Bakit Dapat Maging Makatuwiran sa Ating mga Inaasahan?
Bakit Dapat Maging Makatuwiran sa Ating mga Inaasahan?
ANG mga pag-asang natupad at mga ambisyong naabot ay nagbibigay sa atin ng pagkadama ng kasiyahan. Gayunman, walang alinlangan na marami sa ating mga pangarap at mga inaasahan ay hindi nangyayari sa paraang nais natin. Ang paulit-ulit na mga kabiguan sa buhay ay makapagpapadama sa atin ng pagkayamot sa ating mga sarili at maging sa iba. Isang marunong na tao ang angkop na nagsabi: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.”—Kawikaan 13:12.
Ano ang ilang salik na makapagdudulot ng damdamin ng kabiguan? Paano tayo magiging makatuwiran sa ating mga inaasahan? Isa pa, bakit kapaki-pakinabang sa atin ang paggawa ng gayon?
Mga Inaasahan at mga Kabiguan
Sa pagiging mabilis na uri ng buhay sa ngayon, habang higit nating sinisikap na makasabay, tila lalo naman tayong nahuhuli. Ang mga kahilingan sa ating panahon at lakas ay maaaring maging walang puknat, at kapag nabibigo tayong tapusin kung ano ang ating pinasimulang gawin, may tendensiyang sisihin natin ang ating sarili. Maaari pa ngang magsimulang madama natin na binibigo natin ang iba. Si Cynthia, isang asawang babae at ina na nakababatid sa mga panggigipit ng pagiging magulang, ang nagsabi: “Ang pagiging pabagu-bago sa pagtutuwid sa aking mga anak at pagkadamang hindi ko sila sinasanay na mabuti ay nakayayamot.” Si Stephanie, isang tin-edyer, ay nagsabi tungkol sa kaniyang edukasyon: “Wala akong sapat na panahon upang gawin ang lahat ng ibig kong isagawa, at iyon ay nagiging dahilan ng aking pagkayamot.”
Ang di-makatuwirang labis na mga inaasahan ay madaling nagiging perpeksiyonismo, at ito ay maaaring maging lubhang nakasisiphayo. Si Ben, na isang kabataang lalaki na may-asawa, ay nagtapat: “Kapag sinusuri ko ang aking mga kilos, kaisipan, o mga damdamin, lagi kong nakikita kung paano sana naging mas mahusay ang mga ito. Palagi akong naghahangad ng kasakdalan, at nagdudulot ito ng pagkayamot, pagkasiphayo, at kabiguan.” Si Gail, na isang Kristiyanong asawang babae, ay nagsabi: “Ang pag-iisip ng perpeksiyonista ay walang puwang para sa pagkakamali. Nais naming maging mga super-nanay at mga super-asawa. Kailangan naming maging mabunga upang maging maligaya, kaya ang nasasayang na pagsisikap ay nakaiirita sa amin.”
Ngunit isa pang salik na maaaring umakay sa personal na kabiguan ay ang humihinang kalusugan at pagtanda. Ang huminang pagkilos at lakas ay nagpapalaki sa ating mga limitasyon at nakadaragdag sa pagkadama ng pagkasiphayo. “Nayayamot ako sa aking sarili dahil sa kawalang kakayahan na tapusin ang mga bagay na napakadali at napakakaraniwan bago ako nagkasakit,” ang pag-amin ni Elizabeth.
Ang nabanggit ay isang halimbawa ng kung ano ang makapagpapasimula ng mga damdamin ng kabiguan. Kung hindi susupilin, ang gayong damdamin ay maaaring umakay pa nga sa atin na maniwalang hindi tayo pinahahalagahan ng iba. Kaya, anong positibong mga hakbang ang magagawa natin upang maharap ang mga kabiguan at upang malinang ang makatuwirang mga inaasahan?
