Humahantong sa Kahihiyan ang Kapangahasan
Humahantong sa Kahihiyan ang Kapangahasan
“Dumating ba ang kapangahasan? Kung gayon ay darating ang kahihiyan; ngunit ang karunungan ay nasa mga mahinhin.”—KAWIKAAN 11:2.
1, 2. Ano ang kapangahasan, at sa anong mga paraan humantong ito sa kapahamakan?
ISANG inggiterong Levita ang namuno sa isang rebelyosong pulutong ng manggugulo laban sa hinirang ni Jehova na mga awtoridad. Isang ambisyosong prinsipe ang nagpanukala ng isang maitim na balak upang agawin ang trono ng kaniyang ama. Isang mainiping hari ang nagwalang-bahala sa maliliwanag na tagubilin ng propeta ng Diyos. Ang tatlong Israelitang ito ay may pare-parehong ugali: kapangahasan.
2 Ang kapangahasan ay isang kalagayan ng puso na nagiging sanhi ng isang mapanganib na banta sa lahat. (Awit 19:13) Ang isang pangahas na tao ay hindi natatakot gumawa ng mga bagay na doo’y wala siyang karapatang gawin. Kadalasan, ito’y humahantong sa kapahamakan. Sa katunayan, dahil sa kapangahasan, napahamak ang mga hari at bumagsak ang mga imperyo. (Jeremias 50:29, 31, 32; Daniel 5:20) Nasilo pa nga nito ang ilan sa mga lingkod ni Jehova at naakay sila tungo sa kanilang kapahamakan.
3. Paano natin malalaman ang tungkol sa mga panganib ng kapangahasan?
3 May mabuting dahilan kung kaya binanggit ng Bibliya: “Dumating ba ang kapangahasan? Kung gayon ay darating ang kahihiyan; ngunit ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” (Kawikaan 11:2) Ang Bibliya ay naglalaan sa atin ng mga halimbawa na nagpapatunay sa pagiging totoo ng kawikaang ito. Ang pagsusuri sa ilan sa mga ito ay tutulong sa atin upang makita ang panganib ng paglampas sa itinakdang mga hangganan. Kung gayon, isaalang-alang natin kung paanong ang inggit, ambisyon, at pagkainip ay nagpangyari sa tatlong lalaking binanggit sa pasimula upang kumilos nang may kapangahasan, na humantong sa kanilang kahihiyan.
Si Kora—Isang Inggiterong Rebelde
4. (a) Sino ba si Kora, at tiyak na naging bahagi siya ng anong makasaysayang mga pangyayari? (b) Sa kaniyang huling mga taon, anong napakasamang gawa ang pinasimunuan ni Kora?
4 Si Kora ay isang Kohatitang Levita, pinsang buo nina Moises at Aaron. Maliwanag na naging tapat siya kay Jehova sa loob ng mga dekada. Si Kora ay nagkapribilehiyo na mapabilang sa mga makahimalang nailigtas sa Dagat na Pula, at malamang na nakibahagi siya noon sa pagsasagawa sa hatol ni Jehova laban sa mga Israelitang sumasamba sa guya sa Bundok Sinai. (Exodo 32:26) Gayunman, nang dakong huli, si Kora ay naging pasimuno sa isang pag-aalsa laban kina Moises at Aaron na kinabibilangan ng mga Rubenitang sina Datan, Abiram, at On, kasama ang 250 Israelitang pinuno. * “Tama na kayo,” ang sabi nila kina Moises at Aaron, “sapagkat ang buong kapulungan ay banal na lahat at si Jehova ay nasa gitna nila. Bakit nga kayo magmamataas sa kongregasyon ni Jehova?”—Bilang 16:1-3.
5, 6. (a) Bakit nagrebelde si Kora kina Moises at Aaron? (b) Bakit masasabing malamang na minaliit ni Kora ang kaniyang sariling dako sa kaayusan ng Diyos?
