pinagkalooban tayo ng isang pribilehiyo ng paglilingkod? (b) Paano nagpakita si Brother A. H. Macmillan ng isang mainam na halimbawa sa pagpapamalas ng kahinhinan?
13 Marami tayong matututuhan sa kahinhinan ni Gideon. Halimbawa, paano tayo tumutugon kapag pinagkalooban tayo ng isang pribilehiyo
ng paglilingkod? Una ba nating iniisip ang katanyagan o karangalang idudulot nito? O buong-kahinhinan at may pananalangin nating iniisip kung matutupad natin ang mga kahilingan sa atas? Si Brother A. H. Macmillan, na nakatapos ng kaniyang makalupang landasin noong 1966, ay nagpakita ng mainam na halimbawa may kinalaman dito. Si C. T. Russell, ang unang presidente ng Samahang Watch Tower, ay nagtanong minsan kay Brother Macmillan kung ano ang kaniyang masasabi tungkol sa kung sino ang maaaring pumalit sa pangangasiwa kung siya’y wala. Sa kasunod na pag-uusap, ni minsan ay hindi inirekomenda ni Brother Macmillan ang kaniyang sarili, bagaman napakadali niyang magagawa ito. Sa dakong huli, inalok ni Brother Russell si Brother Macmillan na pag-isipan kung matatanggap niya ang atas. “Hindi ako nakaimik sa aking pagkakatayo,” isinulat ni Brother Macmillan makalipas ang mga taon. “Pinag-isipan ko nga ito, nang buong taimtim, at ipinanalangin nang ilang panahon bago ko sinabi sa kaniya sa wakas na matutuwa akong gawin ang lahat ng aking magagawa para matulungan siya.”14 Hindi nagtagal pagkatapos, namatay si Brother Russell, anupat naiwang bakante ang posisyon ng pagkapresidente ng Samahang Watch Tower. Yamang si Brother Macmillan ang nangangasiwa noon sa panahon ng huling paglilibot ni Brother Russell para mangaral, isang kapatid na lalaki ang nagsabi sa kaniya: “Mac, magandang pagkakataon mo na ito para ikaw ang maging presidente. Ikaw ang pantanging kinatawan ni Brother Russell noong wala siya, at sinabihan niya kaming lahat na sumunod sa lahat ng sasabihin mo. Buweno, umalis siya at hindi na nakabalik. Lumalabas na ikaw ang taong nararapat magpatuloy nito.” Sumagot si Brother Macmillan: “Kapatid, hindi sa ganiyang paraan dapat malasin ang bagay na ito. Ito’y gawain ng Panginoon at ang tanging posisyon na makukuha mo sa organisasyon ng Panginoon ay ang nakikita ng Panginoon na nababagay na ibigay sa iyo; at natitiyak kong hindi ako ang nababagay sa gawaing ito.” Pagkatapos ay ibang tao ang inirekomenda ni Brother Macmillan para sa nasabing posisyon. Gaya ni Gideon, siya’y may mahinhing pangmalas sa kaniyang sarili—isang pangmalas na makabubuting ikapit natin.
15. Ano ang ilang praktikal na paraan na doo’y magagamit natin ang ating kaunawaan kapag tayo’y nangangaral sa iba?
15 Tayo rin ay dapat na maging mahinhin sa paraan ng pagsasakatuparan natin sa ating atas. Si Gideon ay maingat, at hangga’t maaari ay sinikap niyang hindi mapagalit ang mga sumasalansang sa kaniya. Sa gayunding paraan, sa ating gawaing pangangaral, dapat tayong maging mahinhin at maingat sa paraan ng ating pakikipag-usap sa iba. Totoo, tayo’y nakikibahagi sa espirituwal na pakikidigma upang itiwarik ang “mga bagay na matibay ang pagkakatatag” at ang “mga pangangatuwiran.” (2 Corinto 10:4, 5) Subalit hindi natin dapat maliitin ang iba o bigyan sila ng anumang makatuwirang dahilan upang magalit sa ating mensahe. Sa halip, dapat nating igalang ang kanilang mga pangmalas, idiin ang punto na maaaring mapagkasunduan natin, at pagkatapos ay itutok ang pansin sa positibong mga pitak ng ating mensahe.—Gawa 22:1-3; 1 Corinto 9:22; Apocalipsis 21:4.
Si Jesus—Ang Pinakadakilang Halimbawa ng Kahinhinan
16. Paano ipinakita ni Jesus na siya’y may mahinhing pangmalas sa kaniyang sarili?
16 Ang pinakamainam na halimbawa ng kahinhinan ay yaong kay Jesu-Kristo. * Sa kabila ng kaniyang matalik na kaugnayan sa kaniyang Ama, hindi nag-atubili si Jesus na aminin na may ilang bagay na hindi sakop ng kaniyang awtoridad. (Juan 1:14) Halimbawa, nang hilingin ng ina nina Santiago at Juan na ang kaniyang dalawang anak ay maupo sa tabi ni Jesus sa kaniyang kaharian, sinabi ni Jesus: “Ang pag-upong ito sa aking kanang kamay at sa aking kaliwa ay hindi sa akin ang pagbibigay.” (Mateo 20:20-23) Sa isa pang pagkakataon, tahasang inamin ni Jesus: “Hindi ako makagagawa ng kahit isang bagay sa aking sariling pagkukusa . . . hinahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.”—Juan 5:30; 14:28; Filipos 2:5, 6.