Mga Paraan Upang Malinang ang Makatuwirang mga Inaasahan
Una, alalahanin na si Jehova ay makatuwiran at maunawain. Pinaaalalahanan tayo ng Awit 103:14: “Nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” Sa pagkaalam sa ating mga kakayahan at mga limitasyon, inaasahan ni Jehova mula sa atin kung ano lamang ang kaya nating ibigay. At isang bagay na hinihiling niya sa atin ang “maging mahinhin sa paglakad na kasama ng [ating] Diyos.”—Mikas 6:8.
Hinihimok din tayo ni Jehova na bumaling sa kaniya sa panalangin. (Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:17) Gayunman, paano iyan makatutulong sa atin? Pinatatatag at pinagiging timbang ng panalangin ang ating pag-iisip. Ang marubdob na panalangin ay isang pagkilala na kailangan natin ng tulong—ito ay tatak ng kahinhinan at kapakumbabaan. Si Jehova ay sabik na tumutugon sa ating mga panalangin sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng kaniyang banal na espiritu, na kabilang sa mga bunga nito ay pag-ibig, kabaitan, kabutihan, at pagpipigil-sa-sarili. (Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23) Ang panalangin ay nakababawas din ng kabalisahan at pagkasiphayo. Sa pamamagitan ng panalangin, “natatamo mo ang kaaliwang hindi mo makukuha sa iba pang pinagmumulan,” ang sabi ni Elizabeth. Sumang-ayon si Kevin: “Nananalangin ako para sa mahinahong puso at malinaw na isip upang mapakitunguhan ko ang isang suliranin. Hindi ako kailanman binibigo ni Jehova.” Alam ni apostol Pablo ang dakilang kahalagahan ng panalangin. Iyan ang dahilan kung bakit iminungkahi niya: “Ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Oo, ang pakikipagtalastasan kay Jehova ay talagang mabisa upang tulungan tayo na malinang ang makatuwirang mga inaasahan sa ating mga sarili at sa iba.
Gayunman, paminsan-minsan ay kailangan natin ang kagyat na pagtiyak. Ang salita sa tamang panahon ay mabuti. Ang kompidensiyal na pakikipag-usap sa isang pinagkakatiwalaan at may-gulang na kaibigan ay makatutulong sa atin na magkaroon ng bagong pangmalas sa kung ano ang nagpapadama sa atin ng kabiguan o kabalisahan. (Kawikaan 15:32; 17:17; 27:9) Nauunawaan ng mga kabataan na nakikipagpunyagi sa mga pagkasiphayo na ang paghingi ng payo sa mga magulang ay tumutulong sa kanila na maging timbang. May pagpapahalagang kumilala ng utang na loob si Kandi: “Ang maibiging patnubay mula sa aking mga magulang ay nagpangyari sa akin na maging higit na makatuwiran at timbang at higit na kanais-nais na kasama.” Oo, ang paalaala sa Kawikaan 1:8, 9 ay lubhang napapanahon: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina. Sapagkat ang mga iyon ay putong na kahali-halina sa iyong ulo at magandang kuwintas sa iyong leeg.”
Mabuti ang pagkabuod tungkol sa mga bunga ng kaisipang perpeksiyonista sa kasabihang: “Ang umasang ang buhay ay babagay sa ating mga kagustuhan ay pag-aanyaya ng pagkasiphayo.” Upang maiwasan ito, kailangan ang pagbabago sa pag-iisip. Ang kapakumbabaan at kahinhinan—ang pagkakaroon ng makatotohanang pangmalas sa ating mga limitasyon—ay tiyak na tiyak na magsasanay sa atin ng timbang at makatuwirang mga inaasahan. Angkop naman, pinag-iingat tayo ng Roma 12:3 na “huwag mag-isip nang higit sa [ating] sarili kaysa nararapat isipin.” Isa pa, pinatitibay tayo ng Filipos 2:3 na magkaroon ng kababaan ng pag-iisip at na ituring ang iba na nakatataas.