5 Matapos ang mga taon ng pagiging tapat, bakit nagrebelde si Kora? Tiyak naman na hindi naging malupit si Moises bilang lider ng Israel, sapagkat siya’y “totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Subalit, lumilitaw na nainggit si Kora kina Moises at Aaron at hindi niya nagustuhan ang kanilang katanyagan, at umakay ito sa kaniya upang sabihin—nang may kamalian—na diumano’y kusa at may-kasakiman nilang itinataas ang kanilang mga sarili sa kongregasyon.—Awit 106:16.
6 Malamang na malamang na naging bahagi sa problema ni Kora ang hindi niya pagpapahalaga sa kaniyang sariling mga pribilehiyo sa kaayusan ng Diyos. Totoo, ang mga Kohatitang Levita ay hindi nga mga saserdote, subalit sila naman ay mga guro ng Batas ng Diyos. Sila rin ang nagdadala ng mga muwebles at mga kagamitan ng tabernakulo kapag ang mga ito’y kailangang ilipat. Ito’y hindi isang maliit na atas, sapagkat tanging ang mga indibiduwal lamang na malinis sa pagsamba at sa moral ang maaaring humawak sa banal na mga kagamitan. (Isaias 52:11) Kaya naman, nang harapin ni Moises si Kora, siya, sa diwa, ay nagtatanong, Napakaliit ba ng tingin mo sa iyong atas anupat kailangan mo pa ring kunin ang pagkasaserdote? (Bilang ) Hindi napag-isip-isip ni Kora na ang pinakadakilang karangalan ay ang tapat na paglilingkod kay Jehova ayon sa kaniyang kaayusan—hindi ang pagkakamit ng isang pantanging katayuan o posisyon.— 16:9, 10Awit 84:10.
7. (a) Paano nakitungo si Moises kay Kora at sa kaniyang mga tauhan? (b) Paano humantong sa isang kapaha-pahamak na wakas ang pagrerebelde ni Kora?
7 Inanyayahan ni Moises si Kora at ang kaniyang mga tauhan na magtipon sa kinaumagahan sa tolda ng kapisanan na may dalang mga lalagyan ng apoy at insenso. Si Kora at ang kaniyang mga tauhan ay walang awtoridad na maghandog ng insenso, yamang sila’y hindi mga saserdote. Kung sila’y darating na may dalang mga lalagyan ng apoy at mga insenso, maliwanag na ipinahihiwatig nito na ipinalalagay pa rin ng mga lalaking ito na sila’y may karapatang kumilos bilang mga saserdote—kahit na magdamag silang nagkaroon ng pagkakataon na pag-isipan ang bagay na ito. Nang sila’y humarap kinaumagahan, makatuwiran lamang na ipahayag ni Jehova ang kaniyang matinding galit. Para sa mga Rubenita, ‘ibinuka ng lupa ang bibig nito at nilamon sila.’ Ang iba pa, kasali na si Kora, ay tinupok ng apoy na galing sa Diyos. (Deuteronomio 11:6; Bilang 16:16-35; 26:10) Ang kapangahasan ni Kora ay humantong sa sukdulang kahihiyan—ang di-pagsang-ayon ng Diyos!
Paglabanan ang ‘Hilig na Mainggit’
8. Paano maaaring mahalata ang ‘hilig na mainggit’ sa gitna ng mga Kristiyano?
8 Ang nangyari kay Kora ay isang babala para sa atin. Yamang ang ‘hilig na mainggit’ ay taglay ng di-sakdal na mga tao, mahahalata ito kahit na sa kongregasyong Kristiyano. (Santiago 4:5) Halimbawa, baka tayo’y masyadong palaisip sa posisyon. Gaya ni Kora, baka kainggitan natin yaong mga may pribilehiyong hinahangad natin. O baka tayo’y maging gaya ng unang-siglong Kristiyano na nagngangalang Diotrefes. Siya’y napakapalapintasin hinggil sa apostolikong awtoridad, maliwanag na dahil sa gusto niyang siya ang mangasiwa. Sa katunayan, isinulat ni Juan na si Diotrefes ay “gustong magtaglay ng unang dako.”—3 Juan 9.