17. Paano nagpakita ng kahinhinan si Jesus sa kaniyang pakikitungo sa iba?
17 Si Jesus ay nakahihigit sa di-sakdal na mga tao sa lahat ng paraan, at siya’y nagtataglay ng walang-katulad na awtoridad mula sa kaniyang Ama, si Jehova. Magkagayunman, si Jesus ay mahinhin sa kaniyang pakikitungo sa kaniyang mga tagasunod. Hindi niya sila binigla sa kahanga-hangang pagpapamalas ng kaalaman. Mabilis siyang makiramdam at madamayin at isinaalang-alang niya ang kanilang mga pangangailangan bilang tao. (Mateo 15:32; 26:40, 41; Marcos 6:31) Samakatuwid, bagaman sakdal si Jesus, hindi siya perpeksiyonista. Hindi niya hiniling sa kaniyang mga alagad ang higit sa kanilang maibibigay, at hindi niya kailanman ipinapasan sa kanila ang higit sa kanilang madadala. (Juan 16:12) Hindi nga kataka-taka na siya ay nasumpungan ng marami na nakapagpapanariwa!—Mateo 11:29.
Tularan ang Halimbawa ni Jesus Hinggil sa Kahinhinan
18, 19. Paano natin matutularan ang kahinhinan ni Jesus sa (a) paraan ng ating pangmalas sa ating sarili, at (b) sa paraan ng pakikitungo natin sa iba?
18 Kung ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman ay nagpakita ng kahinhinan, lalo na ngang nararapat na gayundin ang gawin natin. Karaniwan nang atubili ang di-sakdal na mga tao na amining hindi nila taglay talaga ang pinakamataas na awtoridad. Gayunman, bilang pagtulad kay Jesus, nagsisikap ang mga Kristiyano na maging mahinhin. Hindi sila labis na mapagmataas upang hindi bigyan ng pananagutan yaong mga kuwalipikadong magkaroon nito; ni sila’y napakapalalo at ayaw tumanggap ng patnubay mula sa mga may awtoridad na magbigay niyaon. Sa pagpapakita ng matulunging espiritu, hinahayaan nilang ang mga bagay sa kongregasyon ay maganap “nang disente at ayon sa kaayusan.”—1 Corinto 14:40.
19 Ang kahinhinan ay mag-uudyok din sa atin na maging makatuwiran sa ating mga inaasahan sa iba at maging makonsiderasyon sa kanilang mga pangangailangan. (Filipos 4:5) Maaaring taglay natin ang ilang kakayahan at kalakasan na maaaring wala sa iba. Subalit, kung tayo’y mahinhin, hindi natin palaging aasahan ang iba na kumilos sa paraang nais nating ikilos nila. Sa pagkaalam na bawat tao ay may kani-kaniyang limitasyon, buong-kahinhinan nating pagpapasensiyahan ang mga pagkukulang ng iba. Sumulat si Pedro: “Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”—1 Pedro 4:8.
20. Ano ang magagawa natin upang madaig ang anumang tendensiya na maging di-mahinhin?
20 Gaya ng natutuhan natin, ang karunungan ay talagang nasa mga mahinhin. Paano kaya kung masumpungan mong ikaw ay may tendensiyang maging di-mahinhin o pangahas? Huwag masiraan ng loob. Sa halip, sundin ang halimbawa ni David, na nanalangin: ‘Mula sa mga gawang mapangahas ay pigilan mo ang iyong lingkod; huwag mong hayaang manaig sa akin ang mga iyon.’ (Awit 19:13) Sa pagtulad sa pananampalataya ng mga lalaking gaya nina Pablo, Gideon, at—higit kaninuman—ni Jesu-Kristo, personal nating mararanasan ang katotohanan ng pananalitang: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.”—Kawikaan 11:2.
[Mga talababa]
^ par. 6 Ang salitang Griego na isinaling “mga nasasakupan” ay maaaring tumukoy sa isang alipin na tagasagwan sa gawing ibaba ng pinaggagauran sa isang malaking barko. Sa kabaligtaran, ang “mga katiwala” naman ay maaaring pagkatiwalaan ng mas maraming pananagutan, marahil ay ang pangangalaga sa isang ari-arian. Gayunpaman, sa paningin ng karamihan sa mga pinuno, ang katiwala ay alipin din na gaya ng alipin sa galera.
^ par. 12 Ang taktika at pag-iingat ni Gideon ay hindi dapat ipagkamali na isang tanda ng karuwagan. Sa kabaligtaran, ang kaniyang katapangan ay pinatunayan ng Hebreo 11:32-38, na ibinibilang si Gideon sa mga “napalakas” at “naging magiting sa digmaan.”
^ par. 16 Yamang kalakip sa kahinhinan ang kabatiran sa limitasyon ng isa, hindi tama na sabihing si Jehova ay mahinhin. Gayunman, siya’y mapagpakumbaba.—Awit 18:35.
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ba ang kahinhinan?
• Paano natin matutularan ang kahinhinan ni Pablo?
• Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Gideon hinggil sa kahinhinan?
• Paano ipinakita ni Jesus ang pinakadakilang halimbawa ng kahinhinan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 15]
Napamahal si Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano dahil sa kaniyang kahinhinan
[Larawan sa pahina 17]
Gumamit si Gideon ng taktika sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos
[Larawan sa pahina 18]
Si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay nagpapakita ng kahinhinan sa lahat ng kaniyang ginagawa