Si Elizabeth, na nabanggit kanina, ay nayayamot sa kaniyang sarili dahil sa kaniyang karamdaman. Para sa kaniya, kailangan ang panahon upang makuha ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay at upang maaliw sa pagkaalam na hindi niya nalilimutan ang ating paglilingkod. Si Colin ay hindi makagalaw bunga ng isang nakapanghihinang sakit. Noong una, nakadama siya na ang kaniyang ministeryo ay halos walang halaga kung ihahambing sa kung ano ang kaniyang nagagawa samantalang malusog pa. Sa pagbubulay-bulay sa mga kasulatang gaya ng 2 Corinto 8:12, nagawa niyang pawiin ang mga damdaming ito. Ang talatang ito ay nagsasabi: “Kung ang pagiging handa ay naroroon muna, lalo na itong kaayaaya ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi niya taglay.” “Bagaman mas kakaunti ang maibibigay ko,” ang sabi ni Colin, “maaari pa rin akong magbigay, at iyon ay kalugud-lugod kay Jehova.” Sa Hebreo 6:10, tayo ay pinaaalalahanan: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.”
Kung gayon, paano natin matitiyak kung makatuwiran nga ang ating mga inaasahan? Tanungin ang iyong sarili, ‘Ang akin bang mga inaasahan ay katugma ng mga inaasahan ng Diyos?’ Ang Galacia 6:4 ay nagsasabi: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magmataas may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.” Tandaan, sinabi ni Jesus: “Ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” Oo, bilang mga Kristiyano, mayroon tayong pamatok na dapat pasanin, ngunit ito ay “may kabaitan” at “magaan,” at nangako si Jesus na ito ay makapagpapanariwa kung pag-aaralan natin itong pasanin nang tama.—Mateo 11:28-30.
Ang Makatuwirang mga Inaasahan ay Nagdudulot ng mga Gantimpala
Ang kagyat at namamalaging mga gantimpala ay tunay na nagmumula sa pakikinig at pagkakapit ng payo ng Salita ng Diyos habang tayo ay nagsisikap sa paglinang ng makatuwirang mga inaasahan. Una sa lahat, ito’y may mabuting epekto sa atin sa pisikal na paraan. Si Jennifer, na nakinabang mula sa mga paalaala ni Jehova, ay umamin: “Taglay ko ang higit na lakas at kasiglahan sa buhay.” Angkop naman, hinihimok tayo ng Kawikaan 4:21, 22 na magbigay-pansin sa mga pananalita ni Jehova sa ating mga mata at puso, “sapagkat ito ay buhay sa mga nakasusumpong nito at kalusugan sa buong laman nila.”
Ang isa pang gantimpala ay ang mental at emosyonal na kapakanan. “Kapag inilalantad ko ang aking isip at puso sa Salita ng Diyos, nasusumpungan kong ako’y laging mas maligayang tao,” ang sabi ni Theresa. Totoo, makararanas pa rin tayo ng mga kabiguan sa buhay. Gayunman, magagawa nating higit na mabata ang mga ito. “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo,” ang paghimok ng Santiago 4:8. Nangangako rin si Jehova na palalakasin niya tayo sa pagharap sa mga hamon ng buhay at pagpapalain niya tayo ng kapayapaan.—Awit 29:11.
Ang pagkakaroon ng makatuwirang mga inaasahan ay nagpapangyari sa atin na mapanatili ang espirituwal na katatagan. Ito’y isa ring pagpapala. Mapananatili nating malinaw na nakapako ang ating pansin sa higit na mahahalagang bagay sa buhay. (Filipos 1:10) Ang ating mga tunguhin kung gayo’y makatotohanan at matatamo, na nagdudulot ng higit na kagalakan at kasiyahan. Tayo’y magiging higit na handang ipagkatiwala ang ating mga sarili kay Jehova, sa pagkaalam na gagawin niya ang pinakamabuti. “Samakatuwid, magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon,” sabi ni Pedro. (1 Pedro 5:6) Mayroon pa bang anumang higit na kasiya-siya kaysa sa maparangalan ni Jehova?
[Mga larawan sa pahina 31]
Ang paglinang sa makatuwirang mga inaasahan ay makatutulong sa atin na harapin ang mga pagkasiphayo at mga kabiguan