9. (a) Anong saloobin tungkol sa mga pananagutan sa kongregasyon ang kailangan nating iwasan? (b) Ano ang tamang pangmalas sa ating dako sa kaayusan ng Diyos?
9 Mangyari pa, hindi naman masama para sa isang lalaking Kristiyano na maghangad ng mga pananagutan sa kongregasyon. Pinasigla pa nga ni Pablo ang hakbanging ito. (1 Timoteo 3:1) Gayunman, hindi natin kailanman dapat ituring ang mga pribilehiyo ng paglilingkod bilang mga sagisag ng karangalan, na para bang sa pagkakamit nito, nakaakyat na tayo sa isang baitang ng tinatawag na hagdan ng pagsulong. Tandaan, sinabi ni Jesus: “Ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging ministro ninyo, at ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.” (Mateo 20:26, 27) Maliwanag, isang kamalian na mainggit sa mga may higit na pananagutan, na para bang ang ating kahalagahan sa Diyos ay nakasalalay sa ating “ranggo” sa loob ng kaniyang organisasyon. Sinabi ni Jesus: “Lahat kayo ay magkakapatid.” (Mateo 23:8) Oo, mamamahayag man o payunir, bagong bautismo o matagal nang nag-iingat ng katapatan—lahat ng buong-kaluluwang naglilingkod kay Jehova ay may mahalagang dako sa kaniyang kaayusan. (Lucas 10:27; 12:6, 7; Galacia 3:28; Hebreo 6:10) Tunay ngang isang pagpapala ang gumawang kabalikat ng milyun-milyong nagsisikap na magkapit ng payo ng Bibliya: “Magbigkis sa inyong mga sarili ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa.”—1 Pedro 5:5.
Si Absalom—Isang Ambisyosong Oportunista
10. Sino si Absalom, at paano niya tinangkang suyuin yaong mga pumaparoon sa hari ukol sa paghatol?
10 Ang landas ng buhay na tinahak ng ikatlong anak ni Haring David, si Absalom, ay naglalaan ng isang aral hinggil sa ambisyon. Ang oportunistang ito na may maitim na balak ay nagsikap na suyuin yaong mga pumupunta sa hari ukol sa paghatol. Una, nagparinig siya na si David ay hindi interesado sa kanilang mga pangangailangan. Pagkatapos ay nagpahalata na siya at dineretso na ang ibig niyang sabihin. “O kung maatasan sana akong hukom sa lupain,” ang patalumpating binigkas ni Absalom, “upang sa akin ay makaparito ang bawat taong may usapin sa batas o kahatulan! Kung magkagayon ay bibigyan ko nga siya ng katarungan.” Ang mapandayang pamumulitika ni Absalom ay walang kinikilalang hangganan. “Kapag may taong lumalapit upang yumukod sa kaniya,” ang sabi ng Bibliya, “iniuunat niya ang kaniyang kamay at sinusunggaban siya at hinahalikan siya. At patuloy na ginagawa ni Absalom ang bagay na tulad nito sa lahat ng mga Israelita na pumaparoon sa hari ukol sa paghatol.” Ano ang naging bunga? “Patuloy na ninanakaw ni Absalom ang mga puso ng mga tao sa Israel.”—2 Samuel 15:1-6.
11. Paano sinikap ni Absalom na agawin ang trono ni David?
2 Samuel 13:28, 29) Gayunman, maaaring noon pa man ay inaasam-asam na ni Absalom ang trono, anupat itinuturing na ang pagpaslang kay Amnon ay isang madaling paraan upang iligpit ang isang karibal. * Anuman ang nangyari, nang sumapit ang takdang panahon, kumilos na si Absalom. Ipinahayag niya sa buong lupain ang kaniyang pagiging hari.—2 Samuel 15:10.
11 Determinado si Absalom na agawin ang pagiging hari ng kaniyang ama. Limang taon bago nito, ipinapaslang niya ang panganay na anak ni David, si Amnon, bilang paghihiganti diumano sa panghahalay sa kapatid na babae ni Absalom na si Tamar. (12. Ipaliwanag kung paano humantong sa kahihiyan ang kapangahasan ni Absalom.
12 Pansamantalang nagtagumpay si Absalom, sapagkat “ang sabuwatan ay patuloy na tumitindi, at ang bayang kasama ni Absalom ay patuloy na dumarami.” Nang maglaon, napilitang tumakas si Haring David upang iligtas ang kaniyang buhay. (2 Samuel 15:12-17) Gayunman, di-nagtagal, naputol agad ang panunungkulan ni Absalom nang siya’y patayin ni Joab, inihagis sa isang hukay, at tinabunan ng mga bato. Akalain mo—ang ambisyosong lalaking ito na naghangad na maging hari ay hindi man lamang tumanggap ng marangal na libing nang siya’y mamatay! * Ang kapangahasan ay talagang humantong sa kahihiyan ni Absalom.—2 Samuel 18:9-17.
Iwaksi ang Sakim na Ambisyon
13. Paano maaaring mag-ugat ang isang ambisyosong espiritu sa puso ng isang Kristiyano?
13 Ang pag-akyat ni Absalom sa kapangyarihan at ang kasunod na pagbagsak niya ay nagsisilbing isang aral para sa atin. Sa malupit na daigdig sa ngayon, karaniwan na para sa mga tao na mambola sa mga nakatataas sa kanila, anupat sinisikap na ipagmagaling ang kanilang mga sarili sa mga ito para lamang pahangain ang mga ito o marahil ay upang makakuha ng isang uri ng pribilehiyo o pag-asenso. Kasabay nito, maaaring nagpapasikat naman sila sa kanilang mga tauhan, anupat umaasang makakamit ang kanilang pabor at suporta. Kung hindi tayo mag-iingat, maaaring mag-ugat sa ating puso ang gayong ambisyosong espiritu. Lumilitaw na nangyari ito sa ilan noong unang siglo, anupat kinailangang magbigay ang mga apostol ng matitinding babala laban sa mga taong ito.—Galacia 4:17; 3 Juan 9, 10.
14. Bakit kailangan nating iwasan ang isang ambisyoso at mapagtanghal-sa-sariling espiritu?
14 Hindi binigyan ni Jehova ng dako sa kaniyang organisasyon ang nagpapalakas-sa-sariling mga taong ito na may maitim na balak na nagsisikap ‘humanap ng sarili nilang kaluwalhatian.’ (Kawikaan 25:27) Sa katunayan, ang Bibliya ay nagbababala: “Lilipulin ni Jehova ang lahat ng madudulas na labi, ang dilang nagsasalita ng mga dakilang bagay.” (Awit 12:3) Si Absalom ay may madudulas na labi. Nagsalita siya nang may pambobola sa mga taong ang pabor ay kailangan niya—para lamang makamit ang pinakahahangad na posisyon ng awtoridad. Sa kabaligtaran naman, isang tunay na pagpapala para sa atin na mapabilang sa isang kapatiran na sumusunod sa payo ni Pablo: “[Huwag gumawa] ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi nang may kababaan ng pag-iisip [anupat ituring] na ang iba ay nakatataas sa inyo.”—Filipos 2:3.
Si Saul—Isang Mainiping Hari
15. Paano ipinakita ni Saul na may panahon noon na siya’y nagtaglay ng kahinhinan?
15 May panahon noon na si Saul, na naging hari ng Israel noong dakong huli, ay nagtaglay ng kahinhinan. Halimbawa, tingnan natin ang nangyari noong kabataan niya. Nang purihin siya ng propeta ng Diyos na si Samuel, buong-pagpapakumbabang sumagot si Saul: “Hindi ba ako ay isang Benjaminita mula sa pinakamaliit sa mga tribo ng Israel, at ang aking pamilya ang pinakawalang-halaga sa lahat ng mga pamilya ng tribo ni Benjamin? Kaya bakit ka nagsasalita sa akin ng ganitong bagay?”—1 Samuel 9:21.
16. Sa anong paraan ipinamalas ni Saul ang isang mainiping saloobin?
16 Gayunman, nang maglaon, nawala ang kahinhinan ni Saul. Nang nakikipagdigma sa mga Filisteo, siya’y umurong patungo sa Gilgal, kung saan inaasahang hihintayin niya si Samuel na dumating at makiusap sa Diyos sa pamamagitan ng mga hain. Nang hindi dumating si Samuel sa takdang panahon, si Saul mismo ang buong-kapangahasang naghandog 1 Samuel 13:8-12.
ng haing sinusunog. Pagkatapos na pagkatapos niya, dumating naman si Samuel. “Ano itong ginawa mo?” tanong ni Samuel. Sumagot si Saul: “Nakita kong nangangalat ang bayan mula sa akin, at ikaw—hindi ka dumating sa itinakdang mga araw . . . Sa gayon ay napilitan ako at inihandog ko ang haing sinusunog.”—17. (a) Sa unang tingin, bakit mukhang makatuwiran ang mga ginawa ni Saul? (b) Bakit pinuna ni Jehova si Saul sa kaniyang ginawa dahil sa pagkainip?
17 Sa unang tingin, mukha namang makatuwiran ang ginawa ni Saul. Tutal, ang bayan ng Diyos noon ay “nasa kagipitan,” “napipighati,” at nanginginig dahil sa kanilang desperadong kalagayan. (1 Samuel 13:6, 7) Mangyari pa, hindi naman masamang magkusa kung hinihingi ng pagkakataon. * Subalit, tandaan na si Jehova ay nakababasa ng puso at nakababatid ng ating kaloob-loobang mga motibo. (1 Samuel 16:7) Samakatuwid, maaaring may nakita siyang ilang salik tungkol kay Saul na hindi tuwirang binanggit sa salaysay ng Bibliya. Halimbawa, maaaring nakita ni Jehova na ang pagkamainipin ni Saul ay udyok ng pagmamataas. Marahil ay inis na inis si Saul na siya—ang hari ng buong Israel—ay kailangang maghintay sa isa na sa pangmalas niya’y isang matanda na at mapagpaliban na propeta! Anuman ang nangyari, inakala ni Saul na ang kabagalan ni Samuel ay nagbigay sa kaniya ng karapatang siya na mismo ang gumawa ng mga bagay-bagay at ipagwalang-bahala ang maliliwanag na tagubilin na ibinigay sa kaniya. Ang resulta? Hindi pinuri ni Samuel ang pagkukusa ni Saul. Sa kabaligtaran, kinagalitan niya si Saul, na sinasabi: “Hindi mamamalagi ang iyong kaharian . . . sapagkat hindi mo tinupad ang iniutos sa iyo ni Jehova.” (1 Samuel 13:13, 14) Minsan pa, ang kapangahasan ay humantong sa kahihiyan.
Mag-ingat Laban sa Pagkainip
18, 19. (a) Ilarawan kung paanong ang pagkamainipin ay magpapangyari sa isang modernong-panahong lingkod ng Diyos na kumilos nang may kapangahasan. (b) Ano ang dapat nating tandaan hinggil sa pagpapatakbo sa kongregasyong Kristiyano?
18 Ang salaysay tungkol sa ginawang kapangahasan ni Saul ay itinala sa Salita ng Diyos para sa ating kapakinabangan. (1 Corinto 10:11) Napakadali para sa atin na mainis sa mga di-kasakdalan ng ating mga kapatid. Gaya ni Saul, baka tayo ay mainip din, anupat inaakala na upang magawa nang tama ang mga bagay-bagay, dapat na tayo ang gumawa ng mga iyon. Halimbawa, ipagpalagay nang ang isang kapatid ay mahusay sa ilang kakayahang pang-organisasyon. Siya’y nasa oras, kaalinsabay sa mga bagong tuntunin sa kongregasyon, at may likas na kahusayan sa pagsasalita at pagtuturo. Kasabay nito, sa tingin niya’y hindi nakaaabot ang iba sa kaniyang metikulosong mga pamantayan, at hindi sila kasinghusay na gaya ng gusto niyang mangyari. Dahil ba rito’y may katuwiran na siyang magpakita ng pagkainip? Dapat ba niyang pintasan ang kaniyang mga kapatid, anupat ipinahihiwatig na kung hindi dahil sa kaniyang mga pagsisikap ay walang mangyayari at hihina ang kongregasyon? Ito’y isang kapangahasan!
19 Ano ba talaga ang nagbubuklod sa isang kongregasyon ng mga Kristiyano? Kakayahang mangasiwa? kahusayan? lalim ng kaalaman? Totoo, ang mga bagay na ito ay nakatutulong sa maayos na takbo ng isang kongregasyon. (1 Corinto 14:40; Filipos 3:16; 2 Pedro 3:18) Gayunman, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay pangunahing makikilala sa kanilang pag-ibig. (Juan 13:35) Kaya nga ang maasikasong mga elder, bagaman gumagawi nang may kaayusan, ay nakababatid na ang kongregasyon ay hindi isang negosyo na nangangailangan ng mahigpit na pangangasiwa; sa halip, ito’y binubuo ng isang kawan na nangangailangan ng mapagmahal na pangangalaga. (Isaias 32:1, 2; 40:11) Ang pangahas na pagwawalang-bahala sa gayong mga simulain ay madalas na nagbubunga ng alitan. Sa kabaligtaran naman, ang makadiyos na kaayusan ay nagluluwal ng kapayapaan.—1 Corinto 14:33; Galacia 6:16.
20. Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
20 Ang salaysay ng Bibliya tungkol kina Kora, Absalom, at Saul ay maliwanag na nagpapakita na ang kapangahasan ay humahantong sa kahihiyan, gaya ng binabanggit sa Kawikaan 11:2. Subalit, ang talata ring iyan ng Bibliya ay nagsabi pa: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” Ano ba ang kahinhinan? Anong mga halimbawa sa Bibliya ang makatutulong upang mabigyang-liwanag ang katangiang ito, at paano tayo makapagpapakita ng kahinhinan sa ngayon? Ang mga tanong na ito ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 4 Yamang si Ruben ang panganay ni Jacob, maaaring ang kaniyang mga inapo na nahikayat ni Kora na magrebelde ay nagdamdam sa pagkakaroon ni Moises—isang inapo ni Levi—ng administratibong awtoridad sa kanila.
^ par. 11 Si Kileab, ang pangalawang anak ni David, ay hindi na binabanggit matapos itong ipanganak. Marahil ay namatay ito bago ang pag-aalsa ni Absalom.
^ par. 12 Noong panahon ng Bibliya, ang paglilibing sa bangkay ng isang namatay na indibiduwal ay isang napakahalagang gawain. Samakatuwid, ang pagiging hindi nailibing ay kapaha-pahamak at karaniwan nang isang kapahayagan ng di-pagsang-ayon ng Diyos.—Jeremias 25:32, 33.
^ par. 17 Halimbawa, dali-daling kumilos si Finehas upang pigilin ang salot na kumitil ng sampu-sampung libong Israelita, at pinasigla ni David ang kaniyang gutom na gutom na mga tauhan na makisalo sa kaniya sa pagkain ng tinapay na pantanghal na nasa “bahay ng Diyos.” Alinman sa ginawang ito ay hindi hinatulan ng Diyos bilang kapangahasan.—Mateo 12:2-4; Bilang 25:7-9; 1 Samuel 21:1-6.
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ba ang kapangahasan?
• Paanong ang inggit ay nagpangyari kay Kora na kumilos nang may kapangahasan?
• Ano ang ating matututuhan mula sa salaysay tungkol sa ambisyosong si Absalom?
• Paano natin maiiwasan ang mainiping espiritu na ipinamalas ni Saul?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 10]
Si Saul ay nainip at kumilos nang may kapangahasan